“Ang Kaloob na Isa pang Tipan ni Jesucristo,” Liahona, Dis. 2024.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Pasko
Ang Kaloob na Isa pang Tipan ni Jesucristo
Si Jesucristo ang diwa ng Pasko, ang liwanag ng Pasko, at ang pinagtutuunan ng pansin ng Pasko. Nasa loob ng mga pahina ng Aklat ni Mormon ang diwa, liwanag, at pinagtutuunan ng pansin ng Pasko dahil itinuturo nito ang tungkol kay Jesucristo at kung paano lumapit sa Kanya. Narito ang dalawang paraan lamang na itinuturo sa atin ng Aklat ni Mormon para mas mapalapit sa Kanya.
Ang Kaloob na mga Tipan
Ang Aklat ni Mormon ay nagbibigay sa atin ng mas malalim na kaalaman tungkol sa kahulugan ng makipagtipan sa Diyos (tingnan, halimbawa, sa 1 Nephi 15:18; Mosias 5:5; 18:13; 3 Nephi 20:26). Nakasaad sa pahina ng pamagat nito na ang layunin ng Aklat ni Mormon, bukod sa iba pa, ay tulungan ang mga labi sa sambahayan ni Israel na “malaman ang mga tipan ng Panginoon, na sila ay hindi itatakwil nang habang panahon.” Ibinibigay sa atin ng Aklat ni Mormon ang ipinanumbalik na kaalaman tungkol sa pakikipagtipan na maaari nating gawin sa Ama sa Langit sa pamamagitan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala.
Kapag gumawa at tumupad tayo ng mga sagradong tipan sa pamamagitan ng binyag at sa templo, mas napapalapit tayo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa isang paraan na nagbubuklod sa atin sa Kanila, sa isang paraan na maaaring magbalik sa atin sa Kanila.
Ang Kaloob na Pagmamahal
Ang pag-aaral natin ng Aklat ni Mormon ay nagpapaunawa sa atin na si Jesucristo ang pinakadakilang kaloob na pagmamahal (tingnan sa 1 Nephi 11:16–23) at na mahal Niya ang bawat isa sa atin.
Pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, inanyayahan ng Panginoon ang mga Nephita na “bumangon at lumapit sa akin, upang inyong maihipo ang inyong mga kamay sa aking tagiliran, at upang inyo ring masalat ang bakas ng pako sa aking mga kamay at aking mga paa, upang inyong malaman na ako nga ang Diyos ng Israel, at ang Diyos ng buong sangkatauhan, at pinatay para sa mga kasalanan ng sanlibutan.
“… At ito ay ginawa nila, isa-isang nagsilapit” (3 Nephi 11:14–15).
Ipinapakita sa atin ng mga talatang ito na ang hangarin ng Tagapagligtas para sa ating lahat, saanman at sa bawat sitwasyon, ay ang lumapit tayo sa Kanya, matuto tayo tungkol sa Kanya, at madama ang Kanyang pagmamahal. Si Jesus, sa Kanyang walang-hanggang pagmamahal, ay kusang-loob na isinakripisyo ang Kanyang sarili na bayaran ang halaga para sa ating mga kasalanan, na nagkakaloob sa atin ng oportunidad na maging malinis, makipagkasundo sa Diyos, at sa huli ay makabalik sa piling ng Diyos (tingnan sa Alma 34:13–17; Helaman 14:15–17; 3 Nephi 27:14–22).
Maipapakita natin ang ating pasasalamat sa kaloob na Aklat ni Mormon sa pagbasa rito at pagsunod sa mga turo ng Tagapagligtas. Habang ginagawa natin ito, tinatanggap natin ang tunay na diwa ng Pasko, na naghahatid ng liwanag sa ating buhay hindi lamang sa Disyembre kundi sa buong taon.