Mensahe Ng Area Presidency
Elder Bednar: Patuloy ang Himala ng Pilipinas
May nasaksihan ka na bang himala?
Oo, sagot ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, sa climax ng makasaysayang sampung-araw na paglibot sa Philippines Area noong Pebrero 17-26, 2023. “Tingnan mo dito at sa buong Pilipinas ngayon,” pahayag ng senior na lider ng Simbahan, “isa itong himala na higit pa sa paghawi ng Dagat na Pula, at magpapatuloy ito dahil sa debosyon, sa paglalaan, sa katapatan ng mga miyembro.”
Sa isang area-wide broadcast na naka-stream mula sa Aurora Meetinghouse sa Quezon City na nakatanggap ng halos 112,000 views, sinabi ni Elder Bednar sa mga miyembrong Pilipino na ang pambihirang pag-unlad ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa bansa ay “hindi tungkol sa bilang ng mga templo … hindi tungkol sa bilang ng mga miyembro,” kundi sa halip ito ay “tungkol sa lakas ng pananampalataya ng mga Banal sa mga Huling Araw.”
At binanggit ni Elder Bednar ang paulit-ulit niyang nasaksihan sa kanyang pagbisita, na ikaanim na pagtuntong niya sa bansa: “Makikita at madarama mo na napakalakas ng pananampalatayang iyon.”
Itinerary at kasamang mga lider
Si Elder Bednar at ang kanyang asawang si Sister Susan K. Bednar ay sinamahan ng mga miyembro ng Philippines Area presidency: Elder Steven R. Bangerter, Elder Yoon Hwan Choi, at Elder Carlos G. Revillo Jr., at ng kanilang mga asawa, na sina Sister Susan A. Bangerter, Sister Bon Kyung Choi, at Sister Marie F. Revillo.
Kasama nina Elder at Sister Bednar sa kanilang paglalakbay ang mga Area Seventy, kabilang na sina Elder Julius F. Barrientos, Elder Jose Antonio San Gabriel, Elder Tomas S. Merdegia, Elder Martiniano S. Soquila Jr., Elder Aretemio C. Maligon, Elder Eduardo M. Argana, Elder Bartolome Madriaga, Elder Norman C. Insong, at Elder Ernesto A. Deyro Jr., na sinamahan din ng kanilang mga asawa.
Nakipagpulong din sina Elder at Sister Bednar kina President at Sister Cabrito ng Manila Philippines Temple, President at Sister Alfornon, ng Cebu City Philippines Temple at sa mahiigit isang libong mga ordinance worker na matatapat na naglilingkod sa mga templong ito. Nakipagpulong din sila sa mga mission leader at sa libu-libong mga missionary sa MTC at sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas.
Payo sa mga Banal
Sa kanilang pagbisita, sina Elder at Sister Bednar ay nagsalita sa mga miyembro sa Makati, San Jose del Monte, San Pablo, Davao, Puerto Princesa, Tarlac, Angeles/San Fernando, at Quezon City. Bilang karagdagan sa partisipasyon sa isang area-wide broadcast, si Elder Bednar ay nakipagpulong sa mga stake at district leader, pinamunuan niya ang ilang mga kumperensya at debosyonal, tinuruan ang mga missionary at mga temple worker, at nakipagpulong sa mga lider ng pulitika at relihiyon.
Ang pinakatampok ay ang area-wide broadcast na may temang “Becoming A Temple-Ready People” o Pagiging mga Taong Handa sa Templo. Sa brodkast, halos 50,000 mga miyembro ang nakibahagi nang face-to-face at online. Sa oras ng brodkast, ang mga miyembro ng panguluhan ng Philippines Area at ang kanilang mga asawa ay naglahad kina Elder at Sister Bednar ng mga impresyon mula sa mga lider at mga miyembro ng Simbahan sa buong bansa na dumalo sa maraming kaganapan kung saan nagsalita ang mga Bednar. Inanyayahan ni Elder Bednar ang mga lider na ito at ang mga miyembro na ibahagi ang tatlong bagay: (1) Ano ang narinig nila? (2) Ano ang natutuhan nila? at (3) Paano sila matutulungan nito na magbago?
Sa format na ito, isang kagila-gilalas na pagbuhos ng Espiritu ang nadama ng mga Pilipinong Banal na nagtipon para may matutuhang bago at mapalakas ng isang makabagong apostol.
Pinaalalahanan ni Elder Bednar ang mga miyembro ng Simbahan na “napakahalaga” na magpokus sa mga pangunahing bagay na ukol sa ebanghelyo. “Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay napakasimple, hindi ito mahirap ipamuhay,” muling pagtitiyak ni Elder Bednar sa mga Banal. “Natututo tayo, sinisikap nating maunawaan ang mga turo ng Tagapagligtas, at ginagawa natin ang mga ito—ito ang tinatawag na pananampalataya sa Kanya.”
