2020
Pagbabahagi ng Mensahe ng Pagpapanumbalik at ng Pagkabuhay na Mag-uli
Mayo 2020


2:3

Pagbabahagi ng Mensahe ng Pagpapanumbalik at ng Pagkabuhay na Mag-uli

Ang Pagpapanumbalik ay para sa sanlibutan, at ang mensahe nito ay lalong kinakailangan sa panahong ito.

Sa buong pangkalahatang kumperensyang ito, nangusap tayo at umawit nang may galak tungkol sa katuparan ng ipinropesiya noon na “pagsasauli sa dati ng lahat ng mga bagay,” 1 tungkol sa “[pagtitipon ng] lahat ng mga bagay kay Cristo,” 2 tungkol sa pagbabalik ng kabuuan ng ebanghelyo, ng priesthood, at ng Simbahan ni Jesuscristo sa mundo, lahat ng ito ay inilalarawan natin sa titulong “ang Pagpapanumbalik.”

Gayunman, ang Pagpapanumbalik ay hindi lamang para sa atin na nagagalak ngayon dito. Ang mga paghahayag sa Unang Pangitain ay hindi lamang para kay Joseph Smith kundi ibinibigay bilang liwanag at katotohanan para sa sinumang “nagkukulang ng karunungan.” 3 Ang Aklat ni Mormon ay pag-aari ng sangkatauhan. Ang mga ordenansa ng priesthood para sa kaligtasan at kadakilaan ay inihanda para sa bawat tao, pati sa mga yaong pumanaw na sa mundong ito. Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at ang mga pagpapala nito ay para sa lahat ng nagnanais nito. Ang kaloob na Espiritu Santo ay para sa lahat. Ang Pagpapanumbalik ay para sa sanlibutan, at ang mensahe nito ay lalong kinakailangan sa panahong ito.

“Kaya nga, anong laking kahalagahan na ang mga bagay na ito ay ipaalam sa mga naninirahan sa mundo, upang kanilang malaman na walang laman ang makapananahanan sa kinaroroonan ng Diyos, maliban sa pamamagitan ng kabutihan, at awa, at biyaya ng Banal na Mesiyas, na nag-alay ng kanyang buhay ayon sa laman, at binawi itong muli sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu, upang kanyang mapapangyari ang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay.” 4

Mula noong araw na pinuno ng kapatid ng Propeta na si Samuel Smith ang kanyang bag ng bagong limbag na mga kopya ng Aklat ni Mormon at nagsimulang maglakbay para ibahagi ang bagong banal na kasulatan, ang mga Banal ay gumawa na nang walang humpay upang “ang mga bagay na ito ay ipaalam sa mga naninirahan sa mundo.”

Noong 1920, si Elder David O. McKay na miyembro noon ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay nagsimulang maglakbay nang buong taon sa mga mission ng Simbahan. Noong Mayo 1921, nakatayo siya sa isang maliit na sementeryo sa Fagali‘i, Samoa, sa harap ng maganda at maayos na mga puntod ng tatlong maliliit na bata, isang anak na babae at dalawang anak na lalaki nina Thomas at Sarah Hilton. Ang mga musmos na ito—ang panganay ay dalawang taong gulang—ay pumanaw sa panahong naglilingkod sina Thomas at Sarah bilang mga bata pang missionary couple noong huling bahagi ng 1800s.

Bago umalis sa Utah, nangako si Elder McKay kay Sarah, na isa nang balo, na dadalawin niya ang mga puntod ng mga anak nito sa Samoa dahil hindi na nakabalik si Sarah doon. Sumulat si Elder McKay sa kanya, “Ang iyong munting mga anak, Sister Hilton, sa katahimikang lubos na nakaaantig … ay ipinagpapatuloy ang dakilang gawaing misyonero na sinimulan mo sa nakalipas na halos tatlumpung taon.” Pagkatapos ay idinagdag ang sarili niyang komposisyon:

Buong pagmamahal na ipinikit ang kanilang mga mata,

Buong pagmamahal na inihimlay ang kanilang munting katawan,

Sa kanilang mga puntod mga dayuhan ang lumilingap,

Mga dayuhang gumagalang, at nalulumbay. 5

Ang kuwentong ito ay isa lamang sa libu-libo, daan-daang libo, na nagsasalaysay ng tungkol sa panahon, yaman, at buhay na isinakripisyo sa nakalipas na 200 taon para ibahagi ang mensahe ng Pagpapanumbalik. Nananatiling matibay sa panahong ito ang hangarin natin na mapasok ang bawat bansa, lahi, wika, at tao, na pinatutunayan ng sampu-sampung libong mga dalaga at binata, at mga mag-asawa na kasalukuyang naglilingkod bilang mga full-time missionary; ng mga miyembro ng Simbahan sa pangkalahatan, na inuulit ang paanyaya ni Felipe na pumarito ka at tingnan mo, 6 at ang milyun-milyong dolyar na ginugugol taun-taon para maitaguyod ang gawaing ito sa iba’t ibang dako ng mundo.

