2020
Pakinggan Siya
Mayo 2020


2:3

Pakinggan Siya

Alam ng ating Ama na kapag napalilibutan tayo ng kawalang-katiyakan at takot, ang lubos na makatutulong sa atin ay pakingggan ang Kanyang Anak.

Mahal kong mga kapatid, lubos akong nagpapasalamat, na sa tulong ng teknolohiya ay nagkatipun-tipon tayo at sama-samang sumasamba sa umagang ito ng Linggo. Napakapalad nating malaman na naipanumbalik na sa mundo ang ebanghelyo ni Jesucristo!

Sa nakalipas na ilang linggo, dumanas ang marami sa atin ng pagkagambala sa ating personal na buhay. Ang mga lindol, sunog, baha, salot, at ang mga ibinunga nito ay gumambala sa mga karaniwang gawain at nagdulot ng kakapusan sa pagkain, pangunahing bilihin, at naipong pera.

Sa gitna ng lahat ng ito, pinupuri at pinasasalamatan namin kayo dahil pinili ninyong pakinggan ang salita ng Panginoon sa maligalig na panahong ito sa pakikibahagi sa amin sa pangkalahatang kumperensya. Ang tumitinding kadiliman na kaakibat ng pagdurusa ay higit na nagpapaningning sa liwanag ni Jesucristo. Isipin lamang ninyo ang kabutihang magagawa ng bawat isa sa atin sa panahong ito na naliligalig ang buong mundo. Ang inyong pagmamahal at pananampalataya sa Tagapagligtas ay maaaring magbunsod sa isang tao na alamin ang Pagpapanumbalik ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Sa nakalipas na dalawang taon, nakadaupang-palad namin ni Sister Nelson ang libu-libo sa inyo sa iba’t ibang panig ng mundo. Nakipagpulong kami sa inyo sa mga istadyum at sa mga bulwagan ng hotel. Sa bawat lokasyon, nadama ko na kapiling ko ang mga hinirang ng Panginoon at namamalas mismo ng aking mga mata ang pagtitipon ng Israel.

Nabubuhay tayo sa panahong “hinintay ng ating mga ninuno nang may pananabik na pag-aasam.”1 Nasa magandang posisyon tayo upang masaksihan nang aktwal ang pangyayari na nakita ni Nephi sa pangitain lang, na ang “kapangyarihan ng Kordero ng Diyos” ay bababa “sa mga pinagtipanang tao ng Panginoon, na nakakalat sa lahat ng dako ng mundo; at nasasandatahan sila ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian.”2

Kayo, mga kapatid, ay kabilang sa kalalakihan, kababaihan, at mga bata na nakita ni Nephi. Isipin ninyo iyan!

Saan man kayo naninirahan o anuman ang inyong mga kalagayan, ang Panginoong Jesucristo ay inyong Tagapagligtas, at ang propeta ng Diyos na si Joseph Smith ay inyong propeta. Siya ay inordenan bago pa ang pagkakatatag ng mundo na maging propeta ng huling dispensasyong ito, kung kailan “walang anumang bagay ang ipagkakait”3 mula sa mga Banal. Patuloy na dumadaloy ang paghahayag mula sa Panginoon sa patuloy na prosesong ito ng pagpapanumbalik.

Ano ang ibig sabihin para sa inyo na naipanumbalik na sa mundo ang ebanghelyo ni Jesucristo?

Ang ibig sabihin nito ay mabubuklod na kayo at ang inyong pamilya magpakailanman! Ang ibig sabihin nito na dahil nabinyagan kayo ng isang taong may awtoridad mula kay Jesucristo at nakumpirmang miyembro ng Kanyang Simbahan, makakasama ninyong palagi ang Espiritu Santo. Kayo ay Kanyang gagabayan at pangangalagaan. Ang ibig sabihin nito ay hindi kayo iiwang mag-isa o nang walang kakayahang makatanggap ng kapangyarihan ng Diyos para matulungan kayo. Ang ibig sabihin nito ay mapagpapala kayo ng kapangyarihan ng priesthood kapag tumatanggap kayo ng mga kinakailangang ordenansa at gumagawa ng mga tipan sa Diyos at tinutupad ang mga iyon. Isang angkla sa ating mga kaluluwa ang mga katotohanang ito, lalo na sa mga panahong ito na nagngangalit ang bagyo.

