“Isang Pusong Nagbago,” Liahona, Dis. 2024.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Isang Pusong Nagbago
Ang lugar na ayaw kong mapuntahan sa Bisperas ng Pasko ay ang bilangguang militar.
Isang Bisperas ng Pasko habang nakatira kami sa Pilipinas, umuwi nang maaga ang tatay ko mula sa kanyang trabaho bilang chaplain sa Clark Air Base.
“Tam,” sabi niya, “kailangan kita para gumawa ng cookies at magpraktis ng mga Pamaskong awitin sa gitara mo. Mangalap ka rin ng mga bagay para sa mga costume sa Belen. Sa piitan tayo magpapalipas ng magdamag.”
Galit pa rin ako sa mga magulang ko dahil sa paglipat-lipat ng pamilya namin sa iba’t ibang panig ng mundo. Ang huling gusto kong gawin ay palipasin ang Bisperas ng Pasko sa isang bilangguang militar. Nagreklamo ako pero wala akong nagawa.
Pagpasok namin sa piitan, humantong kami sa isang madilim na kuwartong may mga upuan at isang mesa. Hindi nagtagal ay isang pinto ang bumukas, at masayang pinapasok ng tatay ko ang isang grupo ng mga lalaking nakagapos at nakaposas.
Pagkatapos ay kumanta kami ng mga Pamaskong awitin, nagsadula ng Lucas 2, at nagkainan ng mga lutong-bahay—kapareho ng mga gagawin namin sa bahay. Ngunit may naiiba.
Lumambot ang aking nagdadalagang puso nang gabing iyon nang masaksihan ko ang abang pasasalamat ng mababait na lalaking iyon. Nagtanong ang isa sa kanila habang tinutukoy ang aming pagsasadula ng Nativity, “Puwede rin ba akong sumali rito?” Gusto ring sumali ng iba. Hindi nagtagal, ipinahayag ng karagdagang “mga anghel” ang espesyal na pagsilang ng Tagapagligtas.
Ang mga bilanggong iyon ay nasa isang lugar na ayaw nilang mapuntahan, at nasa bansa ako na ayaw kong mapuntahan. Pero alam ko na kami ay nakita, kilala, at mahal ng ating Tagapagligtas na napunta na rin sa isang lugar na mapagpakumbaba Niyang hinangad na makaalis (tingnan sa Lucas 22:42). Sa aking 16-na-taong-gulang na puso, alam kong hindi ako nag-iisa.
Hindi lamang ang mga lalaking iyon ang nagpahid ng luha noong Bisperas ng Paskong iyon. Ang pangyayaring nagpabago sa buhay nang gabing iyon ay hindi ang pagdiriwang namin ng Pasko kundi ang kapangyarihan ni Cristo na magpasigla at magpagaling.
Halos 50 taon na ang nakalipas mula nang Bisperas ng Paskong iyon, pero nananatili itong isang sagradong alaala. Ang pinaka-espesyal, di-inaasahan, at kasiya-siyang Pamaskong regalo ay isang pusong nagbago. Nagbago ang lahat para sa akin pagkatapos niyon.
Tinanggap ko ang buhay sa Pilipinas, nagkaroon ako ng mga bagong kaibigan, nakahanap ako ng mga paraan para maglingkod, at pinili kong maging masaya—lahat dahil sa patotoong natanggap ko tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang malaking pagmamahal sa Bisperas ng Paskong iyon sa piitan.
Alam ko na kayang alisin ng ating Tagapagligtas ang mga gapos mula sa ating puso’t isipan kapag lumapit tayo sa Kanya. Siya ang ating pinakadakilang regalo.