Elder Jeremy R. Jaggi
General Authority Seventy
Noong tinedyer si Elder Jeremy R. Jaggi, ang kanyang pitong-taong gulang na kapatid na babae, si Kristen, ay nakakuha ng bakterya na umatake sa kanyang utak. Sinabi ng mga doktor na hindi na siya maililigtas.
Lumuhod ang batang si Jeremy sa tabi ng kanyang kama sa bahay ng kanilang pamilya sa Salt Lake City, Utah, USA, at nagsumamo sa Panginoon na ipaalam sa kanya kung bakit kailangang mamatay ang kapatid niya sa napakabatang edad. Gayunpaman, tumanggap ng basbas ng priesthood ang kanyang kapatid at nanatiling buhay.
Ito ang nag-udyok sa 17-taong gulang na si Jeremy na “maging masunurin sa Diyos,” at naghikayat sa kanya na seryosohin ang pagbabasa ng Aklat ni Mormon sa unang pagkakataon. Kalaunan naglingkod siya bilang full-time missionary sa Ohio Cleveland Mission.
Muling taimtim na nagdasal si Jeremy ilang taon kalaunan nang ang kanyang asawang si Amy, ay maagang nagdamdam sa pagluluwal ng kanilang pangatlong anak. “Nang sandaling iyon, napuspos ako ng kapayapaan—kapayapaan na mailalarawan lamang bilang mapagmahal na mga bisig ng isang Ama sa Langit at pinalibutan ako ng init ng Espiritu Santo,” sabi niya.
Ang kapayapaang iyon ang pumanatag sa kanya sa maikling panahon na nabuhay ang sanggol at sa mga sumunod na buwan na puno ng kalungkutan matapos na muling makunan ang kanyang asawa. “Lahat tayo ay sinusubok sa ating buhay,” sabi niya, “ngunit magagawa pa rin nating ‘ariin [nang] buong kagalakan’ [Santiago 1:2] na naglaan ang Tagapagligtas ng daan upang magkaroon tayo ng kapayapaan at kaligayahan.”
Si Jeremy Robert Jaggi ay ipinanganak sa Salt Lake City, Utah, USA, noong Marso 23, 1973, kina Robert Stanley Jaggi at Judy Anne Roos. Pinakasalan niya si Amy Anne Stewart sa Salt Lake Temple noong Hunyo 12, 1995. Sila ay may limang anak.
Si Elder Jaggi ay nagtapos ng bachelor of science degree in behavioral science and health mula sa University of Utah at ng executive master of business administration degree mula sa Pepperdine University. Siya ang namumuno sa regional sales para sa Alkermes at namamahala ng commercial real estate sa HCA Investments nang tawagin siya sa tungkulin.
Si Elder Jaggi ay naglingkod bilang Area Seventy, pangulo ng Utah Ogden Mission, assistant stake executive secretary, bishop, elders quorum president, seminary teacher, counselor sa ward Young Men presidency, stake missionary preparation teacher, at ward mission leader.