“Nasaan Ka sa Siklo ng Kapalaluan?,” Liahona, Dis. 2024.
Nasaan Ka sa Siklo ng Kapalaluan?
Para makawala sa siklo ng kapalaluan, kailangan nating kilalanin na bawat pagpapalang natatanggap natin ay nagmumula sa Ama sa Langit.
May laganap na pattern ng pag-uugali sa Aklat ni Mormon na karaniwang tinatawag na “siklo ng kapalaluan.” Napakadalas nitong maulit kaya maaaring madama na sinisikap ng Panginoon at ng Kanyang mga propeta na ituro sa atin ang isang mahalagang bagay—na ang pagsasama nito marahil sa talaan ay nilayon upang maging isang babala ng Panginoon sa bawat isa sa atin sa ating panahon.
12:00—ang Rurok ng Kapalaluan
Gamit ang orasan bilang isang metapora, sabihin natin na ang siklo ng kapalaluan ay nagsisimula sa alas-dose—ang rurok ng kapalaluan. Kapag tayo ay nasa alas-dose ng siklo ng kapalaluan, pakiramdam natin, tulad ng mga Nephita noon, ay lubha tayong matagumpay, matalino, at popular kaya pakiramdam natin ay walang makakatalo sa atin. Natutuwa tayo kapag pinupuri tayo ng iba sa ating mga tagumpay, at naiinis tayo kapag pinupuri ang iba sa paligid natin sa kanilang mga tagumpay.
Sa alas-dose, madalas ay ayaw nating makinig sa payo ng iba. Ang nakakalungkot, madalas nating isipin na ni hindi natin kailangan ang Diyos o ang Kanyang mga lingkod. Nagagalit tayo sa payo nila. Ayos lang tayo kahit wala sila. Nalilimutan o tinatanggihan natin ang itinuro ni Haring Benjamin: na tayo ay “may walang hanggang pagkakautang sa [ating] Ama sa langit, upang ibigay sa kaniya ang lahat ng nasa [atin] at ang [ating] sarili” (Mosias 2:34).
Binalaan tayo ng ating mga makabagong propeta laban sa di-makatwirang kapalaluan. Tinawag ito ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) na “kasalanan ng buong sansinukob” at “malaking hadlang sa Sion.” Ikinumpara ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kapalaluan sa “isang personal na Ramiumptum, isang banal na tindigan na nagbibigay-katwiran sa inggit, kasakiman, at kayabangan.” Ang kapalaluan ay naglalayo sa atin sa Diyos. Itinutulak tayo nito sa paligid ng siklo ng kapalaluan hanggang alas-dos, kung saan nasasaktan natin ang Espiritu Santo.
2:00—Pagtitiwala sa Bisig ng Laman
Sa simula ay maaari nating isipin na hindi mahalaga kung masaktan ang Espiritu ng Espiritu Santo. Inilarawan ito ni Nephi bilang “[pagkakaakay] tungo sa mahalay na katiwasayan. … Mainam ang lahat sa Sion [sa palagay namin]; oo, umuunlad ang Sion, mainam ang lahat” (2 Nephi 28:21). Ang nakakatuwa, sa alas-dos sa siklo ng kapalaluan, kung tapat tayo sa ating sarili, hindi talaga tayo gayon kasaya. Pakiramdam natin ay hindi maganda ang pag-uugali natin. Sinisikap nating labanan ang di-komportableng mga daloy ng siklo ng kapalaluan. Kumakapit tayo sa mga alaala ng nakaraang mga tagumpay at ipinagpipilitan nating magtiwala sa bisig ng laman. Malaking pagkakamali ito.
Itinuro ni Jesucristo: “Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga: Ang nananatili sa akin at ako’y sa kanya ay siyang nagbubunga ng marami: sapagkat kung kayo’y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa” (Juan 15:5). Kapag nasaktan natin ang Espiritu, inihihiwalay natin ang ating sarili sa pinagmumulan ng lahat ng espirituwal na pangangalaga, at darating ang panahon na magsisimula tayong manghina. Kung hindi sa tulong ng Panginoon at sa impluwensya ng Espiritu, hahatakin tayo ng siklo ng kapalaluan pababa sa alas-kuwatro ng kabiguan.