Isinalaysay sa Aklat ni Mormon ang klasikong pag-unlad at pagbagsak ng dalawang pangunahing sibilisasyon. Ipinapakita sa kasaysayan ng mga ito kung gaano kadali para sa karamihan sa mga tao na kalimutan ang Diyos, tanggihan ang mga babala ng mga propeta ng Panginoon, at maghangad ng kapangyarihan, katanyagan at mga kasiyahan ng laman.4 Paulit-ulit na inihayag ng mga propeta noon ang “mga dakila at kagila-gilalas na bagay sa mga tao, na hindi nila pinaniwalaan.”5

Hindi ito naiiba sa ating panahon. Sa paglipas ng mga taon, dakila at kagila-gilalas na bagay ang narinig mula sa mga inilaang pulpito sa iba’t ibang dako ng mundo. Subalit karamihan sa mga tao ay hindi tinatanggap ang mga katotohanang ito—maaaring dahil hindi nila alam kung saan mahahanap ang mga ito6 o dahil nakikinig sila sa mga taong hindi nalalaman ang buong katotohanan o dahil tinanggihan nila ang katotohanan kapalit ng mga makamundong hangarin.

Tuso ang kaaway. Sa sanlibong taon ginagawa niyang magmukhang masama ang mabuti at magmukhang mabuti ang masama.7 Ang kanyang mga mensahe ay karaniwang maingay, mapangahas, at mapagmataas.

Subalit ang mga mensahe mula sa ating Ama sa Langit ay sadyang naiiba. Siya ay nakikipag-ugnayan nang simple, tahimik, at napakalinaw kaya tiyak na maiintindihan natin Siya.8

Halimbawa, sa tuwing ipapakilala Niya ang Kanyang Bugtong na Anak sa mga tao sa mundo, gumagamit Siya ng iilang natatanging salita. Sa Bundok ng Pagbabagong-anyo, sinabi ng Diyos kina Pedro, Santiago, at Juan, “Ito ang sinisinta kong Anak; siya ang inyong pakinggan.”9 Ang Kanyang mga salita sa mga Nephita sa sinaunang Bountiful ay “Masdan, ang Minamahal kong Anak, na siya kong labis na kinalulugdan, sa kanya ay niluwalhati ko ang aking pangalan—pakinggan ninyo siya.”10 At kay Joseph Smith, sa marubdob na paghahayag na iyon na nagbukas sa dispensasyong ito, ang sinabi lang ng Diyos, “Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!11

Ngayon, mahal kong mga kapatid, isipin ninyo ang katotohanan na sa tatlong pagkakataong kababanggit lang, bago ipinakilala ng Ama ang Anak, ang mga taong kabilang doon ay nakadarama ng takot at, ang ilan, ay halos nawalan na ng pag-asa.

Takot ang mga Apostol nang makita nila si Jesus na napaliligiran ng ulap sa Bundok ng Pagbabagong-anyo.

Takot ang mga Nephita dahil dumanas sila ng kapinsalaan at kadiliman nang ilang araw.

Si Joseph Smith ay buong higpit na pinigilan ng puwersa ng kadiliman bago magbukas ang kalangitan.

Alam ng ating Ama na kapag napalilibutan tayo ng kawalang-katiyakan at takot, ang lubos na makatutulong sa atin ay pakingggan ang Kanyang Anak.

Sapagka’t kapag hinangad nating pakinggan—tunay na pakinggan—ang Kanyang Anak, gagabayan tayong malaman ang gagawin sa anumang kalagayan.

Ang pinakaunang salita sa Doktrina at mga Tipan ay makinig.12 Ibig sabihin nito ay “makinig nang may hangaring sumunod.”13 Ang ibig sabihin ng makinig ay “pakinggan Siya”—pakinggan ang sinasabi ng Tagapagligtas at pagkatapos ay bigyang-pansin ang Kanyang payo. Sa dalawang salitang iyon—“Pakinggan Siya”—binibigyan tayo ng Diyos ng huwaran para sa tagumpay, kaligayahan, at kagalakan sa buhay na ito. Dapat nating pakinggan ang mga salita ng Panginoon, makinig sa mga ito, at bigyang-pansin ang sinabi Niya sa atin!

Bilang mga disipulo ni Jesucristo, ang mga pagsisikap nating pakinggan Siya ay kailangang gawin nang mas may hangarin. Kailangan ng kusa at tuluy-tuloy na pagsisikap na punuin ang bawat araw ng ating buhay ng Kanyang mga salita, Kanyang mga turo, Kanyang mga katotohanan.

Hindi maaaring umasa lamang tayo sa impormasyong bigla lang nating nakikita sa social media. Sa bilyun-bilyong salita sa internet at sa mga patalastas na talamak sa mundo na patuloy na napapasukan ng maingay, masasamang gawa ng kaaway, saan tayo maaaring pumunta para pakinggan Siya?

