2022
Ang Panginoon ay Kasama ni Jose
Marso 2022


“Ang Panginoon ay Kasama ni Jose,” Liahona, Mar. 2022.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Genesis 37–41

Ang Panginoon ay Kasama ni Jose

Kapag nakararanas tayo ng tagumpay at kabiguan sa buhay, marami tayong matututuhan mula sa halimbawa ng sinaunang propetang si Jose.

si Jose ng Ehipto na ipinaliliwanag ang mga panaginip ng Faraon

Joseph Explaining Pharoah’s Dreams [Si Jose na Ipinaliliwanag ang mga Panaginip ng Faraon], ni Jean Adrien Guignet, Musée des Beaux-Arts, Rouen, France / Bridgeman Images

Ilang taon na ang nakararaan, tuwang-tuwa ang aming pamilya nang malaman namin na buntis ang asawa kong si Terri sa pang-apat naming anak. Gayunman, ilang buwan matapos mabuntis, nalaman namin na maaaring may mapanganib na karamdaman si Terri. Ang pinakaligtas na opsiyon ay ang maospital siya, kung saan palagi siyang maaalagaan. Nakaratay siya sa kama sa pagsisikap na matuloy ang pagbubuntis hangga’t maaari.

Naging madilim at mahirap na panahon ito para sa aming pamilya, lalo na kay Terri. Pakiramdam niya ay nag-iisa siya. At nagkaroon ako ng hamon na alagaan ang tatlong maliliit na bata habang nagtatrabaho ako at naglilingkod din bilang bishop. Tila magulo at mahirap ang buhay.

Sa kanyang kalungkutan, nakahanap ng kapanatagan si Terri sa mga titik ng isang magandang himno:

O Diyos, Kayo ay kailangan ko.

Laging tulungan nang ‘di matukso.

Sino pa ba ang gagabay sa ’kin?

Aking Panginoon, manatili!1

Kasama Namin ang Panginoon

Sa huli, kinailangan ang agarang operasyon para maipanganak ang aming anak na si Jace. Ngunit ligtas na naalagaan kapwa ang ina at ang anak dahil nasa ospital na si Terri. Nadama namin ang proteksyon ng Panginoon sa aming buhay.

Isinilang si Jace nang mas maaga nang apat na linggo at inilagay sa newborn intensive care unit. Umuwi kaming hindi kasama ang aming anak. Sa buwan na sumunod, araw-araw kaming nagpunta sa ospital. Naging isa ito sa pinakamahirap na bahagi ng aming buhay.

Gayunman, muli naming nasaksihan ang kamay ng Panginoon. Lumusog si Jace kaya naiuwi namin siya sa bahay, isang magandang panahon ng pagkakaisa bilang pamilya.

Pagkatapos ay nalaman namin na si Jace ay may sagittal synostosis, isang kalagayan kung saan maagang nagdidikit ang mga buto sa bungo. Ang resulta nito ay hindi maaaring lumaki ang ulo ng bata. Ang tanging panggagamot ay ang operahan at alisin ang malaking bahagi ng bungo ni Jace noong siya ay tatlong buwan pa lang. Tiniis namin ang hamong ito sa pamamagitan ng panalangin at mga basbas ng priesthood. Muli naming nakita ang kamay ng Panginoon sa aming buhay. Nasagot ang mga dalangin. Natupad ang mga basbas. Naging matagumpay ang operasyon. Muling naging maganda ang buhay.

Tila nakasakay kami sa roller-coaster! Ngunit maraming aral na itinuro sa amin ang Panginoon sa buhay na ito. Alam namin na kasama namin Siya habang pinagdaraanan namin ang mga ito.

Nagkaroon ng Masasaya at Malulungkot na Karanasan si Jose

Ipinagbili si Jose sa Ehipto

Joseph Sold into Egypt [Ipinagbili si Jose sa Ehipto], ni William Brassey Hole, © Look And Learn / Bridgeman Images

Habang pinag-aaralan namin ang buhay ni Jose sa Lumang Tipan, nalaman namin na maging ang kanyang buhay ay naging isang paglalakbay mula sa mga tagumpay tungo sa mga kabiguan at balik sa mga tagumpay sa buhay. At nalaman namin na ang Panginoon ay lagi niyang kasama, kapwa sa mabuti at sa masamang karanasan.