Bagama’t ang aming paanyaya ay walang pamimilit, umaasa kami na magiging kahika-hikayat ang mga ito sa mga tao. Para mangyari iyan, naniniwala ako na kinakailangang gawin ang kahit tatlong bagay: una, ang inyong pagmamahal; pangalawa, ang inyong halimbawa; at pangatlo, ang paggamit ninyo ng Aklat ni Mormon.

Ang mga paanyaya natin ay hindi maaaring para sa pansariling interes; sa halip, ang mga ito ay dapat kakitaan ng di-makasariling pagmamahal. 7 Ang pagmamahal na ito, na kilala bilang dalisay na pag-ibig ni Cristo, ay matatamo hilingin lamang natin. Tayo ay inaanyayahan, at inuutusan din, na “manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang [tayo] ay mapuspos ng ganitong pag-ibig.” 8

Bilang halimbawa, ibabahagi ko ang karanasan na ikinuwento ni Sister Lanett Ho Ching, na kasalukuyang naglilingkod kasama ang kanyang asawa na si President Francis Ho Ching, na nangungulo sa Samoa Apia Mission. Ikinuwento ni Sister Ho Ching:

“Maraming taon na ang nakakaraan, lumipat ang maliit naming pamilya sa isang munting tahanan sa Laie, Hawaii. Ang garahe ng aming tahanan ay ginawang studio apartment, kung saan nanirahan ang lalaking nagngangalang Jonathan. Kapit-bahay namin si Jonathan sa ibang lugar. Dahil nadama naming hindi nagkataon lang kung bakit kami pinagsama ng Panginoon, nagpasiya kami na maging mas hayagan sa pagsasabi ng tungkol sa aming mga aktibidad at pagiging miyembro sa Simbahan. Masaya si Jonathan sa pagkakaibigan namin at gusto niyang kasama ang aming pamilya. Gusto niyang malaman ang tungkol sa ebanghelyo, ngunit hindi siya interesado na magpabinyag sa Simbahan.

“Kalaunan, si Jonathan ay tinawag na ‘Tito Jonathan’ ng aming mga anak. Habang lumalaki ang aming pamilya, lalong naging interesado si Jonathan sa mga nangyayari sa aming buhay. Ang mga pag-iimbita namin sa mga holiday party, birthday, kaganapan sa paaralan, at mga aktibidad sa Simbahan ay sinamahan ng pag-iimbita sa mga family home evening at mga binyag ng mga anak.

“Isang araw nakatanggap ako ng tawag sa telepono mula kay Jonathan. Kailangan niya ng tulong. Mayroon siyang diyabetis at nagkaroon siya ng matinding impeksyon sa paa at kailangang putulin ito. Hindi siya pinabayaan ng aming pamilya at ng mga kapitbahay na miyembro ng ward sa panahong iyon ng pagsubok. Nagsalitan kami sa pagbabantay sa ospital, at ibinigay ang mga basbas ng priesthood. Habang nagpapagaling si Jonathan, sa tulong ng mga Relief Society sister, nilinis namin ang kanyang apartment. Ang mga prieshood brethren ay gumawa ng rampa sa kanyang pintuan at mga hawakan sa banyo. Nang makauwi na si Jonathan, labis siyang naantig.

“Si Jonathan ay nagsimulang makinig muli sa mga lesson ng mga missionary. Isang linggo bago ang Bagong Taon, tumawag siya sa akin at nagtanong, ‘Ano ang gagawin ninyo sa Bisperas ng Bagong Taon?’ Ipinaalala ko sa kanya ang aming taunang party. Ngunit ang sagot niya ay, ‘Gusto kong pumunta kayo sa aking binyag! Gusto kong simulan nang tama ang bagong taon na ito.’ Pagkaraan ng 20 taon ng pag-anyayang ‘pumarito at tingnan,’ ‘pumarito at tumulong,’ at ‘pumarito at mamalagi,’ ang mahalagang kaluluwang ito ay handa nang mabinyagan.