Maaari tayong magbasa ng mga banal na kasulatan. Nagtuturo ito sa atin tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, ang kalawakan ng Kanyang Pagbabayad-sala, at ang dakilang plano ng kaligayahan at kaligtasan ng ating Ama. Ang araw-araw na masigasig na pag-aaral ng salita ng Diyos ay mahalaga para sa espirtituwal na kaligtasan lalo na sa tumitinding ligalig sa panahong ito. Kapag nagpapakabusog tayo sa mga salita ni Cristo araw-araw, ang mga salita ni Cristo ay magsasabi sa atin kung paano tumugon sa mga paghihirap na hindi natin inakalang dadanasin natin.

Maaari din nating pakinggan Siya sa templo. Ang bahay ng Panginoon ay isang bahay ng pagkakatuto. Doon, nagtuturo ang Panginoon sa Kanyang sariling paraan. Doon, bawat ordenansa ay nagtuturo tungkol sa Tagapagligtas. Doon, natututuhan natin kung paano hawiin ang tabing at makipag-ugnayan nang mas malinaw sa langit. Doon, natututuhan natin kung paano sawayin ang kaaway at gamitin ang kapangyarihan ng priesthood para palakasin tayo at ang ating mga minamahal. Dapat nasasabik tayo na maparoon upang humanap ng kanlungan.

Kapag inalis na ang pansamantalang paghihigpit dahil sa COVID-19, mangyaring maglaan ng oras na palaging sumamba at maglingkod sa templo. Bawat minuto ng oras na iyon ay magpapala sa inyo at sa inyong pamilya na hindi magagawa sa ibang paraan. Mag-ukol ng oras na pagnilayan ang naririnig at nadarama ninyo kapag kayo ay naroon. Hilingin sa Panginoon na ituro sa inyo kung paano buksan ang kalangitan upang pagpalain ang inyong buhay at ang buhay ng inyong minamahal at pinaglilingkuran.

Habang hindi pa posible na makasamba kayo sa templo sa ngayon, inaanyayahan ko kayo na mas makibahagi pa sa family history, kabilang na ang pagsasalisik ng family history at indexing. Ipinapangako ko na kapag dinagdagan ninyo ang oras sa templo at sa gawain sa family history, madaragdagan at mag-iibayo ang kakayahan ninyong mapakinggan Siya.

Mas malinaw nating nagagawang pakinggan Siya kapag pinagbuti natin ang ating kakayahang mahiwatigan ang mga bulong ng Espiritu Santo. Higit na mahalaga ngayon na malaman ninyo kung paano nangungusap sa inyo ang Espiriitu. Sa Panguluhang Diyos, ang Espiritu Santo ang sugo. Ipaparating Niya sa inyong isipan ang nais ng Ama at ng Anak na matanggap ninyo. Siya ang Mang-aaliw. Magdadala siya ng kapayapaan sa inyong puso. Nagpapatotoo Siya ng katotohanan at pagtitibayin kung ano ang totoo kapag pinakinggan at binasa ninyo ang salita ng Panginoon.

Muli akong nakikiusap sa inyo na gawin ang anumang dapat gawin upang madagdagan ang inyong espirituwal na kakayahang tumanggap ng personal na paghahayag.

Ang paggawa nito ay makatutulong sa inyo na malaman kung paano magpatuloy sa inyong buhay, kung ano ang gagawin sa panahon ng krisis, at kung paano makahiwatig at makaiwas sa mga tukso at panlilinlang ng kaaway.

At sa huli, pinapakinggan natin Siya kapag binibigyang-pansin natin ang mga salita ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Ang mga inordenang Apostol ni Jesucristo ay laging nagpapatotoo sa Kanya. Itinuturo nila ang daan habang dinaranas natin ang masalimuot at napakalungkot na buhay sa mundo.

Ano ang mangyayari kapag mas hahangarin ninyong pakinggan, marinig, at pansinin ang sinabi ng Tagapagligtas at ang sinasabi Niya ngayon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta? Ipinapangako ko na pagpapalain kayong magkaroon ng ibayong kapangyarihan na harapin ang mga tukso, paghihirap, at kahinaan. Ipinapangako ko na magkakaroon ng himala sa relasyon ninyo bilang mag-asawa, bilang pamilya, at sa gawain sa araw-araw. At ipinapangako ko na ang inyong kakayahang magalak ay madaragdagan kahit tumindi ang mga ligalig sa inyong buhay.