Ang balabal na ibinigay ni Jacob kay Jose ay isang magandang simbolo ng pagmamahal ni Jacob kay Jose. Ngunit nagsilbi rin itong isang nakakainis na paalala sa mga kapatid ni Jose sa relasyon ni Jose at ng kanyang ama.

Nang pakainin ng magkakapatid ang mga kawan ng kanilang ama, inutusan ni Jacob si Jose na tingnan kung ano ang ginagawa nila. Pumunta si Jose tulad ng iniutos. Gayunman, mukhang naligaw siya sa daan. Kaya nagsugo ng isang lalaki ang Panginoon para bigyan ng direksyon si Jose upang mahanap niya ang kanyang mga kapatid (tingnan sa Genesis 37:15–17).

Nang magsabwatan ang mga kapatid ni Jose na patayin siya, tila hindi nagkataon lang na may naparaan na isang caravan patungong Ehipto. Sa halip na patayin si Jose, o iwanan siyang mamatay sa balon, ipinagbili siya ng kanyang mga kapatid sa caravan. (Tingnan sa Genesis 37:25–28.)

Muling nakita ang patnubay ng Panginoon nang ipagbili ng caravan si Jose kay Potifar, isang kapitan ng bantay ng Faraon. Kahit bilang isang alipin, ginawa ni Jose na mabuting bagay ang bawat karanasan niya. Pinamahala ni Potifar si Jose sa kanyang bahay. Ipinagkatiwala niya ang lahat ng mayroon siya sa mga kamay ni Jose. (Tingnan sa Genesis 39:4.) Nagbago ang buhay ni Jose mula sa kabiguan tungo sa tagumpay. Ngayon ay nagtatamasa na siya ng mga oportunidad at pribilehiyo sa sambahayan ni Potifar.

Gayunman, hindi nagtagal ang tagumpay na ito. Nang takasan ni Jose ang di-angkop na pang-aakit ng asawa ni Potifar, pinaratangan siya nito ng imoralidad. Kahit mali ang paratang nito, kung tutuusin ay madali lamang na ipapatay si Jose. Nakakatawag-pansin na sa halip na ipapatay siya, ibinilanggo lamang siya. Muling iniligtas ng kamay ng Panginoon si Jose.

Pambihirang Pananampalataya

Kung kayo ang ibinilanggo nang hindi makatarungan, ano kaya ang gagawin ninyo? Kung may isang taong may dahilan para panghinaan ng loob at makadama ng kapaitan, ito ay si Jose. Ang malupit na pagbagsak mula sa tagumpay tungo sa kabiguan ay maaaring madaling magpaisip sa kanya na, “Ano ang silbi ng pagsisikap na maglingkod sa Diyos? Pinarurusahan lang naman Niya ako.” Ngunit hindi naging mapait o sinisi ni Jose ang Panginoon, at hindi siya sumuko. Hindi humina ang kanyang pambihirang pananampalataya kailanman.

At maging sa madidilim na araw ng pagkabilanggo, hindi pinabayaan ng Panginoon si Jose. Una, naglaan ng pagkakataon ang Panginoon kay Jose na bigyang-kahulugan ang mga panaginip ng katiwala ng kopa ng hari at ang mga panaginip ng panadero (tingnan sa Genesis 40). Pagkatapos, makalipas ang ilang taon, nang humantong iyon sa pagkakataong bigyang-kahulugan ang panaginip ng Faraon, kinilala ni Jose na ang kakayahang gawin ito ay nagmula sa Diyos (tingnan sa Genesis 41:16). Hindi lamang pinalaya ng Faraon si Jose, kundi “inilagay [niya] siya bilang puno sa buong lupain ng Ehipto” (Genesis 41:43). Matapos magdusa at maghirap si Jose sa loob ng maraming taon, tinulungan ng Diyos si Jose na maging maimpluwensyang tao sa lupain, pangalawa lamang sa kapangyarihan ng Faraon—isa pang tagumpay sa buhay ni Jose.

