“Pamumuhay Bilang Disipulo Kasama ang mga Bagong Miyembro,” Liahona, Dis. 2024.
Pamumuhay Bilang mga Disipulo Kasama ang mga Bagong Miyembro
Ang mga bagong miyembro ay nangangailangan ng mga kaibigan sa Simbahan, mga pagkakataong maglingkod, at pangangalaga gamit ang salita ng Diyos.
Ang isang lumalagong patotoo ay nangangailangan ng matiyagang pangangalaga kapag ang mga convert ay lumilipat mula sa mundo ng mga pamilyar na kaibigan at karanasan tungo sa mga bagong gawi sa pagsamba at kultural na kasanayan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Ang mga bagong miyembrong ito ay nagmula sa iba’t ibang uri ng pamumuhay nang tanggapin nila ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Nangangailangan sila ng patnubay at pakikipagkaibigan para lumago sa Kanyang liwanag. “Tayo na nasa iba’t ibang bahagi na ng mahabang paglalakbay ng pagkadisipulo ay kailangang iabot ang kamay ng pakikipagkapatiran sa mga bago nating kaibigan, tanggapin sila saan man sila naroon, at tulungan, mahalin, at gawin silang bahagi ng ating buhay,” pagtuturo ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol.
Ang pagtulong sa mga bagong miyembro na makasama sa kawan ay nangangailangan ng talas ng pakiramdam, kamalayan, at kung minsan ng pagmumuni-muni sa sarili. “Naniniwala akong higit pa ang ating magagawa at [dapat pagbutihin sa] pagtanggap sa mga bagong kaibigan sa Simbahan,” sabi ni Elder Soares. “Inaanyayahan ko kayong pag-isipan ang magagawa natin para maging mas magiliw, palakaibigan, at matulungin sa kanila.”
Magpakita ng Taos-pusong Interes
Alam ni Amy Faragher na ang Simbahan ay totoo sa sandaling pumasok siya sa pintuan ng simbahan. “Hindi ko maikakaila ang patotoong natanggap ko mula sa Espiritu Santo,” sabi niya, “kaya pinili kong magpabinyag.”
Mga isang taon matapos sumapi sa Simbahan noong 19 anyos siya, tumanggap siya ng calling na maglingkod sa Relief Society. Pagkaraan ng isang taon tinawag siyang maglingkod bilang Relief Society president ng kanyang young single adult ward. “Ang mga karanasang iyon ay talagang nagpayaman sa buhay ko,” sabi niya. “Naging lubos na tapat ako.”
May mga hamon sa paglilingkod sa calling na ito bilang medyo bagong miyembro ng Simbahan. “Nasa isang bagong kultura ako na puno ng bagong bokabularyo at mga tradisyon,” sabi niya. Pakiramdam ko ay isa akong tagalabas sa karamihan ng mga pag-uusap at pinagdudahan ko aking halaga bilang miyembro.”
Sa kabila ng mga paghihirap, tinanggap siya ng mga miyembro ng Simbahan nang magiliw at may pagmamahal, tulad ng isang sister na humiling na maging kaibigan niya. “Ang gayong mga pagsasamahan ay nagpagaan sa hamon ng pagkatutong magbagumbuhay,” sabi ni Sister Faragher. “Nadama ko na bahagi ako ng isang komunidad. Hindi ako hinusgahan ng mga miyembro ng ward sa hindi ko pagkaunawa sa kultura o doktrina ng Simbahan.”
Limang taon matapos sumapi sa Simbahan, ikinasal siya. Nanirahan sila ng kanyang asawa sa iba’t ibang ward sa paglipas ng mga taon. Ang isang partikular na ward ay tanggap ang kanyang karanasan bilang convert, at inanyayahan pa siyang magkuwento bilang miyembro ng isang panel sa isang aktibidad ng ward.
