2020
Ganap na Kaliwanagan ng Pag-asa
Mayo 2020


2:3

Ganap na Kaliwanagan ng Pag-asa

Dahil pinagtibay muli ng Pagpapanumbalik ang saligang katotohanan na kumikilos nga ang Diyos sa daigdig na ito, makaaasa tayo, dapat tayong umasa, kahit pa nahaharap tayo sa pinakamahihirap na laban.

Noong nakaraang Oktubre, inanyayahan tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na paghandaan itong kumperensya ng Abril 2020 sa pamamagitan ng paggunita sa sari-sarili nating paraan upang makita ang kadakilaan ng kamay ng Diyos sa pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo. Sineryoso namin ni Sister Holland ang paanyayang iyon na mula sa propeta. Inisip namin na kunwari ay nabubuhay kami noong unang bahagi ng 1800s, at nagmamasid sa mga paniniwala sa relihiyon ng panahong iyon. Sa sitwasyong nasa isipan namin, tinanong namin ang aming sarili, “Ano ang kulang dito? Ano ang nais namin na sana ay mayroon kami? Ano ang aasahan naming ipagkakaloob ng Diyos bilang tugon sa inaasam ng aming espiritu?”

Isang bagay ang napagtanto namin, na sa nakalipas na dalawang siglo, taos-puso kaming aasa para sa pagpapanumbalik ng isang mas totoong konsepto tungkol sa Diyos nang higit sa anupaman sa panahong iyon, Siya na tila madalas na nakatago sa likod ng daan-daang taon ng maling paniniwala at di-pagkakaunawaan. Hinihiram ang isang pahayag mula kay William Ellery Channing, isang tanyag na tao sa larangan ng relihiyon noong panahong iyon, hahanapin namin ang “mapag-arugang katangian ng Diyos,” na itinuring ni Channing na “unang dakilang doktrina ng Kristiyanismo.” 1 Kikilalanin ng gayong doktrina ang Diyos bilang isang mapag-arugang Ama sa Langit, sa halip na isang malupit na hukom na nagpapatupad ng mabagsik na katarungan o isang amo na hindi nagpaparamdam, na nakikibahagi noong una sa mga bagay sa mundo subalit ngayon ay abalang-abala sa ibang lugar sa sansinukob.

Oo, ang aming aasahan noong 1820 ay matagpuan ang Diyos na nagsasalita at pumapatnubay nang lantaran sa kasalukuyan na katulad ng ginawa Niya noon, isang tunay na Ama, sa pinakamapagmahal na kahulugan ng salitang iyon. Siya ay tiyak na hindi magiging isang malamig at hindi makatwirang diktador na nauna nang itinadhana sa kaligtasan ang iilang pinili at pagkatapos ay itatalaga sa kapahamakan ang nalalabing sangkatauhan. Hindi, Siya ay yaong nilalang na ang bawat pagkilos, ayon sa pahayag mula sa langit, ay magiging “para sa kapakanan ng sanlibutan; sapagkat mahal niya ang sanlibutan” 2 at lahat na naninirahan dito. Ang pagmamahal na iyan ang Kanyang magiging pangunahing dahilan sa pagpapadala kay Jesucristo, na Kanyang Bugtong na Anak, sa mundo. 3

Hinggil kay Jesus, kung nabuhay kami sa mga unang taong iyon ng ika-19 na siglo, matatanto namin nang may matinding pag-aalala na ang mga pagdududa tungkol sa katotohanan ng buhay at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas ay nagsisimulang magkaroon ng mahigpit na pagkakahawak sa mga Kristiyano. Samakatwid, aasa kami na darating sa buong daigdig ang katibayan na magpapatunay sa pagsaksi ng Biblia na si Jesus ang Cristo, ang literal na Anak ng Diyos, ang Alpha at Omega, at ang tanging Tagapagligtas na makikilala ng daigdig na ito. Isa sa aming magiging pinakamahalagang aasahan ang paglabas ng iba pang mga katibayan mula sa banal na kasulatan, isang bagay na bubuo sa isa pang tipan ni Jesucristo, na palalawakin at daragdagan ang aming kaalaman tungkol sa Kanyang mahimalang pagsilang, kamangha-manghang ministeryo, nagbabayad-salang sakripisyo, at maluwalhating Pagkabuhay na Mag-uli. Tunay na ang gayong dokumento ay magiging “kabutihan … [na] ipadadala mula sa langit; at katotohanan … [na ipadadala] sa lupa.” 4

