2020
Elder Thierry K. Mutombo
Mayo 2020


Elder Thierry K. Mutombo

General Authority Seventy

Si Elder Thierry K. Mutombo ay may malakas na patotoo tungkol sa ebanghelyo nang matanggap niya ang kanyang mission call noong binata pa siya. Nabinyagan kasama ng kanyang pamilya sa edad na 10, nasaksihan niya ang matinding pagbabagong ginawa ng ebanghelyo sa kanyang pamilya.

Ngunit kahit naghahanda na siyang magmisyon sa Côte d’Ivoire Abidjan Mission, wala siyang malakas na patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon. Hindi pa niya ito nabasa kahit kailan noon.

Hinikayat si Thierry ng kanyang inspiradong bishop na basahin ang Aklat ni Mormon araw-araw bago siya umalis papuntang misyon. Binigyan niya pa si Thierry ng susi ng meetinghouse ng simbahan para makapag-aral siya nang tahimik.

Araw-araw na nagbasa si Thierry sa loob ng tatlong buwan. Nang pumasok na siya sa mission field, hindi lamang siya nagkaroon ng malakas na patotoo sa Aklat ni Mormon, kundi nagkaroon din siya ng mga gawi sa pag-aaral na nakatulong sa kanya bilang missionary.

“Ang pinakamabisang kasangkapang kailangan natin upang dalhin ang mga tao sa liwanag ng ebanghelyo at tipunin ang ikinalat na Israel ay ang Aklat ni Mormon,” sabi niya.

Si Thierry Kasuangi Mutombo ay ipinanganak sa Kinshasa, Democratic Republic of the Congo, noong Enero 31, 1976, kina Antoine Kasuangi Mutombo at Marie Therese Matsanga Mutombo. Pinakasalan niya si Tshayi Nathalie Sinda sa isang kasal na sibil noong Nobyembre 29, 2002. Sila ay ibinuklod kalaunan sa Johannesburg South Africa Temple noong Nobyembre 19, 2004. Mayroon silang anim na anak.

Si Elder Mutombo ay nagtapos noong 2010 mula sa University of Cepromad na may degree sa business management at noong 2012 na may bachelor’s degree sa human resources management. Nagtrabaho siya para sa Simbahan sa Democratic Republic of the Congo bilang manedyer sa Family History at Human Resources Department at bilang supervisor sa Materials Management Department.

Nang tawagin siya para maging General Authority Seventy, si Elder Mutombo ay naglilingkod bilang pangulo ng Maryland Baltimore Mission. Siya ay naglingkod bilang stake president, tagapayo sa stake presidency, ward mission leader, guro sa Sunday School, at executive stake secretary.