COVID-19: Mga Mensahe ng Patnubay, Paggaling, at Pag-asa
Nagpatotoo ang mga miyembro na nakikita nila ang kamay ng Panginoon kahit sa panahong ito ng mga pagbabago, pag-aalala, at kawalan.
Siya ay Kasama Ko Noon; Siya’y Kasama Ko Ngayon
Habang nakaupo ako sa bahay at pinipilit na pakalmahin ang pag-aalala ko tungkol sa nangyayari sa mundo, binuklat ko ang aking journal sa kahit saang pahina lang at nakita ko ang sumusunod: “Napakaraming takot na kasama sa paggising natin bawat araw sa mundong ito, pero kapag nananampalataya tayo sa mga turo ng ebanghelyo, makasusulong tayo nang paunti-unti. … Laging nadadaig ng pananampalataya ang takot.”
Alam ko na nakatanggap ako ng malakas na personal na paghahayag at ibinigay ito sa akin ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng mga isinulat ko sa sarili kong journal ilang taon na ang nakararaan. Nabiyayaan ako ng ilang sandali ng kapayapaan at kaalaman na kasama ko noon ang Ama sa Langit, at kasama ko Siya ngayon mismo.
Danette Gray, Utah, USA
Ang Espiritu Santo ay Maaaring Kumilos Online
Nabigyang-inspirasyon ako na simulan ang pagdaraos ng mga klase sa seminary sa pamamagitan ng mga group video chat. Dalawang araw bago isinailalim sa quarantine ang lungsod namin, nagdaos ng unang lesson online ang klase namin.
Sumali rin ang ilan sa mga magulang sa klase namin, pati na ang mga hindi miyembro. Pinigilan kong maluha nang sama-sama naming pag-aralan ang Mosias kabanata 2. Nadama naming lahat ang Espiritu dahil natutuhan namin na ang paglilingkod sa iba ay paglilingkod din sa Diyos. Marami akong natutuhan tungkol sa pagtanggap at pagkilala ng personal na paghahayag. Ipapakita ng Espiritu Santo ang katotohanan ng ebanghelyo sa maraming paraan na maipaparating ito. Sa kabila ng nangyayari sa mundo, walang makapipigil sa pagsulong ng gawain ng Ama sa Langit para sa kaligtasan ng Kanyang mga anak.
Marites Pineda, Mindanao, Philippines
Hindi pa Kami Pumalya sa Pagdaraos ng Seminary
Kahit maraming nangyayari dahil sa coronavirus, natutuwa akong sabihin na hindi kami pumalya sa pagdaraos ng seminary! May kahirapang magturo ng klase sa pamamagitan ng video chat, pero natutuwa ako na makitang nakikinig ang mga magulang at mga nakababatang kapatid sa mga pag-uusap namin ng klase. Tuwang-tuwa ako na nakakapagbigay ito ng gawain na regular naming magagawa nang sama-sama bilang pamilya, at ang pinakagusto ko rito ay patuloy kaming makapagpapatotoo sa isa’t isa tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang pagmamahal para sa amin.
Mandi Crandell, Yigo, Guam
Paglilingkod sa mga Yaong nasa Magkabilang Panig ng Tabing
Naglilingkod ako bilang isang senior sister missionary sa Missouri Independence Mission nang kanselahin ang mga miting ng Simbahan at nagsimulang manatili lamang kami sa aming mga apartment. Ginamit namin ang aming mga telepono at computer para makausap ang mga miyembro at makipag-ugnayan sa mga binibisita namin na hindi regular na nagsisimba.
Para maging abala, nagpasiya akong gumawa ng family history, kahit medyo nahirapan ako noong una sa paghanap ng anumang mga bagong pangalan. Nang mag-log on ako sa FamilySearch, nakita ko ang isang notification tungkol sa isang rekord na naghihintay na ma-attach. Mula sa isang rekord na iyon nakahanap ako ng mga 70 tao sa aking angkan. Pagkaraan ng limang araw, nahinto ang paglabas ng mga pangalan. Kalaunan nang araw na iyon, nalaman namin na ire-release na kami lahat para umuwi. Nalulungkot akong umalis, pero nadama kong pinagpala pa rin ako dahil nakapaglingkod ako sa pamilya sa kabilang panig ng tabing sa mahirap na panahong ito.
Kim Nielson, Oregon, USA
Paggawa ng Ating Tungkulin upang Patuloy na Isulong ang Gawain ng Panginoon
Dahil pinayuhan ang mga missionary sa aming area na manatili sa kanilang mga apartment, sinikap naming gawin ang aming tungkulin, mag-anyaya ng isang kaibigan para malaman ang tungkol sa Simbahan. Ibinabahagi ng mga missionary ang kanilang mga lesson sa aming kaibigan sa pamamagitan ng telepono. Nadarama namin ang lakas ng Espiritu sa aming tahanan dahil sa teknolohiya na mayroon tayo ngayon. Kamangha-manghang makita na nagpapatuloy ang gawain ng Panginoon sa kabila ng lahat ng mga hamon sa mundo.
Elaina Reich, Washington, USA
Naririnig ng Tagapagligtas ang Aming Pag-awit
Naglilingkod ako bilang Church-service missionary sa PathwayConnect program sa Kyiv Ukraine Stake. Ipinasiya ng mga lider ng programa na kaming lahat na namumuno sa pagtipon ng mga tao ay bigyan ng training para mapangasiwaan namin ang mga taong ito online. Kinabukasan mismo, nagdeklara ang gobyerno nang mahigpitang quarantine sa Kyiv.