4:00—Walang-Katuturang Kabiguan
Itinuro ng Panginoon kay Joseph Smith, “Bagaman ang tao ay [maaaring] … magkaroon ng kapangyarihang makagawa ng maraming makapangyarihang gawa, ngunit kung siya ay magyayabang sa kanyang sariling lakas, at ipagwawalang-kabuluhan ang mga payo ng Diyos, at sumusunod alinsunod sa mga atas ng kanyang sariling kagustuhan at mga makamundong nasain, siya ay tiyak na babagsak” (Doktrina at mga Tipan 3:4).
Maaari nating piliin ang ating pag-uugali, pero hindi natin mapipili ang mga bunga ng ating pag-uugali. Sa alas-kuwatro sa siklo ng kapalaluan, nararanasan natin ang masasakit na bunga ng ating walang-katuturang kayabangan. Maaari tayong mawalan ng trabaho. Maaaring mawala ang ating kasintahan. Maaaring mawalan ng respeto sa atin ang mga taong pinakamahalaga sa atin. Ang mas malala pa, maaari tayong mawalan ng respeto sa ating sarili. At nahaharap tayo sa sarili nating mga kakulangan. Tulad ni Moises, natatanto natin na hindi pala naman tayo gaanong mahalaga, “na hindi [natin] inakala kailanman” (Moises 1:10).
6:00—Pagpapakumbaba, Kaamuan, Pagkamasunurin
Ang mga kabiguan at paghihirap ay hindi masasayang ideya para sa sinuman sa atin, pero ang nakapagtataka, madalas nating makita na malalaking pagpapala ang mga ito dahil itinutulak tayo nito sa paligid ng siklo ng kapalaluan papunta sa alas-sais ng pagpapakumbaba. Hindi na natin sinisikap na pahangain ang mga tao sa paligid natin. Unti-unti na nating nakikita ang mga bagay-bagay nang mas malinaw at mas tapat. Mas komportable tayo sa pamimintas at kaya nating ngumiti sa sarili nating mga pagkakamali at kahinaan. Tulad ng napuna ng isang Kristiyanong awtor, hindi sa hindi natin gaanong iniisip ang ating sarili kundi mas iniisip natin ang iba.
Sa alas-sais sa siklo ng kapalaluan, nagiging tunay na mapagpakumbaba at maamo tayo. Ang pagpapakumbaba at kaamuan ay mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo. Madalas tayong magsalita tungkol sa pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa. Ngunit iminungkahi ng propetang si Mormon na may ikaapat na kabutihang nagbibigay-daan sa tatlo pa:
“At muli, masdan, sinasabi ko sa inyo, na hindi siya maaaring magkaroon ng pananampalataya at pag-asa, maliban kung siya ay maging maamo at may mapagpakumbabang puso.
“Kung sakali man, ang kanyang pananampalataya at pag-asa ay walang saysay, sapagkat walang isa mang katanggap-tanggap sa Diyos, maliban sa mababang-loob at may mapagpakumbabang puso; at kung ang isang tao ay maamo at may mapagpakumbabang puso, at kinikilala sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo na si Jesus ang Cristo, kailangang magkaroon siya ng pag-ibig sa kapwa-tao” (Moroni 7:43–44).
Ang isa pang katangian ng banal na kasulatan na madalas iugnay sa alas-sais na pagpapakumbaba ay ang pagkamasunurin. Itinuro ni Haring Benjamin na “ang likas na tao ay kaaway ng Diyos … at magiging gayon, magpakailanman at walang katapusan, maliban kung [siya ay] … maging tulad ng isang bata, masunurin, maamo, mapagpakumbaba, mapagtiis, puno ng pag-ibig, nakahandang pasakop sa lahat ng bagay na nakita ng Panginoon na angkop na ipabata sa kanya, maging katulad ng isang batang napasasakop sa kanyang ama” (Mosias 3:19).
