2020
Pagnilayan ang Kabutihan at Kadakilaan ng Diyos
Mayo 2020


14:39

Pagnilayan ang Kabutihan at Kadakilaan ng Diyos

Inaanyayahan ko kayong alahahanin bawat araw ang kadakilaan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at ang nagawa Nila para sa inyo.

Sa buong kasaysayan ng mundo, kahit at lalo na sa mahihirap na panahon, hinikayat tayo ng mga propeta na alahahanin ang kadakilaan ng Diyos at pagnilayan ang nagawa Niya para sa atin bilang mga indibiduwal, bilang mga pamilya, at bilang mga tao.1 Ang tagubiling ito ay matatagpuan sa buong banal na kasulatan ngunit mas kita sa Aklat ni Mormon. Ipinaliliwanag sa pahina ng pamagat na isa sa mga layunin ng Aklat ni Mormon ay “ipakita sa mga labi ng sambahayan ni Israel kung anong mga dakilang bagay ang ginawa ng Panginoon para sa kanilang mga ama.”2 Kasama sa pagtatapos ng Aklat ni Mormon ang pagsamo ni Moroni: “Masdan, nais kong ipayo sa inyo na kung inyong mababasa ang mga bagay na ito … na inyong maalaala kung paano naging maawain ang Panginoon sa mga anak ng tao, … at pagbulay-bulayin ang mga yaon sa inyong mga puso.”3

Kapansin-pansin ang di-nagbabagong mga pagsamo mula sa mga propeta na pagbulayan ang kabutihan ng Diyos.4 Nais ng ating Ama sa Langit na alalahanin natin ang kabutihan Niya at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak, hindi para sa sarili Nilang kasiyahan kundi para sa impluwensya sa atin ng pag-alaalang iyon. Sa pagninilay sa Kanilang kabaitan, lumalawak ang ating pananaw at pang-unawa. Sa pagbubulay sa Kanilang habag, nagiging mas mapagkumbaba, madasalin, at matatag tayo.

Ipinapakita ng nakaaantig na karanasan ko sa isang dati kong pasyente kung paano tayo mababago ng pasasalamat para sa pagiging bukas-palad at pagkahabag. Noong 1987, nakilala ko si Thomas Nielson, isang pambihirang tao na nangailangan ng heart transplant. Siya ay 63 taong gulang at nakatira sa Logan, Utah, sa Estados Unidos. Matapos magserbisyo sa militar noong World War II, pinakasalan niya si Donna Wilkes sa Logan Utah Temple. Naging isa siyang masigasig at mahusay na kantero. Nang magkaedad na, ikinasiya niya lalo na ang makatrabaho ang kanyang panganay na apong si Jonathan kapag bakasyon nito sa eskuwela. Naging malapit ang dalawa sa isa’t isa, una dahil nakita ni Tom na marami silang pagkakatulad ni Jonathan.

Nainip si Tom sa paghihintay sa donasyong puso. Hindi siya gaanong pasensyoso. Palagi siyang nakagawa at nakakamit ng mga mithiin sa pamamagitan ng kasipagan at simpleng determinasyon. Dahil sa sakit sa puso, at hindi makagalaw nang normal, tinanong ako ni Tom paminsan-minsan kung ano ang ginagawa ko para mapabilis ang proseso. Pabiro siyang nagmungkahi ng mga paraan para mas madali siyang makakita ng donasyong puso.

Isang masaya subalit nakakatakot na araw, may nakuhang donasyong puso na akmang-akma kay Tom. Tugma ang laki ng puso at tipo ng dugo, at bata pa ang donor, 16 anyos pa lang. Kay Jonathan ang donasyong puso, ang pinakamamahal na apo ni Tom. Nang umagang iyon, lubhang nasugatan si Jonathan nang mabangga ng nagdaraang tren ang kotseng sinakyan niya.

Nang bisitahin ko sina Tom at Donna sa ospital, alalang-alala sila. Mahirap isipin ang pinagdaraanan nila, batid na maaaring madugtungan ang buhay ni Tom gamit ang puso ng kanilang apo. Noong una, ayaw nilang tanggapin ang alok na puso mula sa nagdadalamhating mga magulang ni Jonathan, na kanilang anak na babae at manugang na lalaki. Gayunman, alam na nina Tom at Donna na patay na ang utak ni Jonathan, at naunawaan nila na hindi ang kanilang mga dalangin para sa donasyong puso para kay Tom ang sanhi ng aksidente ni Jonathan. Hindi, ang puso ni Jonathan ay isang kaloob na maaaring magpala kay Tom sa oras ng kanyang pangangailangan. Naunawaan nila na maaaring may buting idudulot ang trahedyang ito at nagpasiya silang ituloy iyon.

