2020
Ang Paglabas ng Aklat ni Mormon
Mayo 2020


17:12

Ang Paglabas ng Aklat ni Mormon

Pinatototohanan ng makasaysayang mga katotohanan at natatanging mga saksi ng Aklat ni Mormon na ang paglabas nito ay tunay na mahimala.

Habang kausap ang mga elder ng Simbahan sa isang okasyon, ipinahayag ni Propetang Joseph Smith: “Alisin ninyo ang Aklat ni Mormon at ang mga paghahayag, at nasaan ang ating relihiyon? Wala.”1 Mahal kong mga kapatid, kasunod ng Unang Pangitain, ang mahimalang paglabas ng Aklat ni Mormon ang pangalawang pangunahing bahagi ng nalalahad na Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo sa dispensasyong ito. Pinatototohanan ng Aklat ni Mormon ang pagmamahal ng Diyos para sa Kanyang mga anak, ang di-makasarili at banal na nagbabayad-salang sakripisyo ng Panginoong Jesucristo, at ang Kanyang tampok na ministeryo sa mga Nephita pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli.2 Pinatototohanan din nito na ang labi ng sambahayan ni Israel ay magiging isa sa pamamagitan ng Kanyang gawain sa mga huling araw at na hindi sila itatakwil magpakailanman.3

Habang pinag-aaralan natin ang paglabas ng banal na kasulatang ito sa mga huling araw na ito, natatanto natin na ang buong pagsasagawang ito ay mahimala—mula sa pagtanggap ni Propetang Joseph ng mga laminang ginto mula sa isang banal na anghel hanggang sa pagsasalin nito “sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos,”4 ang pag-iingat dito, at ang paglalathala nito sa pamamagitan ng kamay ng Panginoon.

Ang paglabas ng Aklat ni Mormon ay nagsimula na bago pa man natanggap ni Joseph Smith ang mga laminang ginto mula sa mga kamay ni anghel Moroni. Ipinropesiya ng mga sinaunang propeta ang paglabas ng aklat na ito sa ating panahon.5 Binanggit ni Isaias ang isang aklat na natatakan, na kapag lumabas ito ay magtatalo ang mga tao tungkol sa salita ng Diyos. Ang sitwasyong ito ay magtutulot sa Diyos na magawa ang Kanyang “kagilagilalas na gawa at kamanghamangha,” na magsasanhi sa “karunungan ng kanilang mga pantas [na] mapawi, at ang unawa ng kanilang mga mabait [na] malingid,” samantalang ang maamo ay “mananagana sa kanilang kagalakan sa Panginoon, … at ang dukha sa gitna ng mga tao ay magagalak sa Banal ng Israel.”6 Nagsalita si Ezekiel tungkol sa tungkod ng Juda (ang Biblia) at tungkod ng Ephraim (ang Aklat ni Mormon) na pag-iisahin. Ipinahihiwatig kapwa ni Ezekiel (sa Lumang Tipan) at ni Lehi (sa Aklat ni Mormon) na ang mga ito ay “magsasama” tungo sa ikalilito ng mga maling doktrina, pagtatatag ng kapayapaan, at pagdadala sa atin sa kaalaman ng mga tipan.7

Noong gabi ng Setyembre 21, 1823, tatlo’t kalahating taon matapos maranasan ang Unang Pangitain, tatlong beses dinalaw si Joseph ni anghel Moroni, ang huling propeta ng mga Nephita sa sinaunang Amerika, na resulta ng kanyang taimtim na mga dalangin. Sa kanilang mga pag-uusap na tumagal nang magdamag, sinabi ni Moroni kay Joseph na ang Diyos ay may kagila-gilalas na gawaing ipagagawa sa kanya—ang pagsasalin at paglalathala sa mundo ng mga inspiradong salita ng mga sinaunang propeta ng kontinente ng Amerika.8 Kinabukasan, pumunta si Joseph sa lugar, na di-kalayuan sa kanyang tahanan, kung saan ibinaon ni Moroni ang mga lamina sa pagtatapos ng kanyang buhay, ilang siglo na ang nakalilipas. Doon nakitang muli ni Joseph si Moroni, na nagbilin sa kanya na ihanda ang kanyang sarili na tanggapin ang mga lamina sa hinaharap.

