2020
Steven J. Lund
Mayo 2020


Steven J. Lund

Young Men General President

Bilang bagong Young Men General President, tinanggap ni Steven J. Lund ang sagradong tungkulin na tumulong sa paggabay sa daan-daang libong kabataan ng Aaronic Priesthood sa isang pandaigdigang Simbahan.

Kung posible lamang na makausap niya sila nang isa-isa, alam na alam niya ang kanyang sasabihin, “Ang pagiging matagumpay na miyembro sa kaharian ng Diyos ay hindi kumplikado. Mahal ka ng Ama sa Langit. Kailangan mo lang na mahalin din Siya. At kung gagawin natin iyan, magiging ligtas at maligaya tayo. … Magkakaroon ng kabuluhan ang buhay natin.”

Ang pagseryoso sa Simbahan ay hindi lamang nangyayari sa araw ng Linggo. Ito ay araw-araw na oportunidad, ayon sa abogadong ito na naging negosyante.

“Ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pagsisimba, pagsisisi sa sandaling nalihis tayo ng ladas, pagbubuka ng ating mga bibig, at pagiging halimbawa ng ebanghelyo—iyan ang plano ng ating Ama sa Langit,” sabi niya.

Si Brother Lund ay ipinanganak noong Oktubre 30, 1953, kina Jay at Toy Ellen Lund at lumaki sa Northern California (Santa Rosa) at Southern California (Long Beach), USA. Ang kanyang pagsisilbi sa U.S. Army ang dahilan kaya siya nakabalik sa Europa, isang kontinente na minahal niya sa panahong naglingkod siya sa Netherlands Amsterdam Mission.

Kasunod ng kanyang serbisyo, nag-aral siya sa Brigham Young University, kung saan siya muling nagkaroon ng koneksyon kay Kalleen Kirk, isang dalaga na nakilala niya habang nasa Germany. Ikinasal kalaunan sina Steven at Kalleen sa Salt Lake Temple noong Agosto 8, 1980. Sila ay may apat na anak.

Nang magtapos ng law degree sa BYU, si Brother Lund ay nagtrabaho bilang abogado bago siya naging pangulo at CEO ng Nu Skin Enterprises. Siya ang kasalukuyang executive chairman ng board of directors ng kumpanya. Isa rin siyang regent ng Utah System of Higher Education.

Si Brother Lund ay naglingkod bilang pangulo ng Georgia Atlanta Mission at bilang coordinator ng Provo City Center Temple Dedication Committee. Naglingkod din siya bilang miyembro ng Young Men general board at bilang Area Seventy.