Pinagmamasdan ang kalagayan ng mga Kristiyano sa panahong iyon, aasa kami na makahanap ng isang taong awtorisado ng Diyos na may tunay na awtoridad ng priesthood na makapagbibinyag sa amin, magbibigay ng kaloob na Espiritu Santo, at mapapangasiwaan ang lahat ng ordenansa ng ebanghelyo na kinakailangan para sa kadakilaan. Noong 1820, aasa kami na makitang matupad ang malilinaw na pangako nina Isaias, Mikas, at iba pang mga sinaunang propeta hinggil sa pagbabalik ng dakilang bahay ng Panginoon. 5 Magagalak kaming makita na maitatag muli ang kaluwalhatian ng mga banal na templo, lakip ang Espiritu, ang mga ordenansa, ang kapangyarihan, at ang awtoridad na ituro ang mga walang-hanggang katotohanan, mapagaling ang mga personal na sugat, at ibuklod ang mga pamilya nang magkakasama magpakailanman. Hahanapin ko kahit saan at sa lahat ng lugar ang isang taong awtorisadong sabihin sa akin at sa aking pinakamamahal na si Patricia na ang aming kasal sa gayong sitwasyon ay nabuklod sa buhay at sa buong kawalang-hanggan, at hindi na kailanman maririnig o mapapataw sa amin ang kalagim-lagim na sumpang “hanggang paghiwalayin kayo ng kamatayan.” Alam ko na “sa bahay ng [ating] Ama ay maraming tahanan,” 6 subalit, para sa akin, kung magiging napakapalad ko man na manahin ang isa sa mga ito, maituturing ko itong isang nabubulok na dampa kung hindi ko kasama si Pat at ang aming mga anak para makabahagi sa manang iyon. At para sa aming mga ninuno, ang ilan ay nabuhay at namatay noong una pa nang hindi naririnig ang pangalan ni Jesucristo, aasa kami na maipanumbalik ang yaong pinakamakatarungan at maawaing turo sa banal na kasulatan—ang paggawa ng mga nabubuhay sa mga nakapagliligtas na ordenansa para sa kanilang mga yumaong kamag-anak. 7 Wala na akong maisip na gawain na magpapakita nang may higit na karingalan sa malasakit ng isang nagmamahal na Diyos para sa lahat ng Kanyang mga anak sa mundo kailanman sila nabuhay o saanman namatay.

Ang aming 1820 na listahan ng mga aasahan ay maaaring madagdagan, subalit marahil, ang pinakamahalagang mensahe ng Pagpapanumbalik ay na ang gayong mga inaasahan ay hindi mawawalang-saysay. Simula sa Sagradong Kakahuyan at nagpapatuloy hanggang sa araw na ito, ang mga gayong pagnanais ay nagsimulang maging katotohanan at, tulad ng itinuro ni Apostol Pablo at ng iba pa, mga tunay na angkla ng kaluluwa, na matibay at matatag. 8 Ang inaasahan lamang noon ay naging kasaysayan na ngayon.

Gayon ang aming paggunita sa 200 taon ng kabutihan ng Diyos sa daigdig. Subalit ano ang aming tinatanaw sa hinaharap? May mga inaasahan pa rin kami na hindi pa natutupad. Maging habang nagsasalita tayo, tayo ay nakikidigma na “kinakailangan ang tulong ng lahat” laban sa COVID-19, isang taimtim na paalala na ang isang virus 9 na 1,000 beses na mas maliit kaysa sa isang butil ng buhangin 10 ay magagawang paluhurin ang buong populasyon at ang pandaigdigang ekonomiya. Ipinagdarasal natin ang mga taong nawalan ng mga mahal sa buhay sa bagong salot na ito, pati na ang mga taong nakapitan o nanganganib sa sakit na ito. Totoong ipinagdarasal namin ang mga taong buong husay na nangangalaga sa ating kalusugan. Kapag nadaig natin ito—at magagawa natin—nawa’y maging gayundin tayo kasigasig sa pagpapalaya sa daigdig sa virus ng pagkagutom, at pagpapalaya sa mga karatig bayan at bansa sa virus ng kahirapan. Umaasa tayo para sa mga paaralan kung saan tinuturuan ang mga estudyante—nang hindi natatakot na mabaril sila—at para sa personal na dangal ng bawat anak ng Diyos, na hindi nadudungisan ng anumang uri ng panghuhusga sa mga lahi, etniko, o relihiyon. Nagbibigkis sa lahat ng ito ay ang ating walang humpay na pag-asa para sa mas maigting na debosyon sa dalawang pinakadakila sa lahat ng kautusan: ibigin ang Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang payo at ibigin ang ating kapwa sa pamamagitan ng pagpapakita ng kabaitan at pakikiramay, pagtitiis at pagpapatawad. 11 Ang dalawang panuntunang ito na galing sa langit ay mananatili pa rin—at magpakailanman—ang tanging tunay na pag-asa na mayroon tayo para sa pagbibigay sa ating mga anak ng mas mabuting daigdig kaysa sa mayroon sila ngayon. 12