May nagsabi na ang kaamuan ay hindi pagkilala sa ating kahinaan kundi pagkilala sa tunay na pinagmumulan ng ating lakas. Hindi kahinaan ang kaamuan. Kapag tayo ay mapagpakumbaba at maamo, hindi natin dinadakila ang ating sarili; dinadakila natin ang Diyos.
Sa alas-sais ng gabi sa siklo ng kapalaluan, kapag tunay tayong mapagpakumbaba at maamo, bumabaling tayo sa Diyos dahil kadalasa’y wala nang ibang mababalingan. Bagbag ang ating puso ngayon at nagsisisi ang ating espiritu. Ang pusong bagbag ay yaong nasanay sa pamamagitan ng karanasan na maging masunurin at tumutugon sa mga utos ng Guro. Sa pagkakaroon lamang ng bagbag na puso tayo tunay na magiging kapaki-pakinabang at may silbi sa paglilingkod sa Panginoon. Ipinaliwanag sa mga banal na kasulatan na ang pagkakaroon ng bagbag na puso ay isang kalagayang payapa at may pag-asa at sa huli ay kinakailangan sa walang-hanggang kaluwalhatian (tingnan sa 2 Nephi 2:7; Doktrina at mga Tipan 97:8).
8:00—Mga Pagpapala ng Espiritu Santo
Kapag isinuko natin ang ating bagbag na puso sa Diyos at dahil tayo ay mapagpakumbaba, nagsisimula ang Panginoon na “[akayin tayo] sa kamay, at [bigyan tayo] ng kasagutan sa [ating] mga panalangin” (Doktrina at mga Tipan 112:10). Sa Kanyang patnubay, patuloy tayong umiikot sa siklo ng kapalaluan papunta sa alas-otso, kapag muli nating inanyayahan ang Espiritu Santo sa ating buhay.
Binabago ng impluwensya ng Espiritu ang ating puso. Tulad ng mga tao ni Haring Benjamin, “[tayo] ay wala nang hangarin pang gumawa ng masama, kundi ang patuloy na gumawa ng mabuti” (Mosias 5:2). Sinisimulan nating sundin ang mga utos ng Diyos, at sinisimulan Niyang ibuhos ang Kanyang mga pagpapala sa atin—mga pagpapalang noon pa man ay nais Niyang ibigay sa atin, sapagkat likas iyan sa Kanya, pero tumanggi tayong tanggapin dahil sa ating walang-katuturang kapalaluan. Nagsisimula tayong tumanggap ng mga pagpapala dahil sinusunod natin ngayon ang mga batas na pinagbabatayan ng mga ito (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 130:20–21). Nagbabayad tayo ng ating ikapu, at binubuksan ng Panginoon ang mga bintana ng langit at ibinubuhos ang napakaraming pagpapala kaya wala tayong sapat na paglagyan ng lahat ng iyon (tingnan sa Malakias 3:10).
10:00—Pinagpalang Kaligayahan
Ang ating mapagpakumbabang pagsunod sa mga kautusan ay nagbibigay-kapangyarihan sa ating pagsulong sa paligid ng siklo ng kapalaluan papunta sa alas-diyes, kung kailan nasusumpungan natin ang ating sarili sa kalagayan ng pinagpalang kaligayahan. Dumaranas tayo ng tagumpay. Hindi natin iyan dapat ikagulat; ipinangako iyan sa banal na kasulatan: “Ninanais kong inyong isaalang-alang ang pinagpala at maligayang kalagayan ng mga yaong sumusunod sa mga kautusan ng Diyos. Sapagkat masdan, sila ay pinagpala sa lahat ng bagay, kapwa temporal at espirituwal” (Mosias 2:41).
Ang alas-diyes sa siklo ng kapalaluan ay kaaya-aya at kahanga-hangang mapuntahan, pero sa kasamaang-palad ay mapanganib ding mapunta roon. Sinisimulan tayong purihin ng ating mga kasamahan sa lahat ng ating tagumpay. Sa kasamaang-palad, nagsisimula tayong maniwala sa kanila.
