Liahona
Si Jesucristo ang Pinagmumulan ng “Buhay,” “Mabuti,” at “Higit na Mainam na Pag-asa”
Disyembre 2024


“Si Jesucristo ang Pinagmumulan ng ‘Buhay,’ ‘Mabuti,’ at ‘Higit na Mainam na Pag-asa,’” Liahona, Dis. 2024.

Si Jesucristo ang Pinagmumulan ng “Buhay,” “Mabuti,” at “Higit na Mainam na Pag-asa”

Sa espesyal na panahong ito ng pagdiriwang ng pagsilang ng sanggol sa Bethlehem, nawa’y lagi nating maalala na si Jesucristo ay naparito sa mundo para maging Tagapagligtas at Manunubos natin.

Sina Maria at Jose kasama ang sanggol na si Jesus

The Nativity [Ang Pagsilang ni Cristo], ni Sharlotte Andrus

Binigyang-diin nina Apostol Pedro at ng mga propeta sa Aklat ni Mormon na sina Jacob at Moroni ang espirituwal na kaloob na pag-asa kay Cristo sa magkakatulad na paraan.

Halimbawa, ipinahayag ni Pedro, “Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesucristo! Sa pamamagitan ng kanyang malaking kahabagan ay muli tayong ipinanganak sa isang buhay na pag-asa sa pamamagitan ng pagkabuhay ni Jesucristo mula sa mga patay” (1 Pedro 1:3; idinagdag ang diin). Pansinin lamang ang paggamit ng salitang “buhay” para ilarawan ang “pag asa.”

Ipinahayag ni Jacob, “Kung gayon, mga minamahal na kapatid, makipagkasundo sa kanya sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang kanyang Bugtong na Anak, at maaaring matamo ninyo ang pagkabuhay na mag-uli, alinsunod sa kapangyarihan ng pagkabuhay na mag-uli na na kay Cristo, at ihahandog bilang mga unang bunga ni Cristo sa Diyos, na may pananampalataya, at magtamo ng mabuting pag-asa sa kaluwalhatian na nasa kanya bago niya ipakita ang sarili sa laman” (Jacob 4:11; idinagdag ang diin). Pansinin lamang ang paggamit ng salitang “mabuti” para ilarawan ang “pag asa.”

At sabi ni Moroni, “At natatandaan ko ring sinabi ninyo na naghanda kayo ng tahanan para sa tao, oo, maging sa mga mansiyon ng inyong Ama, kung saan ang tao ay maaaring magkaroon ng higit na mainam na pag-asa; kaya nga, kinakailangang umasa ang tao, o hindi siya maaaring makatanggap ng mana sa lugar na inyong inihanda” (Eter 12:32; idinagdag ang diin). Pansinin lamang ang paggamit ng salitang “mainam” para ilarawan ang “pag asa.”

Ano ang Pag-asa kay Cristo?

Ang espirituwal na kaloob na pag-asa kay Cristo ay ang masayang pag-asam sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng “[mga] kabutihan, at awa, at biyaya ng Banal na Mesiyas” (2 Nephi 2:8) at ang matinding pagnanais sa mga ipinangakong pagpapala ng kabutihan. Ang mga pang-uring “buhay,” “mabuti,” at “higit na mainam” sa mga talatang ito ay nagpapahiwatig ng patuloy na lumalawak at masiglang katiyakan ng Pagkabuhay na Mag-uli at ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pagsampalataya kay Jesucristo.

Ipinaliwanag ng propetang si Mormon:

“At muli, mga minamahal kong kapatid, ako ay mangungusap sa inyo hinggil sa pag-asa. Paanong kayo ay makaaabot sa pananampalataya, maliban kung kayo ay magkakaroon ng pag-asa?

“At ano ito na inyong aasahan? Masdan, sinasabi ko sa inyo na kayo ay magkakaroon ng pag-asa sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo at sa kapangyarihan ng kanyang pagkabuhay na mag-uli, na ibabangon tungo sa buhay na walang hanggan, at ito ay dahil sa inyong pananampalataya sa kanya alinsunod sa pangako.