At nilinaw ni Elder Bednar, na “sa paggawa natin nito, hindi nawawala ang ating mga problema, hindi nalulutas para sa atin ang ating mga problema.” Pero, “biniyayaan tayo ng kapangyarihan ng pagkadiyos sa ating buhay, dahil konektado tayo sa Ama at sa Anak dahil sa tipan, at ang Espiritu Santo ang ating kasama, at anumang paghihirap ang makaharap natin sa ating buhay, anuman ang hamon, may lakas tayo para patuloy na magsikap, maging matiyaga, at patuloy na sumulong,” dagdag pa niya.
Batid ni Elder Bednar ang mga hamon na kinakaharap ng mga Pilipino, na kitang-kita nang may tanong tungkol sa mga miyembro na nahihirapang magdesisyon kung iiwanan ba o hindi ang kanilang mga pamilya para magtrabaho sa ibang bansa. Sinabi ni Elder Bednar na marami na siyang nakitang mga Pilipino na nagtatrabaho sa mga lugar na tulad ng Saudi Arabia at Hong Kong.
“Hindi ko sasabihin sa inyo kung ano ang gagawin ninyo,” sabi ng apostol, na itinuturo na “may kalayaan kayo, kayo ay kinatawan, dapat kayong magpasiya.” Pinayuhan ni Elder Bednar ang mga miyembro na basahin bilang isang pamilya ang Pagpapahayag tungkol sa Mag-anak ng Simbahan, lalo na ang mga bahagi kung saan inilalarawan ang kasal bilang inorden ng Diyos at ang papel ng pamilya sa plano ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak. “Ipagdasal ito, pagnilayan ito, hangarin ang tulong ng Panginoon, atg gumawa kayo ng desisyon,” pagtuturo niya.
Payo sa mga missionary
Sa mga full-time at service missionary, at senior missionary, inulit ni Elder Bednar ang kahalagahan ng pakikinig sa Espiritu. Sa mga nagtipon sa Philippines Missionary Training Center (MTC), hiniling ni Elder Bednar sa mga missionary na maghandang ‘maturuan ng Espiritu’ sa pamamagitan ng pag-aaral ng limang artikulo. Sa halip na isulat lang ang sasabihin niya, inanyayahan sila ni Elder Bednar na isulat ang kanilang mga impresyon ayon sa ibinibigay ng Espiritu. Habang nagsasalita siya sa kanila, inanyayahan niya sila na magtanong.
Natanto ni Sister Asis, na nadestino sa Japan Kobe Mission, na ang gayong paghahanda at pag-aaral ay mahalaga sa pag-imbita sa Espiritu bago magsimula ang debosyonal. “Kung hindi ko pinag-aralan ang kanyang mga mensahe noon,” sabi niya, “mahihirapan akong unawain ang sinasabi niya.” Si Elder Ruiz ng Philippines Iloilo Mission ay nagkaroon ng mas malalim na pagkaunawa sa salitang conversion o pagbabalik-loob: “Bilang missionary, kung ako ay converted o nagbalik-loob, maaari kong sundin ang Missionary Standards at ang halimbawa [ng Tagapagligtas] at umasa sa aking patotoo na magturo sa pamamagitan ng Espiritu.”
Sa kaparehong debosyonal sa makasaysayang Buendia Chapel kasama ang mga missionary mula sa apat na mission (Philippines Antipolo, Philippines Manila, Philippines Quezon City at Philippines Quezon City North), hiniling ni Elder Bednar sa mga Elder at Sister na ihanda ang kanilang sarili at matuto sa pamamagitan ng Espiritu—na marinig hindi lamang kung ano ang sinabi kundi maging kung ano ang itinuro ng Espiritu Santo sa bawat isa sa kanila.
Mga karanasan ni Sister Bednar
Sa kanyang bahagi, nagtuon si Sister Bednar sa kahalagahan ng gabay na Para sa Lakas ng mga Kabataan, na ikinukuwento kung paano nila ibinahagi ni Elder Bednar ang inspiradong payo nito sa mga hindi miyembrong kaibigan ng tatlong anak nila, noong lumalaki ang mga ito. “Napag-alaman namin ng asawa ko na kapag nakatira ka sa mga lugar kung saan kaunti lang ang mga miyembro ng Simbahan,” pagkukuwento niya, “mas madali para sa mga anak namin at … sa inyong mga anak na mamigay ng polyetong Para sa Lakas ng mga Kabataan … napakagandang missionary tool nito.” At ikinuwento niya kung paano nila pinalaki ni Elder Bednar ang kanilang mga anak sa mga turo ng ebanghelyo.
