Ano ang Pakiramdam ng Pag-Alalay sa Isang Apostol?
Talaga namang maraming pagsasaayos na kailangang gawin bago ang pagbisita ng isang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol sa isang malayong bansa na gaya ng Pilipinas.
Ang pagpaplano ng mga bagay na kailangan, pagtiyak na ligtas ang seguridad, at pagtutuon sa bawat munting detalye pati na ang isisilbing pagkain ay mahalaga lahat. Ang mga naatasan na gawin ang mga ito ay tahimik na kumikilos at hindi nakikita ng publiko. Parang tulad ito sa bibi na banayad na lumalangoy sa ibabaw ng tubig, samantalang kawag-nang-kawag ang mga paa nito sa ilalim ng tubig.
Narito ang ilang anekdota na nagpapakita na bagamat humahawak siya ng sagradong tungkulin, si Elder David A. Bednar at ang kanyang asawang si Sister Susan K. Bednar ay katulad din natin na mga Banal sa araw-araw: magiliw, mabait, masayahin, at palakaibigan.
Nadama ni Wilmer Buenconsejo na isang pribilehiyon na maging isa sa mga drayber na naghatid kina Elder at Sister Bednar sa kanilang mga appointment, pero kinabahan din siya. Kinailangan niyang mabalanse ang pagmamaneho nang ligtas at pagtiyak na hindi mahuhuli ang isang apostol ng Panginoon sa kanyang mga speaking engagement o pupuntahan. “Ang kalmado at mabuting pagkatao ni Elder Bednar ay pumawi sa mga pag-aalala ko at maayos ang pagsasalita niya sa akin,” sabi niya. “Nang maaga kaming nakarating sa lugar, nginitian niya ako at nagsabing ‘salamat.’”
Nagpasalamat si Sister Bednar na si Gretchen Berido mula sa Philippines Area Office ang naatasan na maging security officer na aalalay sa kanya. Napag-alaman ni Sister Berido na si Sister Bednar ay mabait at mapagpakumbaba—at humihingi ng praktikal na payo tungkol sa pagpili ng mga smartphone. “Nagtatanong siya ng mairerekomenda para sa kanyang mga apong babae at kung ano ang kagandahan ng mga android phone kumpara sa mga iPhone,” pagkukuwento niya, “at palaging nagtatanong kung komportable ako habang nagbibiyahe kami.”
Ang tanging panahon na iniwan ni Gretchen si Sister Bednar ay sa Tarlac nang kinailangan niyang itakbo sa ospital ang isang buntis matapos itong makunan sa meetinghouse. Delikadong pagbubuntis iyon, pero nagpilit ang sister na magbiyahe mula sa kanyang tahanan sa Bulacan papunta sa Tarlac dahil talagang gusto niyang marinig ang mensahe nina Elder at Sister Bednar.
Natuwa rin si Julius Tirazona, isa pang miyembro ng local security na nakatalagang umalalay kina Elder at Sister Bednar, na makita ang di-seryoso at masayahing pagkatao ni Elder Bednar nang makipagbiro siya sa mga kasama niya sa biyahe. “Nakakatuwang maalala noong nagsasalita si Elder Bednar sa Tarlac,” paggunita niya. “Bigla siyang nilapitan ni Sister Bednar sa harapan para magbigay ng reaksiyon sa sinabi niya at bago naupo si Sister ay hinalikan niya si Elder Bednar sa labi.” Biglang naghiyawan ang mga miyembro ng kongregasyon at dahil dito ay muling tumayo sai Sister Bednar at humingi ng paumanhin, kung saan masayang sumagot si Elder Bednar: “‘Hindi ka dapat humingi ng paumanhin dahil sa hinalikan mo ang asawa mo,’ sabi ni Elder Bednar sa kanya na nakangiti.”
Nagpasalamat sina Elder at Sister Bednar sa lahat ng tumulong sa kanila sa pang-anim na pagbisita nila sa bansa. Nagbiro pa nga sila na aampunin na sila at magiging Pinoy sa susunod na pagbalik nila.
Sa gabi bago ang pag-alis nila, kinausap ng personal security officer ni Elder Bednar na si Bryan Palmer si Elder Steven R. Bangerter ng Philippines Area Presidency at pinuri ang mga Pilipinong Banal sa mga Huling Araw sa pagkilos nila nang may mapagmahal at mabuting puso. “Bawat detalye ng pagbisita ng Apostol ay planadong mabuti, at madaling tinatanggap ng mga tao ang mga madaliang pagbabago o kahit ang biglaang gustong gawin ni Elder Bednar,” masayang sabi niya. “Hanga ako sa kabutihan ng mga Pilipino.”