Dagdag pa sa mga pandaigdigang pagnanais na ito, marami sa tagapakinig dito ngayon ang may malalalim na personal na pag-asa: pag-asang mapabuti ang buhay may-asawa, o minsan ay pag-asang makasal; pag-asang malupig ang adiksyon; pag-asang bumalik ang isang naliligaw na anak; pag-asang mapawi ang daan-daang uri ng pisikal at emosyonal na hapdi. Dahil pinagtibay muli ng Pagpapanumbalik ang saligang katotohanan na kumikilos nga ang Diyos sa daigdig na ito, makaaasa tayo, dapat tayong umasa, kahit pa nahaharap tayo sa pinakamahihirap na laban. Ito ang ibig sabihin ng banal na kasulatan noong nagawa ni Abraham na umasa laban sa pag-asa 13 —na, nagawa niyang maniwala sa kabila ng lahat ng dahilan para hindi maniwala—na siya at si Sara ay magkakaroon ng anak noong tila ba lubos na imposible na iyon. Kaya, itinatanong ko, “Kung marami sa ating inaasahan noong 1820 ang nagsimulang matupad sa pamamagitan ng pagsinag ng langit sa isang ordinaryong batang lalaki na nakaluhod sa isang kumpol ng mga puno sa hilagang bahagi ng New York, bakit hindi tayo umasa na ang mabubuting pagnanais at paghahangad na katulad ng kay Cristo ay kamangha-mangha at mahimalang sasagutin pa rin ng Diyos ng lahat ng pag-asa?” Kailangan nating lahat na maniwala na ang ninanais natin sa kabutihan ay magiging atin pa rin balang-araw, sa anuman, o sa paano mang paraan.

Mga kapatid, alam natin ang ilan sa mga kakulangan sa relihiyon noong unang bahagi ng ika-19 na siglo. Dagdag pa rito, alam natin ang ilang bagay tungkol sa mga kakulangan ngayon sa relihiyon na iniiwan pa rin ng hindi natutugunang gutom at pag-asa ng ilan. Alam natin na ang ilan sa mga kawalang-kasiyahang iyon ay nag-aakay sa ilan palayo sa mga tradisyonal na institusyon ng relihiyon. Alam din natin, tulad ng isinulat ng isang nababalisang manunulat, na “marami sa mga pinuno ng mga relihiyon [ngayon] ang tila walang kamalayan” sa pagtugon sa ganitong uri ng panghihina, tumutugon gamit ang “malabnaw na lugaw ng pampalubag-loob na turo, walang halagang aktibismo, maingat na itinatagong huwad na paniniwala, [o kung minsan] ay walang kabuluhang kalokohan” 14 —at lahat ng ito sa isang panahon kung kailan higit na nangangailangan ang daigdig, kung kailan higit na karapat-dapat ang sumisibol na henerasyon, at noong panahon ni Jesus ay higit pa ang Kanyang inialok. Bilang mga disipulo ni Cristo, magagawa natin sa ating panahon na pangibabawan ang mga yaong sinaunang Israelita na dumaing, “Ang [aming] mga buto ay natuyo, at ang [aming] pag-asa ay nawala.” 15 Tunay nga, kapag nawalan na tayo ng pag-asa, nawawala ang ating huling panghahawakan. Sa ibabaw mismo ng pasukan ng impiyerno ay isinulat ni Dante ang isang babala sa lahat ng yaong naglalakbay sa pamamagitan ng kanyang Divina Commedia: “Talikuran ang lahat ng pag-asa,” sabi niya, “ikaw na papasok dito.” 16 Tunay na kapag nawala ang pag-asa, ang maiiwan lamang sa atin ay ang apoy ng impiyerno na sumisiklab sa lahat ng panig.

Kaya kapag wala na tayong mapupuntahan at, katulad ng sinasabi ng himno, “lahat man sa [ati’y] magtaksil,” 17 isa sa ating magiging pinakakailangang kabutihan ang mahalagang kaloob na ito na hindi maihihiwalay sa ating pananampalataya sa Diyos at sa ating pag-ibig sa kapwa.

