“Matutulungan Tayo ng Diyos sa Mahihirap na Panahon,” Liahona, Mar. 2022.
Mga Alituntunin ng Ministering
Matutulungan Tayo ng Diyos sa Mahihirap na Panahon
At magagamit natin ang natatamo natin mula sa ating mga pagsubok para tulungan ang iba.
Si Marcela Endrek, isang katutubo sa Córdoba, Argentina, ay maysakit at malungkot. Napakabigat nito para sa kanya. Sa gitna ng pagkadama na wala nang pag-asa pa, narinig niya ang isang mensahe sa kumperensya tungkol sa panalangin. Tumimo sa kanyang puso ang ideya na manalangin nang taimtim tungkol sa kanyang mga problema.
Nagsimula siyang magdasal nang regular para sa kaginhawahan. Ang pagdarasal ay nagdulot sa kanya ng kapayapaan at kapanatagan kahit hindi bumuti ang kanyang kalusugan. Sa katunayan, lalong tumindi ang kanyang kalagayan hanggang sa hindi na siya makapagtrabaho. Ngayon ay nadagdagan ang stress niya dahil hindi na niya kayang bayaran ang mga gastusing medikal.
Dahil kailangan, sinimulan niyang alamin kung paano niya makakayanan ang mga problema niya sa kalusugan sa ibang paraan. Nagkaroon siya ng pahiwatig na dapat siyang magtuon sa pagbabago ng ilang gawi sa pagkain at nagulat siya sa kung gaano ito nakatulong. Kahanga-hanga ang kanyang paggaling kaya sinimulan niyang pag-aralan nang husto ang nutrisyon.
Kalaunan, nakilala niya ang isang dalagitang nagngangalang Evelyn na may kalagayang katulad ng kay Marcela—maysakit, malungkot, at desperado sa mga sagot. Nakita ni Marcela ang kanyang sarili sa kanyang bagong kaibigan. Ibinahagi niya ang ilan sa mga natututuhan niya tungkol sa mga pagpili ng pagkain at nutrisyon. Ibinahagi rin niya kay Evelyn ang kanyang patotoo tungkol sa kapangyarihan ng panalangin. Hinikayat niya si Evelyn na manalangin upang madama rin nito ang pagmamahal ng Diyos at malaman na kilala siya ng Diyos.
Makalipas ang ilang araw, tuwang-tuwa si Marcela na makitang muli si Evelyn. Malinaw ang pagbabagong pisikal at espirituwal sa kanya. Ipinaalam sa kanya ni Evelyn na nagbabago ang kanyang buhay at na nadarama niya ang pagmamahal ng Diyos para sa kanya.
Mula sa kanyang mga pagsubok at hamon, nagtamo si Marcela ng pagkahabag at impormasyong kailangan niya para tulungan ang iba.
Iniligtas Upang Makapagligtas Tayo
Ang kuwento tungkol kay Jose sa Egipto ay isa pang halimbawa ng maaaring mangyari kapag determinado tayong magtiwala sa Diyos sa ating mga pagsubok: hindi lamang Niya tayo maililigtas, kundi maaari Niya tayong ilagay sa posisyon na magagamit natin ang ating karanasan para matulungan ang iba (tingnan sa Genesis 37–45).
Determinado si Jose na magtiwala sa Diyos at sundin ang Kanyang mga kautusan sa kabila ng pagtataksil, pagkawala, at pagkakabilanggo. Dahil sa pananampalataya ni Jose sa Diyos at sa bukal sa loob niyang pagtitiis sa kanyang mga pagsubok nang may pagtitiyaga at walang hinanakit, naging “kasama ni Jose ang Panginoon” (Genesis 39:21) at inilagay siya sa isang posisyon upang pagpalain ang marami (tingnan sa Genesis 45:5–8).
Mga Alituntuning Dapat Pag-isipan
Habang isinasaalang-alang mo ang mga pagkakataon mong maglingkod sa iba, pag-aralan ang mga alituntuning ito na inilarawan sa mga kuwento:
-
Ang ating mga hamon ay maaaring maging mga pagpapala. Kung tayo ay “ma[na]nalangin tuwina, at ma[gi]ging mapanampalataya” kapag nararanasan natin ang ating mga hamon, idudulot ng Ama sa Langit na maging para sa ating ikabubuti ang mga ito (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 90:24; tingnan din sa Roma 8:28).
-
Maihahanda tayo ng ating mga hamon. Kung tayo ay magiging maamo sa gitna ng mga pagsubok, magagamit ng Diyos ang ating mga karanasan para turuan at baguhin tayo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 112:13).
-
Ang ating mga hamon ay maaaring maging mga pagkakataong magkapaglingkod. Kung handa tayong magtiwala sa Kanya, bibigyan tayo ng Ama sa Langit ng mga pagkakataon na gamitin ang natutuhan natin sa ating sariling mga karanasan para tulungan ang iba (tingnan sa Mosias 24:13–14).
Ano ang Magagawa Natin?
Ipagdasal na malaman kung paano makatutulong sa iyo ang mga karanasan mo para mapagpala ang mga pinaglilingkuran mo. Pagkatapos ay tumulong.