Kung hindi tayo maingat, maaaring palabuin ng mga papuri ang ating paghatol at magkaroon tayo ng hindi-makadiyos na hangarin na magkaroon ng mas marami pang papuri at parangal. Tulad sa ating kaaway noong una (tingnan sa Moises 4:1), ibinubulong natin sa ating sarili na tayo ay karapat-dapat na papurihan, dahil tiyak namang tayo ang gumawa niyon.
“At sa gayon natin mamamasdan kung gaano kahuwad, at gayon din ang kahinaan ng mga puso ng mga anak ng tao; oo, nakikita natin na ang Panginoon sa kanyang walang hanggang kabutihan ay pinagpapala at pinananagana ang mga yaong nagtitiwala sa kanya.
“Oo, at makikita natin sa panahon ding yaon kung kailan niya pinananagana ang kanyang mga tao, oo, sa pag-unlad ng kanilang mga bukirin, ng kanilang mga kawan ng tupa at kanilang mga bakahan, at sa ginto, at sa pilak, at sa lahat ng uri ng mahahalagang bagay ng bawat uri at kasanayan; pinangangalagaan ang kanilang mga buhay, at inililigtas sila mula sa mga kamay ng kanilang mga kaaway; pinalalambot ang mga puso ng kanilang mga kaaway upang hindi sila makidigma laban sa kanila; oo, at sa madaling salita, ginagawa ang lahat ng bagay para sa kapakanan at kaligayahan ng kanyang mga tao; oo, yaon ang panahong pinatitigas nila ang kanilang mga puso, at kinalilimutan ang Panginoon nilang Diyos, at niyuyurakan sa ilalim ng kanilang mga paa ang Banal—oo, at dahil ito sa kanilang kaginhawa[h]an, at kanilang labis na kasaganaan” (Helaman 12:1–2).
12:00—ang Rurok na ng Kapalaluang Muli
Dahan-dahan—at nang hindi lubos na namamalayan—muli tayong lumalapit sa alas-doseng rurok ng kapalaluan, na abalang-abala sa paghahanap ng papuri sa paligid kaya hindi natin nakinita ang pagbagsak na naghihintay sa atin, sapagkat “ang pagmamataas ay [laging] nauuna … sa [pagbagsak]” (Mga Kawikaan 16:18). Kaya nga patuloy ang siklo.
Maging tapat tayo. Karamihan sa atin, tulad ng mga Nephita noon, ay nakailang ikot na sa paligid ng siklo ng kapalaluan. Dati-rati ay iniisip ko kung paano puwedeng ikutin ng bansang Nephita ang buong siklo sa panahong kasing-ikli ng limang taon. Mula noon ay naniwala na ako na kaya nating ikutin ang siklo sa loob ng limang taon, at kaya nating ikutin ito sa loob ng limang minuto. Ito ay isang mapaminsalang huwaran ng pag-iisip at pag-uugali na laganap sa ating lipunan. Lubhang karaniwan ito kaya kung minsa’y mahirap itong mapansin.
Paglabas sa Siklo ng Kapalaluan
Itinalaga ba tayong magpatuloy sa walang-katapusang takbo ng kawalang-pag-asa magpakailanman? Wala bang paraan para makaalis sa siklo ng kapalaluan? Mayroon. Sa katunayan, may dalawang lugar sa siklo ng kapalaluan kung saan tayo maaaring makalabas—ang isa ay papunta sa ating walang-hanggang pagkawasak at ang isa naman ay papunta sa ating walang-hanggang kaligayahan.
Sa alas-kuwatro, kapag nahaharap tayo sa kabiguan o paghihirap at pakiramdam natin ay parang naliligaw tayo, kung sa halip na magpakumbaba, nagalit tayo; kung mawalan tayo ng pag-asa o maawa sa sarili; o kung sisimulan nating sisihin ang iba—pati na ang Diyos—sa ating kasawian, lalabas tayo sa siklo ng kapalaluan. Pero pababa tayo papunta sa pagkawasak, tulad ng nangyari sa mga Nephita noon.