“Nang banggitin ni Sister Bednar ang tungkol sa pagkakaroon ng larawan ni Jesucristo sa dingding ng silid ng kanilang mga anak, naalala ko ang pag-aaral ng aming pamilya ng banal na kasulatan kung saan binabanggit ng aking itay ang dalawang katangian ni Jesucristo sa Juan 2 kung saan nilinis Niya ang templo,” paggunita ni Sister Laneah Benigno ng Cubao Ward, Quezon City South Stake. “Ngayon na mayroon na rin akong larawan Niya, nakikita at naaalala ko hindi lamang ang Kanyang mga katangian kundi pati ang Kanyang mga turo na nagkaroon ng epekto sa aking buhay.”
“Binanggit nina Elder at Sister Bednar kung paanong naging kapana-panabik sa kanilang mga anak ang pagpunta sa templo dahil sa mga larawan ni Jesus at larawan ng templo na nasa kanilang mga silid,” pagbabahagi ng siyam na taong gulang na si Kaylee Sophia Lopez ng Quirino 1st Wward, Quezon City South Stake. “Gustung-gusto ko na ring magpunta sa templo, pero kailangan kong maghintay na maging labindalawang taong gulang ako.”
Pagtulong
Sa kanyang pagbisita, si Elder Bednar, na sinamahan ni Elder Bangerter, ay nakipagkita rin sa dating pangulo na si Rodrigo R. Duterte at kay Senator Rolando “Bong” Go sa Parañaque City. Ipinaalam ni Elder Bednar sa dalawang lider na ito ang status ng Philippines Davao Temple, na kasalukuyang itinatayo at nagpaabot ng paanyaya na dumalo sila sa makasaysayang temple open house kapag natapos na ito. Tinalakay din ng mga lider ng Simbahan at ni Senator Go ang maraming inisyatibo ng Simbahan na patuloy na pagpalain ang buhay ng mga pamilyang Pilipino at mga komunidad.
Si Elder Bednar ay nakibahagi rin sa isang kaganapang ukol sa mga relihiyon sa San Carlos Pastoral Formation Complex sa Makati, kung saan malugod siyang tinanggap ni Fr. Richard Babao, dean ng Holy Apostles Senior Seminary at Assistant Minister for Ecumenical and Interfaith Affairs ng Archdiocese of Manila. Ibinigay ni Elder Bednar kay Father Babao ang isang magandang estatwa ng Christus at nagpatotoo sa mahalagang papel ng Tagapagligtas sa doktrina ng Simbahan. Iniabot ni Elder Bangerter kay Father Babao ang isang personalized na hardbound na kopya ng Aklat Mormon at pinag-usapan nila ang katunayan nito bilang tipan ni Jesucristo. Sa isang question-and-answer na sesyon kasama ang mga seminaristang Katoliko ng Holy Apostles Senior Seminary complex, sinabi ni Elder Bednar na mga Katoliko rin ang kanyang mga kamag-anak at na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay aktibong nakikipagkaibigan sa mga tao sa iba’t ibang relihiyon sa buong mundo. Sila at nagtutulungan sa pag-minister sa mga pangangailangan at alalahanin ng mga tao.
Basbas ng Isang Apostol
Isang araw bago umalis sina Elder at Sister Bednar, binigkas ni Elder Bednar ang isang basbas ng apostol para sa mahigit 850,000 na mga miyembro ng Simbahan sa Pilipinas. “Binabasbasan ko kayo na ang liwanag ng kabutihan ay patuloy na lumaganap sa bansang ito,” ang sabi niya sa panalangin, “sa bawat buhay, sa mga pamilya, sa mga komunidad, at sa bansang ito.” Hiniling din niya sa kalangitan na pagpalain ang mga Pilipino, na magkaroon sila ng “mas malaking hangarin na malaman ang tungkol sa mga tipan at ordenansa ng ebanghelyo ng Tagapagligtas.”
Sa huli, bilang natatanging saksi ng Panginoong Jesucristo, ibinahagi ni Elder Bednar ang kanyang patotoo kung saan minsan pa ay tiniyak niya sa mga miyembro ng Simbahan sa buong Pilipinas ang mahalagang papel ng Tagapagligtas sa kanilang buhay: “Siya ay muling nabuhay. Siya ay buhay. Maaari tayong makipamatok sa Kanya sa pamamagitan ng mga tipan at ordenansa ng Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. Saksi ako na totoo ito at available ito sa bawat miyembro ng Simbahan na tumatanggap ng mga tipan at nagsisikap na alalahanin at igalang ang mga ito.”