2020
Upang Makita Nila
Mayo 2020


2:3

Upang Makita Nila

Maghanap at magdasal para sa mga pagkakataong magliwanag ang inyong ilaw upang makita ng iba ang daan patungo kay Jesucristo.

Mga minamahal kong kapatid, pinagpala at binago ang ating mga puso ng Espiritung nadama natin sa kumperensyang ito.

Isang haliging apoy

Dalawang daang taon na ang nakararaan, isang haligi ng liwanag ang tumuon sa isang binata sa kakahuyan. Sa liwanag na iyon, nakita ni Joseph Smith ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo. Hinawi ng Kanilang liwanag ang espirituwal na kadilimang bumalot sa mundo at itinuro nito ang daan para kay Joseph Smith—at para sa ating lahat. Dahil sa liwanag na inihayag noong araw na iyon, maaari nating matanggap ang kabuuan ng mga pagpapala na naging posible sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo.

Dahil sa Pagpapanumbalik ng Kanyang ebanghelyo, maaari tayong mapuspos ng liwanag ng ating Tagapagligtas. Gayunman, ang liwanag na iyon ay hindi lamang para sa inyo at sa akin. Nanawagan sa atin si Jesucristo na “hayaan na ang inyong ilaw ay magliwanag sa harapan ng mga taong ito, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at luwalhatiin nila ang inyong Ama na nasa langit.” 1 Nagustuhan ko ang pariralang “upang makita nila.” Ito ay isang taos-pusong paanyaya mula sa Panginoon na maging mas masigasig sa pagtulong sa iba na makita ang landas nang sa gayon ay makalapit sila kay Cristo.

Elder L. Tom Perry

Noong 10 taong gulang ako, ang aming pamilya ay nagkaroon ng karangalan na patuluyin sa aming tahanan si Elder L. Tom Perry ng Korum ng Labindalawang Apostol habang ginagawa niya ang iniatas sa kanya sa aming bayan.

Sa pagtatapos ng araw, ang aming pamilya at ang mga Perry ay umupo sa aming sala upang namnamin ang masarap na apple pie na gawa ng aking ina habang nagkukuwento si Elder Perry tungkol sa mga Banal sa buong mundo. Talagang namangha ako.

Palalim na ang gabi nang tawagin ako ng aking ina sa kusina at simpleng tinanong ako: “Bonnie, pinakain mo na ba ang mga manok?”

Nag-alala ako; hindi ko pa iyon nagagawa. Dahil ayokong umalis sa tabi ng Apostol ng Panginoon, iminungkahi ko na baka puwedeng mag-ayuno muna ang mga manok hanggang sa umaga.

Isang mariing “hindi puwede” ang naging tugon ng aking ina. Siya namang pagpasok ni Elder Perry sa kusina at sa kanyang malakas at masiglang tinig ay nagtanong, “Tama ba ang narinig ko na kailangang pakainin ang mga manok? Maaari ka ba naming tulungan ng aking anak?”

O, anong saya na ngayong pakainin ang mga manok! Tumakbo ako upang kunin ang aming malaking dilaw na flashlight. Sabik ko silang ginabayan habang palukso-lukso ako sa gamit na gamit nang daan patungo sa manukan. Tinawid namin ang mga taniman ng mais at trigo habang pagewang-gewang ang flashlight sa aking kamay.

Nang umabot kami sa maliit na kanal na ginagamit sa patubig, walang anu-ano ay tumalon ako patungo sa kabilang panig tulad ng ginagawa ko noong mga nakaraang gabi. Hindi ko alam na nahihirapan pala si Elder Perry na sundan ako sa madilim at hindi pamilyar na daang iyon. Ang aking pagewang-gewang na ilaw ay hindi nakatulong sa kanya na makita ang kanal. Dahil walang sapat na ilaw upang makakita, siya ay napatapak mismo sa tubig at napasigaw. Natataranta akong bumaling at nakita kong tinatanggal ng aking bagong kaibigan ang kanyang basang paa sa kanal at inaalis ang tubig sa kanyang mabigat na sapatos na yari sa balat.

Basa at babad man sa tubig ang kanyang sapatos, tinulungan ako ni Elder Perry na pakainin ang mga manok. Nang matapos kami, sinabi niya sa akin nang may pagmamahal, “Bonnie, kailangan kong makita ang daan. Kailangang maliwanag ang ilaw sa dinaraanan ko.”

