2020
Lumapit kay Cristo—Pamumuhay bilang mga Banal sa mga Huling Araw
Mayo 2020


2:3

Lumapit kay Cristo—Pamumuhay bilang mga Banal sa mga Huling Araw

Makakaya nating gawin ang mahihirap na bagay at matutulungan ang iba na magawa rin ito, dahil alam natin kung kanino tayo maaaring magtiwala.

Maraming salamat, Elder Soares, sa iyong malakas na patotoo na may diwa ng isang propeta tungkol sa Aklat ni Mormon. Kamakailan lamang, nagkaroon ako ng natatanging oportunidad na mahawakan ang isang pahina ng orihinal na manuskrito ng Aklat ni Mormon. Sa partikular na pahinang ito, sa unang pagkakataon sa dispensasyong ito, nakatala ang magiting na mga salitang ito ni Nephi: “Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon, sapagkat nalalaman ko na ang Panginoon ay hindi magbibigay ng mga kautusan sa mga anak ng tao, maliban sa siya ay maghahanda ng paraan para sa kanila upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos sa kanila.”1

Orihinal na pahina ng manuskrito ng Aklat ni Mormon

Habang hawak ko ang pahinang ito, napuspos ako ng labis na pasasalamat sa mga pagsisikap ng 23-taong-gulang na si Joseph Smith, na nagsalin ng Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng “kaloob at kapangyarihan ng Diyos.”2 Nakadama rin ako ng pasasalamat sa mga salita ng batang si Nephi, na nautusang isagawa ang napakahirap na gawain na kunin ang mga laminang tanso mula kay Laban.

Alam ni Nephi na kung patuloy siyang mananatiling nakatuon sa Panginoon, magtatagumpay siya sa pagtupad sa iniutos sa kanya ng Panginoon. Buong buhay siyang nanatiling nakatuon sa Tagapagligtas kahit dumanas siya ng mga tukso, pisikal na pagsubok, at maging ng pagtataksil ng ilan sa pamilya niya mismo.

Alam ni Nephi kung kanino siya magtitiwala.3 Di-nagtagal matapos bumulalas ng, “O kahabag-habag akong tao! Oo, ang aking puso ay nalulungkot dahil sa aking laman,”4 sinabi ni Nephi, “Ang aking Diyos ang aking naging tagapagtaguyod; pinatnubayan niya ako sa aking mga kahirapan sa ilang; at pinangalagaan niya ako sa ibabaw ng tubig ng malawak na dagat.”5

Bilang mga alagad ni Cristo, hindi tayo makakaalpas sa mga hamon at pagsubok sa ating buhay. Madalas ay kailangan nating gumawa ng mahihirap na bagay na nakakalula, kung tatangkaing mag-isa, at maaaring imposible. Sa pagtanggap natin sa paanyaya ng Tagapagligtas na “lumapit sa akin,”6 maglalaan Siya ng suporta, aliw, at kapayapaang kailangan, tulad ng ginawa Niya para kina Nephi at Joseph. Maging sa pinakamabibigat nating pagsubok, madarama natin ang mainit na yakap ng Kanyang pagmamahal kapag nagtiwala tayo sa Kanya at tinanggap natin ang Kanyang kalooban. Mararanasan natin ang kagalakang nakalaan para sa Kanyang matatapat na disipulo, sapagkat si “Cristo ay kagalakan.”7

Noong 2014, habang naglilingkod sa isang full-time mission, nakaranas ang aming pamilya ng mga di-inaasahang pangyayari. Habang nakasakay sa skateboard pababa sa isang matarik na burol, nahulog ang aming bunsong anak at nagtamo ng matinding pinsala sa kanyang utak. Nang lumala ang kanyang kalagayan, isinalang siya kaagad ng mga doktor sa isang biglaang operasyon.

Lumuhod ang pamilya namin sa sahig ng isang dapat sana’y bakanteng silid ng ospital, at ibinuhos namin ang aming puso sa Diyos. Sa gitna ng nakalilito at masakit na sandaling ito, pinuspos kami ng pagmamahal at kapayapaan ng ating Ama sa Langit.

