2020
Pagtiyak ng Isang Makatwirang Hatol
Mayo 2020


2:3

Pagtiyak ng Isang Makatwirang Hatol

Para matiyak ang isang makatwirang hatol, aalisin ng nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas ang mga sanga-sanga ng kamangmangan at masasakit na tinik ng pasakit na idinulot ng iba.

Itinuturo ng Aklat ni Mormon ang Doktrina ni Cristo

Noong nakaraang Oktubre, hinamon tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na pag-isipan kung paano mababago ang ating buhay kung ang ating “kaalamang natamo mula sa Aklat ni Mormon ay biglang mawala?”1 Pinagnilayan ko na ang kanyang tanong, at sigurado ako na ginawa rin ito ng marami sa inyo. Isang ideya ang nagpabalik-balik sa aking isipan—kung wala ang Aklat ni Mormon at ang malinaw na mga turo nito tungkol sa doktrina ni Cristo at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, saan ako babaling para sa kapayapaan?

Ang doktrina ni Cristo—na binubuo ng nakapagliligtas na mga alituntunin at ordenansa ng pananampalataya kay Cristo, pagsisisi, binyag, kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas—ay itinuro nang maraming beses sa lahat ng banal na kasulatan ng Pagpapanumbalik ngunit may partikular na kapangyarihan sa Aklat ni Mormon.2 Ang doktrina ay nagsisimula sa pananampalataya kay Cristo, at bawat isa sa mga elemento nito ay nakasalalay sa pagtitiwala sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo.

Tulad ng itinuro ni Pangulong Nelson, “Ang Aklat ni Mormon ay nagbibigay ng ganap at lubos na mapaniniwalaang kaalaman tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo na matatagpuan sa buong aklat.”3 Kapag mas nauunawaan natin ang banal na kaloob ng Tagapagligtas, mas malalaman natin, sa ating puso’t isipan,4 ang realidad ng pagtiyak ni Pangulong Nelson na “ang mga katotohanan ng Aklat ni Mormon ay may kapangyarihan na pagalingin, panatagin, ipanumbalik, tulungan, palakasin, aluin, at pasayahin ang ating kaluluwa.”5

Tinutugunan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang Lahat ng Hinihingi ng Katarungan

Ang isang napakahalaga at nakapapayapang kontribusyon ng Aklat ni Mormon sa ating pagkaunawa tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay ang turo nito na tinutugunan ng maawaing sakripisyo ni Cristo ang lahat ng hinihingi ng katarungan. Tulad ng ipinaliwanag ni Alma, “Ang Diyos na rin ang magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan, upang maisakatuparan ang plano ng awa, upang tugunin ang hinihingi ng katarungan, at nang sa gayon, ang Diyos ay maging isang ganap, makatarungang Diyos, at isa ring maawaing Diyos.”6 Ang plano ng awa ng Ama7—na tinatawag din sa mga banal na kasulatan na plano ng kaligayahan8 o plano ng kaligtasan9—ay hindi maisasakatuparan maliban kung matugunan ang lahat ng hinihingi ng katarungan.

Ngunit ano ba talaga ang “mga hinihingi ng katarungan”? Isipin ang sariling karanasan ni Alma. Tandaan na noong binata pa si Alma, humayo siya na naghahangad na “wasakin ang simbahan.”10 Sa katunayan, sinabi ni Alma sa kanyang anak na si Helaman na siya ay “pinarusahan ng mga pasakit ng impiyerno” dahil talagang “pinaslang [niya] ang marami sa … mga anak [ng Diyos]” sa pag-akay sa kanila “palayo tungo sa pagkawasak.”11

Ipinaliwanag ni Alma kay Helaman na dumating sa wakas ang kapayapaan sa kanya nang “maapuhap ng [kanyang] isipan” ang turo ng kanyang ama “hinggil sa pagparito [ni] Jesucristo … na magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan.”12 Nagsumamo ang nagsisising si Alma para sa awa ni Cristo13 at pagkatapos ay nakadama ng kagalakan at ginhawa nang matanto niya na nagbayad-sala na si Cristo para sa kanyang mga kasalanan at natugunan ang lahat ng hiningi ng katarungan. Muli, ano ang hiningi ng katarungan kay Alma? Tulad ng itinuro mismo ni Alma kalaunan, “Walang maruming bagay ang maaaring magmana ng kaharian ng Diyos.”14 Kaya, maaaring ang bahaging nakaginhawa kay Alma ay na kung hindi dahil sa awa, mananaig sana ang katarungan at hindi na siya makakabalik upang mamuhay sa piling ng Ama sa Langit.15