Sa sumunod na apat na taon, tuwing Setyembre 2 ng bawat taon, tumanggap ng karagdagang mga tagubilin si Joseph mula kay Moroni tungkol sa kaalaman kung paano dapat pamahalaan ang kaharian ng Panginoon sa mga huling araw. Kasama rin sa paghahanda kay Joseph ang mga pagdalaw ng mga anghel ng Diyos, na siyang nagpasimula sa kadakilaan at kaluwalhatian ng mga kaganapang mangyayari sa dispensasyong ito.9

Ang kasal nila ni Emma Hale noong 1827 ay bahagi ng paghahandang iyon. Mahalaga ang papel na ginampanan ni Emma sa pagtulong sa Propeta sa buong buhay at ministeryo nito. Sa katunayan, noong Setyembre 1827, sinamahan ni Emma si Joseph sa burol kung saan nakatago ang mga lamina, at hinihintay niya si Joseph nang ibinigay ni Moroni ang talaan dito. Natanggap ni Joseph ang pangako na maiingatan ang mga lamina kung ilalaan niya ang lahat ng kanyang pagsisikap upang mapanatiling ligtas ang mga ito hanggang sa dapat na itong ibalik sa mga kamay ni Moroni.10

Mahal ng mga kasama sa ebanghelyo, marami sa mga tuklas ngayon mula sa mga sinaunang panahon ang nangyayari habang naghuhukay ang mga arkeologo o kahit nang di-sinasadya sa isang itinatayong gusali. Gayunman, itinuro ng isang anghel kay Joseph Smith ang kinaroroonan ng mga lamina. Ang kinalabasan niyan mismo ay isang himala.

Ang proseso ng pagsasalin ng Aklat ni Mormon ay isa ring himala. Ang sagradong sinaunang talaang ito ay hindi “isinalin” sa tradisyonal na paraan na tulad ng pagsasalin ng mga iskolar sa sinaunang mga teksto sa pamamagitan ng pag-aaral ng isang sinaunang wika. Dapat nating mas ituring ang proseso na isang “paghahayag” sa tulong ng pisikal na mga kasangkapang inilaan ng Panginoon, kaysa isang “pagsasalin” ng isang taong may kaalaman sa mga wika. Ipinahayag ni Joseph Smith na sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos ay “isinalin [niya] ang Aklat ni Mormon mula sa [hieroglyphs], na ang kaalaman tungkol dito ay naglaho sa mundo, kung saan napakagandang kaganapan ang naranasan [niyang] mag-isa, na isang kabataang walang pinag-aralan, upang daigin ang karunungan ng mundo at malaking kamangmangan ng labingwalong siglo, sa isang bagong paghahayag.”11 Maliwanag ding makikita ang tulong ng Panginoon sa pagsasalin ng mga lamina—o paghahayag, ika nga—kung iisipin ang mahimalang ikli ng panahon na ginugol ni Joseph sa pagsasalin nito.12

Pinatotohanan ng mga eskriba ni Joseph ang kapangyarihan ng Diyos na ipinakita habang isinasalin ang Aklat ni Mormon. Sinabing minsan ni Olivery Cowdery: “Ang mga araw na ito ay hindi maaaring malimutan—ang maupo sa ilalim ng tinig na dinidiktahan ng inspirasyon sa langit, pinukaw ang sukdulang pasasalamat ng pusong ito! Sa araw-araw ako ay nagpatuloy, nang walang umaabala, na magsulat mula sa kanyang bibig, habang isinasalin niya … [ang] ‘Ang Aklat ni Mormon.’”13

Makikita sa mga sangguniang pangkasaysayan na mula nang makuha ni Joseph ang mga lamina noong 1827, may mga nagtangkang nakawin ang mga ito mula sa kanya. Isinulat niya na ang “walang tigil na pamimilit ang ginamit upang ang mga [lamina] ay maagaw sa [kanya]” at na “lahat ng pakana na maaaring gawin ay ginamit sa ganoong layunin”14 Kalaunan napilitang umalis sina Joseph at Emma sa Manchester, New York patungo sa Harmony, Pennsylvania, para maghanap ng ligtas na lugar upang magpatuloy sa gawain ng pagsasalin, malayo sa masasamang-loob at mga indibiduwal na nais nakawin ang mga lamina.15 Isinulat ng isang mananalaysay: “Sa gayon natapos ang unang bahagi ng paghihirap ni Joseph sa pangangalaga sa mga lamina. … Subalit naging ligtas ang talaan, at sa kanyang mga paghihirap na ingatan ang mga ito walang dudang maraming natutuhan si Joseph tungkol sa mga paraan ng Diyos at ng tao na magiging malaking tulong sa kanya sa hinaharap.”16