“Noong 2018, nang matawag kaming maging mission president at kompanyon, humihina na ang katawan ni Jonathan. Nakiusap kami sa kanya na manatiling malakas at hintayin ang pagbabalik namin. Nakatagal siya ng halos isang taon, ngunit inihahanda na siya ng Panginoon sa pag-uwi. Pumanaw siya nang mapayapa noong Abril 2019. Pumunta ang aking mga anak na babae sa libing ng kanilang ‘Tito Jonathan’ at inawit ang kanta ring iyon na inawit namin sa kanyang binyag.”

Ipapaalam ko ang pangalawang kinakailangan para matagumpay na maibahagi ang mensahe ng Pagpapanumbalik gamit ang tanong na ito: ano ang makapaghihikayat sa isang tao para tanggapin ang inyong paanyaya? Hindi ba’t kayo, ang halimbawa ng inyong buhay? Marami sa mga nakarinig at tumanggap ng mensahe ng Pagpapanumbalik ang nahikayat muna sa mga nakikita nila sa isang miyembro o mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo. Maaaring ito ay sa paraan ng pakikitungo nila sa iba, mga bagay na sinasabi nila o hindi nila sinasabi, ang katatagan na ipinapakita nila sa mahihirap na sitwasyon, o ang kanilang mukha o anyo lamang. 9

Anuman ito, hindi natin matatakasan ang katotohanan na kinakailangan nating maunawaan at ipamuhay ang mga alituntunin ng ipinanumbalik na ebanghelyo sa abot ng ating makakaya para maging kahika-hikayat ang ating mga paanyaya. Ito ay isang bagay na madalas tukuyin ngayon na pagiging tunay at tapat. Kung nananahan sa atin ang pagmamahal ni Cristo, malalaman ng iba na tunay ang pagmamahal natin sa kanila. Kung ang liwanag ng Banal na Espiritu ay nagliliwanag sa atin, pagniningasin nito ang Liwanag ni Cristo na nasa kanila. 10 Ang ugali at ginagawa ninyo ay magpapadama na tunay at tapat ang inyong paanyaya na pumarito para maranasan ang kagalakan ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Ang pangatlong kinakailangang gawin ay gamitin nang madalas ang kasangkapan sa pagbabalik-loob na itinalaga ng Panginoon para sa huling dispensasyong ito ng ebanghelyo, ang Aklat ni Mormon. Ito ay nakikita at nahahawakang katibayan ng pagiging propeta ni Joseph Smith at nakakukumbinsing katibayan ng pagiging Diyos at ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. Ang paglalarawan at pagpapaliwanag nito sa plano ng pagtubos ng ating Ama ay walang katulad. Kapag ibinabahagi ninyo ang Aklat ni Mormon, ibinabahagi ninyo ang Pagpapanumbalik.

Noong tinedyer pa si Jason Olsen, paulit-ulit siyang binalaan ng kanyang mga kapamilya at ng iba pa laban sa pagiging Kristiyano. Gayunman, mayroon siyang dalawang mabubuting kaibigan na mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at madalas nilang pag-usapan ang relihiyon. Ang mga kaibigan niya, sina Shea at Dave, ay sinagot nang may paggalang ang mga argumento na sinabi ng iba kay Jason laban sa pananampalataya kay Jesucristo. Sa huli, binigyan nila siya ng isang kopya ng Aklat ni Mormon, sinasabing, “Sasagutin ng aklat na ito ang mga tanong mo. Pakiusap, basahin mo ito.” Atubili niyang tinanggap ang aklat at inilagay sa kanyang backpack, na nanatili roon nang ilang buwan. Ayaw niya itong iwan sa bahay at baka makita ito ng kanyang pamilya, at ayaw niyang malungkot sina Shea at Dave kapag ibinalik niya ito. Sa huli, ipinasiya niyang sunugin ang aklat.