Gustung-gusto ko ang oportunidad na magtipun-tipon para sa PathwayConnect. At gustung-gusto ko ang pagkakataon na sama-samang sumamba at magkantahan sa bahay sa mga araw ng Linggo. Nagpapasalamat ako sa katiyakan na kapag may dalawa o tatlong nagkakatipon sa Kanyang pangalan, Siya ay nariyan. Walang nakakaalam kung gaano kami katagal na sasailalim sa quarantine sa Kyiv, ngunit alam namin na maririnig ng Tagapagligtas ang aming pag-awit.
Kateryna Serdyuk, Kyiv, Ukraine
“Panahon na para Ibalik ang Iyong Pamilya”
Nang dumalas ang balita tungkol sa COVID-19, inisip ko na sinosobrahan lang ang pagbabalita rito. Pero habang lumilipas ang mga araw, nagsimula akong makadama ng pagkabalisa at takot sa hinaharap ng ating mundo.
Isang umaga, hindi ako makatulog at nanatilling nakaupo habang pinag-iisipang mabuti kung para saan ba ang lahat ng ito. Pagkatapos ay napayapa ako. Itinuro sa akin ng Espiritu na binigyan ako ng Panginoon ng isang kaloob. “Panahon na para ibalik ang iyong pamilya,” sabi Niya.
Lagi kaming abala sa buhay. Binigyan ng pandemyang ito ang aming pamilya ng pagkakataong pagtuunan ang mga bagay na mahalaga: ang ebanghelyo ni Jesucristo. Mahahadlangan ko ang ilan sa mga mapanganib na impluwensyang iyon sa mundo at magtutuon sa pagtuturo sa aking mga anak na umasa kay Cristo. Palagi tayong inaalala ng ating Ama sa Langit. Nadarama ko iyan ngayon nang higit kailanman.
Mary Ostler, Nebraska, USA
Inihanda Tayo ng Panginoon Para Dito
Nang una akong sinabihan na pansamantalang kakanselahin ang pagtitipun-tipon sa Simbahan, medyo nabalisa ako. Pero ngayon nakikita ko kung paano tayo inihanda ng Panginoon para dito sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Ang pag-aaral ng ebanghelyo na nakasentro sa tahanan ay makakatulong sa atin sa panahon ng mga pagsubok. Nagpapasalamat ako na maaari pa rin akong tumanggap ng sakramento tuwing Linggo at mabasa, mapanood, at mapakinggan ang mga salita ng mga propeta. Nakakapanatag na malaman na hangga’t hindi pa tayo maaaring magkasama-samang muli, maaari pa rin nating madama ang Espiritu ring iyon.
Emma van As, Gauteng, South Africa
Tinuruan Kami Kung Paano Sumamba
Noong nakibahagi kaming mag-asawa sa ordenansa ng sakramento sa aming tahanan sa unang pagkakataon, damang-dama ko ang Espiritu kaya nahirapan akong kantahin ang himno na pinili namin. Sa loob ng mahigit 70 taon na pagdalo ko sa mga worship service natin, wala akong maalala na pinasalamatan ko nang lubos ang mga pagpapalang natanggap ko sa pamamagitan ng pagiging miyembro at pakikibahagi namin sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Itinuro sa amin kung paano sumamba at kung sino ang sinasamba namin. Oo, hindi namin nakakahalubilo ang aming mga kapwa Banal at ikasasaya namin na bumalik na sa “normal” ang sitwasyon sa lalong madaling panahon, pero nagpapasalamat ako sa mga aral na natututuhan namin sa mga panahong ito habang sinusunod namin ang payo ng propeta sa aming pagsamba na “nakasentro sa tahanan, at sinusuportahan ng Simbahan.”
Susan Preator, Montana, USA
Pagkakaroon ng Kapayapaan at Pagkakaisa
Ang pagdaraos ng home evening ay isang bagay na inaasam namin ng ang aking anak bawat linggo. Madalas na pumupunta noon sa bahay namin ang mga miyembro, kaibigan, at mga missionary. Pagkatapos ay nabago na ang mga bagay-bagay dahil sa pandemya. Ngayon may home evening pa rin kami kasama ang aming mga kaibigan gamit ang telepono. Sa panahong ito na magkakasama kami nakagawa kami ng maraming bagay na lalong naglapit sa amin sa isa’t isa.
Lubos akong nagpapasalamat para sa ating mahal na propeta, na nag-anyaya sa ating lahat na mag-ayuno. Nadama ng marami sa atin ang kapangyarihan ng pagkakaisa at kapayapaan sa pamamagitan ng karanasang iyan. Sa panahong tulad nito, ang kapayapaan na kailangan natin ay nagmumula sa Tagapagligtas na si Jesucristo.
Roshene McKenzie, Kingston, Jamaica
Ang Diyos ang May Kontrol
Nagsimula ako sa misyon dalawa’t kalahating buwan pa lang ang nakararaan. Naatasan akong maglingkod sa Hermosillo, Mexico. Bawat araw, nagkaroon ako ng pagkakataon na makilala ang mabubuting tao na handang tanggapin ang ipinanumbalik na ebanghelyo. Nadama ko na sinisimulan ko pa lang maisakatuparan ang layunin ko nang matigil ang misyon ko dahil sa COVID-19.
Masakit iwan ang mga taong iyon na mahal na mahal ko, pero nadama ko rin ang malaking kapayapaan at kapanatagan dahil alam ko na ang Diyos pa rin ang may kontrol. Nagpapasalamat ako na mayroon tayong propeta at mga Apostol na gumagabay sa atin sa panahong ito. Tulad ng maraming missionary sa buong mundo, naniniwala ako na hindi ito ang katapusan ng misyon ko. Hindi magtatagal makakatulong akong muli na isulong ang gawain ng Panginoon at patuloy na magiging kasangkapan sa Kanyang mga kamay upang makapagdala pa ng mas maraming kaluluwa tungo sa pagsisisi.
Carolina Roman, Puerto Rico