Naging matagumpay ang transplant. Pagkatapos, nag-iba ang pagkatao ni Tom. Higit pa iyon sa pagbuti ng kalusugan o pasasalamat. Sinabi niya sa akin na nagbulay-bulay siya tuwing umaga tungkol kay Jonathan, sa kanyang anak at manugang, sa kaloob na natanggap niya, at sa responsibilidad na kaakibat ng kaloob na iyon. Kahit madali pa ring makita ang kanyang pagiging palabiro at determinasyon, napansin ko na mas pormal, maalalahanin, at maawain si Tom.

Nabuhay pa nang 13 taon si Tom pagkaraan ng transplant, mga taon na hindi sana niya naranasan. Nakasaad sa kanyang obitwaryo na tinulutan siya ng mga taon na iyon na antigin ang buhay ng kanyang pamilya at ng iba pa sa pagiging bukas-palad at mapagmahal. Naging isa siyang pribadong tagasuporta at halimbawa ng optimismo at determinasyon.

Gaya ni Tom, bawat isa sa atin ay nakatanggap ng mga kaloob na hindi natin kayang ibigay sa ating sarili, mga kaloob mula sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak, kabilang na ang pagtubos sa pamamagitan ng nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo.5 Natanggap natin ang buhay sa mundong ito, at tatanggap tayo ng pisikal na buhay sa kabilang buhay, at ng walang-hanggang kaligtasan at kadakilaan—kung pipiliin natin—lahat dahil sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Tuwing ginagamit, pinakikinabangan, o iniisip pa natin ang mga kaloob na ito, dapat nating isaalang-alang ang sakripisyo, pagiging bukas-palad, at pagkahabag ng mga nagbigay nito. Ang pagpipitagan para sa mga nagbigay ay hindi lamang tayo ginagawang mapagpasalamat. Ang pagbubulay tungkol sa Kanilang mga kaloob ay maaari at dapat tayong baguhin.

Isang pambihirang pagbabago ang nangyari kay Nakababatang Alma. Noong si Alma ay “nagpapalibut-libot at naghihimagsik laban sa Diyos,”6 nagpakita ang isang anghel. “Katulad ng tinig ng kulog,”7 pinarusahan ng anghel si Alma sa pag-uusig nito sa Simbahan at “[pag-akay] papalayo [ng] mga puso ng mga tao.”8 Sa bandang huli ay idinagdag ng anghel ang babalang ito “Humayo, at alalahanin ang pagkakabihag ng inyong mga ama … at pakatandaan kung gaano kadakila ang mga bagay na … ginawa [ng Diyos] para sa kanila”9 Sa lahat ng posibleng ipangaral, iyon ang binigyang-diin ng anghel.

Nagsisi si Alma at nakaalala. Kalaunan ay ibinahagi niya ang babala ng anghel sa kanyang anak na si Helaman. Ipinayo ni Alma, “Nais kong gawin mo ang tulad ng ginawa ko, sa pag-alaala sa pagkabihag ng ating mga ama; sapagkat sila ay nasa pagkaalipin, at walang sinumang makapagpapalaya sa kanila maliban sa Diyos ni Abraham, … Isaac, at … Jacob; at tunay na kanyang hinango sila sa kanilang mga paghihirap.”10 Sinabi lang ni Alma, “Ibinibigay ko ang aking tiwala sa kanya.”11 Naunawaan ni Alma na sa pag-alaala sa pagkaligtas mula sa pagkaalipin at suporta sa panahon ng “mga pagsubok at suliranin ng lahat ng uri,” nakikilala natin ang Diyos at nalalaman ang katiyakan ng Kanyang mga pangako.12

Iilan lamang sa atin ang nagkaroon ng madulang karanasan na tulad ng kay Alma, subalit maaaring gayon din kalalim ang ating pagbabago. Ipinangako ng Tagapagligtas noong araw:

“Bibigyan ko rin naman kayo ng bagong puso, at lalagyan ko ang loob ninyo ng bagong diwa; at aking aalisin ang batong puso … ,at aking bibigyan kayo ng pusong laman.