Hindi namin alam ang mangyayari sa hinaharap o kung muli naming makikitang buhay ang aming anak. Ang napakalinaw lamang sa amin ay na nasa mga kamay ng Diyos ang kanyang buhay at ang mga resulta, mula sa walang-hanggang pananaw, ay magiging para sa kanya at sa aming ikabubuti. Sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu, handang-handa kaming tanggapin ang anumang kalalabasan.

Hindi ito naging madali! Dalawang-buwang pagka-ospital ang naging resulta ng aksidente samantalang pinamumunuan namin ang mahigit 400 full-time missionary. Lubhang nawalan ng alaala ang aming anak. Bahagi ng kanyang pagpapagaling ang matagal at mahirap na physical, speech, at occupational therapy sessions. Nananatili ang mga hamon, ngunit sa paglipas ng panahon, nasaksihan namin ang isang himala.

Malinaw naming nauunawaan na hindi lahat ng pagsubok na kinakaharap natin ay magkakaroon ng resultang gusto natin. Gayunman, habang nananatili tayong nakatuon kay Cristo, madarama natin ang kapayapaan at makikita ang mga himala ng Diyos, anuman ang mga iyon, sa Kanyang panahon at sa Kanyang paraan.

Magkakaroon ng mga pagkakataon na hindi natin makikita sa anumang paraan na magiging maganda ang wakas ng isang kasalukuyang sitwasyon at maaari pa nating sabihin, tulad ni Nephi, “Ang aking puso ay nalulungkot dahil sa aking laman.”8 Maaaring may mga pagkakataon na ang tanging pag-asa natin ay na kay Jesucristo. Malaking pagpapala ang magtaglay ng pag-asa at tiwalang iyon sa Kanya. Si Cristo ang palaging tutupad sa Kanyang mga pangako. Ang Kanyang kapahingahan ay tinitiyak para sa lahat ng lumalapit sa Kanya.9

Taimtim ang pagnanais ng ating mga pinuno na madama ng lahat ang kapayapaan at aliw na nagmumula sa pagtitiwala at pagtutuon sa Tagapagligtas na si Jesucristo.

Matagal nang ipinararating ng ating buhay na propetang si Pangulong Russell M Nelson ang pananaw ng Panginoon para sa sanlibutan at sa mga miyembro ng Simbahan ni Cristo: “Ang ating mensahe sa mundo ay simple at taos-puso: inaanyayahan natin ang lahat ng anak ng Diyos sa magkabilang panig ng tabing na lumapit sa kanilang Tagapagligtas, tanggapin ang mga pagpapala ng banal na templo, magkaroon ng walang-hanggang kagalakan, at maging karapat-dapat sa buhay na walang hanggan.”10

Ang paanyayang ito na “lumapit kay Cristo” ay may partikular na mga implikasyon para sa mga Banal ng mga Huling Araw.11 Bilang mga miyembro ng Simbahan ng Tagapagligtas, nakipagtipan tayo sa Kanya at espirituwal na naging mga anak Niya.12 Nabigyan din tayo ng oportunidad na tumulong sa Panginoon sa pag-anyaya sa iba pa na lumapit sa Kanya.

Habang tumutulong tayo kay Cristo, ang dapat na pinaka-taimtim na pagtuunan ng ating mga pagsisikap ay sa loob ng sarili nating tahanan. Magkakaroon ng mga pagkakataon na mahaharap sa mga hamon ang ating mga kapamilya at malalapit na kaibigan. Ang mga impluwensya ng mundo, at siguro’y ang sarili nilang mga pagnanais, ay maaaring magsanhi na mag-alinlangan sila sa katotohanan. Dapat nating gawin ang lahat ng ating makakaya upang maipadama sa kanila kapwa ang pagmamahal ng Tagapagligtas at ang ating pagmamahal. Naaalala ko ang talata sa banal na kasulatan na naging paborito nating himno na “Mahalin ang Bawat Isa,” na itinuturo sa atin, “Mababatid na kayo’y alagad ko, kung kayo ay nagmamahalan.”13

Sa pagmamahal natin sa mga taong nag-aalinlangan sa katotohanan, maaaring subukan ng kaaway ng lahat ng kagalakan na ipadama sa atin na nagtataksil tayo sa mga mahal natin kung patuloy natin mismong ipamumuhay ang kabuuan ng ebanghelyo at ipapangaral ang mga katotohanan nito.

