Liahona
Aling mga Kaloob ng Langit ang Espesyal sa Iyo?
Disyembre 2024


Digital Lamang: Mga Young Adult

Aling mga Kaloob ng Langit ang Espesyal sa Iyo?

Tinanong ko ang 10 sa aking mga kaibigan kung aling “mga kaloob ng langit” ang lalong makabuluhan sa kanila.

isang babaeng nagbabalot ng regalo at nakangiti

Mahalaga man at masayang isipin ang mga regalong ibinibigay natin sa iba sa panahon ng Pasko, tumitigil ka ba para isipin kung ano ang mga regalong ibinigay sa iyo? At hindi lamang ang mga natanggap mo mula sa iyong pamilya at mga kaibigan—pati na ang mga ibinigay sa iyo mula sa Ama sa Langit at kay Jesucristo!

Ngayong Kapaskuhan, sa halip na magtuon sa kung anong regalo sa lupa ang ibibigay at tatanggapin mo, magtuon sa mga kaloob na ibinigay sa iyo mula sa Ama sa Langit at kung paano mo maibabahagi ang mga ito sa mga taong nakapaligid sa iyo.

Tinanong ko ang 10 sa mga kaibigan ko na ibahagi kung aling “mga kaloob ng langit” ang lalong makabuluhan sa kanila—narito lamang ang ilang halimbawa:

Ang Kaloob na Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas

“Ang pinakamahalagang kaloob na natanggap ko mula sa aking Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo ay ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Wala nang mas makabuluhan pa sa buong kawalang-hanggan kaysa sa sakripisyo ng ating Tagapagligtas. Alam ko nang may katiyakan na ang mga pasakit at kalungkutan na pinagdaraanan ko sa buhay na ito ay Kanyang naramdaman bago pa man ito naging akin. Ang kanyang mapagmahal na sakripisyo ang siyang lahat-lahat sa akin.”

Grace N.

Ang Kaloob na mga Walang Hanggang Pamilya

“Para sa akin, ang kaloob na mga walang hanggang pamilya ay lalong makabuluhan. Ang malamang makakasama ko ang aking pamilya magpakailanman ay nagtutulot sa akin na madama ang kaunting bahagi ng pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo araw-araw. Mahal ko ang aking pamilya sa lupa—sila ang pinakamalaking pagpapala sa buhay ko at ang pinakamalakas kong motibasyon para manatili sa landas ng ebanghelyo. Lubos akong nagpapasalamat na makakasama ko sila sa buong kawalang-hanggan.”

Olivia W.

Ang Kaloob na Buhay na Walang Hanggan

“Ang pinakaespesyal na regalo sa akin ay ang kaloob na buhay na walang hanggan. Dahil mahal na mahal tayo ng ating Ama sa Langit, binigyan Niya tayo ng daan para madaig ang kamatayan at kasalanan (isang bagay na hindi natin magagawa nang mag-isa). Nais Niyang mamuhay tayo sa piling Niya magpakailanman at naglaan ng paraan na mabubuhay tayo magpakailanman, kasama ang ating pamilya. Para sa akin, espesyal ang kaloob na ito dahil nagbibigay ito sa akin ng pag-asa sa mahihirap na panahon at nagtutulot sa akin na laging isaisip ang Kanyang perpektong plano at walang hanggang pagmamahal.”

Sara S.

“Ang isa sa mga pinakamakabuluhang kaloob na ibinigay sa akin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ay ang kakayahang makasama ang mga mahal ko sa buhay magpakailanman. Naisip ko na ito noon pero hindi ko ito naramdaman nang malalim at personal hanggang sa ilang taon na ang nakalilipas, nang mawalan ako ng isang malapit na kaibigan. Kumakapit ako ngayon sa kaalamang ito at alam ko na anuman ang mangyari sa buhay na ito, magiging MAAYOS ang lahat dahil mayroon tayong mapagmahal na Ama sa Langit na nais tayong bumalik sa Kanya.”

Kaitlyn S.

Ang Kaloob na Priesthood

“Nagpapasalamat ako sa kaloob na pagpapanumbalik ng priesthood. Nakadama ako ng kumpirmasyon ng katotohanan ng pagpapanumbalik ng kapangyarihan ng priesthood nang binigyan ako ng mga basbas ng mga karapat-dapat na kapatid. Ang pagpapanumbalik ng priesthood ay kahanga-hanga dahil tinutulutan nito ang mga ordenansa sa templo, ang tunay na organisasyon ng Simbahan, mga propeta, at marami pang iba na maimpluwensyahan ang buhay ko.”

Jared P.

