“Ako ang Unang Tawagan,” Liahona, Mar. 2022.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw: Kababaihang May Pananampalataya
Ako ang Unang Tawagan
Natutuwa ako na hindi ako nawalan ng pagkakataong tulungan ang isang sister na nangailangan sa akin at kinailangan ko.
Nang ipanganak ko ang aking panganay na anak, nag-aaral pa sa kolehiyo ang asawa ko. Pareho kaming nagtrabaho nang part-time para makaraos.
Nasasabik para sa day-off ko sa trabaho, nagplano akong manood ng isang lumang pelikula sa telebisyon. Ito ay noong wala pang mga DVD o streaming service.
Perpekto ang oras ng pagsisimula ng pelikula—alas-10:00 n.u.—kung kailan tulog ang aming anak. Ang bida roon ay si Cary Grant, isa sa mga paborito kong artistang Amerikano.
Noong gabi bago ang inaasam kong araw ng pahinga, tumawag ang ward Relief Society president. Isang sister sa aming ward ang nagkaroon ng mild stroke at kinailangang alagaan kinabukasan hanggang sa makauwi ang kanyang anak mula sa trabaho.
“Ako sana ang gagawa, pero may mga bisita ako sa bahay,” sabi ng Relief Society president. Ipinaliwanag niya na wala siyang ibang mahihilingan at nag-alok na bantayan ang aming anak habang inaalagaan ko ang sister. Atubili akong pumayag.
Kinaumagahan, inihatid ko ang aming anak sa paaralan at binisita ko ang sister. Ang pangalan niya ay Louise, at bigla akong nakadama ng pagmamahal para sa kanya. Kasintanda na siya ng lola ko, na kamakailan lamang namatay.
Tinulungan kong magbihis si Louise at pagkatapos ay inihanda ko ang kanyang almusal. Umupo siya sa isang silya at binuksan ang telebisyon. Hindi nagtagal ay alas-10:00 n.u. na. Nang ilipat-lipat niya sa remote ang mga channel, sinabi niya, “Walang magandang palabas sa telebisyong ito.”
Nag-atubili ako at pagkatapos ay sinabi kong, “May pelikula si Cary Grant sa channel 11.”
“Talaga ba?” tanong niya. “Gustung-gusto ko si Cary Grant!”
Pinanood namin ang pelikula at lubos kaming nasiyahan dito. Pagkatapos, nagkuwento siya tungkol sa buhay niya noong kaedad ko siya. Ikinuwento niya sa akin ang kanyang anak, at ikinuwento ko sa kanya ang sa akin. Nag-usap kami tungkol sa Simbahan at kung gaano niya gustong makapagsimba ulit.
Pag-uwi ng kanyang anak, nangako akong babalik. Sinabi ko sa Relief Society president na ako ang unang tawagan kung kailangan ni Louise ng kasama.
Isang araw sa sumunod na dalawang linggo, na-stroke ulit si Louise at pumanaw bago ako nagkaroon ng pagkakataong makita siyang muli. Nagkasama lang kami nang siyam na oras at nanood ng isang pelikula, pero naging mahal ko siyang kaibigan. Madalas ko siyang naiisip.
Nagpapasalamat ako na hindi nawala sa akin ang pagkakataong tulungan ang isang sister na nangailangan sa akin—at bagama’t hindi ko iyon tanto, ay kinailangan ko.