2022
Paghahanda para sa Aking mga Magiging Tungkulin bilang Asawa at Ama sa Hinaharap
Marso 2022


Digital Lamang

Paghahanda para sa Aking mga Magiging Tungkulin bilang Asawa at Ama sa Hinaharap

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Bilang isang single adult, sadya akong namumuhay ngayon upang mapatatag ang aking magiging pamilya sa hinaharap.

lalaking nagsusulat sa isang notebook

Noong batang tinedyer pa ako, dumalo ako sa isang youth leadership training camp. Sa buong linggo, ang isa sa aking mga lider sa Young Men na si Bryan Thelin ay nakita ang maraming sulat ng kanyang asawa na si Julie na itinago nito sa kanyang mga gamit. Ibinahagi niya sa amin ang ilan sa magigiliw at nakapagpapalakas ng pananampalataya na mga sulat na iyon. Humanga ako at nadama ko ang pag-ibig na pinag-ibayo ng simple at mapagmalasakit na bagay na ginawa ng kanyang asawa sa kanilang pagsasama. Bagama’t hindi pisikal na magkasama sina Bryan at Julie noong linggong iyon, napatatag ang kanilang pagsasama.

Kalaunan bilang isang missionary sa Argentina, namasdan ko ang isang mag-asawa sa isa sa aking mga area na puspos ng pag-ibig ni Cristo. Sa bawat pagkakataong nakita ko silang dalawa na magkasama, nagniningning sila sa kabutihan. Nadama ko kung gaano sila nagmalasakit hindi lang para sa isa’t isa kundi para rin sa tila lahat ng nakilala nila. Nadama ko ang kanilang pagiging totoo sa akin sa bawat pag-uusap namin. Ninais kong mag-ukol ng mas maraming oras kasama sila dahil sa pag-ibig ni Cristo na kanilang ipinamalas.

Ang mga halimbawang tulad ng dalawang mag-asawang ito ay nagpala sa aking buhay. Tinulungan nila akong makita kung paano ko mapatatatag ang pagsasama namin ng magiging asawa at pamilya ko sa hinaharap.

Isang Talaan ng mga Impresyon mula sa Espiritu

Matagal na akong nasasabik sa araw na maaari akong makabuo ng matatag na pagsasama ng mag-asawa. Gayunman, napansin ko na bilang single adult, hindi ko kailangang maghintay hanggang sa makapag-asawa ako upang maghanap at matuto ng mga paraang makatutulong sa akin na maghanda para sa aking mga magiging tungkulin bilang asawa at ama sa hinaharap.

“Matututuhan ninyo ang napakahahalagang bagay sa inyong naririnig at nakikita at, lalo na, sa inyong nadarama, ayon sa pahiwatig ng Espiritu Santo,” itinuro ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol.

Pagpapatuloy niya: “Isulat sa talaang maiingatan ninyo ang mahahalagang bagay na natututuhan ninyo mula sa Espiritu. Matutuklasan ninyo na sa pagsusulat ng mahahalagang impresyon, kadalasan ay mas marami pa ang darating.”1

Ang mga impresyong makatutulong sa akin na mapatatag ang aking pamilya ay dumarating sa akin sa iba’t ibang pagkakataon. Kung minsan, nadarama ko ang mga impresyong ito habang nakasasaksi ako ng mabubuting halimbawa sa aking buhay. Sa ibang pagkakataon, nakadarama ako ng impresyon habang nakikinig sa isang mensahe o nag-aaral ng mga banal na kasulatan. Ang bawat isa sa atin ay maaaring makatanggap ng mga impresyon sa iba’t ibang paraan.

Kapag ako ay nakatatanggap ng impresyon o nakaririnig ng ideya tungkol sa isang bagay na maaari kong gawin, itinatala ko ito sa isang notebook. Halimbawa, ako ay may isang notebook na pinupuno ko ng mga ideya na makatutulong para mapatatag ang pananampalataya ng mga bata, at ako ay may isa pang notebook na naglalaman ng mga ideya na makatutulong na mapatatag ang pagsasama naming mag-asawa. Gusto kong ginagawang online na dokumento ang mga notebook na ito nang sa gayon ay ma-access ko ang mga ito sa aking cell phone anumang oras at kahit saan, ngunit magagawa rin ito gamit ang mga pisikal na notebook. Ang mga koleksyong ito ng mga ideya ay naging pagpapala sa akin habang sinisikap kong maghanda para sa aking mga magiging tungkulin sa hinaharap.