Ang Kaloob na Pagmamahal

“Sa palagay ko, ang pinakaespesyal na kaloob na ibinigay sa atin ay pagmamahal. Mayroon tayong sakdal na pag-ibig mula sa langit, at nagagawa rin nating magmahal (at mahalin) ng mga tao na narito sa lupa. Sa palagay ko ay napakaganda na habang nakikilala mo ang isang tao, mas hindi mo maiwasang mahalin sila! May mga pagkakataon sa buhay ko na wari ko ay nakikita ko ang mga tao sa pamamagitan ng mga mata ng Diyos at nadarama ko kung gaano Niya sila kamahal. Ang kaloob na ito na pag-ibig mula sa langit ay napakamakapangyarihan!”

Nicole S.

Ang Kaloob na Kalayaang Pumili

“Ang bagay na madalas kong ipinapanalangin para magpasalamat ay ang aking karapatang pumili. Nagpapasalamat ako sa Ama sa Langit na nagpapahintulot sa akin na mahirapan at magpasiya na maging mas mabuti sa bawat araw. Para sa akin, ang karapatang pumili ay may kaugnayan sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang kaloob na karapatang pumili ay nagpahintulot sa akin na manalangin sa pinakamalalim na sandali ng aking kahinaan at bumaling sa aking Ama sa Langit at kay Jesucristo.”

Jake L.

“Ang pinakamakabuluhang kaloob sa akin ay ang karapatang pumili. Mahal na mahal ako ng Ama sa Langit kaya handa Siyang hayaan akong piliing sumunod sa Kanya. Ibinibigay Niya ang lahat para piliin natin Siya, pero hinahayaan Niya tayong magpasiya. Napakalaki ng halaga niyon sa akin at nadarama ko na mahal na mahal ako at nahihikayat na sundin Siya.”

Dallin H.

Ang Kaloob na mga Espirituwal na Kaloob

“Gustung-gusto kong isipin ang lahat ng espirituwal na kaloob na mayroon at kung paanong lahat tayo ay binigyan ng iba’t ibang mga kaloob mula sa Diyos. Bawat isa sa atin ay may mga kalakasan at talento, at magagamit natin ang mga ito upang mahalin, paglingkuran, at pasiglahin ang mga tao sa paligid natin. Matutukoy natin ang mga espirituwal na kaloob na ibinigay sa atin at magagamit ang mga ito para tulungan ang mga nakapaligid sa atin, gayundin ang mga kaloob na ibinigay ng Diyos sa iba at tingnan kung paano nila pinaglilingkuran ang iba sa kanilang natatanging paraan.”

Brooke S.

Ang Kaloob na Pagsisisi

“Dahil sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, alam ko na maaari akong magbago para maging mas mabuti. Kung wala Sila, alam ko na ang aking mga problema sa buhay at mga pagkukulang ay magiging lubhang napakalaki. Pero dahil alam kong may mapagmahal akong Ama sa Langit at Tagapagligtas na nagbigay ng Kanyang buhay para sa akin, magagapi ko at malalampasan ang anumang pagkakamali ko at sa huli ay magiging pinakamagandang bersyon ng aking sarili. Kahit ilang beses akong magkamali, lagi akong makababalik.”

Hyrum W.

Magnilay-nilay, Kumilala, at Magpasalamat!

Ipinapaalala sa atin ng propetang si Moroni na bawat mabuting kaloob ay nagmumula kay Cristo (tingnan sa Moroni 10:18). Gusto kong isipin na ang bawat mabuting bagay sa buhay ko ay kaloob ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Mahalagang pagnilayan ang ating mga kaloob na mula sa langit para matukoy natin ang lahat ng ibinigay sa atin!

Itinuro ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Nais ng ating Ama sa Langit na alalahanin natin ang kabutihan Niya at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak, hindi para sa sarili Nilang kasiyahan kundi para sa impluwensya sa atin ng pag-alaalang iyon. Sa pagninilay sa Kanilang kabaitan, lumalawak ang ating pananaw at pang-unawa. Sa pagbubulay sa Kanilang habag, nagiging mas mapagpakumbaba, madasalin, at matatag tayo.”

Hindi ko alam sa inyo, pero gusto kong maging mas mapagpakumbaba, mas mapanalangin, at mas matatag! At kung ang pagkilala sa kabutihan ng Ama sa Langit sa buhay ko ay makatutulong sa akin na maging gayon, higit na ikaliligaya kong gawin ito.

Habang pinagninilayan at kinikilala natin ang mga bagay na ibinigay sa atin, may pagkakataon tayong pasalamatan ang Ama sa Langit sa lahat ng ginawa Niya. Ang ating pasasalamat ay maituturing na pagpapakita ng ating pagmamahal sa Kanya!

Ngayong Kapaskuhan, inaanyayahan ko kayong pagnilayan, kilalanin, at pasalamatan ang maraming kaloob ng langit sa inyong buhay. Kapag ang “mga pagpapala ay [bibilangin] mo” at “kikilalanin ang bawat isa,” magugulat ka na lang na makita ang lahat ng ginawa ng Panginoon.