Digital Lamang: Mga Turo ng mga Pinuno ng Simbahan mula sa Social Media
15 Regalo na Dapat Isaalang-alang Ngayong Pasko
Tingnan kung ano ang itinuro ng mga buhay na propeta at iba pang mga lider ng Simbahan sa social media tungkol sa Pasko, mga kaloob mula sa Tagapagligtas, at mga regalong maibibigay natin sa bawat isa.
Ang pakikipagpalitan ng regalo sa mga mahal sa buhay ay maaaring isang masayang tradisyon sa panahon ng Pasko. Habang nakikilahok tayo sa mga kapistahan ng panahon, mahalagang panatilihin ang ating pagtutuon sa tunay na dahilan kung bakit tayo nagdiriwang: ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Sa paggawa nito, makikita natin na ang mga espirituwal na kaloob na ibinigay sa atin sa pamamagitan ng ebanghelyo ni Jesucristo ay mas mahalaga kaysa anumang kaloob sa lupa.
Itinuro ni Pangulong Nelson:
“Pagtuunan natin ng pansin ang apat sa mga regalong ibinigay ni Jesucristo sa lahat ng handang tumanggap sa mga ito.
“Una, ibinigay Niya sa inyo at sa akin ang walang hanggang kakayahang magmahal. Kabilang doon ang kakayahang magmahal sa mga mahirap mahalin at ang mga taong hindi lamang hindi nagmamahal [sa inyo] kundi sa mga umuusig at sinasadyang gamitin kayo. …
“Ang ikalawang regalo na inihahandog ng Tagapagligtas sa inyo ay ang kakayahang magpatawad. Sa pamamagitan ng Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala, makapagpapatawad kayo sa mga nakasakit sa inyo at sa mga taong maaaring hindi aamin sa nagawa nilang kalupitan sa inyo. …
“Ang pangatlong regalo mula sa Tagapagligtas ay ang pagsisisi. …
“… Ang pagsisisi ay isang pambihirang regalo. Ito ay isang proseso na hindi dapat katakutan. Ito ay isang kaloob na dapat nating tanggapin nang may kagalakan at dapat na gamitin—o yakapin—sa bawat araw habang sinisikap natin na maging mas katulad ng ating Tagapagligtas. …
“Ang ikaapat na regalo ng Tagapagligtas, sa katotohanan, ay isang pangako—ang pangako ng buhay na walang-hanggan. … Ang buhay na walang hanggan ay ang uri at kalidad ng pamumuhay ng Ama sa Langit at ng Kanyang [Pinakamamahal] na Anak. Nang ihandog sa atin ng Ama ang walang-hanggang buhay, ang talagang sinasabi Niya ay, ‘Kung pipiliin ninyong sundin ang aking Anak—kung nais ninyo na tunay na maging higit na tulad Niya—kung gayon darating ang panahon na mamumuhay kayo na tulad namin at mamumuno sa mga mundo at kaharian tulad namin.’”
Nagbahagi ang mga lider ng Simbahan ng mga mensahe tungkol sa mga kaloob na natatanggap natin mula sa pamumuhay ng ebanghelyo at mga regalo na maibibigay natin sa bawat isa kapag sinisikap nating maging mas mabuting mga disipulo ni Jesucristo. Isipin ang mga regalong binanggit ni Pangulong Nelson sa itaas at ang mga sumusunod na kaloob:
Inihandog Niya sa atin ang isang Tagapagligtas, ang Kanyang Perpektong Anak
“Ang liwanag ay isa sa pinakamagagandang simbolo ng pagsilang ni Jesucristo sa mundong ito. Ang pagsilang ng matagal nang ipinangakong Mesiyas ay naghatid ng liwanag sa isang madilim na mundo.
“Marami sa inyo ang nananalangin para sa lakas upang matiis ang mga pagsubok na sumusubok sa inyong kakayahan. Alam ng Diyos ang bawat pangangailangan natin, mahal Niya tayo, at binabantayan Niya tayo. Iniregalo Niya sa atin ang isang Tagapagligtas, ang Kanyang perpektong Anak. Siya ang Ilaw ng Mundo at ang tiyak na pinagmumulan ng kapanatagan, pag-asa, kapayapaan, at kagalakan.
“Ipinahahayag ko ang pagmamahal ko sa inyo lakip ang aking hiling na nawa’y maging masaya ang inyong Pasko at madama ang pagmamahal at liwanag ni Cristo—sa taon na ito at sa tuwina.”
Pangulong Henry B. Eyring, Facebook, Dis. 15, 2023, facebook.com/henry.b.eyring.
Alalahanin Natin ang Pinakadakilang Regalong Ibinigay
“Maliban na lamang kung makita natin ang lahat ng kahulugan at kagalakan ng Pasko—ang buong buhay ni Cristo, ang Kanyang malalim na misyon, ang katapusan at ang simula—kung gayon ang Pasko ay isa pang araw na walang trabaho na may pagkain at kasiyahan at mga kapistahan.
“Ang tunay na kahulugan—ang natatanging, masayang kahulugan—ng pagsilang ni Jesucristo ay hindi nakakulong sa mga unang oras na iyon sa Bethlehem kundi matutupad sa buhay na Kanyang ipamumuhay at sa Kanyang kamatayan, sa Kanyang matagumpay na nagbabayad-salang sakripisyo, at sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli na gumuho sa bilangguan. Ito ang mga katotohanang nagpapasaya sa Pasko.
“Sa taon na ito, alalahanin natin ang pinakadakilang kaloob na ibinigay: ang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ng Panginoong Jesucristo.”
