“Ang Kaloob na Pag-ibig sa Kapwa,” Liahona, Dis. 2024.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Ang Kaloob na Pag-ibig sa Kapwa
Mababago ng dalisay na pag-ibig ni Cristo ang ating buhay kapag hinangad natin ang mahalagang kaloob na ito.
Inanyayahan tayong maging katulad ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Sabi Niya, “Kung gayon, maging anong uri ng mga tao ba nararapat kayo? Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maging katulad ko” (3 Nephi 27:27). Habang sinisikap nating maging higit na katulad Niya, kailangan nating hangarin ang pag-ibig sa kapwa kahit sa pinakamahihirap na panahon.
Napagdaanan ni Moroni, ang huling propetang Nephita, ang “lubhang malupit” na mga digmaan at nasaksihan ang buong pagkalipol ng kanyang mga tao. Nang sumumpa ang kanyang mga kaaway na lilipulin ang lahat ng hindi magtatatwa kay Jesucristo, mag-isang nagpagala-gala si Moroni “para sa kaligtasan ng sarili [niyang] buhay” (Moroni 1:2–3).
Sa malungkot na sitwasyong ito, sumulat si Moroni ng “[ilan pang] bagay,” na umaasa na iyon ay “magiging mahalaga … sa darating na araw” (Moroni 1:4). Isinama niya ang “mga salita ng [kanyang] amang si Mormon,” na nagturo na “kailangang magkaroon [tayo] ng pag-ibig sa kapwa-tao; sapagkat kung wala [tayong] pag ibig sa kapwa-tao ay wala [tayong] kabuluhan.” “Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay dalisay na pag-ibig ni Cristo,” pagpapatuloy ni Mormon, “at iyon ay nagtitiis magpakailanman” (Moroni 7:1, 44, 47).
Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay natatanggap natin kung “ma[na]nalangin [tayo] sa Ama nang buong lakas ng puso, nang [tayo] ay mapuspos ng ganitong pag-ibig, na kanyang ipinagkaloob sa lahat na tunay na mga [alagad] ng kanyang Anak, si Jesucristo” (Moroni 7:48).
Bilang isa pang tipan ni Jesucristo, pinatototohanan ng Aklat ni Mormon sa magandang paraan ang dalisay na pag-ibig ni Cristo at itinuturo kung paano natin makakamit ang kaloob na pag-ibig sa kapwa-tao sa ating buhay.
Ang Pag-ibig ni Cristo para sa Atin
Mula sa mga turo ni Mormon, nalaman natin na ang pag-ibig sa kapwa ay hindi maihihiwalay sa Tagapagligtas. Ang pinakadakilang pagpapahayag ng pag-ibig sa kapwa ay ang pagmamahal na nagmumula kay Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo.
Sa isang pakikipag-usap sa Panginoon, sinabi ni Moroni:
“Natatandaan kong sinabi ninyo na iniibig ninyo ang sanlibutan, maging hanggang sa paghahain ng inyong buhay para sa sanlibutan. …
“At ngayon nalalaman ko na ang pag ibig na ito na inyong taglay … ay pag-ibig sa kapwa” (Eter 12:33–34).
Sa simula ng Kanyang ministeryo sa Aklat ni Mormon, inanyayahan ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas ang mga tao na lumapit at damhin ang marka sa Kanyang tagiliran at ang mga bakas ng pako sa Kanyang mga kamay at paa upang makilala nila Siya at malaman ang Kanyang nagawa dahil sa dalisay na pag-ibig sa buong mundo (tingnan sa 3 Nephi 11:14–15).
Ang Kanyang pag-ibig kailanman ay hindi magbabago. Itinuro ni Mormon na dapat tayong “manangan sa pag-ibig sa kapwa-tao, na pinakadakila sa lahat” (Moroni 7:46). Tiniyak na sa atin ni Pangulong Jeffrey R. Holland, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, na “tanging ang dalisay na pag-ibig ni Cristo ang susuporta sa atin. Ang pag-ibig ni Cristo ang nagtitiis nang matagal, at mabait. Ang pag-ibig ni Cristo ang hindi mapagmataas ni madaling magalit. Tanging ang kanyang dalisay na pag-ibig ang nagbibigay ng kakayahan sa kanya—at sa atin—na pasanin ang lahat ng bagay, maniwala sa lahat ng bagay, umasa sa lahat ng bagay, at magtiis sa lahat ng bagay. [Tingnan sa Moroni 7:45.]”