Ang pangkalahatang kumperensya ngayong Abril 2020 ay ang panahong ating gugunitain ang pangyayari na nagpabago sa mundo. Habang sabik naming inaabangan ang pagsapit ng ika-200 taong anibersaryo ng Unang Pangitain, pinag-isipang mabuti ng Unang Panguluhan at Kapulungan ng Labindalawang Apostol kung ano ang magagawa namin upang angkop na gunitain ang natatanging pangyayaring ito.

Ang banal na pagpapakitang ito ang nagpasimula ng Pagpapanumbalik ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo at ng dispensasyon ng kaganapan ng panahon.

Pinag-isipan namin kung dapat bang magtayo ng isang monumento. Ngunit habang pinag-iisipan namin ang natatanging epekto ng makasaysayang Unang Pangitain sa ibang bansa—nagkaroon kami ng inspirasyon na lumikha ng isang monumento na hindi gawa sa bato kundi sa mga salita—mga taimtim at sagradong salita ng proklamasyon—isinulat, hindi upang iukit sa mga “tipak ng bato” kundi mga salitang maaaring iukit sa “bawat himaymay” ng ating mga puso.14

Mula ng itatag ang Simbahan, limang proklamasyon pa lamang ang nagawa, na ang pinakahuli ay “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” na ipinabatid ni Pangulong Gordon B. Hinckley noong 1995.

Ngayon habang pinagninilayan namin ang mahalagang panahong ito sa kasaysayan ng mundo at ang utos ng Panginoon na tipunin ang nakakalat na Israel bilang paghahanda sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, kami ng Unang Panguluhan at Kapulungan ng Labindalawang Apostol, ay nagpapahayag ng sumusunod na proklamasyon. Ang pamagat nito ay “Ang Pagpapanumbalik ng Kabuuan ng Ebanghelyo ni Jesucristo: Isang Proklamasyon sa Mundo para sa Ika-200 Taong Anibersaryo.” Ang Unang Panguluhan at Kapulungan ng Labindalawang Apostol ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang may akda nito. Isinulat nitong Abril 2020. Para paghandaan ang araw na ito, inirekord ko ang proklamasyong ito sa Sacred Grove, kung saan unang nakita ni Joseph Smith ang Ama at ang Anak.

6:15

“Taimtim naming ipinapahayag na minamahal ng Diyos ang Kanyang mga anak sa bawat bansa sa mundo. Ipinagkaloob sa atin ng Ama sa Langit ang banal na pagsilang, ang walang katumbas na buhay, at ang walang-katapusang sakripisyo ng pagbabayad-sala ng Kanyang Pinakamamahal na Anak, na si Jesucristo. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Ama, nabuhay muli si Jesus at nakamit ang tagumpay laban sa kamatayan. Siya ang ating Tagapagligtas, ang ating Halimbawa, at ang ating Manunubos.

“Dalawang daang taon na ang nakalipas, isang magandang umaga ng tagsibol noong 1820, ang batang si Joseph Smith, na naghahangad na malaman kung anong simbahan ang dapat niyang sapian, ay nagtungo sa kakahuyan na malapit sa kanyang tahanan sa may hilagang bahagi ng New York, USA upang manalangin. May mga tanong siya tungkol sa kaligtasan ng kanyang kaluluwa at naniwala na gagabayan siya ng Diyos.

“Mapagpakumbaba naming ipinapahayag na bilang kasagutan sa kanyang dalangin, nagpakita ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak, na si Jesucristo kay Joseph at pinasimulan ang ‘pagpapanumbalik ng lahat ng bagay’ (Mga Gawa 3:21) tulad ng ibinadya sa Biblia. Sa pangitaing ito, nalaman niya na kasunod ng pagkamatay ng mga orihinal na Apostol, ang Simbahan ni Cristo na nakatala sa Bagong Tipan ay nawala sa lupa. Magiging kasangkapan si Joseph sa pagbabalik nito.

“Ipinapahayag namin na sa ilalim ng direksyon ng Ama at ng Anak, dumating ang mga sugo mula sa langit upang turuan si Joseph at muling itatag ang Simbahan ni Jesucristo. Ipinanumbalik ni Juan Bautista, na nabuhay na mag-uli, ang awtoridad na magbinyag sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Ipinanumbalik ng tatlo sa orihinal na labindalawang Apostol—nila Pedro, Santiago, at Juan—ang pagka-apostol at mga susi ng awtoridad ng priesthood. Dumating din ang iba pa, kabilang si Elijah, na nagpanumbalik ng awtoridad na magbuklod ng mga pamilya magpakailanman sa isang walang hanggang ugnayan na napagtagumpayan ang kamatayan.