Pinagagaling ng Tagapagligtas ang mga Sugat na Hindi Natin Kayang Pagalingin

Ngunit nakatuon lamang ba ang kagalakan ni Alma sa kanyang sarili—sa kanyang pag-iwas sa kaparusahan at sa kanyang pagiging karapat-dapat na bumalik sa Ama? Alam natin na nabalisa rin si Alma para sa mga taong inakay niya palayo sa katotohanan.16 Ngunit hindi kayang pagalingin at ibalik mismo ni Alma ang lahat ng naakay niya palayo. Hindi niya kayang tiyakin na mabibigyan sila ng patas na pagkakataon na matutuhan ang doktrina ni Cristo at mapagpala sa pamamagitan ng pamumuhay ng masasayang alituntunin nito. Hindi niya kayang ibalik yaong mga maaaring namatay na nalinlang pa rin ng kanyang mga maling turo.

Gaya ng minsang itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer: “Ang ideya na nagligtas kay Alma … ay ito: Ang maibalik ang hindi ninyo kayang ibalik, mapagaling ang sugat na hindi ninyo kayang pagalingin, maayos yaong inyong sinira at hindi kayang ayusin ang mismong layunin ng pagbabayad-sala ni Cristo.”17 Ang nakagagalak na katotohanan na “[n]aapuhap” ng isipan ni Alma ay hindi lamang siya ang malilinis kundi mapapagaling at gagawing buo rin maging ang mga nasaktan niya.

Tinitiyak ng Sakripisyo ng Tagapagligtas ang Makatwirang Hatol

Ilang taon bago naligtas si Alma ng nagbibigay-katiyakang doktrinang ito, itinuro ni Haring Benjamin ang lawak ng pagpapagaling na handog ng nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas. Ipinahayag ni Haring Benjamin na “masayang balita ng dakilang kagalakan” ang ibinigay sa kanya “ng isang anghel mula sa Diyos.”18 Kabilang sa masayang balitang iyon ang katotohanan na si Cristo ay magdurusa at mamamatay para sa ating mga kasalanan at pagkakamali upang tiyakin na “ang makatwirang hatol ay sumapit sa mga anak ng tao.”19

Ano ba talaga ang hinihingi ng isang “makatwirang hatol”? Sa sumunod na talata, ipinaliwanag ni Haring Benjamin na para matiyak ang isang makatwirang hatol, nagbayad-sala ang dugo ng Tagapagligtas “para sa mga kasalanan ng mga yaong nahulog dahil sa pagkakasala ni Adan” at para sa mga “nangamatay na hindi nalalaman ang kalooban ng Diyos hinggil sa kanila, o kung sino ay walang malay na nagkasala.”20 Hinihingi rin ng isang makatwirang hatol, pagtuturo niya, na “ang dugo ni Cristo ay [m]agbayad-sala para sa” mga kasalanan ng maliliit na bata.21

Ang mga banal na kasulatang ito ay nagtuturo ng isang maluwalhating doktrina: pinagagaling ng nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas, na isang libreng kaloob, yaong mga nagkasala nang hindi nila alam—yaong mga tao, wika nga ni Jacob, na “walang batas na ibinigay.”22 Ang pananagutan sa kasalanan ay depende sa liwanag na ibinigay sa atin at nakasalalay sa ating kakayahang gamitin ang ating kalayaan.23 Nalaman lamang natin ang nagpapagaling at nagpapanatag na katotohanang ito dahil sa Aklat ni Mormon at sa iba pang mga banal na kasulatan tungkol sa Pagpapanumbalik.24

Mangyari pa, kung may batas na ibinigay, kung alam natin ang kalooban ng Diyos, mananagot tayo. Tulad ng binigyang-diin ni Haring Benjamin: “Sa aba niya na nakaaalam na siya ay naghihimagsik laban sa Diyos! Sapagkat ang kaligtasan ay di mapapasa kaninuman, maliban sa pamamagitan ng pagsisisi at pananampalataya sa Panginoong Jesucristo.”25

Isa rin itong masayang balita ng doktrina ni Cristo. Hindi lang pinagagaling at ipinanunumbalik ng Tagapagligtas ang mga nagkakasala dahil sa kawalan ng kaalaman, kundi gayon din, para sa mga nagkakasala laban sa liwanag, pagagalingin sila ng Tagapagligtas kung sila ay magsisisi at mananampalataya sa Kanya.26

Marahil talagang “[n]aapuhap” ni Alma ang dalawang katotohanang ito. Tunay nga kayang nadama ni Alma ang inilarawan niyang “[napakagandang] kagalakan”27 kung naisip niya na iniligtas siya ni Cristo ngunit iniwang may pinsala magpakailanman ang mga yaong inakay niya palayo sa katotohanan? Siguradong hindi. Para madama ni Alma ang lubos na kapayapaan, kailangan din ng mga taong napinsala niya ng pagkakataong mapagaling.

