2022
3 Madadali (at Hindi Nakakatakot) na Paraan upang Maibahagi ang Ebanghelyo sa Iba
Marso 2022


Digital Lamang: Mga Young Adult

3 Madadali (at Hindi Nakakatakot) na Paraan upang Maibahagi ang Ebanghelyo sa Iba

Noon, natatakot akong ibahagi ang ebanghelyo dahil baka tanggihan ako, ngunit ilang karanasan ang nakatulong sa akin na makita kung gaano kadali ito.

grupo ng mga young adult na magkakayakap

Noong bata pa ako, palagi akong natatakot na ibahagi ang ebanghelyo sa aking mga kaibigan.

Ngunit nang matanggap ko ang aking tawag sa misyon, nalaman ng lahat ng aking kaibigan sa paaralan na pupunta ako sa Espanya pagkatapos ng aming graduation, bagama’t karamihan sa kanila ay hindi lubos na nakatitiyak kung bakit. Kaya sinamantala ko ang kanilang mga tanong upang maibahagi sa kanila ang iba pang tungkol sa Aklat ni Mormon, tungkol sa gagawin ko bilang missionary, at tungkol kay Jesucristo.

Wala sa planong nakapagbigay ako ng limang kopya ng Aklat ni Mormon sa matatalik kong kaibigan at maging sa ilang guro sa paaralan bago matapos ang taon, at bagama’t bumilis ang tibok ng aking puso sa takot nang ibahagi ko ito sa kanila, nakadama ako ng pananabik at lakas mula sa Espiritu pagkatapos niyon.

Ipinakita sa akin ng karanasang iyon na ang pagbabahagi ng ating mga patotoo tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo ay hindi kailangang sapilitan o nakakatakot o maging hindi kanais-nais. Sa katunayan, maraming paraan upang likas nating maibahagi kung ano ang nasa puso natin pagdating sa ating pag-ibig sa ebanghelyo, ito man ay sa personal o online na paraan. At dahil “ang ebanghelyo [ni Cristo] … ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan” (Roma 1:16), ikaw ay maaaring maging matapang, magiting, at mapagpakumbaba habang ibinabahagi mo ito.

Narito ang ilang ideya mula sa aking mga karanasan at mga banal na kasulatan na nakatulong sa akin.

1. Maging Totoo

Noong ako ay nasa aking misyon sa Barcelona, naglalakad kami ng aking kompanyon malapit sa gusali ng aming simbahan nang makita namin ang isang dalaga na naglalakad papunta sa amin. Nakadama kami ng pahiwatig na kausapin siya, kaya pinahinto namin siya at tinanong namin siya kung nakita na niya ang gusali ng aming simbahan noon. Nalaman namin na ang kanyang pangalan ay Maya (ang lahat ng pangalan ay binago), at inanyayahan ko siyang pumunta sa isang gabi ng paglalaro na ipinaplano namin kasama ng iba pang young adult sa kasunod na Biyernes. Pumayag siya.

Sa gabi ng paglalaro, naaalala ko pa kung paanong sina Maya at Alicia, isang kaibigan namin na bagong binyag, ay magkasamang nagtatawanan. Si Alicia ay naging mabuting kaibigan kay Maya. Nagtanong siya kay Maya tungkol sa pamilya, mga interes, at mga paniniwalang panrelihiyon nito at nabuo ang pagkakaibigan nila ni Maya sa paglipas ng panahon. Marami pa kaming nalaman tungkol sa relihiyon ni Maya at sa kanyang katapatan sa Diyos, at nagpakita rin siya ng interes sa pag-aaral ng iba pang bagay tungkol sa kung paano kami nakikipag-ugnayan sa Diyos.

Sa paglipas ng panahon, nang si Maya ay makilala namin ng kompanyon ko, ni Alicia, at ng iba pa sa ward at patuloy na inanyayahan at pinakitaan ng pag-ibig, nadama niya ang Espiritu ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo at nagdesisyon siyang magpabinyag. Sa pag-alaala namin sa tiyaga at kabaitang pangkapatid (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 4:6), alam ko na ang mga totoong pagkakaibigang naranasan ni Maya ay nakaimpluwensya sa kanyang desisyon.

2. Manalangin upang Matukoy ang mga Pagkakataong Ibahagi ang Ebanghelyo

Matapos makabalik mula sa aking misyon, ako ay lumipat mula sa aking tahanan sa Guatemala at nagsimulang mag-aral sa Brigham Young University sa Utah, USA. Malungkot ako at dismayadong lumipat sa isang lugar kung saan tila wala akong gaanong pagkakataong ibahagi ang ebanghelyo. Kaya taimtim akong nanalangin upang makahanap ng isang taong kailangang marinig ang katotohanan.

Pagkalipas ng ilang linggo, naglakad-lakad ako pagkatapos magsimba at nakakita ng isang matangkad na lalaki na nakatingin sa mga poster sa kampus. Agad kong nadama na dapat ko siyang kausapin. Kinabahan ako dahil hindi pa ako gaanong magaling sa Ingles at hindi ko alam kung ano ang sasabihin. Nilagpasan ko siya ngunit pagkatapos ay bumalik ako at nagpakilala, nagtitiwalang tutulungan ako ng Ama sa Langit (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 100:5–6).

Naging maganda ang aming pag-uusap, at sinabi niya sa akin na hindi siya miyembro ng Simbahan pero isa siyang estudyante at namangha siya sa paglilingkod na ginagawa ng Simbahan para sa mga tao. Hindi ako makapaniwala na kausap ko ang isang di-miyembro sa kampus ng BYU! Nagpalitan kami ng mga numero ng telepono, at kalaunan ay ipinakilala ko siya sa mas marami pang miyembro ng Simbahan at tinulungan ko siyang malaman ang iba pang bagay tungkol sa ebanghelyo.