Ang isang paraan para matanggap natin ang kaloob na ito na pag-ibig sa kapwa ay ang sundin ang turo ng Tagapagligtas na “magsisi … at lumapit sa akin, at magpabinyag sa aking pangalan, at magkaroon ng pananampalataya sa akin, upang kayo ay maligtas” (Moroni 7:34).
Ang Pagmamahal Natin kay Cristo
Matapos marinig magsalita si Haring Benjamin tungkol kay Jesucristo, nakaranas ang kanyang mga tao ng “malaking pagbabago … sa [kanilang] mga puso” at “wala nang hangarin pang gumawa ng masama, kundi patuloy na gumawa ng mabuti” (Mosias 5:2).
Ang pagbabagong ito, na posible lamang sa pamamagitan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala, ay pinupuspos ang ating puso ng pagmamahal kay Cristo. Ang pagmamahal na ito ay higit pa sa pagpapahalaga, pagmamahal, o paghanga. Kung tunay nating mahal si Cristo, ibibigay natin ang ating buong puso sa Kanya.
Nang marinig ng ama ni Haring Lamoni ang ebanghelyo, hinangad niyang matanggap ang Espiritu at magkaroon ng buhay na walang hanggan. “Masdan,” sabi niya, “tatalikuran ko ang lahat ng aking pag-aari, oo, tatalikuran ko ang aking kaharian, upang matanggap ko ang labis na kagalakang ito” (Alma 22:15). Sa panalangin, sinabi niya sa Panginoon, “Tatalikuran ko ang lahat ng aking kasalanan upang makilala kayo” (Alma 22:18).
Ipinakita ng iba pa sa Aklat ni Mormon ang pagmamahal na ito kay Cristo. Ang mga Anti-Nephi-Lehi ay “nagbaba ng mga sandata ng kanilang paghihimagsik” (Alma 23:13) at ibinaon ang mga iyon “nang malalim sa lupa” (Alma 24:17). Nakipagtipan sila na “hindi na sila muling gagamit pa ng [kanilang] mga sandata,” at “kaysa sa padanakin ang dugo ng kanilang mga kapatid ay ibibigay nila ang kanilang buhay” (Alma 24:18). Lubos silang nagbalik-loob kaya sila “kailanman ay hindi nagsitalikod” (Alma 23:6).
Ipinapakita natin ang ating pagmamahal kay Cristo sa pagsunod sa Kanyang mga utos, pagtanggap ng mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan, paggawa at pagtupad sa mga tipan, at pamumuhay bilang Kanyang mga disipulo. Ang pagmamahal natin sa Kanya ay umiimpluwensya sa lahat ng ginagawa natin.
Ang Pagmamahal Natin sa Isa’t Isa
Bukod pa sa nadaramang pagmamahal mula kay Cristo at para kay Cristo, dapat nating sikaping magkaroon ng pag-ibig sa kapwa, o pagmamahal na tulad ng kay Cristo, para sa isa’t isa.
Buong araw at gabing nanalangin si Enos para sa kapatawaran ng kanyang mga kasalanan. Matapos siyang mapatawad at mapuspos ng pagmamahal ng Tagapagligtas, ibinuhos niya ang buo niyang kaluluwa sa panalangin para sa kanyang mga tao—at kanyang mga kaaway (tingnan sa Enos 1:4–12). Puno ng pag-ibig sa kapwa, ang mga anak ni Mosias ay “nagnais [ding] ipahayag ang kaligtasan sa bawat nilikha, sapagkat hindi nila maatim na ang sinumang kaluluwa ng tao ay masawi” (Mosias 28:3).