Ngunit paano ba talaga sila—o yaong mga maaari nating mapinsala—mapapagaling? Bagama’t hindi natin lubos na nauunawaan ang mga sagradong paraan kung paano nagpapagaling at nagpapanumbalik ang nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas, alam natin na upang matiyak ang isang makatwirang hatol, lilinisin ng Tagapagligtas ang lahat ng sanga-sanga ng kamangmangan at ang masasakit na tinik ng pasakit na idinulot ng iba.28 Sa pamamagitan nito tinitiyak Niya na lahat ng anak ng Diyos ay bibigyan ng pagkakataon, nang may kalinawan, na piliing sundin Siya at tanggapin ang dakilang plano ng kaligayahan.29

Aayusin ng Tagapagligtas ang Lahat ng Nasira Natin

Ang mga katotohanang ito ang naghatid marahil ng kapayapaan kay Alma. At ang mga katotohanan ding ito ang dapat maghatid sa atin ng malaking kapayapaan. Dahil tayo ay likas na mga lalaki at babae, tayong lahat ay nagkakabungguan, o kung minsa’y nagkakabanggaan, sa isa’t isa at nagdudulot ng pinsala. Tulad ng mapapatotohanan ng sinumang magulang, ang kirot na nauugnay sa ating mga pagkakamali ay hindi lamang dahil sa takot na maparusahan tayo mismo kundi sa takot na maaaring nalimitahan natin ang kagalakan ng ating mga anak o sa anumang paraan ay nahadlangan natin silang makita at maunawaan ang katotohanan. Ang maluwalhating pangako ng nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas ay na pagdating sa ating mga pagkakamali bilang mga magulang, hindi Niya pananagutin ang ating mga anak at ipinapangako Niya na pagagalingin Niya sila.30 At kahit nagkasala sila laban sa liwanag—tulad nating lahat—nakaunat ang Kanyang bisig ng awa31 at tutubusin Niya sila kung aasa lamang sila sa Kanya at susunod sa Kanya.32

Bagama’t may kapangyarihan ang Tagapagligtas na ayusin ang hindi natin kayang ayusin, iniuutos Niya sa atin na gawin ang lahat ng makakaya natin para itama ang maling ginawa natin bilang bahagi ng ating pagsisisi.33 Hindi lamang ang ugnayan natin sa Diyos ang naaapektuhan dahil sa ating mga kasalanan at pagkakamali kundi maging ang ugnayan natin sa iba. Kung minsan ang ating mga pagsisikap na magpagaling at magpanumbalik ay maaaring kasingsimple ng paghingi ng tawad, ngunit sa ibang mga pagkakataon ang pagtatama ng mali ay maaaring mangailangan ng maraming taon ng mapagkumbabang pagsisikap.34 Subalit, sa marami nating mga kasalanan at pagkakamali, talagang hindi natin kayang lubusang mapagaling ang mga nasaktan natin. Ang napakaganda at nakapapayapang pangako ng Aklat ni Mormon at ng ipinanumbalik na ebanghelyo ay na aayusin ng Tagapagligtas ang lahat ng nasira natin.35 At pagagalingin din Niya tayo kung babaling tayo sa Kanya nang may pananampalataya at magsisisi sa naidulot nating pinsala.36 Ibibigay Niya ang mga kaloob na ito dahil sakdal ang Kanyang pag-ibig sa ating lahat37 at dahil tapat Siyang nangako ng pagtiyak ng isang makatwirang hatol na kumikilala kapwa sa katarungan at awa. Pinatototohanan ko na ito ay totoo sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, “Pangwakas na Mensahe,” Liahona, Nob. 2019, 122.

  2. Tingnan sa 2 Nephi 31; 3 Nephi 11:28, 32, 35, 39–40; Doktrina at mga Tipan 10:62–63, 67–70; 68:25; Moises 6:52–54; 8:24; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:4.