Habang isinasalin ang Aklat ni Mormon, nalaman ni Joseph na pipili ang Panginoon ng mga saksi upang makita ang mga lamina.17 Bahagi ito ng itinatag mismo ng Panginoon nang sabihin Niyang, “Sa bibig ng dalawang saksi o ng tatlo ay papagtibayin ang bawat salita.”18 Sina Oliver Cowdery, David Whitmer, at Martin Harris, na ilan sa mga naunang kasama ni Joseph sa pagtatatag ng kagila-gilalas na gawain ng Diyos sa dispensasyong ito, ang mga unang saksing tinawag na magbigay ng natatanging patotoo sa mundo tungkol sa Aklat ni Mormon. Pinatotohanan nila na isang anghel, na nagmula sa presensya ng Panginoon, ang nagpakita sa kanila ng sinaunang talaan at na nakita nila ang mga nakaukit sa mga lamina. Pinatotohanan din nila na narinig nila ang tinig ng Diyos mula sa langit na nagsasabing ang sinaunang talaan ay isinalin sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos. Pagkatapos ay inutusan silang patotohanan ito sa buong mundo.19

Mahimalang tumawag ang Panginoon ng walo pang saksi upang makita ang mga laminang ginto para sa kanilang sarili at maging natatanging mga saksi sa katotohanan at kabanalan ng Aklat ni Mormon sa mundo. Pinatotohanan nila na nakita at masusi nilang siniyasat ang mga lamina at ang mga nakaukit dito. Sa kabila ng mga pagsubok, pag-uusig, at lahat ng uri ng paghihirap, at nanghina pa ang pananampalataya ng ilan sa kanila kalaunan, ang labing-isang ito na piniling sumaksi sa Aklat ni Mormon ay hindi kailanman itinanggi ang kanilang patotoo na nakita nila ang mga lamina. Hindi na nag-iisa si Joseph Smith sa pagkaalam sa mga pagdalaw ni Moroni at sa mga laminang ginto.

Itinala ni Lucy Mack Smith na masayang-masayang dumating ng bahay ang kanyang anak matapos ipakita sa mga saksi ang mga lamina. Ipinaliwanag ni Joseph sa kanyang mga magulang, “Nadarama kong gumaan ang aking pasanin, na halos [napakabigat] at hindi ko na makayang pasanin; at napuspos ng galak ang aking puso, na hindi na ako nag-iisa sa mundo.”20

Dumanas si Joseph Smith ng maraming pagsalungat sa pagpapalimbag ng Aklat ni Mormon nang matapos ang pagsasalin nito. Nakumbinsi niya ang isang tagalimbag na nagngangalang Egbert B. Grandin sa Palmyra, New York, na ilimbag ito matapos lamang isangla ni Martin Harris, bilang pagpapakita ng malaking pananampalataya at sakripisyo, ang kanyang sakahan bilang garantiya sa mga gastusin sa paglimbag. Bahagi ng patuloy na pagsalungat matapos ang paglalathala ng Aklat ni Mormon, puno ng pananampalatayang ibinenta ni Martin Harris ang 151 akre (0.6 km2) ng kanyang sakahan upang bayaran ang mga gastusin sa paglilimbag. Sa isang paghahayag na ibinigay kay Joseph Smith, inutusan ng Panginoon si Martin Harris na huwag mag-imbot sa kanyang ari-arian at bayaran ang halaga ng paglilimbag ng aklat na “naglalaman ng katotohanan at ng salita ng Diyos.”21 Noong Marso 1830 inilathala ang unang 5,000 kopya ng Aklat ni Mormon, at ngayon mahigit 180 milyong kopya na ang nailimbag sa mahigit isang daang wika.

Pinatototohanan ng makasaysayang mga pangyayari at natatanging mga saksi sa Aklat ni Mormon na ang paglabas nito ay tunay na mahimala. Gayunpaman, ang bisa ng aklat na ito ay hindi lamang nakabatay sa kahanga-hangang kasaysayan nito kundi sa makapangyarihan at walang-kapantay na mensahe nito na nagpabago sa napakaraming buhay—pati na ang sa akin!

