Liahona
2 Aral mula sa Palihis-lihis na mga Pailaw sa Pasko
Disyembre 2024


Digital Lamang

2 Aral mula sa Palihis-lihis na mga Pailaw sa Pasko

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Ang mga landas ng buhay ay hindi laging tuwid, pero ang liwanag ni Cristo ay naroon pa rin at nagniningning sa daan.

mga kamay na may hawak na nagliliwanag na mga pailaw sa Pasko

Halos walong taon na rin ang nakalipas mula nang magkabit ako ng mga pailaw sa Pasko sa bahay ng mga magulang ko. Dahil sa iba’t ibang sitwasyon, matagal nang hindi nagkakasama-sama ang pamilya ko. Hindi ko gustong palamutian ang bahay ko, dahil nagdaramdam ako na hindi ko kasama ang pamilya ko. Gayunpaman, hindi ko maitago ang nararamdaman ng puso ko: nagkaroon ako ng pagnanasang magkabit ng mga pailaw sa Pasko.

Kinumbinsi ko ang kapatid kong lalaki na tulungan akong isabit ang mga ito. Sa pagitan ng trabaho, paaralan, at iba’t ibang responsibilidad, inabot kami ng ilang araw bago matapos sa pagsabit ng mga pailaw. Nang matapos kami, dalawang aral ang natutuhan ko.

Una, ang buhay ay hindi palagiang sumusunod sa isang tuwid na landas. Sinimulan naming isabit ang mga pailaw sa maayos na mga hilera, pero nang makarating kami sa likod ng bahay, napansin namin na mas marami kaming pailaw kaysa inaasahan. Nagpasiya kaming ilawit ang mga natitirang pailaw sa mas mababang bahagi ng bahay, na sobrang palihis-lihis kaysa sa ibang mga pailaw. Noon ko napagtanto na ang buhay ko ay katulad ng mga pailaw na ito. Sinisikap kong maging matwid, nang hindi nalilihis sa landas ng ebanghelyo ni Jesucristo. Pero kung minsan, nagkakamali ako at hindi ko alam ang gagawin ko. Sinabi ng Panginoon, “Siya na nagsisi ng kanyang mga kasalanan, ay siya ring patatawarin, at ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalala ang mga ito” (Doktrina at mga Tipan 58:42). Bagama’t nagkabuhol-buhol ang mga pailaw sa Pasko, patuloy pa ring nagsisilbi ang mga ito sa layunin nito: ang magbigay ng liwanag at paningningin ang aking bahay. Gaya ng mga pailaw, hindi ako perpekto. Nagkamali ako pero matatagpuan ko pa rin ang liwanag at susundin ang plano ng Diyos para sa akin, salamat sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Ang pangalawang bagay na natutuhan ko ay laging naririto ang Liwanag ni Cristo. Sa itaas, sa ibaba, sa kanan, sa kaliwa—naroon ito, handang magbigay sa atin ng patnubay at pagwawasto. Sa Moroni 7:19, mababasa natin na dapat tayong masigasig na magsaliksik sa Liwanag ni Cristo upang matukoy natin ang mabuti at masama. Nadama kong ang Espiritu Santo ang nagsalita sa puso ko para maisabit ko ang mga pailaw na iyon at maalala na nariyan si Jesucristo, tinatawag at ginagabayan ako. Ang Liwanag ni Cristo ay nag-iilaw sa buong taon, hindi lamang sa mga espesyal na panahon na tulad ng Pasko.

Ang mga pailaw sa aking tahanan ay maaaring hindi ang pinakamaganda sa magkakapitbahay, pero ipinapaalala nito sa akin na ang aking mga pagsisikap na sundin ang Tagapagligtas ay nagdudulot ng mga pagpapala sa aking buhay.