Elder Kelly R. Johnson
General Authority Seventy
Tandang-tanda pa ni Elder Kelly R. Johnson ang araw nang tawagin siya bilang bishop sa edad na 31. Noong araw ding iyon siya ay nasuring may Bell’s palsy—isang kalagayan kung saan hindi maigalaw o humina ang kalamnan ng isang panig ng mukha.
Napakahirap na kalagayan nito nang panahong iyon, hindi lamang dahil sa hirap at kahihiyan na dulot nito kundi dahil sa kanyang maraming mga bagong responsibilidad. Ngunit ang mahirap na panahong iyon ay naging isang pagpapala.
“Dahil hindi ko alam kung ano ang magiging pang-matagalang sitwasyon, nahabag ako sa mga taong nakasama ko sa buong buhay ko,” sabi niya. “Nalaman ko nang lubos na dumaranas ang mga tao ng mahihirap at malulungkot na bagay na hindi nila kayang kontrolin na nakakaapekto sa kanilang mga kakayahan, damdamin, at tiwala sa sarili.”
Kung minsan, hindi madaling maglingkod sa Simbahan ng Panginoon. Ngunit tulad ng mga disipulo ng Tagapagligtas na “pagdaka’y iniwan nila ang mga lambat” (Mateo 4:20) para sumunod sa Kanya, “anuman ang ipagawa sa atin, handa tayong gawin ito,” sabi ni Elder Johnson.
Saanman siya o ang kanyang pamilya tawagin ng Panginoon, sumusunod sila nang may pagkukusang puso at isipan, sinisikap na makahanap ng kabutihan anuman ang kanilang kalagayan.
Si Kelly Ray Johnson ay ipinanganak sa Pleasant View, Utah, noong Enero 16, 1963, kina Harold Raymond Johnson Jr. at Helen Cragaun Johnson. Lumaki siya sa Ogden, Utah, at pinakasalan si Teressa Lynn Bartrum sa Salt Lake City Temple noong Marso 27, 1986. Sila ay may limang anak.
Si Elder Johnson ay nagtapos sa Weber State University noong 1987 na may bachelor of science degree in accounting at nakamit ang kanyang master degree sa business administration mula sa Brigham Young University noong 1989. Siya ay nagtrabaho bilang forensic accountant sa KPMG International Cooperative at nitong huli ay nagtrabaho bilang forensic accountant at kasosyo sa Norman, Townsend, and Johnson.
Si Elder Johnson, na naglilingkod bilang Area Seventy nang tawagin siya sa tungkulin, ay naglingkod bilang mission president sa Thailand Bangkok Mission, kung saan siya naglingkod bilang full-time missionary. Siya ay naglingkod din bilang stake president, tagapayo sa stake presidency, high councilor, bishop, elders quorum president, ward mission leader, at stake missionary preparation teacher.