Digital Lamang
Paghahangad at Pagkakamit ng “Higit na Mainam na Pag-asa”
Tinutulungan tayo ng pag-asa na madaig ang mga pagsubok, magtiis hanggang wakas, at makamit ang buhay na walang hanggan.
Ipinropesiya ng Panginoong Jesucristo na sa mga huling araw “ang puso ng mga tao ay magsisipanlupaypay” (Doktrina at mga Tipan 45:26). Nakikita natin na ito ay natutupad sa pamamagitan ng panghihina-ng-loob at kawalan ng pag-asa na gumagambala sa ating mundo, na humahantong sa malawakang kawalan ng pag-asa.
Gayunman, hindi tayo pinabayaan ng ating Tagapagligtas na walang paraan para harapin ang salot na ito ng kawalang-pag-asa. Sa Aklat ni Mormon, inihayag Niya sa pamamagitan ng kanyang mga propeta kung paano tayo magkakaroon ng “higit na mainam na pag-asa” (Eter 12:32) na maaaring maging tulad ng isang “daungan sa [ating] mga kaluluwa” (Eter 12:4) sa gitna ng panghihina-ng-loob at kawalan ng pag-asa.
Ano ang pag-asa?
Sa ating pang-araw-araw na wika, ang pag-asa ay kadalasang ginagamit upang magpahiwatig ng kawalang-katiyakan. Halimbawa, “Sana hindi umulan ngayong araw.” Pero sa wika ng ebanghelyo, ang pag-asa ay hindi panandalian o walang katiyakan. Sa halip, ito ay “tiyak, hindi natitinag, at aktibo.” Ang pag-asa ay “pag-asam at pananabik sa mga ipinangakong pagpapala ng kabutihan.” Halimbawa, itinuro ni propetang Moroni na maaari tayong “umasa nang may katiyakan para sa isang daigdig na higit na mainam, oo, maging isang lugar sa kanang kamay ng Diyos” (Eter 12:4).
Ano ang dapat nating asamin?
Madalas banggitin sa mga banal na kasulatan ang pagkakaroon ng pag-asa sa pinakadakila sa lahat ng ipinangakong pagpapala ng Diyos: buhay na walang hanggan sa kahariang selestiyal ng Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 14:7). Inilarawan ito ng propetang si Mormon nang itinuro niya: “At ano ito na inyong inaasahan? Masdan, sinasabi ko sa inyo na kayo ay magkakaroon ng pag-asa sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo at sa kapangyarihan ng kanyang pagkabuhay na mag-uli, na ibabangon tungo sa buhay na walang hanggan, at ito ay dahil sa inyong pananampalataya sa kanya alinsunod sa pangako” (Moroni 7:41).
Paano tayo makakakuha at magkakaroon ng pag-asa?
Sa madaling sabi, ang “Pag-asa ay bunga ng pananampalataya” (Ether 12:4). Bahagi ng paniniwala kay Jesucristo ang pagtitiwala sa mga pangakong ginawa Niya sa atin. Dahil magkakaugnay ang pananampalataya at pag-asa, habang yumayabong ang ating pananampalataya sa Panginoon, ganoon din ang ating pag-asa sa pagtanggap ng Kanyang mga ipinangakong pagpapala. Dahil dito, ang nagpapaunlad ng ating pananampalataya ay nagpapaunlad din ng ating pag-asa.
Halimbawa, kapag sumampalataya tayo sa Panginoon sa pamamagitan ng taimtim na panalangin, pagsisimba, pagtanggap ng sakramento, pagsamba sa templo, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagsunod sa mga salita ng mga buhay na propeta, pagsunod sa mga utos ng Diyos, at pagsisisi sa ating mga kasalanan, inaanyayahan natin ang Banal na Espiritu na kumpirmahin ang katotohanan ng mga bagay na ito. Pinalalakas nito ang ating pag-asa dahil tinitiyak sa atin ng Espiritu na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay totoo at na namumuhay tayo nang tapat sa Kanyang ebanghelyo. Sa madaling salita, tinutupad natin ang ating mga tipan sa ebanghelyo at sa gayon ay makatitiyak tayong matatanggap ang Kanyang mga ipinangakong pagpapala.
Paano tayo natutulungan ng pag-asa?
Kapag tapat nating tinutupad ang ating mga tipan sa Panginoon, makatatanggap tayo ng espirituwal na katiyakan sa pamamagitan ng Espiritu Santo na tinatanggap ng Ama sa Langit ang ating mga pagsisikap at na ang Kanyang mga pangako sa atin ay kalaunang matutupad lahat. Ang “ganap na kaliwanagan ng pag-asa” na tatanggapin natin ang buhay na walang hanggan ay tutulong sa atin na “magtiis hanggang wakas” sa mga pagsubok at hamon habang tayo ay “[nagpapatuloy] sa paglakad nang may katatagan kay Cristo” (2 Nephi 31:20). Ang ganap na pag-asang ito ng buhay na walang hanggan ay “daungan sa mga kaluluwa ng” mga tumatanggap nito, na ginagawa silang “[matibay at matatag], nananagana sa tuwina sa mabubuting gawa” (Eter 12:4).
Ang pag-asang ito ay maaaring mapasaating lahat. Kapag tapat tayo sa ating mga tipan sa binyag at templo, lubos ang ating tiwala na anuman ang mangyari sa buhay, anuman ang mga hamon o kabiguan na ating haharapin, tutuparin ng Panginoon ang kanyang mga pangako sa atin, kabilang na ang buhay na walang hanggan sa Kanyang piling. Mayroon tayong tiyak na pag-asa kay Cristo na “sa [sariling] paraan at oras ng Panginoon, walang pagpapalang ipagkakait sa Kanyang matatapat na Banal.”