  3. Russell M. Nelson, “Ang Aklat ni Mormon: Ano Kaya ang Buhay Ninyo Kung Wala Ito?” Liahona, Nob. 2017, 62.

  4. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 8:2–3.

  5. Russell M. Nelson, “Ang Aklat ni Mormon: Ano Kaya ang Buhay Ninyo Kung Wala Ito?” 62.

  6. Alma 42:15.

  7. Tingnan sa Alma 42:15.

  8. Tingnan sa Alma 42:8.

  9. Tingnan sa Alma 24:14; Moises 6:62.

  10. Tingnan sa Mosias 27:8–10.

  11. Alma 36:13, 14.

  12. Alma 36:17, 18.

  13. Tingnan sa Alma 36:18.

  14. Alma 40:26; tingnan din sa 1 Nephi 15:34; Alma 7:21; 11:37; Helaman 8:25.

  15. Tingnan sa 3 Nephi 27:19; tingnan din sa Moises 6:57.

  16. Tingnan sa Alma 36:14–17.

  17. Boyd K. Packer, “The Brilliant Morning of Forgiveness,” Ensign, Nob. 1995, 19–20.

  18. Mosias 3:2, 3.

  19. Mosias 3:10; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  20. Mosias 3:11; tingnan din sa 2 Nephi 9:26.

  21. Mosias 3:16; tingnan din sa Mosias 15:25; Moroni 8:11–12, 22.

  22. 2 Nephi 9:25.

  23. Tingnan sa 2 Nephi 2:26–27; Helaman 14:29–30.

  24. Tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:2; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 45:54. Sa pagpapaliwanag sa doktrina ng binyag para sa mga patay, sinabing minsan ni Propetang Joseph: “Habang ang isang bahagi ng lahi ng tao ay walang awang hinahatulan at isinusumpa ang iba, ang Dakilang Magulang ng sansinukob ay nakatunghay sa buong sangkatauhan nang may pagmamalasakit at paggalang ng isang ama; itinuturing Niya silang Kanyang mga supling. … Siya ang matalinong Mambabatas, at hahatulan ang lahat ng tao, hindi ayon sa makitid at makasariling mga ideya ng tao. … Hahatulan Niya sila, ‘hindi ayon sa wala sila, kundi ayon sa mayroon sila’; lahat ng nabuhay nang walang nalalamang batas ay hahatulan nang walang batas, at lahat ng nabuhay sa ilalim ng batas ay hahatulan ayon sa batas ding iyon. Hindi natin kailangang pag-alinlanganan ang karunungan at katalinuhan ng Dakilang Jehova; magbibigay Siya ng kahatulan o ng awa sa lahat ng bansa ayon sa kanilang iba’t ibang ginawa, sa kanilang mga paraan ng pagtatamo ng katalinuhan, sa mga batas na sumasakop sa kanila, sa mga pasilidad na nagamit nila para magtamo ng tamang impormasyon, at … di maglalaon kakailanganin nating sabihing lahat na tama ang ginawa ng Hukom ng buong daigdig” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 474–75).

  25. Mosias 3:12; tingnan din sa 2 Nephi 9:27.

  26. Tingnan sa Mosias 3:12; Helaman 14:30; Moroni 8:10; Doktrina at mga Tipan 101:78. Maaaring walang alam ang mga indibiduwal tungkol sa ilang kautusan at tipan o hindi nila nagagamit ang kanilang kalayaang pumili sa ilang sitwasyon ngunit may pananagutan pa rin sa ibang sitwasyon dahil sa Liwanag ni Cristo na taglay nila (tingnan sa 2 Nephi 9:25; Moroni 7:16–19). Ang Tagapagligtas, na ating hukom at tumiyak ng isang makatwirang hatol, ang tutukoy sa mga sitwasyong ito (tingnan sa Mormon 3:20; Moises 6:53–57). At Siya ang nagsakripispyo para sa dalawang ito—ang una ay walang kundisyon at ang huli ay may kundisyon ng pagsisisi.

  27. Alma 36:21.

  28. Tingnan sa Mosias 3:11; tingnan din sa D. Todd Christofferson, “Pagtubos,” Liahona, Mayo 2013, 110; Alma 7:11–12 (“Dadalhin niya sa kanyang sarili ang mga pasakit at ang mga sakit ng kanyang mga tao. … At dadalhin niya ang kanilang mga kahinaan”); Isaias 53:3–5 (“Tunay na kaniyang dinala ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kapanglawan”); 61:1–3 (“Pinahiran ako ng Panginoon upang … magpagaling ng mga bagbag na puso, … upang iukol sila na nagsisitangis sa Sion, upang bigyan sila ng putong na bulaklak na kahalili ng mga abo, ng langis ng kagalakan na kahalili ng pagtangis”). Isang aral ang binanggit ng Tagapagligtas mula sa mga talatang ito sa Isaias nang ipahayag Niya na Siya ang Mesiyas: “Ngayo’y naganap ang kasulatang ito sa inyong mga pakinig” (tingnan sa Lucas 4:16–21).