Pangulong Jeffrey R. Holland, Facebook, Dis. 24, 2023 , facebook.com/jeffreyr.holland.
Lahat Tayo ay Pinagpala ng mga Natatanging Kaloob
“Pinahahalagahan ko ang pagkakataong bumuo at magpanatili ng relasyon sa ibang relihiyon sa iba’t ibang panig ng mundo. Bilang mga anak ng Diyos, lahat tayo ay pinagpala ng mga natatanging kaloob at talento upang maglingkod sa mas dakilang kabutihan.”
Elder Dieter F. Uchtdorf, Facebook, Nob. 10, 2023 , facebook.com/dieterf.uchtdorf.
Limang Regalo na Maibibigay Natin sa Bawat Isa
“[Narito ang mga halimbawa ng] limang regalo na maaari nating ibigay sa isa’t isa:
-
Ang kaloob na pagpapaumanhin sa pamamagitan ng pagtanggi sa poot
-
Ang kaloob na pagtanggap sa pamamagitan ng pagtanggi sa pagsasalita ng masama sa lahat ng tao dahil sa mga ginagawa ng iilan
-
Ang kaloob na pag-unawa sa pamamagitan ng hindi paghatol sa iba batay lamang sa panlabas na kaanyuan
-
Ang kaloob na pagiging magalang at disente sa pamamagitan ng pagtanggi sa pagkondena, paglapastangan, at paglait sa iba na hindi sumasang-ayon sa atin
-
Ang kaloob na isulong ang lipunan sa pamamagitan ng pagrespeto sa lahat ng tao, lalo na sa mga taong may ibang pananaw
“Si Jesus ay naparito sa lupa na isang hamak na sanggol bagama’t Siya ang Ilaw ng Mundo. Dumating Siya upang maghatid ng kapayapaan, pagmamahal, at kagalakan. Ang mga ilaw sa paligid ng Washington D.C. visitors’ center ay sumisimbolo sa Kanya at sa mga dakilang kaloob sa atin ng Ama.”
Elder Dale G. Renlund, Facebook, Dis. 1, 2023, facebook.com/DaleGRenlund.
Matatanggap Natin ang Mahalagang Kaloob na Pagsisisi mula kay Jesucristo
“Ang isang paboritong tradisyon ng Pasko sa mga Gong ay ang basahin nang malakas ang ‘A Christmas Carol’ ni Charles Dickens bilang isang pamilya.
“Madalas na napapaisip ako kung bakit, kapag binabanggit natin si Scrooge, ang palagi nating naiisip ay isang matandang masungit at kuripot, isang taong tinutuya ang Pasko na isang malaking [perwisyo]?
“Bakit hindi natin mas tanggapin ang nagbagong Scrooge? Ang bagong Scrooge, na bukas-palad na nagbigay ng napakalaking pabo bilang sorpresa sa Pasko? Ang bagong Scrooge, na nakipagkasundo sa kanyang masayahing pamangkin na si Freddie? Ang bagong Scrooge, na nagtaas ng suweldo ni Bob Cratchit at nagmalasakit kay Tiny Tim?
“Mayroon bang mga tao sa paligid natin, marahil tayo mismo, na maaaring maging ibang tao kung titigil lamang tayo sa pag-aakala o panghuhusga na hindi pa rin sila nagbabago?
“Walang perpektong tao o pamilya. Bawat isa sa atin ay may mga kahinaan at kamalian—mga bagay na nais nating [baguhin] at pagbutihin pa. Sa Paskong ito, marahil ay matatanggap natin—at maibibigay—ang mahahalagang kaloob ni Jesucristo na pagbabago at pagsisisi, pagpapatawad at paglimot, [para sa bawat isa] at sa ating sarili.
“Makipagkasundo tayo sa nangyari sa nakaraang taon. Alisin natin ang pagkabalisa at pagkabagabag, ang mga alitan at galit, na laganap sa ating buhay. Nawa’y ipagkaloob natin sa isa’t isa ang ating mga bagong posibilidad sa halip na magtuon sa mga limitasyon natin noon. Bigyan natin ang bagong Scrooge sa bawat isa sa atin ng pagkakataong magbago.”
Elder Gerrit W. Gong, Facebook, Dis. 10, 2023, facebook.com/gerritw.gong.
Binibigyan Tayo ng Diyos ng Kaloob na Pag-alaala
“Habang pinag-iisipan ninyo ang malalaki at maliliit na ‘mabubuting kaloob’ na dumating sa inyong buhay, paano ninyo nakita ang kamay ng Panginoon na sumasagip sa inyo, nagpapalakas sa inyo, at nagbibigay sa inyo ng kaginhawahan?
“Binibigyan tayo ng Diyos ng kaloob na pag-alaala upang hindi natin malimutan ang Tagapagbigay, upang madama natin ang Kanyang walang hanggang pagmamahal sa atin at matutong mahalin Siya bilang kapalit. Hinihikayat tayo ng sinaunang propetang si Moroni na pakatandaan na ang ‘bawat mabuting kaloob ay nagmumula kay Cristo’ (Moroni 10:17). Ang ating Tagapagligtas ay nagbibigay ng mga kaloob hindi tulad ng ibinibigay ng mundo—na pansamantala, bahagya, at madaling maglaho sa paglipas ng panahon. Si Jesucristo ay nagbibigay ng mga kaloob na pangwalang hanggan.”
Sister Tracy Y. Browning, Facebook, Dis. 13, 2023, facebook.com/Primary2ndCounselor.