“Kaya nga, kung ang isang tao ay may pananampalataya siya ay kinakailangang magkaroon ng pag-asa; sapagkat kung walang pananampalataya ay hindi magkakaroon ng kahit na anong pag-asa” (Moroni 7:40–42).

Ang Plano ng Kaligayahan ng Ama

Ang pag-asa kay Cristo na buhay, mabuti, at higit na mainam ay nagsisimula sa kaalaman na ang Diyos Amang Walang Hanggan ay buhay. Siya ang ating Ama sa Langit, at tayo ay Kanyang mga espiritung anak. Literal tayong mga espiritung anak na lalaki at anak na babae ng Diyos at nagmana ng mga banal na katangian mula sa Kanya.

Ang Ama ang may-akda ng plano ng kaligayahan (tingnan sa Abraham 3:22–28). Bilang mga espiritung anak na lalaki at anak na babae ng Diyos, ating “tinanggap ang Kanyang plano na naglaan sa Kanyang mga anak na magkamit ng pisikal na katawan at magtamo ng karanasan sa mundo upang umunlad patungo sa kaganapan at sa huli ay makamtan ang kanilang banal na tadhana bilang tagapagmana ng buhay na walang hanggan.” Sa mga banal na kasulatan, nalaman natin: “Ang Ama ay may katawang may laman at mga buto na nahihipo gaya ng sa tao; ang Anak din” (Doktrina at mga Tipan 130:22). Kaya, ang pagkakaroon ng pisikal na katawan ay mahalaga sa proseso ng pag-unlad tungo sa ating banal na tadhana.

Tayo ay mga nilalang na may dalawang bahagi. Ang ating espiritu, ang ating walang-hanggang bahagi, ay nadadamitan ng pisikal na katawan na napapailalim sa mga pagnanasa at gana ng mortalidad. Ang plano ng kaligayahan ng Ama ay nilayon para magbigay ng patnubay sa Kanyang mga anak, para tulungan silang makauwi sa Kanya nang ligtas na may nabuhay na mag-uli at dinakilang katawan, at para matanggap ang mga pagpapala ng walang-hanggang kagalakan at kaligayahan.

Si Maria kasama ang batang si Jesus

The Christ Child [Ang Batang Cristo], ni Sharlotte Andrus

Ang Tungkulin ni Jesucristo na Tumubos sa Plano ng Ama sa Langit

Si Jesucristo ang Bugtong na Anak ng Diyos Amang Walang Hanggan. Pumarito Siya sa mundo upang gawin ang kalooban ng Kanyang Ama (tingnan sa 3 Nephi 27:13). Si Jesucristo ang hinirang ng Ama na maging Kanyang personal na kinatawan sa lahat ng bagay na nauukol sa kaligtasan ng sangkatauhan. Siya ang ating Tagapagligtas at Manunubos dahil dinaig Niya kapwa ang kamatayan at kasalanan.

Nagpropesiya si Alma sa mga tao ni Gedeon tungkol sa nakapagliligtas na gawain ng Mesiyas:

“At siya ay hahayo, magdaranas ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso; at ito ay upang matupad ang salita na nagsabing dadalhin niya sa kanyang sarili ang mga pasakit at ang mga sakit ng kanyang mga tao.

“At dadalhin niya sa kanyang sarili ang kamatayan, upang makalag niya ang mga gapos ng kamatayan na gumagapos sa kanyang mga tao; at dadalhin niya ang kanilang mga kahinaan, upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, ayon sa laman, upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan.

“Ngayon nalalaman ng Espiritu ang lahat ng bagay; gayon pa man, ang Anak ng Diyos ay magdurusa ayon sa laman upang madala niya sa kanyang sarili ang mga kasalanan ng kanyang mga tao, upang mabura niya ang kanilang mga kasalanan alinsunod sa kapangyarihan ng kanyang pagtubos” (Alma 7:11–13).