Sa ibang mga ward na dinaluhan niya, sabik na nakilahok si Amy pero pakiramdam niya ay hindi siya kabilang. Nagsimula siyang mag-alinlangan sa kanyang lugar sa Simbahan. “Kung minsan, hindi ko makayanan ang kalungkutan,” paggunita niya. “Patuloy akong dumalo sa sacrament meeting at gumanap sa calling ko sa nursery pero nagkaroon ako ng matinding pagkabalisa.”
Nang hindi magbunga ang mga pagsisikap niyang humingi ng suporta sa kanyang ward sa isang mahirap na panahon, humingi siya ng payo sa kanyang stake president. Nang kausapin niya ito, isiniwalat niya ang sakit na kanyang nararamdaman. Mabilis itong tumugon at hiniling na ikuwento ko ang nangyari. Nag-usap sila nang matagal at nangako sa isa’t isa na regular silang mag-uusap. “Naging interesado talaga ang stake president at nakinig sa lahat ng sasabihin ko,” paggunita niya. “Siya ang unang nagtanong ng mahirap na bagay tungkol sa nangyayari.”
Ang pakikipag-usap niya sa stake president at pagtanggap ng iba pang payo mula sa isang propesyonal ay nagpadama sa kanya ng pagmamahal ng Ama sa Langit, na isang mahalagang hakbang sa kanyang paggaling. “Nagbago ang lahat para sa akin. Nagagawa ko nang makibagay,” sabi niya. “Natutuhan ko na hindi ko kailangang ikahiya ang pagiging isang convert.”
“Mahalagang kilalanin at alagaan ng mga lider ang mga bagong miyembro,” mungkahi niya. “Magtanong ng mahihirap na bagay at kumustahin sila talaga. Mahalaga rin sa tiwala ng isang bagong miyembro na mabigyan siya ng calling o responsibilidad na angkop sa kanyang kakayahan. Hindi naman isang pasanin ang maglingkod, na tulad ng paniniwala ng ilang lider.”
Kamakailan ay nagtapos si Amy ng master’s degree sa clinical mental health counseling, at nagsasagawa siya ng mga stake workshop tungkol sa kalusugang pangkaisipan at tumutulong sa addiction recovery program ng Simbahan.
Isang Pagkakataong Maglingkod sa Iba
Si Ka Bo Chan ay ipinanganak sa Hong Kong at lumipat sa Estados Unidos noong bata pa siya. Nalaman niya ang tungkol sa Simbahan mula sa isang roommate sa kolehiyo noong tinedyer pa siya habang nag-aaral ng musika sa Portland, Oregon. Naakit siya sa mga katotohanan ng ebanghelyo, at nabinyagan siya at nakumpirma. Hindi nagtagal, lumipad siya papuntang Estonia para magpatuloy sa pag-aaral.
Nahirapan siyang hanapin ang Simbahan sa Estonia. Unti-unti, dahil walang kontak sa mga miyembro at limitado ang pang-unawa sa panalangin at mga banal na kasulatan, nanlamig ang kanyang pananampalataya.
Sa panahong ito, nakilala niya si Maila, isang dalaga sa paaralan. “Kabigha-bighani siya,” sabi niya. Sinimulan niya itong tabihan sa upuan, at di-nagtagal ay naging magkaibigan sila.
Hindi miyembro ng Simbahan si Maila at hindi ito pamilyar sa relihiyon. Pero habang patuloy ang kanilang relasyon, sinabi nito na kung mag-aasawa siya, ito’y hanggang sa kawalang-hanggan.
Sa kanyang mga pag-aaral, nakadama ng espirituwal na panghihikayat si Ka Bo na bumalik sa simbahan at hanapin ang branch sa kanilang lugar. Ang unang aktibidad na dinaluhan nila ni Maila ay isang branch Christmas party. Kakatwa ang naging pakiramdam ni Maila sa mga aktibidad at hindi naging maganda ang dating nito sa kanya, kaya sumumpa siya na hinding-hindi na siya babalik. Pero patuloy pa ring nagsimba si Ka Bo.