“At aking ilalagay ang aking Espiritu sa loob ninyo. …

“… At kayo’y magiging aking bayan, at ako’y magiging inyong Dios.”13

Sinabi ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas sa mga Nephita kung paano nagsisimula ang pagbabagong ito. Tinukoy niya ang napakahalagang bahagi ng plano ng Ama sa Langit nang sabihin Niyang:

“At isinugo ako ng aking Ama upang ako ay ipako sa krus; at matapos na ako ay maipako sa krus, upang mahikayat ko ang lahat ng tao na lumapit sa akin. …

“At sa dahilang ito ako ay ipinako; kaya nga, alinsunod sa kapangyarihan ng Ama ay hihikayatin ko ang lahat ng tao sa akin.”14

Ano ang kailangan ninyong gawin para mapalapit sa Tagapagligtas? Isipin ang pagpapasakop ni Jesucristo sa kalooban ng Kanyang Ama, Kanyang pagdaig sa kamatayan, Kanyang pag-ako sa inyong mga kasalanan at pagkakamali, Kanyang pagtanggap ng kapangyarihan mula sa Ama upang mamagitan para sa inyo, at Kanyang sukdulang pagtubos sa inyo.15 Hindi pa ba sapat ang mga bagay na ito para lumapit kayo sa Kanya? Sapat na ito para sa akin. Si Jesucristo ay “nakatayong nakaunat ang mga kamay, umaasa at [handang] … pagalingin, patawarin, linisin, palakasin, dalisayin, at pabanalin [kayo at ako].”16

Ang mga katotohanang ito ay dapat magbigay sa atin ng bagong puso at hikayatin tayong piliing sundin ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Subalit maging ang mga bagong puso ay “malamang na malihis, … malamang na iwan ang Diyos na [ating] minamahal.”17 Para malabanan ang tendensiyang ito, kailangan nating pagnilayan araw-araw ang mga kaloob na natatanggap natin at kung ano ang hinihiling nitong gawin natin. Ipinayo ni Haring Benjamin, “Nais kong inyong pakatandaan, at laging panatilihin sa inyong alaala ang kadakilaan ng Diyos … at ang kanyang kabutihan, at mahabang pagtitiis sa inyo.”18 Sa paggawa nito, magiging marapat tayo sa pambihirang mga pagpapala mula sa langit.

Ang pagbubulay tungkol sa kabutihan at awa ng Diyos ay tinutulungan tayong maging mas handang tumanggap ng mga espirituwal na bagay. Dahil diyan, ang nag-ibayong espirituwal na pagkasensitibo ay tinutulutan tayong malaman ang katotohanan ng lahat ng bagay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.19 Kabilang dito ang isang patotoo sa katotohanan ng Aklat ni Mormon, pagkabatid na si Jesus ang Cristo, ang ating personal na Tagapagligtas at Manunubos, at pagtanggap na ipinanumbalik na ang Kanyang ebanghelyo sa mga huling araw na ito.20

Kapag inaalala natin ang kadakilaan ng ating Ama sa Langit at ni Jesucristo at ang Kanilang nagawa para sa atin, hindi natin Sila babalewalain, tulad ng hindi pagbabalewala ni Tom sa puso ni Jonathan. Sa masaya at mapitagang paraan, inalala ni Tom bawat araw ang trahedyang nagpahaba ng kanyang buhay. Sa matinding kagalakan sa pagkaalam na tayo ay maaaring maligtas at madakila, kailangan nating alalahanin na ang kaligtasan at kadakilaan ay dumating kapalit ng isang malaking sakripisyo.21 Maaari tayong magalak nang may pagpipitagan kapag natanto natin na kung wala si Jesucristo, tiyak na mapapahamak tayo, ngunit sa Kanya, matatanggap natin ang pinakadakilang kaloob na maibibigay ng Ama sa Langit.22 Tunay ngang itinutulot ng pagpipitagang ito na matamasa natin ang pangakong “buhay na walang hanggan sa daigdig na ito” at sa huli ay matanggap ang “buhay na walang hanggan … maging ang walang kamatayang kaluwalhatian” sa daigdig na darating.23

