Elder Adeyinka A. Ojediran
General Authority Seventy
Ang Abril 2020 na pangkalahatang kumperensya ay “isang di-malilimutang Sabado’t Linggo” para kay Elder Adeyinka A. Ojediran.
Ang convert sa Simbahan ay sinang-ayunan bilang General Authority Seventy—ang una para sa isang Nigerian at West African na Banal sa mga Huling Araw. Ang kanyang nag-uumapaw na pasasalamat at galak ay lalo pang nadagdagan nang ibalita ni Pangulong Russell M. Nelson na ang pangatlong templo sa Nigeria ay itatayo sa Benin City.
“Hindi ko iyan inaasahan,” sabi ni Elder Ojediran, na ngiting-ngiti. “Ang marinig sa ating propeta na isa pang templo ang itatayo sa Nigeria ay talagang kamangha-mangha. Para sa akin, iyon ay pagpapatibay na ang gawain ng Panginoon ay kumikilos nang mabilis. Lahat tayo ay maraming gagawin para maihanda ang mga anak ng Diyos para sa Ikalawang Pagparito ng Kanyang Anak.”
Ipinanganak sa Ibadan, Nigeria, noong Abril 5, 1967, kina Amos Adeniyi at Caroline Anike Ojediran, si Adeyinka Ayodeji Ojediran ay nagtapos ng bachelor’s degree sa botany sa University of Ilorin noong 1991 bago nagtapos kalaunan ng master of business administration degree mula sa Ladoke Akintola University of Technology. Nagtrabaho siya sa larangan ng finance at business administration bilang isang propesyonal na chartered accountant. Nagtatrabaho siya bilang business finance manager ng Shell Nigeria bago siya tinawag bilang General Authority.
Tatlong taon matapos siyang mabinyagan, nakilala niya si Olufunmilayo Omolola Akinbebije sa isang pagtitipon. Nagsimulang magdeyt kalaunan ang dalawa, pero ang pagtatrabaho sa magkaibang lungsod ay nangangahulugang “sa telepono lang kami nagkakausap.”
Kalaunan ay ikinasal ang magkasintahan sa Nigeria noong 1998 at ibinuklod sa Johannesburg South Africa Temple noong Nobyembre 14, 2002. Ang mga Ojediran ay may isang anak na babae.
Ipinagpapasalamat ni Elder Ojediran ang bawat katungkulan sa Simbahan na natanggap niya mula nang sumapi sa Simbahan noong 1990 sa edad na 23. Bawat tungkulin sa Simbahan ay nakatulong sa kanya na umunlad at nagbigay sa kanya ng mga sagradong oportunidad na tulungan ang iba na umunlad sa kanilang mga tungkulin at responsibilidad.
Si Elder Ojediran, na naglilingkod bilang Area Seventy nang tawagin siya, ay naglingkod din bilang tagapayo sa mission presidency, stake president, tagapayo sa stake presidency, bishop, tagapayo sa bishopric, at branch president.