Nagliliwanag ang aking ilaw ngunit hindi sa paraang makatutulong kay Elder Perry. Ngayong alam ko nang kailangan niya ang aking ilaw upang ligtas na makatawid sa daan, itinutok ko ang flashlight sa mismong dinaraanan niya at nakabalik kami sa bahay nang may kumpiyansa.

Mahal kong mga kapatid, sa loob ng maraming taon ay pinagnilayan ko ang alituntunin na natutuhan ko mula kay Elder Perry. Ang paanyaya ng Panginoon na hayaan na ang ating ilaw ay magliwanag ay hindi lamang tungkol sa pagwawagayway ng sinag ng ilaw at gawing mas maliwanag ang mundo sa pangkalahatan. Tungkol ito sa pagtutok ng ating ilaw upang makita ng iba ang daan patungo kay Cristo. Ito ay pagtitipon sa Israel sa bahaging ito ng tabing—ang tulungan ang iba na makita ang susunod na hakbang tungo sa paggawa at pagtupad ng mga tipan sa Diyos. 2

Nagpatotoo ang Tagapagligtas, “Masdan, ako ang ilaw; ipinakita ko ang isang halimbawa sa inyo.” 3 Tingnan natin ang isa sa Kanyang mga halimbawa.

Ang babae sa balon ay isang Samaritano na hindi kilala si Jesucristo at itinuturing ng marami na hindi kabilang sa sarili nitong lipunan. Nakita ni Jesus ang babae at kinausap Niya ito. Nabanggit Niya rito ang tungkol sa tubig. Pagkatapos ay binigyan niya ng higit na liwanag ang babae nang ipahayag Niya na Siya ang “tubig na buhay.” 4

Si Cristo ay nahabag sa kanya at alam ang kanyang mga pangangailangan. Kinausap Niya ang babae sa paraang mauunawaan nito at nagsimula Siya sa pamamagitan ng pagsasalita tungkol sa isang bagay na pamilyar at pangkaraniwan. Kung itinigil Niya ang pag-uusap sa puntong ito, malamang na positibo pa rin ang kahihinatnan ng tagpong iyon. Ngunit hindi iyon magbubunga sa pagpunta ng babae sa bayan upang magpahayag, “Magsiparito kayo, tingnan ninyo … : mangyayari kayang ito ang Cristo?” 5 Unti-unti, sa pamamagitan ng pag-uusap na iyon, nakilala niya si Jesucristo, at sa kabila ng kanyang nakaraan, nagsilbi siyang ilaw na nagbibigay-liwanag sa daan upang makita ito ng iba. 6

Ngayon, tingnan natin ang kuwento ng dalawang tao na sumunod sa halimbawa ng Tagapagligtas na pinagliwanag ang kanilang ilaw. Kamakailan lamang, nakatabi sa hapunan ng aking kaibigan na si Kevin ang isang negosyante. Nag-alala siya kung ano ang pag-uusapan nila sa loob ng dalawang oras. Alinsunod sa pahiwatig na natanggap niya, nagtanong siya, “Kuwentuhan mo ako tungkol sa iyong pamilya. Saan sila nanggaling?”

Walang masyadong alam ang lalaki tungkol sa kanyang mga ninuno, kaya inilabas ni Kevin ang kanyang telepono at sabi niya, “Mayroon akong app na nag-uugnay sa mga tao sa kanilang mga pamilya. Tingnan natin kung ano ang mahahanap natin.”

Pagkatapos ng isang mahabang pag-uusap, nagtanong ang bagong kaibigan ni Kevin, “Bakit napakahalaga ng pamilya sa inyong simbahan?”

Simple lang ang sagot ni Kevin, “Naniniwala kami na patuloy tayong nabubuhay pagkatapos nating mamatay. Kung kikilalanin namin ang aming mga ninuno at dadalhin ang kanilang mga pangalan sa isang banal na lugar na tinatawag na templo, maaari kaming magsagawa ng mga ordenansa ng kasal na magbubuklod sa aming mga pamilya maging pagkatapos ng kamatayan.” 7

Nagsimula si Kevin sa isang bagay na pamilyar sa kanilang dalawa ng kanyang bagong kaibigan. Pagkatapos ay nakahanap siya ng paraan upang magpatotoo tungkol sa ilaw at pagmamahal ng Tagapagligtas.

