Liahona
Naniniwala ka ba kay Cristo at sa Maitutulong Niyang Gawin Mo?
Disyembre 2024


Digital Lamang: Mga Young Adult

Naniniwala ka ba kay Cristo at sa Maitutulong Niyang Gawin Mo?

Ang awtor ay naninirahan sa Angola.

Ang paniniwala kay Jesucristo ay isang bagay. Pero ang paniniwala sa Kanyang maitutulong sa atin na maisakatuparan ay lubos na ibang bagay.

ang Tagapagligtas na nakatayong nagniningning ang araw sa likod ng Kanyang mukha

14 na taong gulang ako nang pumanaw ang lola ko. Noong panahong ito, hindi iba sa akin ang kalungkutan. Gusto kong malaman kung nasaan siya at kung makikita ko pa ba siya ulit. Kailangan kong malaman kung paano ko malalampasan ang sakit na nararamdaman ko. Sa loob ng dalawang taon, mabigat sa aking isipan ang mga tanong na ito.

Isang araw, inanyayahan ng tatay ko ang mga missionary sa bahay namin, at itinuro nila sa akin ang tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Itinuro nila sa akin kung paano matatagpuan ang nakapagpapagaling na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang kanilang mga turo tungkol sa plano ng kaligtasan ay may malakas na pagtimo sa puso ko at sinagot ang aking mga tanong. Ang mga sagot na ito ay nagdala ng kapayapaan na hinahanap ko.

Habang mas lumalapit ako kay Jesucristo, mas gusto kong ibahagi ang natututuhan ko tungkol sa Kanya! Napakaliit ng Simbahan sa Angola, at hindi na ako makapaghintay na tulungan itong umusbong sa pamamagitan ng pagsasabi sa mga tao ng alam ko. Kahit hindi laging positibo ang pagtanggap sa mga pagsisikap kong ibahagi ang ebanghelyo, patuloy akong nagsikap. At kalaunan ay lalo pang lumakas ang hangarin kong ibahagi ang kaligayahan, pag-asa, at kapayapaan ng ebanghelyo.

Nagpasiya akong magmisyon at ibahagi kung ano ang nasa puso ko.

Talaga Bang Maaari Akong Manampalataya?

Tinawag akong maglingkod sa Ghana Accra Mission, nagsasalita ng wikang Ingles sa halip na sa wikang Portuguese na aking kinagisnan. Lubha akong kinabahan sa pag-aaral ng Ingles! Hindi ako makapaniwala na kailangan kong magsalita ng wikang napakahirap pag-aralan.

Pero sa unang klase namin sa MTC, isinulat ng guro ko sa pisara ang mga salitang “Paniwalaan Ito”—ibig sabihin ay maniwala na magagawa namin ang lahat ng bagay kasama ni Cristo (tingnan sa Filipos 4:13).

Naniwala ako rito, pero hindi ko lubos maisip na kasama rito ang kakayahan kong matuto ng bagong wika sa loob lamang ng anim na linggo. Wala akong ideya kung paano ko gagawin ang isang bagay na tila napakaimposible!

Pagkatapos ng unang araw ng klase na iyon, lumuhod ako sa aking silid upang manalangin. Sinabi ko sa Ama sa Langit na magtitiwala ako sa Kanya, at kahit hindi ako positibo sa kakayahan kong matuto ng Ingles, kikilos ako nang may pananampalataya hangga’t kaya ko. Sinabi ko sa Kanya na pipiliin kong maniwala na sa tulong ng Tagapagligtas ay magagawa ko ito.

At habang lumilipas ang mga linggo, dahan-dahan pero tiyak, naramdaman ko ang aking sarili na natututuhan ang imposibleng wikang ito.

Isang himala iyon.

Pagpiling Maniwala

Mula nang malaman ko ang tungkol kay Jesucristo, lagi akong naniniwala sa Kanya. Pero ang paniniwala sa maitutulong Niya at ng Ama sa Langit sa maisasakatuparan natin ay naiiba at isang bagay na kailangan kong pagsikapan. Kung walang pananampalataya, ang mga himala ay maaaring magmukhang nagkataon lamang. Pero habang pinipili kong manampalataya kay Cristo at isinama ko iyan sa pagsisikap kong matuto, nadama ko na pinalawak Niya ang aking mga abilidad at kapasidad.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang mga himala ay dumarating ayon sa inyong pananampalataya sa Panginoon. Ang mahalaga sa pananampalatayang iyan ay pagtitiwala sa Kanyang kalooban at panahon—paano at kailan Niya kayo pagkakalooban ng mahimalang tulong na hangad ninyo. Tanging ang kawalang-paniniwala ninyo ang pipigil sa Diyos na biyayaan kayo ng mga himala na malipat ang mga bundok mula sa inyong buhay.”

Kung may maibabahagi ako mula sa aking kuwento, ito iyon: Maniwala ka. Hindi lamang para matuto ka ng bagong wika o iwanan ang iyong comfort zone para magmisyon o magkaroon ng lakas-ng-loob na gawin ang alam mong tama kahit walang sumasang-ayon sa paligid mo.

Maniwala na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas at kapag nagtitiwala tayo sa Kanya, maisasakatuparan natin ang tila ba imposible.