Ang unang alituntunin ng ebanghelyo ay pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. Ang tunay na pananampalataya ay nakatuon sa at tungkol sa Tagapagligtas at nagbibigay-kakayahan sa atin na magtiwala sa Kanya at magkaroon ng lubos na tiwala sa kapangyarihan Niyang iligtas tayo mula sa kamatayan, linisin tayo mula sa kasalanan, at biyayaan tayo ng lakas na higit pa sa ating sarili.

Nagpatotoo si Moroni, “At dahil sa pagtubos sa tao, na dumating sa pamamagitan ni Jesucristo, sila ay naibalik sa harapan ng Panginoon; oo, kung saan ang lahat ng tao ay tinubos, dahil ang kamatayan ni Cristo ay nagsasakatuparan ng pagkabuhay na mag-uli, na nagsasakatuparan ng katubusan mula sa walang katapusang pagtulog, kung saang pagkakatulog ang lahat ng tao ay gigisingin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos kung kailan ang pakakak ay tutunog; at sila ay babangon, kapwa maliit at malaki, at lahat ay tatayo sa harapan ng kanyang hukuman, na mga tinubos at kinalagan mula sa walang hanggang gapos ng kamatayan, kung aling kamatayan ay isang temporal na kamatayan” (Mormon 9:13).

Pinatototohanan ko na kinalag ng Tagapagligtas ang mga gapos ng kamatayan. Siya ay nabuhay na mag uli, Siya ay buhay, at Siya lamang ang pinagmumulan ng buhay, mabuti, at higit na mainam na pag asa.

Isang Angkla sa Kaluluwa

Nagpatotoo ang propetang si Eter, “Kaya nga, sinuman ang maniniwala sa Diyos ay maaaring umasa nang may katiyakan para sa isang daigdig na higit na mainam, oo, maging isang lugar sa kanang kamay ng Diyos, kung aling pag-asa ay bunga ng pananampalataya, na gumagawa ng isang daungan sa mga kaluluwa ng tao, na siyang magbibigay sa kanila ng katiyakan at katatagan, nananagana sa tuwina sa mabubuting gawa, inaakay na purihin ang Diyos” (Eter 12:4; idinagdag ang diin).

Sa espesyal na panahong ito ng pagdiriwang ng pagsilang ng sanggol sa Bethlehem, nawa’y lagi nating maalala na si Jesucristo ay naparito sa mundo para maging Tagapagligtas at Manunubos natin. Iniaalok Niya sa atin ang napakahalagang espirituwal na mga kaloob na buhay, liwanag, pagpapanibago, pagmamahal, kapayapaan, pananaw, kagalakan, at pag-asa.

Inaanyayahan ko kayo na angkop na hangarin ang espirituwal na kaloob na pag-asa sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga turo at patotoo ng mga sinauna at makabagong propeta tungkol sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo at literal na Pagkabuhay na Mag-uli. Kapag ginawa ninyo ito, ipinapangako ko na titibay ang inyong patotoo sa kabanalan ng Manunubos, lalalim ang inyong pagbabalik-loob sa Kanya, madaragdagan ang inyong hangarin at determinasyong tumayo bilang isang magiting na saksi Niya, at bibiyayaan kayo ng isang angkla sa inyong kaluluwa—maging ng buhay, mabuti, at higit na mainam na pag-asa.

Kasama ang mga Apostol na nagpatotoo sa Kanya sa buong panahon, masaya akong ipahayag ang aking patotoo na si Jesucristo ang buhay na Anak ng buhay na Diyos. Siya ang ating nabuhay na mag-uling Manunubos na may niluwalhati at nahahawakan na katawang may laman at buto. At dahil sa pagtubos at pakikipagkasundo sa Diyos na ginagawang posible ng Panginoon para sa buong sangkatauhan, matatanggap natin ang espirituwal na katiyakan at ang isang buhay, mabuti, at higit na mainam na pag asa na “kay Cristo ang lahat ay bubuhayin” (1 Corinto 15:22).