Ngunit sa alas-diyes, kapag tila hindi tayo makakagawa ng mali, kapag maayos ang lahat, sa halip na magyabang, nagpasalamat tayo, lalabas tayo sa siklo ng kapalaluan. Ngunit sa pagkakataong ito ay paakyat tayo patungo sa Diyos. Para makalabas sa siklo ng kapalaluan sa alas-diyes, kailangang kilalanin natin na bawat pagpapalang natatanggap natin ay nagmumula sa Ama sa Langit. Siya ang pinagmumulan ng lahat ng mabuti sa ating buhay—ang bukal ng bawat pagpapala. Kailangan nating tanggapin ang turo ni Haring Benjamin na tayong “lahat ay umaasa sa iisang Katauhan, maging sa Diyos, sa lahat ng kabuhayan na nasa atin, kapwa sa pagkain at kasuotan, at sa ginto, at sa pilak, at sa bawat uri ng lahat ng kayamanan na nasa atin” (Mosias 4:19).
Ang matagumpay na pagtakas sa alas-diyes mula sa matinding hatak ng siklo ng kapalaluan ay hindi madali, pero posible. Mayroon tayong ilang halimbawa sa talaan ng mga Nephita na magpapatunay rito. Isipin ang isang ito:
“Subalit sa kabila ng kanilang mga kayamanan, o ng kanilang lakas, o ng kanilang kasaganaan, hindi sila iniangat sa kapalaluan ng kanilang mga paningin; ni hindi sila naging mabagal sa pag-aalaala sa Panginoon nilang Diyos kundi sila ay nagpakumbaba nang labis sa kanyang harapan.
“Oo, naalaala nila ang mabubuting bagay na ginawa ng Panginoon para sa kanila, na kanyang iniligtas sila mula sa kamatayan, at mula sa mga gapos, at mula sa mga bilangguan, at mula sa lahat ng uri ng paghihirap; at kanyang iniligtas sila mula sa mga kamay ng kanilang mga kaaway.
“At patuloy silang nanalangin sa Panginoon nilang Diyos, kung kaya nga’t pinagpala sila ng Panginoon, alinsunod sa kanyang salita, upang sila ay maging makapangyarihan at umunlad” (Alma 62:49–51; tingnan din sa Alma 1:29–31).
Bawat isa sa atin ay malamang na matagpuan ang ating sarili sa isang lugar sa siklo ng kapalaluan. Nasaan ka? Kung ikaw ay nasa alas-kuwatro, kung pakiramdam mo ay nawala na ang lahat at bigung-bigo ka na, huwag mawalan ng pag asa. Nasa mabuting lugar ka. Iwasang sisihin ang iba sa iyong kabiguan. Mapagpakumbabang bumaling sa Diyos at kilalanin ang pag-asa mo sa Kanya.
“Sa Panginoon ay buong puso kang magtiwala, at huwag kang manalig sa sarili mong pang-unawa.
“Sa lahat ng iyong mga lakad siya’y iyong kilalanin, at itutuwid niya ang iyong mga landasin” (Mga Kawikaan 3:5–6).
Ngunit kung ikaw ay nasa alas-diyes, na nagpapakasaya sa maling liwanag ng tagumpay, mag-ingat. Iwasan ang posibilidad na mapasok sa loob at maging mayabang. “Mga pagpapala ay bilangin mo.” Sundin ang payo sa banal na kasulatan na alalahanin ang lahat ng nagawa ng Panginoon para sa iyo (tingnan sa Moroni 10:3). Tulad ng ipinapaalala sa atin ng panalangin sa sakramento, nakikipagtipan tayong Siya ay aalalahanin hindi sa loob ng isa o dalawang oras kundi palagi (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:77, 79). Siya o ang Kanyang sakripisyo ay hindi natin dapat balewalain. Hindi tayo dapat mabigong pasalamatan Siya para sa bawat pagpapala.
Lahat ng mabuting bagay ay mula sa Diyos. Siya ang pinagmumulan ng bawat pagpapalang natatanggap natin. Ang pagpuno ng ating puso ng pasasalamat sa Kanyang maawaing kabaitan ay poprotekta sa atin laban sa kapalaluan at gagawa ng paraan para makatakas tayo mula sa siklo ng kapalaluan.
Mula sa isang mensahe, “The Pride Cycle,” na ibinigay sa Brigham Young University noong Nob. 7, 2017.