Ang pag-ibig sa kapwa ay pinagaganda ang pagtingin at pakikitungo natin sa iba. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay naghihikayat sa atin na ‘magpasan ng pasanin ng isa’t isa’ [Mosias 18:8] sa halip na pahirapan ang isa’t isa. Ang dalisay na pag-ibig ni Cristo ay nagbibigay sa atin ng kakayahan na ‘tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay’ [Mosias 18:9]—lalo na sa magugulong sitwasyon.”
Nang talian ng lubid ng mga kapatid ni Nephi ang kanyang mga kamay at paa, at balak siyang iwan ng mga ito sa ilang hanggang sa siya ay mamatay, humingi ng tulong si Nephi sa panalangin at iniligtas siya ng Panginoon (tingnan sa 1 Nephi 7:16–18). Sa halip na maghiganti sa kanyang mga kapatid, tulad ng gagawin ng likas na tao, ipinakita ni Nephi kung paano “nagtitiis nang matagal” (Moroni 7:45) ang pag-ibig sa kapwa-tao sa pamamagitan ng “tahasan[g pagpapatawad] sa lahat ng kanilang ginawa” (tingnan sa 1 Nephi 7:21).
Kung ang lahat ay may kaloob na pag-ibig sa kapwa-tao, matatanto natin ang naranasan ng mga tao sa Aklat ni Mormon matapos silang bisitahin ng Tagapagligtas, turuan, at itatag ang Kanyang Simbahan sa kanila: “Hindi nagkaroon ng alitan … dahil sa pag-ibig ng Diyos na nananahan sa [kanilang] mga puso” (4 Nephi 1:15).
Ang Pinakamahalagang Kaloob
Nang marinig ni Nephi na ikuwento ng kanyang ama ang pangitain nito tungkol sa punungkahoy ng buhay, sinabi ni Nephi na siya ay “nagnais … [na] makita, at marinig, at malaman ang mga bagay na ito, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo” (1 Nephi 10:17). Pinagpala si Nephi na malaman ang iba pa tungkol sa pag-ibig sa kapwa nang mamasdan niya ang punungkahoy ng buhay, na kumakatawan sa pag-ibig ng Diyos—”ang pinakakanais-nais sa lahat ng bagay” at “ang labis na nakalulugod sa kaluluwa” (1 Nephi 11:22, 23).
Isinulat ni Nephi kalaunan:
“Kinakailangan kayong magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao” (2 Nephi 31:20; idinagdag ang diin).
Balang-araw tatayo tayo sa harap ng Tagapagligtas. Sa araw na iyon, kung nagkaroon tayo ng tumpak na pananaw sa Kanyang pagkatao, mga katangian, at tungkulin bilang ating Manunubos, “tayo ay magiging katulad niya, sapagkat makikita natin siya bilang siya” (Moroni 7:48). Naranasan ito ng kapatid ni Jared nang tumayo siya sa harap ni Jesucristo, na nagsabing, “Kailanma’y hindi ko pa ipinakita ang aking sarili sa tao … , sapagkat kailanma’y hindi naniwala ang tao sa akin na tulad mo. Nakikita mo bang nilikha ka alinsunod sa aking sariling wangis?” (Ether 3:15).
Dahil kay Jesucristo, “tayo ay magkakaroon ng ganitong pag-asa; upang tayo ay mapadalisay maging katulad niya na dalisay” (Moroni 7:48). Imposibleng makamit natin ito nang mag isa. Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay ibinibigay sa atin bilang isang kaloob mula sa Kanya, at kung tayo ay “matagpuang mayroon nito sa huling araw, ay makabubuti sa [atin]” (Moroni 7:47).
Pinatototohanan ko na ang kaloob na pag-ibig sa kapwa ay may kapangyarihang baguhin ang buhay ng tao kung hahayaan natin ito. Nawa’y manalangin tayo nang buong lakas ng ating puso na matanggap ang dalisay na pag-ibig ng Tagapagligtas para sa atin, lumago ang ating pagmamahal sa Kanya, at maibahagi natin ang pinakamahalagang kaloob na ito sa iba bilang Kanyang mga tunay na alagad.