2020
Mga Hindi Malilimutang Sandali sa Kumperensya
Mayo 2020


Mga Hindi Malilimutang Sandali sa Kumperensya

Tulad ng ipinangako ni Pangulong Russell M. Nelson, ang pangkalahatang kumperensyang ito ay hindi malilimutan sa maraming paraan.1 Narito ang ilang hindi malilimutang sandali sa kumperensya.

Bagong Simbolo

Ipinaalam ni Pangulong Nelson ang bagong simbolo para sa Simbahan (tingnan sa pahina 73). Kasama sa simbolo ang pangalan ng Simbahan na nasa loob ng isang parihaba, na naglalarawan ng bato sa panulok. Sa ibabaw niyan ay nakatayo ang estatwa ng Christus sa ilalim ng arko, na nagpapaalala sa atin sa Tagapagligtas at sa Kanyang libingan na walang laman.

Proklamasyon para sa Ika-200 Taong Anibersaryo

Binasa ni Pangulong Nelson “Ang Pagpapanumbalik ng Kabuuan ng Ebanghelyo ni Jesucristo: Isang Proklamasyon sa Mundo para sa Ika-200 Taong Anibersaryo,” na nag-aanyaya sa lahat ng tao saan man na malaman na ang ebanghelyo ni Jesucristo na binanggit sa Bagong Tipan ay nasa mundo na muli ngayon. Ang opisyal na pagsasalin ay matatagpuan sa loob ng pabalat sa harap ng isyung ito sa 12 wika. Ang mga miyembro na naghihintay pa ng opisyal na pagsasalin ay makakakuha ng paunang mga pagsasalin ng proklamasyong ito sa mensahe ni Pangulong Nelson (tingnan sa pahina 91).

Kapita-pitagang Kapulungan

Ang isang “kapita-pitagang kapulungan” ay ginanap sa Linggo ng umaga bilang bahagi ng pagdiriwang ng Simbahan para sa Ika-200 Taong Anibersaryo ng Unang Pangitain. Sa sagradong pulong na ito, pinangunahan ni Pangulong Nelson ang mga Banal sa Sigaw na Hosana, isang nagkakaisang pagpapahayag ng papuri na ginagamit sa mga kaganapang tulad ng mga paglalaan ng templo (tingnan sa pahina 92).

Pangalawang Pandaigdigang Pag-aayuno

Sa pangalawang pagkakataon sa loob ng siyam na araw, inanyayahan ni Pangulong Nelson ang buong daigdig na mag-ayuno at manalangin “na ang pandemya sa kasalukuyan ay mapigilan, maprotektahan ang mga nangangalaga sa kalusugan, na lumakas ang ekonomiya, at bumalik sa normal ang buhay” (pahina 74). Ang pangalawang pandaigdigang ayunong ito ay ginanap noong Biyernes Santo, Abril 10, 2020.

Mga Bagong Templo

Ibinalita ni Pangulong Nelson ang mga planong pagtatayo ng walong bagong templo sa iba’t ibang dako ng mundo (tingnan sa pahina 115). Mayroong 168 na inilaang mga templo sa buong mundo, 7 sa mga iyon ang kasalukuyang sumasailalim sa renobasyon.

Mga Tagapagsalita na mga Kabataan

Tampok sa sesyon sa Sabado ng gabi ang dalawang tinedyer na tagapagsaita, sina Laudy Ruth Kaouk at Enzo Serge Petelo, na nagsalita tungkol sa kung paano pinagpapala ng priesthood ang mga kabataan (tingnan sa pahina 56 at 58). Mahigit 20 taon na ang nakalipas mula nang magkaroon ng mga tagapagsalita na mga kabataan sa pangkalahatang kumperensya.

Nakakaantig na Musika

Ang mga musikang inihandog para sa kumperensya ay dati nang nairekord. Ang kumperensya ay tinapos ng mga Banal sa iba’t ibang panig ng mundo sa pag-awit ng “Salamat, O Diyos, sa Aming Propeta” ng mga koro mula sa Ghana, New Zealand, Mexico City, South Korea, Germany, at Brazil (tingnan sa pahina 2).

Tala

  1. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Pangwakas na Mensahe,” Ensign o Liahona, Nob. 2019, 122.