Liahona
Pakiramdam Mo ba ay Iba ka sa mga Tao sa Paligid Mo? Baka Pagkakataon nang Ibahagi ang Iyong Liwanag
Disyembre 2024


Digital Lamang: Mga Young Adult

Pakiramdam Mo ba ay Iba ka sa mga Tao sa Paligid Mo? Baka Pagkakataon nang Ibahagi ang Iyong Liwanag

Ang awtor ay naninirahan sa Argentina.

Maaaring mahirap ang pagiging iba, pero nagbibigay rin ito sa atin ng mga pagkakataon na ilawan ang mundo.

isang kandila na nagbabahagi ng liwanag sa isa pa

Bilang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, maaaring madama mo na iba ka sa mga taong nakapaligid sa iyo.

At kung minsan ay mahirap iyan. Kung ikaw lang ang miyembro ng Simbahan sa inyong lugar, maaaring maramdaman mong hindi ka kabilang kapag nakikibahagi ang iyong mga kaibigan o kapamilya sa ibang mga aktibidad. Maaari ka pang magkaroon ng kakatwang pakiramdam o pagkailang kapag sinusubukan mong ipaliwanag ang iyong relihiyon.

Pero hindi ito kailangang magkagayon. May tunay na kapangyarihan ang “hindi ikinahihiya ang ebanghelyo” ni Cristo (Roma 1:16). Nalaman ko na ang pagiging komportable sa pagiging iba ay makatutulong sa atin na maging ligtas sa ating banal na pagkatao at maibahagi ang ebanghelyo—at ang Liwanag ni Cristo—nang mas natural.

Narito ang ilang bagay tungkol sa akin na “iba” at talagang madali ring ibahagi ang aking pananampalataya at liwanag:

1. Naniniwala Ako sa Diyos—at sa Siyensya

Isa akong engineering student, kaya marami akong nakakasalamuha na naniniwala sa siyensya at matematika pero walang pananampalataya sa Diyos.

Bagama’t ang pagkakaibang ito ay hindi kinakailangang humantong sa mga talakayan tungkol sa relihiyon sa gitna ng klase, mayroon akong pagkakataon na “maging halimbawa ng mga mananampalataya” (1 Timoteo 4:12). Napapansin ng mga kaibigan ko sa pamantasan kapag hindi ako lumalabas at dumadalo sa mga handaan na kasama nila tuwing Linggo. Kapag gusto nilang malaman kung saan ako pupunta sa halip na sumama sa kanila, binabanggit ko ang aking pangako na magsisimba at hinahayaan silang makita na ang aking pag-aaral at kaalaman ay hindi hadlang sa akin na maniwala sa Diyos.

2. Ipinapamuhay Ko ang Batas ng Kalinisang-Puri

Kapag nalalaman ng mga tao na ipinamumuhay namin ng nobyo ko ang batas ng kalinisang-puri at hindi nagsasama, marami silang tanong. At kapag itinatanong nila kung paano kami nagkakilala at sinasabi kong sa templo, mas marami pa silang tanong!

Nagsisimula nang ituring ng mundo na makaluma na ang kasal. Kaya maraming tao sa aking henerasyon ang itinuturing na masyado akong kakaiba dahil nabubuhay ako sa ganitong paraan. Pero ang pagkakaibang ito ay nagbibigay sa akin ng pagkakataon na magpatotoo sa kagandahan ng walang-hanggang kasal at kung paanong pinagpapala ang buhay ko ng pagsunod sa batas ng kalinisang-puri.

3. Ikinukwento Ko ang Pagmimisyon ng Aking Kapatid na Babae

Kasalukuyang nagmimisyon ang bunsong kapatid ko sa Chile, kaya kapag nagtatanong ang mga kaibigan ko tungkol sa pamilya ko, madaling isama sa usapan ang tungkol sa kanya at banggitin ang aking pananampalataya. Sa halip na subukang mabilisang banggitin ang paksa o laktawan ito nang buo, sinasabi ko sa mga tao na nagtuturo siya tungkol kay Jesucristo. Ipinapaliwanag ko ang pagmamahal at suporta ko para sa kanya at sa trabahong ginagawa niya.

Wala akong kailangang sabihing malaki o dramatiko—nagiging tapat lang ako. Pero tinutulungan nito ang mga tao na makita kung gaano kahalaga ang Simbahan sa amin ng kapatid kong babae.

4. Sinusunod Ko ang Word of Wisdom

Isa sa mga mithiin ko sa buhay ay ipakita sa mga tao na maaari akong magsaya nang hindi umiinom ng alak—kahit na sa tingin nila ay imposible iyon!

Pero kapag tinatanong ako tungkol sa pagtanggi sa mga inumin—na kadalasang nangyayari, dahil ang alak ay talagang tanggap sa mga social event—maibabahagi ko na masaya ako at nasisiyahan sa buhay sa kung ano ako. Maaari kong hayaang magningning ang Liwanag ni Cristo sa pamamagitan ko at ipakita sa mga tao na ang pagsunod sa Word of Wisdom ay tumutulong sa akin na gumawa ng mabubuting desisyon at nagdudulot sa akin ng kagalakan.

Pagbabahagi ng Liwanag

Karamihan sa mga halimbawang ito ay may isang pagkakahalintulad: ang “maging halimbawa ng mga mananampalataya sa pananalita, pag-uugali, pagibig, pananampalataya, at sa kalinisan” (1 Timoteo 4:12). Hindi talaga kailangan na maging eksperto sa maraming bagay para mamuhay nang tapat at ibahagi ang liwanag ng Tagapagligtas sa mundo (tingnan sa 3 Nephi 18:24). At para sa akin, iyon lamang talaga ang kailangan para magawa ko ang bahagi ko sa pagbibigay-liwanag sa mundo—ang mamuhay na isang halimbawa ni Jesucristo.

Gaya ng itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018): “Bawat isa sa atin ay naparito sa lupa na taglay ang Liwanag ni Cristo. Kapag tinutularan natin ang halimbawa ng Tagapagligtas at namumuhay at nagtuturo tayo na katulad Niya, ang liwanag na iyan ay mag-aalab sa ating puso at tatanglawan ang daan para sa iba.”

Kahit ang pagsisikap mong ibahagi ang iyong pananampalataya ay hindi nagbunga ng pagbabalik-loob ng mga tao sa ebanghelyo, sulit pa rin ang pagbabahagi ng nasa puso mo. Ang pamumuhay nang tapat sa iyong mga paniniwala ay magpapala sa iyong buhay at magpapalakas sa iyong patotoo. Habang mas nagsasanay ka sa pagbabahagi ng iyong liwanag, mas maraming liwanag ang maibabahagi mo sa buhay ng iba, paano man nila piliing tanggapin ito.

At talaga naman, sino ba naman ang hindi mangangailangan ng kaunting liwanag sa kanilang buhay?