Ang kakayahan nating tulungan ang iba na lumapit kay Cristo o makabalik kay Cristo ay nakasalalay nang malaki sa halimbawang ipinapakita natin sa sarili nating personal na pangako na manatili sa landas ng tipan.

Kung totoong nais nating sagipin ang mga taong mahal natin, kailangan natin mismong manatiling matatag kay Cristo sa pamamagitan ng pagtanggap sa Kanyang Simbahan at sa kabuuan ng Kanyang ebanghelyo.

Sa pagbabalik sa kuwento ni Nephi, alam natin na ang hilig ni Nephi na magtiwala sa Panginoon ay nagmula sa impluwensya ng likas na hilig ng kanyang mga magulang na magtiwala sa Panginoon at sa kanilang halimbawa ng pagtupad sa mga tipan. Magandang halimbawa nito ang pangitain ni Lehi sa punungkahoy ng buhay. Matapos makakain ng matamis at nakasisiyang bunga ng punungkahoy, “nagpalingun-lingon [si Lehi], nagbabaka sakaling matagpuan [niya] ang [kanyang] mag-anak.”14 Nakita niya sina Saria, Sam, at Nephi na nakatayo “na waring hindi alam kung saan sila patutungo.”15 Pagkatapos ay sinabi ni Lehi, “Kinawayan ko sila; at sinabihan ko rin sila sa isang malakas na tinig na dapat silang lumapit sa akin, at kumain ng bunga.”16 Pansinin lamang na hindi nilisan ni Lehi ang punungkahoy ng buhay. Espirituwal siyang nanatili sa piling ng Panginoon at inanyayahang lumapit ang kanyang pamilya kung saan siya naroon upang kumain ng bunga.

Aakitin ng kaaway ang ilan na lisanin ang kagalakan ng ebanghelyo sa pamamagitan ng paghihiwalay ng mga turo ni Cristo mula sa Kanyang Simbahan. Paniniwalain niya tayo na maaari tayong manatiling matatag sa landas ng tipan nang mag-isa, sa pamamagitan ng sarili nating espirituwalidad, nang hindi nakadepende sa Kanyang Simbahan.

Sa mga huling araw na ito, ipinanumbalik ang Simbahan ni Cristo upang tulungan ang mga pinagtipanang anak ni Cristo na manatili sa Kanyang landas ng tipan.

Mababasa natin sa Doktrina at mga Tipan, “Masdan, ito ang aking doktrina—sinuman ang magsisisi at lalapit sa akin, siya rin ay aking simbahan.”17

Sa pamamagitan ng Simbahan ni Cristo, lumalakas tayo sa pamamagitan ng ating mga karanasan bilang isang komunidad ng mga Banal. Naririnig natin ang Kanyang tinig sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Ang pinakamahalaga sa lahat, sa pamamagitan ng Kanyang Simbahan ay binibigyan tayo ng lahat ng mahalagang pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Cristo na matatamo lamang sa pamamagitan ng pakikibahagi sa mga sagradong ordenansa.

Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang Simbahan ni Cristo sa lupa, na ipinanumbalik sa mga huling araw na ito para sa kapakinabangan ng lahat ng anak ng Diyos.

Pinatototohanan ko na kapag lumapit tayo kay Cristo at namuhay bilang mga Banal sa mga Huling Araw, pagpapalain tayo ng dagdag na sukat ng Kanyang pagmamahal, Kanyang kagalakan, at Kanyang kapayapaan. Gaya ni Nephi, makakaya nating gawin ang mahihirap na bagay at matutulungan ang iba na magawa rin ito, dahil alam natin kung kanino tayo maaaring magtiwala.18 Si Cristo ang ating liwanag, ating buhay, at ating kaligtasan.19 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.