Ang pangalawang kuwento ay tungkol kay Ella, isang manlalaro ng basketbol sa kolehiyo. Nagsimula ang kanyang halimbawa nang matanggap niya ang kanyang mission call habang nasa paaralan, malayo sa kanyang pamilya. Pinili niyang buksan ang kanyang mission call sa harapan ng kanyang koponan. Halos wala silang alam tungkol sa Simbahan ni Jesucristo at hindi nila nauunawaan ang hangarin ni Ella na magmisyon. Paulit-ulit siyang nagdasal upang malaman kung paano ipaliliwanag ang kanyang mission call sa paraang madarama ng kanyang mga kasamahan sa koponan ang Espiritu. Ang kanyang sagot?

“Gumawa ako ng isang PowerPoint,” sabi ni Ella, “dahil ganoon ako kapursigido.” Sinabi niya sa kanila ang tungkol sa posibilidad na maglingkod sa isa sa mahigit 400 mga mission at matuto ng isang bagong wika. Binanggit din niya na may libu-libong missionary na kasalukuyang naglilingkod. Nagtapos si Ella sa larawan ng Tagapagligtas at sa maikling patotoo na ito: “Ang basketbol ay isa sa pinakamahahalagang bagay sa aking buhay. Lumipat ako sa kabilang panig ng bansa at iniwan ko ang aking pamilya para sa ating coach at sa koponang ito. Ang tanging dalawang bagay na mas mahalaga sa akin kaysa sa basketbol ay ang aking pananampalataya at ang aking pamilya.” 8

Ngayon, kung sakaling napapaisip kayo, “Ang mga ito ay mga dakilang 1,000-watt na halimbawa, ngunit ako ay isang 20-watt na bombilya lamang,” tandaan na nagpatotoo ang Tagapagligtas, “Ako ang ilaw na inyong itataas.” 9 Ipinapaalala Niya sa atin na dadalhin Niya ang ilaw kung ituturo lamang natin ang iba sa Kanya.

Kayo at ako ay mayroon nang sapat na ilaw na maibabahagi ngayon mismo. Maaari nating paliwanagin ang susunod na hakbang upang matulungan ang isang tao na mas mapalapit kay Jesucristo, at pagkatapos ay ang kasunod, at ang kasunod pa.

Tanungin ang inyong sarili, “Sino ang nangangailangan ng ilaw na mayroon kayo upang mahanap ang daan na kailangan nila ngunit hindi nila makita?”

Aking mga minamahal na kaibigan, bakit napakahalaga na magliwanag ang ating ilaw? Sinabi sa atin ng Panginoon na “marami pa sa mundo … na napagkakaitan lamang ng katotohanan sapagkat hindi nila alam kung saan ito matatagpuan.” 10 Maaari tayong tumulong. Maaari na sadya nating gawing mas maliwanag ang ating ilaw upang makita ng iba. Maaari tayong magpaabot ng paanyaya. 11 Maaari nating sabayan sa paglakad ang mga taong gumagawa ng munting hakbang palapit sa Tagapagligtas, gaano man ito kaalanganin. Maaari nating tipunin ang Israel.

Pinatototohanan ko na pagyayamanin ng Panginoon ang bawat mumunting pagsisikap. Magbibigay ng pahiwatig ang Espiritu Santo upang malaman natin kung ano ang sasabihin at gagawin. Sa gayong mga pagsisikap ay maaaring kailanganin nating gumawa ng isang bagay na mahirap para sa atin, ngunit makatitiyak tayo na tutulungan tayo ng Panginoon na magliwanag ang ating ilaw.

Lubos akong nagpapasalamat sa ilaw ng Tagapagligtas, na patuloy na gumagabay sa Simbahang ito sa pamamagitan ng paghahayag.

Ang Tagapagligtas na may hawak na lampara

Inaanyayahan ko ang lahat sa atin na sundin ang halimbawa ni Jesucristo at maging mahabagin sa mga taong nasa paligid natin. Maghanap at magdasal para sa mga pagkakataong magliwanag ang inyong ilaw upang makita ng iba ang daan patungo kay Jesucristo. Dakila ang Kanyang pangako: “Ang sumusunod sa akin ay hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng kabuhayan.” 12 Pinatototohanan ko na ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo ang daan, ang katotohanan, ang buhay, ang ilaw, at ang pag-ibig ng sanlibutan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.