“Ang Kanyang Handog ay Katanggap-tanggap,” Liahona, Dis. 2024.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Ang Kanyang Handog ay Katanggap-tanggap
Habang kumakanta kami, nadama ko ang tahimik na init ng Espiritu na nangungusap sa aking puso’t isipan.
Noong bata pa ako, kumakanta ang mga magulang ko sa ward choir namin. Mahilig kumanta si Inay lalo na sa Kapaskuhan. Tuwing Bisperas ng Pasko isinasadula ng aming pamilya ang kuwento ng Pagsilang ni Jesus at kumakanta kami ng mga Pamaskong awitin. Lagi kaming nagtatapos sa paborito ni Inay na, “Kay Tahimik ng Paligid.”
Noong nasa 60s na ang nanay ko, nagkaroon siya ng hika. Ang maraming taon niyang pag-ubo at paghihirap sa sakit ay sumira kalaunan sa boses niya. Nawalan din siya ng pandinig sa isang tainga at humina ang kanyang pandinig sa kabilang tainga. Tinangka pa rin niyang kumanta pero madalas ay binabasa lang niya at pinag-iisipan ang mga titik ng isang awitin.
Isang araw ng Linggo nang bumisita ako sa mga magulang ko sa Kapaskuhan, dumalo kami sa sacrament meeting. Nakatuon ang programa sa pagsilang at misyon ni Jesucristo.
“Hindi ako magkakaroon ng hika sa kabilang buhay, ‘di ba?” tanong sa akin ni Inay bago nagsimula ang miting.
“Siyempre po, hindi,” sagot ko.
Pagkatapos ay pinag-usapan namin ang iba pang mga sakit sa katawan na hindi na niya mararanasan pagkatapos ng Pagkabuhay na Mag-uli.
“Makakakanta na ako ulit,” sabi niya.
“Sa mga koro ng langit,” dagdag ko pa.
Nang kantahin namin ang pambungad na himno na, “Doon sa Sabsaban,” hindi marinig ni Inay ang saliw ng piyano. Sinimulan niyang kantahin ang bersyong pang-Primary ng awitin sa halip na ang bersyon sa Mga Himno, na iba ang himig. Sinubukan ko siyang itama, pero hindi niya ako marinig. Sa himno ng sakramento, patuloy siyang nahirapan. Gusto niya talagang kumanta, pero mali-mali ang tono niya.
Habang nagpapatuloy ang sacrament meeting, nadama ko ang init ng Espiritu at ang magiliw na kawalang-muwang ng mga batang nagpatotoo tungkol sa Tagapagligtas sa awitin. Pagkatapos, nang simulang kantahin ng kongregasyon ang pangwakas na awiting, “Kay Tahimik ng Paligid,” kumanta rin ang nanay ko.
Habang naririnig ko ang kanyang paghihirap, hiniling ko nang buong puso na muli sana niyang makanta ang mga Pamaskong awitin tulad ng dati. Gayunman, nang kumanta siya, nadama ko ang tahimik na init ng Espiritu na nangungusap sa aking puso’t isipan: “Ang kanyang handog ay katanggap-tanggap sa akin.”
Sa sandaling iyon, ang boses ng nanay ko ay nagkaroon ng panibagong ganda, na pinagpala at pinabanal ng isang mapagmahal na Tagapagligtas na tumingin sa kanyang puso. At, tulad ng Kanyang ginawa nang maghagis ng dalawang kusing ang balo (tingnan sa Lucas 21:1–4), natuwa Siya sa katapatan at handog nito.