2020
Elder William K. Jackson
Mayo 2020


Elder William K. Jackson

General Authority Seventy

Makalipas ang 23 taon bilang regional medical officer sa U. S. Foreign Service, si William K. Jackson ay nahilingang magbahagi ng 20 pinakamahahalagang karanasan niya habang namumuhay at nagtatrabaho sa pinakamalalayong rehiyon ng mundo.

Habang nag-iisip-isip siya tungkol sa kahilingang iyon bago ang kanyang seremonya sa pagreretiro, natanto niya na “lahat ng 20 sa 20 pinakamahahalagang karanasan ko ay may kinalaman sa Simbahan o sa pamilya,” sabi niya.

Si William King Jackson ay ipinanganak noong Marso 29, 1956, sa Washington, D.C., USA, kina E. William at Lois Andrey Jackson. Lumaki siya sa Ojai, California, USA, ngunit dahil sa mga gawaing boluntayo ng kanyang mga magulang, nakapag-aral din siya sa Honduras, Algeria, at Afghanistan.

Matapos magmisyon sa Bolivia La Paz Mission, nakilala ni Elder Jackson si Ann Kesler noong tag-init ng 1977.

“Para sa akin, pag-ibig iyon sa unang pagkikita,” sabi niya. “Ginugol ko ang nalalabing araw ng tag-init na iyon sa pagkumbinsi sa kanya na ako ang inilaan para sa kanya.”

Ikinasal sila noong Disyembre 29, 1977, sa Los Angeles California Temple. Sila ay may walong anak, tatlo sa kanila ay inampon—mula sa India, Nepal, at Cambodia.

Si Elder Jackson ay nag-aral sa Brigham Young University, nagtapos ng bachelor of science degree mula sa University of California, Berkeley, at nagtapos ng doctor of medicine degree mula sa University of California, San Francisco, noong 1983.

Pagkatapos ng kanyang medical residency, nagtrabaho sila sa ibang bansa nang 26 na taon. Nitong huli ay nagtrabaho siya bilang medical director ng Valley Family Health Care, sa mga lugar sa Idaho at Oregon, USA.

Noong nakatira pa sila sa labas ng Estados Unidos, madalas na nakasalamuha nila ni Sister Jackson ang mga unang henerasyong miyembro ng Simbahan.

“Isa sa mga pinakamalaking bahagi ng aking patotoo sa ebanghelyo ay ang mamasdan ang ginagawa ng ebanghelyo sa mga taong ito na mahal namin,” sabi niya. “Binabago sila nito.”

Si Elder Jackson ay naglingkod bilang Area Seventy, pangulo ng India New Delhi Mission, branch Young Men president, institute teacher, at Gospel Doctrine teacher. Nang tawagin siyang maging General Authority Seventy, siya ay naglilingkod bilang bishop.