“Nagpapatotoo rin kami na binigyan si Joseph Smith ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos na magsalin ng isang sinaunang talaan: ang Aklat ni Mormon—Isa Pang Tipan ni Jesucristo. Kabilang sa mga nasusulat sa mga sagradong pahina nito ang tala tungkol sa personal na ministeryo ni Jesucristo sa mga tao sa kanlurang bahagi ng mundo pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Itinuturo nito ang layunin ng buhay at ipinaliliwanag ang doktrina ni Cristo, na siyang sentro ng layuning iyon. Bilang katuwang na banal na kasulatan ng Biblia, nagpapatotoo ang Aklat ni Mormon na ang lahat ng tao ay anak ng isang mapagmahal na Ama sa Langit, na Siya ay may banal na plano para sa ating buhay, at ang Kanyang Anak, na si Jesucristo, ay nagsasalita sa atin ngayon katulad noong sinaunang panahon.

“Ipinapahayag namin na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, na itinatag noong Miyerkules, ika-6 ng Abril 1830, ang ipinanumbalik na Simbahan ni Cristo na nakatala sa Bagong Tipan. Nakasalig ang Simbahang ito sa sakdal na buhay ng pangunahing batong-panulok nito, na si Jesucristo, at sa Kanyang walang katapusang Pagbabayad-sala at literal na Pagkabuhay na Mag-uli. Muling tumawag si Jesucristo ng mga Apostol at pinagkalooban sila ng awtoridad ng priesthood. Inaanyayahan Niya tayong lahat na lumapit sa Kanya at sa Kanyang Simbahan, upang tumanggap ng Espiritu Santo, ng mga ordenansa ng kaligtasan, at magkamit ng walang maliw na kagalakan.

“May dalawang daang taon na ngayon ang nakalipas mula nitong Pagpapanumbalik na pinasimulan ng Diyos Ama at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak, na si Jesucristo. Milyun-milyong tao na sa mundo ang tumanggap sa mga iprinopesiyang pangyayaring ito.

“Malugod naming ipinapahayag na ang ipinangakong Pagpapanumbalik ay sumusulong sa pamamagitan ng patuloy na paghahayag. Kailanman ay hindi na magiging katulad nang dati ang mundo, habang ang Diyos ay patuloy na ‘ti[ti]punin ang lahat ng mga bagay kay Cristo’ (Mga Taga-Efeso 1:10)

“Lakip ang lubos na paggalang at pasasalamat, kami bilang Kanyang mga Apostol ay nag-aanyaya sa lahat na malaman—tulad ng pagkakaalam namin—na bukas ang kalangitan. Ipinapahayag namin na ipinababatid ng Diyos ang Kanyang kalooban sa Kanyang mga minamahal na anak. Nagpapatotoo kami na yaong mga mapanalanging pag-aaralan ang mensahe ng Pagpapanumbalik at kikilos nang may pananampalataya ay pagpapalaing magkamit ng kanilang sariling patotoo sa kabanalan nito at sa layunin nitong ihanda ang mundo para sa ipinangakong Ikalawang Pagparito ng ating Panginoon at Tagapagligtas, na si Jesucristo.”

Minamahal kong mga kapatid, ito ang ating ika-200 taong anibersaryo ng proklamasyon sa mundo tungkol Pagpapanumbalik ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Isinalin ito sa 12 wika. Susunod ang pagsasalin sa iba pang wika. Makikita ito kaagad sa Church website, kung saan ay makakukuha kayo ng kopya. Pag-aralan ninyo ito nang mag-isa at nang kasama ang inyong pamilya at mga kaibigan. Pagnilayan ang mga katotohanang lakip nito at ang kahalagahan ng mga ito sa inyong buhay kung inyong pakikinggan ang mga ito, at susundin ang mga kautusan at tipan na nakalakip nito.

Alam ko na si Joseph Smith ay propeta na itinalaga noon pa man na pinili ng Panginoon upang buksan ang huling dispensasyong ito. Sa pamamagitan niya ay naipanumbalik sa mundo ang Simbahan ng Panginoon. Tinatakan ni Joseph ang kanyang patoto ng kanyang dugo. Siya ay minamahal ko at pinararangalan!

Ang Diyos ay buhay! Si Jesus ang Cristo! Ang Kanyang Simbahan ay naipanumbalik na! Siya at ang Kanyang Ama, ang ating Ama sa Langit, ay nagbabantay sa atin. Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.