Ang lalaking iyon ay hindi sumapi sa Simbahan, ngunit sa pamamagitan ng karanasang iyon, natutuhan ko na kung nais nating pagpalain ang buhay ng ibang tao, tutulungan tayo ng Diyos na matukoy ang mga pagkakataon sa ating paligid (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 4:3). Kaya ngayon, hindi na ako nananalangin na magkaroon ng mga pagkakataong ibahagi ang ebanghelyo—nananalangin ako na matukoy ko ang mga pagkakataong nasa harapan ko na.

3. Ipakita ang Sakdal na Pag-ibig ni Cristo sa Iba

Noong ikakasal na ako, binisita ako ni Maria, isang malapit na kamag-anak ko. Dati nang nagdesisyon si Maria na tumiwalag sa Simbahan upang makipagrelasyon sa isa pang babae. Hindi ako sang-ayon sa lahat ng kanyang pagpili, pero mahal ko si Maria at iginagalang ko ang kanyang kalayaang pumili, kaya sinikap kong magkaroon ng magandang ugnayan sa kanya.

Nang bumisita sina Maria at Kristen, nagkaroon ako ng pagkakataong bigyan silang pareho ng mga basbas ng priesthood, dahil naghahangad sila ng patnubay para sa ilang pagsubok sa kanilang buhay. Madalas tumugon ang Tagapagligtas sa pananampalataya ng mga t aong hindi kabilang sa tipan o hindi sumusunod sa Kanyang mga kautusan (tingnan sa Mateo 8:5–13; Marcos 7:24–30; Lucas 7:36–50). Kaya bagama’t hindi ako sigurado kung ano ang sasabihin ko, ako ay nagbihis at naghanda na hayaang dumaloy ang kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ko.

Habang nagbibigay ng mga basbas, nakadama ako ng pahiwatig na dapat akong magbahagi ng mga partikular na payo kina Maria at Kristen at gumawa ng mga partikular na pangako. Hinding-hindi ko malilimutan ang malakas na Espiritu na nadama naming lahat. Naniniwala ako na binago kaming lahat nito para sa aming ikabubuti.

Dahil sa aming pagmamahal para sa isa’t isa, maibabahagi ko kay Maria ang aking nadarama tungkol sa ebanghelyo sa paraang maaaring hindi niya malugod na tatanggapin mula sa iba. Ang pag-ibig ay kailangan upang maging karapat-dapat tayo na gawin ang Kanyang gawain sa pamamagitan ng paglikha ng mga pagkakataong ibahagi ang Kanyang ebanghelyo at ng pag-anyaya sa Kanyang tulong sa ating mga pagsisikap (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 4:5). Sa sakdal na pag-ibig, nagbahagi ang Tagapagligtas ng mga katotohanan sa babae sa may balon, bagama’t siya ay nagkasala at isang Samaritana (tingnan sa Juan 4). Nadama niya ang pag-ibig at mga katotohanang ibinahagi Niya sa kanya at nabago siya magpakailanman ng Kanyang mensahe.

At bagama’t hindi tinatanggap ang ating mga paanyayang ipamuhay ang ebanghelyo, ang pagbabahagi ng pag-ibig ng Diyos sa iba ay makagagawa pa rin ng walang hanggang kaibhan sa kanilang buhay.

Maaari Tayong Magkaroon ng Lakas-ng-Loob Kapag Tumutulong Tayo sa Iba na Sumulong tungo kay Cristo

Patungkol sa gawaing misyonero, itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Magtiwala na gagawa ng mga himala ang Panginoon. Dapat ninyong maunawaan na hindi ninyo trabaho ang i-convert ang mga tao. Iyan ang papel ng Espiritu Santo. Ang papel ninyo ay ibahagi ang nasa puso ninyo at mamuhay nang naaayon sa inyong pinaniniwalaan.

“Kaya, huwag masiphayo kung hindi kaagad tatanggapin ng isang tao ang mensahe ng ebanghelyo. …

“Ito ay sa pagitan ng tao at ng Ama sa Langit.

“Ang sa inyo ay mahalin ang Diyos at inyong kapwa, [ang Kanyang mga anak].

“Maniwala, magmahal, at gumawa.

“Sundan ang landas na ito, at gagawa ang Diyos ng mga himala sa pamamagitan ninyo upang pagpalain ang Kanyang minamahal na mga anak.”1

Kapag ang ating pag-ibig sa iba ay mas malakas kaysa sa ating takot na matanggihan, nakikita nating bumubuhos ang magagandang pagpapala ni Cristo habang sinisikap nating tipunin ang Israel. Ang pagdaig sa mga hadlang na iyon noong tinedyer ako ay nakatulong sa akin na magkaroon ng malakas na patotoo tungkol sa kahalagahan ng gawaing misyonero sa aking buhay. Maaari nating anyayahan ang iba na lumapit kay Cristo sa pamamagitan ng mga natural, maliliit, at simpleng paraan, lalo na sa pamamagitan ng pagkilala, pagbibigay ng tulong, at pag-ibig sa kanila.

Hindi lahat ng pagsisikap kong ibahagi ang nasa puso ko ay humantong sa pagbabalik-loob, ngunit alam ko na kapag ako ay may lakas-ng-loob na ibahagi ang ebanghelyo, natutulungan ko ang iba na mapalapit kay Cristo at sumusulong din ako sa sarili kong paglalakbay sa landas ng tipan. Tunay ngang makasusumpong tayo ng higit na kaligayahan at mga pagpapala kapag sinisikap nating tularan si Jesus at dalhin ang iba sa Kanya.