  29. Sa mundo ng mga espiritu, “ipinangaral ang ebanghelyo sa mga mangmang, hindi nagsipagsisi at sa mga mapanghimagsik para sila ay mapalaya mula sa pagkaalipin at patuloy na kamtin ang mga pagpapalang inilaan ng isang mapagmahal na Ama sa Langit para sa kanila” (Dallin H. Oaks, “Magtiwala sa Panginoon,” Liahona, Nob. 2019, 27). Tingnan sa I Ni Pedro 4:6; 2 Nephi 2:11–16; Doktrina at mga Tipan 128:19; 137:7–9; 138:31–35.

  30. Tingnan sa Moises 6:54. Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard ang doktrinang ito patungkol sa pagpapakamatay: “Ang Panginoon lamang ang nakaaalam ng lahat ng detalye, at siya ang hahatol sa ating mga ginawa rito sa lupa. Kapag hahatulan na niya tayo, pakiramdam ko ay isasaalang-alang niya ang lahat ng bagay: ang ating mga namanang katangian at kemikal na komposisyon, ang kalagayan ng ating pag-iisip, ang ating katalinuhan, ang mga turong natanggap natin, ang mga tradisyon ng ating mga ninuno, ang ating kalusugan, at iba pa. Nalaman natin sa mga banal na kasulatan na ang dugo ni Cristo ay magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng mga tao ‘na nangamatay na hindi nalalaman ang kalooban ng Diyos hinggil sa kanila, o kung sino ay walang malay na nagkasala’ (Mosias 3:11)” (“Suicide: Some Things We Know, and Some We Do Not,” Ensign, Okt. 1987, 8; Tambuli, Mar. 1988, 18).

  31. Tingnan sa Jacob 6:5; Mosias 29:20; 3 Nephi 9:14; Doktrina at mga Tipan 29:1.

  32. Tingnan sa Helaman 8:15.

  33. Tingnan sa Levitico 6:4–5; Ezekiel 33:15–16; Helaman 5:17; Doktrina at mga Tipan 58:42–43.

  34. Ito lamang ang uri ng gawaing pinagkaabalahan ni Alma (tingnan sa Alma 36:24).

  35. Mahusay na itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer ang tuntuning ito:

    “May mga pagkakataon na hindi na ninyo maaayos ang nasira ninyo. Marahil ay matagal na ninyong nagawa ang pagkakamali, o hindi kayo pinatawad ng napinsala. Marahil ay napakatindi ng pinsala kaya hindi ninyo ito maaayos gaano man ninyo kagusto.

    “Ang inyong pagsisisi ay hindi matatanggap maliban kung itama ninyo ang mali. Kung hindi ninyo mababawi ang inyong nagawa, wala na kayong kawala. Madaling maunawaan kung gaano katindi ang nadarama ninyong kawalang-kakayahan at kawalang-pag-asa at kung bakit ninyo gugustuhing sumuko, tulad ng ginawa ni Alma. …

    “Kung paano maaayos ang lahat, hindi natin alam. Maaaring hindi maisagawa ang lahat sa buhay na ito. Nalalaman natin mula sa mga pangitain at pagdalaw na ipinagpapatuloy ng mga tagapaglingkod ng Panginoon ang gawain ng pagtubos sa kabilang buhay.

    “Ang kaalamang ito ay dapat kapwa makaginhawa sa inosente at sa nagkasala. Iniisip ko ang mga magulang na labis na nagdurusa dahil sa mga pagkakamali ng kanilang suwail na mga anak at nawawalan ng pag-asa” (“The Brilliant Morning of Forgiveness,” 19–20).

  36. Tingnan sa 3 Nephi 12:19; tingnan din sa Mateo 6:12; 3 Nephi 13:11.

  37. Tingnan sa Juan 15:12–13; I Ni Juan 4:18; Dieter F. Uchtdorf, “Ang Sakdal na Pag-ibig ay Nagpapalayas ng Takot,” Liahona, Mayo 2017, 107.