Isang umaga ng tagsibol, pinapili ni Maila si Ka Bo sa pagitan niya at ng Simbahan. Walang pag-aalinlangan, sinabi ni Ka Bo na kailangan niya ang Simbahan at hinikayat si Maila na sumama sa kanya.
Ang tahasang sagot niya ay naging dahilan para magtaka si Maila kung mayroon siyang hindi naunawaan; lumambot ang damdamin nito, at pumayag na dumalong muli. Nang sumunod na Linggo, sinalubong si Maila ng ngiti ng isang sister missionary. Magaan ang pakiramdam niya sa sister missionary, na para bang matagal na silang magkaibigan. Nawala ang kanyang pangamba, at nabinyagan siya at nakumpirma makalipas ang dalawang linggo.
Hindi naunawaan nina Ka Bo at Maila ang mga kaibahan ng banal na kasulatan at mga gawi sa ebanghelyo, at wala silang nararanasan sa bago nilang relihiyon na pamilyar, kahit sa musika. Pero nagsimba sila at nagsikap na matutuhan ang ebanghelyo.
Nang malipat ang mga missionary, hindi pa gaanong kilala ni Maila ang mga miyembro at hindi siya makatiyak sa bagong sitwasyon, tulad sa Relief Society, kung saan ay napaisip siya minsan kung mali ang napuntahan niya. Hindi nagtagal ay nabigyang-inspirasyon ang bishopric na tawagin siya para tumugtog ng piyano sa Primary. “Sa pagtugtog ng piano, nagkaroon ako ng halaga at layunin,” sabi niya.
Mapangalagaan ng Mabuting Salita ng Diyos
Alam nina Mari at Jorma Alakoski ang daan tungo sa pagbabalik-loob. Sa mga taon mula nang sumapi sa Simbahan sa kanilang bansang Finland, naglingkod sila sa iba’t ibang tungkulin, kabilang na ang calling ni Mari bilang assistant temple matron at ang calling ni Jorma bilang counselor sa unang temple presidency ng Helsinki Finland Temple.
Pero tulad ng maraming convert, kinailangan nilang ipaglaban ang kanilang pananampalataya. Nang makilala sila ng mga missionary, hindi naging madali para kay Mari na magkaroon ng patotoo na tulad ng nangyari sa kanyang asawa. Noong una, hindi siya komportable sa Aklat ni Mormon at hindi niya ito pinansin at hinihipo lang ito paminsan-minsan.
Kalaunan, nang makita niyang tumulo ang luha ng kanyang asawa habang binabasa nito ang Aklat ni Mormon, naisip niya sa sarili, “Kung labis siyang naaantig sa aklat na ito, tiyak na mahalaga ito.”
Unti-unting naglaho ang kanyang pagtutol, at sinimulan niyang hanapin ang katotohanan. Nang maglaon, napaluha rin siya habang binabasa ang Aklat ni Mormon.
Natanto nina Mari at Jorma na sumasalungat sila sa kultura at tradisyon nang sumapi sila sa Simbahan. Pero biglang nagbago ang takbo ng buhay nila at hindi na sila bumalik sa dati. “Naghatid sa amin ng malaking katiwasayan sa buhay ang Simbahan. Muntik ko nang isipin na napakaganda nito para maging totoo. Napakabait ng pagtanggap sa amin sa kongregasyon,” sabi ni Mari.
“Maraming bagong bagay ang biglang dumating sa buhay namin,” sabi niya. Ang mga Linggo ay hindi na oras ng paglilibang kundi puno ng mga miting sa Simbahan, na idinaraos nang tatlong beses sa buong araw ng Sabbath noong panahong iyon. “Kinailangan naming bihisan ang mga bata para sa bawat miting at ilagay sa tamang oras ang kanilang pagkain at pag-idlip.”