Isang gabi, hawak ang lighter sa isang kamay at sa isa naman ang Aklat ni Mormon, susunugin na sana niya ang aklat nang makarinig siya ng tinig sa kanyang isipan na nagsabing, “Huwag mong sunugin ang aking aklat.” Nagulat siya, at napahinto. Pagkatapos, inakalang imahinasyon lang niya ang narinig na tinig, tinangka niyang muli na magsindi ng lighter. Muli, narinig niya ang tinig sa kanyang isipan: “Pumunta ka sa iyong silid at basahin ang aking aklat.” Itinabi ni Jason ang lighter, naglakad pabalik sa kanyang silid, binuksan ang Aklat ni Mormon, at nagsimulang magbasa. Patuloy siyang nagbasa araw-araw, madalas hanggang madaling-araw. Nang matapos si Jason at manalangin, isinulat niya, “Napuspos ako ng Espiritu mula sa aking ulo hanggang sa aking talampakan. … Naramdaman ko na puspos ako ng liwanag. … Ito ang pinakamasayang karanasan na nangyari sa aking buhay.” Hiniling niyang mabinyagan siya at kalaunan, siya rin ay naging missionary.

Marahil alam natin na sa kabila ng ating tunay na pagmamahal at katapatan, marami, kung hindi man karamihan, ang tatanggi sa ating mga paanyaya na pakinggan ang mensahe ng Pagpapanumbalik. Ngunit tandaan ito: lahat ay karapat-dapat sa paanyayang iyon—“pantay-pantay ang lahat sa Diyos”; 11 nalulugod ang Panginoon sa lahat ng pagsusumikap natin, anuman ang kahinatnan nito; ang pagtanggi sa inyong paanyaya ay hindi dahilan para matapos ang ating pakikipagkaibigan; at ang kawalan ng interes ngayon ay maaaring humantong sa pagiging interesado bukas. Anuman ang mangyari, hindi magbabago ang ating pagmamahal.

Huwag nating kalimutan kailanman na ang Pagpapanumbalik ay dumaan sa matinding pagsubok at sakripisyo. Iyan ay paksa para sa ibang araw. Ngayon ay nagagalak tayo sa mga bunga ng Pagpapanumbalik, isa sa pinakamahalaga ay ang naibalik na kapangyarihang magbuklod sa lupa at sa langit. 12 Tulad ng ipinahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley maraming taon na ang nakararaan, “Kung wala nang iba pang bunga ang lahat ng pinagdaanang kalungkutan at paghihirap at pasakit ng pagpapanumbalik maliban sa kapangyarihang magbuklod ng banal na priesthood upang ibigkis nang magkakasama ang mga pamilya magpakailanman, magiging sulit na ito sa lahat ng pinagdaanan nito.” 13

Ang pinakadakilang pangako ng Pagpapanumbalik ay pagtubos sa pamamagitan ni Jesucristo. Ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo ay patunay na Siya, sa katunayan, ay nagtataglay ng kapangyarihang tubusin ang lahat ng lalapit sa Kanya—tutubusin sila mula sa kalungkutan, kawalang-katarungan, paninimdim, kasalanan, at maging sa kamatayan. Ngayon ay Linggo ng Palaspas; isang linggo mula ngayon ay Pasko ng Pagkabuhay. “Inaalala natin, palagi nating inaalala ang pagdurusa at pagkamatay ni Cristo para magbayad-sala sa ating mga kasalanan, at ipinagdiriwang natin ang pinakamasayang Linggo na iyon, ang araw ng Panginoon, kung kailan Siya ay nagbangon mula sa mga patay. Dahil sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, nagkaroon ng kabuluhan ang Pagpapanumbalik, nagkaroon ng kabuluhan ang ating mortal na buhay, at higit sa lahat nagkaroon ng kabuluhan ang mismong buhay natin.

Si Joseph Smith, ang dakilang propeta ng Pagpapanumbalik, ay nagbigay ng malakas na patotoo para sa ating panahon tungkol sa nabuhay na mag-uling si Cristo: “Na siya ay buhay! Sapagkat siya ay aming nakita, maging sa kanang kamay ng Diyos.” 14 Mapagpakumbaba kong idinaragdag ang aking patotoo sa patotoo ni Joseph at ng lahat ng apostol at propeta na nauna sa kanya at ng lahat ng apostol at propeta na sumunod sa kanya, na si Jesus ng Nazaret ay ang ipinangakong Mesiyas, ang Bugtong na Anak ng Diyos, at nabuhay na mag-uling Manunubos ng buong sangkatauhan.

“Nagpapatotoo kami na yaong mga mapanalanging pag-aaralan ang mensahe ng Pagpapanumbalik at kikilos nang may pananampalataya ay pagpapalaing magkamit ng kanilang sariling patotoo sa kabanalan nito at sa layunin nitong ihanda ang mundo para sa ipinangakong Ikalawang Pagparito ng ating Panginoon at Tagapagligtas, na si Jesucristo.” 15 Ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo ay nagbigay-katiyakan sa Kanyang mga pangako. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.