Nilayon ng Diyos na Maging para Ito sa Ating Ikabubuti

Kalaunan ay muling nakatagpo ni Jose ang kanyang mga kapatid, na nagbalak laban sa kanya at ipinagbili siya para maging alipin. Maaari sanang nakadama siya ng kapaitan. Maaari sanang sinisi niya sila sa “nakagagalit na kawalang-katarungan” na ipinaranas nila sa kanya.2

Ngunit natanto ni Jose na ang mga kasiyahan at kalungkutan sa kanyang buhay ay pinangasiwaan ng Panginoon. Ang kanyang pahayag sa kanyang mga kapatid ay nagbigay ng kabatiran sa pagkaunawang iyan:

“Kayo, kayo’y nagnasa ng masama laban sa akin, ngunit inilagay ng Diyos para sa kabutihan, upang mangyari ang gaya sa araw na ito, upang mapanatiling buhay ang napakaraming tao.

“Kaya’t huwag kayo ngayong matakot; pakakainin ko kayo at ang inyong mga anak. [At] kanya silang inaliw at nagsalitang may kabaitan sa kanila” (Genesis 50:20–21).

Kapag nakakaranas tayo ng mga tagumpay at kabiguan sa buhay, kaygandang paalala, na nilayon ito ng Diyos para sa ating kabutihan. Ipinaliwanag ng Panginoon ang alituntunin ding iyon sa isang Joseph sa mga huling araw:

“Kung ikaw ay tinawag upang dumanas ng pagdurusa; …

“Kung ikaw ay pinaratangan ng lahat ng uri ng maling pagpaparatang; kung ang iyong mga kaaway ay dadaluhong sa iyo; kung ikaw ay kanilang babatakin mula sa piling ng iyong ama at ina … at ikaw ay kakaladkarin sa bilangguan, …

“… Alamin mo, aking anak, na ang lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan at para sa iyong ikabubuti” (Doktrina at mga Tipan 122:5–7).

Palaging May mga Paghihirap

Habang pinagdaraanan namin ni Terri ang aming mga hamon, nakadama kami ng kapanatagan sa pahayag na ito mula sa isang propeta ng Diyos:

“Noon pa man ay lagi nang may ilang problema sa buhay na ito, at laging magkakaroon nito. Ngunit batid ang nalalaman natin, at namumuhay tayo nang nararapat, talagang walang puwang, walang dahilan, para mag-isip ng masama at mawalan ng pag-asa. …

“… Kaya sana’y hindi ninyo paniwalaan na itinambak sa inyong panahon ang lahat ng hirap ng mundo, o na ito na ang na pinakamalala para sa inyo, o na hindi na bubuti pa ang mga bagay-bagay. Muli kong titiyakin sa inyo na naging mas malala na ang mga bagay-bagay at ang mga ito ay laging bumubuti. Lagi naman itong bumubuti—lalo na kapag ipinamumuhay at minamahal natin ang ebanghelyo ni Jesucristo at binigyan natin ito ng pagkakataong pagpalain ang ating buhay.”3

Mula sa kuwento ni Jose at sa nakalulungkot na mga pangyayari sa ating paligid, madaling makita na nangyayari ang masasamang bagay sa mabubuting tao. Ang matwid na pamumuhay ay hindi nangangahulugan na iiwasan natin ang mga hamon at kalungkutan sa ating buhay. Gayunman, tulad ng Panginoon kay Jose sa kanyang paghihirap, makakasama natin Siya. Hindi maiiwasan ang pagdating ng mga pagsubok. Ngunit kung daranasin natin ang mga ito nang may determinasyong pakinggan Siya, gagabayan at bibigyang-inspirasyon tayo ng Panginoon, tulad ng ginawa niya kay Jose.