Binasa ko ang buong Aklat ni Mormon sa unang pagkakataon noong bata pa akong estudyante sa seminary. Sa mungkahi ng aking mga guro, sinimulan ko itong basahin simula sa mga pahina ng pambungad nito. Natatandaan ko pa ang pangakong nasa unang mga pahina ng Aklat ni Mormon: “Pagbulay-bulayin sa [inyong] mga puso … , at … itanong sa Diyos [nang may pananampalataya] … sa pangalan ni Cristo kung ang aklat ay totoo. Yaong mga magpapatuloy sa paraang ito … ay magtatamo ng patotoo ng katotohanan at kabanalan nito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.”22

Nasasaisip ang pangakong iyon, na taimtim na hinahangad na malaman ang iba pa tungkol sa katotohanan niyon, at sa diwa ng panalangin, pinag-aralan ko ang Aklat ni Mormon, paunti-unti, habang kinukumpleto ko ang lingguhang mga takdang aralin sa seminary. Naaalala ko, na parang kahapon lamang, na isang magiliw na pakiramdam ang unti-unti kong nadama sa aking kaluluwa at pumuspos sa puso ko, na nililiwanagan ang aking pang-unawa, at nagiging mas lalong nakalulugod, tulad ng inilarawan ni Alma sa kanyang pangangaral ng salita ng Diyos sa kanyang mga tao.23 Kalaunan ang damdaming iyan ay naging kaalamang nag-ugat sa aking puso at naging pundasyon ng aking patotoo tungkol sa mahahalagang kaganapan at turong matatagpuan sa sagradong aklat na ito.

Sa pamamagitan ng mga ito at ng ba pang walang-katumbas na personal na mga karanasan, tunay na naging saligang bato ang Aklat ni Mormon na nagpapaibayo sa aking pananampalataya kay Jesucristo at sa aking patotoo sa doktrina ng Kanyang ebanghelyo. Naging isa ito sa mga haliging nagpapatotoo sa akin sa banal na nagbabayad-salang sakripisyo ni Cristo. Naging kalasag ito sa buong buhay ko laban sa mga pagtatangka ng kaaway na pahinain ang aking pananampalataya at udyukan akong huwag maniwala at pinalalakas nito ang loob ko na ipahayag sa mundo ang aking patotoo tungkol sa Tagapagligtas.

Mahal kong mga kaibigan, ang aking patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon ay dumating nang taludtod sa taludtod24 bilang isang himala sa aking puso. Hanggang sa araw na ito, ang patotoong ito ay patuloy na lumalago habang patuloy kong ninanais, nang tapat sa puso ko, na mas lubos na maunawaan ang salita ng Diyos na nakapaloob sa pambihirang aklat na ito ng banal na kasulatan.

Sa lahat ng nakaririnig sa aking tinig ngayon, inaanyayahan ko kayong makibahagi sa kagila-gilalas na paglabas ng Aklat ni Mormon sa inyong sariling buhay. Ipinapangako ko sa inyo na habang mapanalangin at patuloy ninyong pinag-aaralan ang mga salita nito, makakabahagi kayo sa mga pangako at saganang mga biyaya nito sa inyong buhay. Muli kong pinagtitibay ang pangakong nasa mga pahina nito: na kapag “[itinanong] ninyo sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo, kung ang mga bagay na ito ay hindi totoo; at kung kayo ay magtatanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo,” maawain Niyang “ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.”25 Matitiyak ko sa inyo na ibibigay Niya sa inyo ang sagot sa napakapersonal na paraan, tulad ng nagawa Niya para sa akin at sa maraming iba pa sa buong mundo. Ang inyong karanasan ay magiging maluwalhati at sagrado para sa inyo tulad ng mga karanasan ni Joseph Smith para sa kanya, gayundin para sa mga unang saksi at para sa lahat ng naghangad na makatanggap ng patotoo na may integridad at mapagkakatiwalaan ang banal na aklat na ito.

Pinatototohanan ko na ang Aklat ni Mormon ay tunay ngang salita ng Diyos. Pinatototohanan ko na ang banal na talaang ito ay “naghahayag ng mga doktrina ng ebanghelyo, nagbabanghay ng plano ng kaligtasan, at nagsasabi sa mga tao kung ano ang dapat nilang gawin upang matamo ang kapayapaan sa buhay na ito at ang walang hanggang kaligtasan sa buhay na darating.”26 Pinatototohanan ko na ang Aklat ni Mormon ay kasangkapan ng Diyos upang maisagawa ang pagtitipon ng Israel sa ating panahon at maipakilala sa mga tao ang Kanyang Anak na si Jesucristo. Pinatototohanan ko na ang Diyos ay buhay at minamahal tayo at ang Kanyang Anak na si Jesucristo ang Tagapagligtas ng sanlibutan, ang pangunahing batong panulok ng ating relihiyon. Sinasabi ko ang lahat ng ito sa sagradong pangalan ng ating Manunubos, Guro, at ating Panginoon, maging si Jesucristo, amen.