Bawat karaniwang araw ng linggo ay nangailangan ng oras para sa mga aktibidad at miting na may kaugnayan sa ebanghelyo, sa home evening man, Relief Society, o Primary. “Sa araw ng Sabado, naghanda kami ng pagkain at damit para sa araw ng Linggo,” sabi ni Mari.
Hindi ipinamalita ng mga Alakoski ang pagsapi nila sa Simbahan, pero unti-unti itong nalaman ng kanilang pamilya at mga kaibigan. “Hindi lahat ay nakaunawa sa desisyon namin,” paggunita ni Mari. “Hindi na kami kinausap ng ilang kaibigan namin. Pero maliit na kabayaran iyon para sa lahat ng mahalagang bagay na dumating sa aming buhay. Walang anuman at sinumang puwedeng makaimpluwensya sa amin na talikuran ang Simbahan. Matapos malaman ang pagsapi namin, inayos ng tatay ko ang anumang sigalot nang sabihin niyang, ‘Hayaan ninyo silang gawin ang alam nilang tama. Matatanda na sila. Alam na nila kung ano ang gusto nilang gawin.’”
Nang maglaon, ninais ng mag-asawa na mabuklod. Nagplano sila, nagsakripisyo, at naglakbay nang dalawang araw sakay ng bus at isang gabi sakay ng barko patawid ng Sweden at Germany. Sa wakas ay dumating sila sa Bern Switzerland Temple, ang tanging templo sa Europe noon.
Ang mga Alakoski ay isang halimbawa ng mga taong tumatanggap ng patotoo sa ebanghelyo at sumusulong, katulad ni Nephi, nang walang alam sa simula kundi ang sumunod sa Espiritu (tingnan sa 1 Nephi 4:6). Mula sa mga kilos ng iba pang mga miyembro ay natutuhan nila ang doktrina at kung paano ipamuhay ang ebanghelyo. Kapag mayroon silang hindi alam, nag-aaral sila o humihingi ng dagdag na patnubay.
Payo mula sa Isang Apostol
“Matagal nang itinuturo sa atin kung paano natin matutulungan ang mga bagong kaibigan natin na madamang tinatanggap at minamahal sila sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo. Kailangan nila ng tatlong bagay upang manatili silang matatag at tapat habambuhay,” pagtuturo ni Elder Soares, na inulit ang payo ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008).
“Una, kailangan nila ng mga kapatid sa Simbahan na talagang may malasakit sa kanila, tunay at tapat na mga kaibigan na palagi nilang malalapitan, na hihikayat at susuporta sa kanila, at sasagot sa mga tanong nila,” pagpapatuloy ni Elder Soares.
“Pangalawa, kailangan ng mga bagong kaibigan [ng] gawain o tungkulin—isang pagkakataon na maglingkod sa iba. … Ito ay isang paraan kung saan mas lalakas ang ating pananampalataya. …
“Pangatlo, ang mga bagong kaibigan ay kailangang ‘mapangalagaan ng mabuting salita ng Diyos’ [Moroni 6:4]. Matutulungan natin silang magmahal at maging pamilyar sa mga banal na kasulatan kapag binabasa at tinatalakay natin ang mga turo kasama nila, nagbibigay ng konteksto ng mga kuwento at ipinaliliwanag ang mahihirap na salita.”
Ang pagtulong sa mga bagong miyembro ay nagdudulot ng espirituwal at temporal na mga pagpapala sa mga convert at matatagal nang miyembro. Pinalalakas nito ang Simbahan sa maraming paraan. “Ang mga bago nating kaibigan ay may taglay na mga talento, sigla, at kabutihan na bigay ng Diyos,” pagtuturo ni Elder Soares. “Ang sigasig nila sa ebanghelyo ay nakakahawa, kaya natutulungan tayo na pasiglahin ang ating patotoo. Taglay rin nila ang mga bagong pananaw sa pagkaunawa natin sa buhay at ebanghelyo.”