“Ang Pagsampalataya ay Naghahatid ng mga Himala,” Liahona, Dis. 2024.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Ang Pagsampalataya ay Naghahatid ng mga Himala
Ang Eter 12 at Moroni 7 ay tumatalakay sa mga pagpapalang maaaring dumating sa ating buhay kapag sumasampalataya tayo kay Jesucristo. Ang Eter 12 ay nagbabahagi ng mga halimbawa ng mga taong kumilos nang may kapangyarihan ng pananampalataya. Halimbawa:
“Masdan, ang pananampalataya nina Alma at Amulek ang dahilan ng pagguho ng bilangguan sa lupa.
“Masdan, ang pananampalataya nina Nephi at Lehi ang gumawa ng pagbabago sa mga Lamanita. …
“Masdan, ang pananampalataya ni Ammon at ng kanyang mga kapatid ang gumawa ng napakalaking himala sa mga Lamanita.
“Oo, at maging silang lahat na gumawa ng mga himala ay nagawa ang mga ito sa pamamagitan ng pananampalataya” (Eter 12:13–16).
Ang mga pagpapala ng pananampalataya ay hindi lamang limitado sa kalalakihan at kababaihan sa mga banal na kasulatan—ang pagkilos nang may pananampalataya ay nagpapala sa atin ngayon. Ang mga sumusunod ay mga halimbawa ng pananampalataya kamakailan:
Sa Pamamagitan ng Pananampalataya, Ibinahagi ng Isang Miyembro sa South Korea ang Ebanghelyo sa Libu-libo
Nagtrabaho si Hwang Keun Ok, isang Banal sa Huling Araw, sa isang bahay-ampunan sa South Korea noong 1960s. Nang malaman ng mga isponsor ng bahay-ampunan na miyembro ng Simbahan si Sister Hwang, pinapili nila ito: talikuran ang Simbahan o magbitiw sa kanyang trabaho. Nagbitiw siya sa trabaho. Makalipas ang limang taon, nagbukas siya ng isang bagong tahanan para sa mga dalagita sa Seoul. Kasama ang mga missionary na Banal sa mga Huling Araw, nagpa-concert sila sa buong bansa na nakatulong para ipalaganap ang ebanghelyo sa libu-libo.
Sa Pamamagitan ng Pananampalataya, Nagkaroon ng Templo ang mga Miyembro sa East Germany
Nang bumisita sila sa komunistang East Germany noong 1968, pinangakuan ang mga Banal ni Pangulong Thomas S. Monson, na noon ay miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Kung mananatili kayong tunay at tapat sa mga utos ng Diyos, bawat pagpapalang tinatamasa ng sinumang miyembro ng Simbahan sa ibang bansa ay mapapasainyo.” Noong panahong iyon, ang pinakamalapit na templo ay nasa Switzerland, kaya lang ang East Germany ay nasa ilalim ng mahigpit na pamamahala ng pamahalaan. Ang mga miyembro ng Simbahan ay paulit-ulit na pinagkaitan ng visa para makapunta roon.
Pinayuhan ni Pangulong Spencer W. Kimball si Henry Burkhardt, pangulo ng misyon ng Simbahan sa Dresden, na kaibiganin ang mga opisyal ng mga komunista sa bansa. Bagama’t mahirap ito, kumilos siya ayon sa pananampalataya. Nag-ayuno at nanalangin ang mga miyembro, at kinaibigan ni Henry ang maraming opisyal ng pamahalaan at madalas na nakiusap na payagan ang mga miyembro ng Simbahan na makapaglakbay papunta sa templo. Noong 1978, nang makiusap siyang muli, sabi ng isang opisyal, “Bakit hindi kayo magtayo ng templo rito?”
Tapos na ang matagal na paghihintay, at nagtayo ng templo ang Simbahan sa Freiberg, Germany, na inilaan noong 1985 ni Pangulong Gordon B. Hinckley.
Sa Pamamagitan ng Pananampalataya, Nakinig sa Propeta ang mga Miyembro sa Tonga Habang Nauulanan
Si Pangulong Russell M. Nelson at ang kanyang asawang si Sister Wendy Nelson, nang bisitahin nila ang Pacific Islands noong 2019 sa panahon ng malakas na ulan. Nagunita ni Pangulong Nelson kalaunan:
“Ang mga miyembro ay nag-ayuno at nagdasal na maprotektahan sa ulan ang kanilang mga miting sa labas.
“Sa Samoa, Fiji, at Tahiti, nagsisimula pa lamang ang mga miting ay huminto na ang ulan. Ngunit sa Tonga, hindi huminto ang ulan. Gayunman, 13,000 tapat na mga Banal ang dumating nang maaga para makaupo, [ang] matiyagang naghintay habang patuloy ang malakas na pag-ulan, at naroon hanggang matapos ang dalawang oras na miting.
“Nakita namin ang matibay na pananampalataya ng bawat isa sa mga taga-islang iyon—pananampalatayang sapat para huminto ang ulan at pananampalataya para makapagtiis nang hindi huminto ang ulan.