Sa ikadalawang daang taong ito, kapag muli nating babalikan ang lahat ng ibinigay sa atin at magsasaya sa pagkilala sa napakaraming pag-asang natupad na, uulitin ko ang saloobin ng isang maganda at batang returned sister missionary na sinabi sa amin sa Johannesburg ilang buwan na ang nakararaan, “Hindi [tayo] umabot dito para hanggang dito lang tayo.” 18

Binabago ang ilang salita ng isa sa mga pinaka-nakaaantig na pahayag na naitala sa banal na kasulatan, sinasabi ko kasama ni propetang Nephi at ng batang sister na iyon:

“Mga minamahal kong kapatid, matapos na [matanggap ninyo ang mga yaong bunga ng Pagpapanumbalik], itatanong ko kung ang lahat ay nagawa na? Masdan, sinasabi ko sa inyo, Hindi. …

“… Kaya nga, kinakailangan kayong magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao. … Kung kayo ay magpapatuloy[,] … wika ng Ama: Kayo ay magkakaroon ng buhay na walang-hanggan.” 19

Nagpapasalamat ako, mga kapatid ko, sa lahat ng ipinagkaloob sa atin sa huli at pinakadakila sa lahat ng dispensasyong ito, ang dispensasyon ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Ang mga kaloob at pagpapalang nagmumula sa ebanghelyong iyan ay napakahalaga para sa akin—napakahalaga—kaya sa pagsisikap na pasalamatan ang aking Ama sa Langit para sa mga ito, ako ay may “mga pangakong tutuparin, at bago matulog ay milya-milya ang tatahakin, at bago matulog ay milya-milya ang tatahakin.” 20 Nawa ay magpatuloy tayo nang may pagmamahal sa ating mga puso, naglalakad nang may “kaliwanagan ng pag-asa” 21 na magbibigay-liwanag sa landas ng banal na paghihintay na kinatatayuan na natin ngayon sa loob nang 200 taon. Pinatototohanan ko na ang hinaharap ay magiging punung-puno ng himala at pagpapalain nang masagana katulad ng nakaraan. Nasa sa atin ang lahat ng dahilan para umasa sa mga pagpapalang mas dakila kaysa sa mga yaong natanggap na natin, dahil ito ang gawain ng Pinaka-makapangyarihang Diyos, ito ang Simbahan ng patuloy na paghahayag, ito ang ebanghelyo ni Cristo na walang katapusan ang biyaya at kabutihan. Pinatototohanan ko ang lahat ng katotohanang ito at higit pa, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. “The Essence of the Christian Religion,” sa The Works of William E. Channing (1888), 1004.

  2. 2 Nephi 26:24.

  3. Tingnan sa Juan 3:16–17.

  4. Moises 7:62.

  5. Tingnan sa Isaias 2:1–3; Ezekiel 37:26; Mikas 4:1–3; Malakias 3:1.

  6. Juan 14:2.

  7. Tingnan sa I Mga Taga-Corinto 15:29; Doktrina at mga Tipan 128:15–17.

  8. Tingnan sa Sa Mga Hebreo 6:19; Eter 12:4.

  9. Tingnan sa Na Zhu at iba pa, “A Novel Coronavirus from Patients with Pneumonia in China, 2019,” New England Journal of Medicine, Peb. 20, 2020, 727–33.

  10. Tingnan sa “Examination and Description of Soil Profiles,” sa Soil Survey Manual, inedit ni C. Ditzler, K. Scheffe, at H. C. Monger (2017), nrcs.usda.gov.

  11. Tingnan sa Mateo 22:36–40; Marcos 12:29–33; tingnan din sa Levitico 19:18; Deuteronomio 6:1–6.

  12. Tingnan sa Eter 12:4.

  13. Tingnan sa Mga Taga-Roma 4:18.

  14. R. J. Snell, “Quiet Hope: A New Year’s Resolution,” Public Discourse: The Journal of the Witherspoon Institute, Dis. 31, 2019, thepublicdiscourse.com.

  15. Ezekiel 37:11.

  16. Ito ang karaniwang salin ng talatang ito. Gayunman, ang mas literal na salin ay “All hope abandon, ye who enter here [Talikuran ang lahat ng pag-asa, ikaw na papasok dito]” (Dante Alighieri, “The Vision of Hell,“ sa Divine Comedy, isinalin ni Henry Francis Cary [1892], canto III, linya 9).

  17. “Manatili sa Piling Ko” Mga Himno, blg. 97.

  18. Judith Mahlangu (multistake na kumperensya malapit sa Johannesburg, South Africa, Nob. 10, 2019), sa Sydney Walker, “Elder Holland Visits Southeast Africa during ‘Remarkable Time of Growth,’” Church News, Nob. 27, 2019, thechurchnews.com.

  19. 2 Nephi 31:19–20; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  20. “Stopping by Woods on a Snowy Evening,” mga linya 14–16, sa The Poetry of Robert Frost: The Collected Poems, inedit ni Edward Connery Lathem (1969), 225.

  21. 2 Nephi 31:20.