Kapag pinagninilayan natin ang kabutihan ng ating Ama sa Langit at ni Jesucristo, nadaragdagan ang ating tiwala sa Kanila. Nagbabago ang ating mga dalangin dahil alam natin na ang Diyos ay ating Ama at tayo ay Kanyang mga anak. Hindi natin hangad na baguhin ang Kanyang kalooban kundi iayon ang ating kalooban sa Kanya at kamtin para sa ating sarili ang mga pagpapalang nais Niyang ipagkaloob, kung hihilingin natin ang mga ito.24 Inaasam natin na maging mas mapagkumbaba, mas dalisay, mas matatag, mas katulad ni Cristo.25 Ang mga pagbabagong ito ay pinagigindapat tayo para sa mga karagdagang pagpapala mula sa langit.

Sa pagkilala na bawat mabuting bagay ay nagmumula kay Jesucristo, mas mabisa nating maipapahayag sa iba ang ating pananampalataya.26 Magkakaroon tayo ng lakas ng loob sa harap ng mga gawain at sitwasyon na tila imposibleng kayanin Patitibayin natin ang ating determinasyon na tuparin ang mga tipang ginawa natin upang sundan ang Tagapagligtas.28 Mapupuspos tayo ng pagmamahal sa Diyos, nanaisin nating tulungan ang mga nangangailangan nang hindi nanghuhusga, mamahalin ang ating mga anak at palalakihin sila sa kabutihan, pananatilihin ang kapatawaran ng ating mga kasalanan, at lagi tayong magagalak.29 Ang mga ito ang pambihirang mga bunga ng pag-alaala sa kabutihan at awa ng Diyos.

Sa kabilang dako, nagbabala ang Tagapagligtas, “Walang bagay na magagawa ang tao na makasasakit sa Diyos, o wala sa kaninuman ang pag-aalab ng kanyang poot, maliban sa yaong mga hindi kumikilala sa kanyang ginawa sa lahat ng bagay.”30 Sa palagay ko hindi naiinsulto ang Diyos kapag nakakalimutan natin Siya. Sa halip, palagay ko ay labis Siyang nalulungkot. Alam Niya na napagkaitan natin ang ating sarili ng pagkakataong mas mapalapit sa Kanya sa pamamagitan ng pag-alaala sa Kanya at sa Kanyang kabutihan. Dahi dito nalalampasan tayo ng pagkakataong mas mapalapit Siya sa atin at ng partikular na mga pagpapalang naipangako Niya.31

Inaanyayahan ko kayong alahahanin bawat araw ang kadakilaan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at ang nagawa Nila para sa inyo. Hayaan ninyong ang inyong pagninilay tungkol sa Kanilang kabutihan ay mas matibay na ibigkis sa Kanila ang inyong pusong halaghag.32 Pagnilayan ang Kanilang pagkahabag, at mabibiyayaan kayo ng dagdag na espirituwal na pagkasensitibo at magiging higit na tulad ni Cristo. Ang pagbubulay-bulay sa Kanilang pagdamay ay tutulungan kayong “[manatiling] matapat hanggang wakas,” hanggang sa kayo ay “[tanggapin] sa langit” upang “manahanang kasama ng Diyos sa kalagayan ng walang katapusang kaligayahan.”33

Sinabi ng ating Ama sa Langit, sa pagtukoy sa Kanyang Pinakamamahal na Anak, “Pakinggan Siya!”34 Sa pagtalima ninyo sa mga salitang iyon at pakikinig sa Kanya, alalahanin, nang may galak at pagpipitagan, na gustung-gusto ng Tagapagligtas na ipanumbalik ang hindi ninyo kayang ipanumbalik; gustung-gusto Niyang pagalingin ang mga sugat na hindi ninyo kayang pagalingin; gustung-gusto Niyang ayusin ang hindi na maisasaayos;35 pinupunan Niya ang anumang kawalan ng katarungang ipinabata sa inyo;36 at gustung-gusto Niyang tuluyang paghilumin maging ang mga pusong wasak.37

Nang pagbulayan ko ang mga kaloob mula sa ating Ama sa Langit at kay Jesucristo, nalaman ko ang Kanilang walang-hanggang pagmamahal at Kanilang di-malirip na habag sa lahat ng anak ng Ama sa Langit.38 Nabago ako ng kaalamang ito, at mababago rin kayo nito. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.