2020
Ahmad S. Corbitt
Mayo 2020


Ahmad S. Corbitt

Unang Tagapayo sa Young Men General Presidency

Si Ahmad S. Corbitt, 57, ay ipinanganak noong Agosto 1962, kina James Earl Corbitt at Amelia Corbitt. Mahirap lang ang pamilya nila noon at dating nakatira sa proyektong pabahay ng Philadelphia, Pennsylvania, USA, isang lugar na kabi-kabila ang krimen at puno ng mga grupo ng basagulero. Hindi ligtas ang magpagala-gala sa magkakalapit na lugar.

Ngunit ang mga espirituwal na impresyon ng kanyang ina ang gumabay at nagpanatiling ligtas sa kanyang 10 anak. Sa kutob pa lang niya ay alam niya kung kailan dapat maglaro sa labas ang kanyang mga anak at kung kailan sila dapat manatili sa loob ng bahay.

Ang espirituwal na pagkasensitibo na ito ang nagbunsod sa kanya na anyayahan sa kanyang tahanan ang mga missionary mula sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Mula pagkabata hanggang maging binatilyo si Ahmad, siya at ang kanyang pamilya ay nagsisimba sa Nation of Islam, pero kalaunan ay nabinyagan siya sa Protestante. Ngunit ngayon nadama niya ang pagmamahal ng lokal na kongregasyon ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Ang kanyang ina at ilang kapatid ay nabinyagan nang sumunod na buwan. Noong Agosto 16, 1980, sa kanyang ika-18 kaarawan, nagpabinyag din si Ahmad. Ang kanyang amain na si Henry Brandford Campbell ay sumapi sa Simbahan nang sumunod na taon.

“Hindi ito talaga tungkol sa atin,” sabi niya. “Ito ay tungkol sa Diyos at kung ano ang gusto Niyang ipagawa sa atin. Handa tayo na maging mapagpakumbaba at makinig. Inaakay Niya tayo.”

Matapos mag-aral sa Ricks College at maglingkod sa Puerto Rico San Juan Mission mula 1982 hanggang 1984, nakilala niya si Jayne Joslin sa isang young single adult temple trip. Ikinasal ang magkasintahan noong Agosto 24, 1985, sa Washington D. C. Temple at biniyayaan ng anim na anak.

Sa sumunod na siyam na taon, nagtrabaho siya sa araw at nag-aral sa gabi. Nakatapos siya ng mga kurso sa The Richard Stockton College sa New Jersey at Rutgers University Law School.

Naglingkod siya bilang tagapayo sa stake presidency, stake president, high councilor, at president ng Dominican Republic Santo Domingo East Mission.

Si Brother Corbitt ay nagtrabaho bilang isang trial attorney, sa public relations at bilang direktor ng New York Office of Public and International Affairs ng Simbahan. Siya ay kasalukuyang nagtatrabaho sa Missionary Department ng Simbahan.