Liahona
Ang Pangit na Belen
Disyembre 2024


“Ang Pangit na Belen,” Liahona, Dis. 2024.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Ang Pangit na Belen

Matapos bumili ng isang basag na Belen, mas naunawaan ko ang sakripisyo ng Tagapagligtas para sa ating mga kasalanan.

basag na piraso ng Belen na may kahon sa background

Ilang taon na ang nakalilipas noong maliliit pa ang mga anak ko, isinama ko sila sa pamimili. Habang nasa labas, nakakita kami ng ilang murang set ng Belen, at ang isa sa mga ito ay nasa maliit na kahon. Ang Belen na ito ay hindi maganda ang pagkagawa, malamang na yari sa ceramic, at lilimang piraso lamang—si Maria, si Jose, isang pastol, isang Pantas, at ang sanggol na si Jesus.

Nang buksan ng anak ko ang kahon, lumabas ang isang piraso at nahulog sa lapag, at nahati sa dalawa. Matapos aluin ang anak ko sa pagkakamali niya, naisip ko sa sarili ko, “Palagay ko bibilhin ko ang pangit na set na ito ng Belen.” Hindi iyon ang Belen na karaniwan kong ididispley sa bahay ko, pero dahil nabasag iyon ng anak ko, binili ko iyon at iniuwi.

Nang makatulog na ang mga bata, inilabas ko ang set ng munting Belen at inisip kong itapon iyon. Maliit at pangit iyon sa paningin ko. Gayunman, ang pirasong nabasag ay ang sanggol na si Jesus. Hindi ko basta maitatapon ang sanggol na si Jesus! Kaya, pinagdikit ko ang piraso at gumawa ako ng maliit na puwesto sa bahay namin bawat taon pagkatapos niyon para sa munting Belen na iyon.

Noong nakaraang taon, habang inilalagay ko ang mga piraso ng Belen sa mga piraso ng papel para protektahan ang mga iyon, muli kong sinulyapan ang sanggol na si Jesus. Pagkatapos ay sinulyapan ko ang kahon nang ipasok ko ang pirasong iyon sa loob nito. Napansin ko na hindi ko pala naalis ang price tag doon: $1.25. Iyon ang halagang binayaran ko para matubos ang anak ko sa pagkakamali niya.

Nang maisip ko iyon, tumigil ako at pinagnilayan ko ang ating Tagapagligtas. Umapaw ang mga ideya sa isip ko tungkol kay Jesucristo, at naisip ko ang halagang binayaran Niya para tubusin ako mula sa aking mga kasalanan. Napakaliit ng halagang naibayad ko para sa pagkakamali ng anak ko kumpara sa Kanyang sakripisyo para sa aking mga kasalanan. Binayaran ko ang halaga ng Belen para sa anak ko dahil mahal ko siya, at binayaran ng Tagapagligtas ang halaga para tubusin tayo dahil mahal Niya tayo (tingnan sa 1 Corinto 6:19–20).

Tulad nang makumpuni ko ang basag na sanggol na si Jesus, maaari Niyang kumpunihin ang ating sirang buhay. Naisip ko ang aking pasasalamat sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo para sa akin at para sa bawat anak ng Diyos, at para sa pag-asang maaaring mapasaatin sa ating Tagapagligtas. Hindi na napakapangit para sa akin ang pangit na Belen na iyon.