Mga Halimbawa ng mga Notebook

Ibinahagi ni President Jean B. Bingham, Relief Society General President, na “ang pinakamahalagang tungkulin ng magulang ay tulungan ang kanyang mga anak na makipag-ugnayan sa langit, ibatay sa ebanghelyo ang kanilang mga pinahahalagahan upang maging angkla nila sa mga hamon sa kanilang buhay.”2 Kaya, sa isa sa aking mga notebook, nagtatala ako ng mga ideya na makatutulong na maiangkla ang aking mga magiging anak sa hinaharap sa isang pundasyon ng pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Kabilang din sa ilan sa mga ideyang ito ang mga tradisyong nais kong buuin upang matulungan tayong mapalalim ang ating mga patotoo. Nakapaloob sa notebook na ito ang mga ideyang tulad ng sumusunod:

  • Bawat araw, mag-ukol ng limang minuto kasama ang iyong mga anak upang matulungan silang magsulat ng mga pagpapala mula sa Ama sa Langit na ipinagpapasalamat nila. Ang aktibidad na ito ay maaaring isabay sa pag-aaral ng banal na kasulatan ng pamilya.

  • Kung tinanong mo ang iyong maliit na anak kung sino ang propeta at hindi siya sigurado, magsabit ng mga larawan ng propeta mula sa magasin na Kaibigan sa bahagi ng silid na abot ng kanyang paningin.

  • Regular na pumunta sa templo upang magsagawa ng mga binyag para sa mga patay kapag nasa hustong gulang na ang inyong mga anak; anyayahan din ang inyong mga kapitbahay at kaibigan na sumama kung maaari. Isang magandang tradisyon na maaaring gawin nang magkakasama sa Kapaskuhan ang maghanap ng mga pangalan ng kapamilya at dalhin ang mga ito sa templo.

  • Kung ikaw ay may anak na naghahandang magmisyon, hilingin sa kanya na magsulat ng mga personal na liham ng patotoo para sa kanyang mga kapatid bago niya simulan ang kanyang misyon.

  • Para sa mga kaarawan, hilingin sa mga kapamilya at panauhin na magsulat ng mga katangiang hinahangaan nila tungkol sa taong nagdiriwang ng kaarawan o bagay na naranasan nila kasama siya. Matapos basahin nang magkakasama ang mga alaala at hingin ang pahintulot ng mga taong kalahok, mag-upload ng kopya ng mga papel sa bahaging Mga Alaala ng tala ng Family Tree ng taong iyon sa FamilySearch.org upang ma-access kalaunan o kapag kailangan niya ng pampalakas ng loob.

Napakaraming ideya, at kapag humingi ka ng patnubay sa langit, mahihiwatigan mo kung ano ang itatala habang naghahanda ka para sa iyong magiging pamilya sa hinaharap.

Ang isa pang halimbawa ng notebook ay talaan ng mga ideya para sa pagtataguyod ng kapaligiran kung saan naroon ang Espiritu. Ang pagtulong sa mga bata na matutong kilalanin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo ay napakahalaga. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Sa kaguluhan na nakapalibot sa atin, kailangan nating gumawa ng mga lugar na magiging ligtas tayo, kapwa pisikal at espirituwal. Kapag ang inyong tahanan ay naging personal na santuwaryo ng pananampalataya—kung saan nananahan ang Espiritu—ang tahanan ninyo ay nagiging pangunahing tanggulan.”3

Isipin ang kapaligiran ng ebanghelyo na nais mong itaguyod. Ang bawat isa sa atin ay maaaring sadyang magtuon sa pagtatatag ng isang tahanan kung saan naroon ang Espiritu. Hindi kailangang may asawa na ako upang magsimulang magtaguyod ng ganitong uri ng kapaligiran. Isang pambihirang pagkakataon ang magtatag ng isang tahanan na nag-aanyaya sa Espiritu. Magagamit ng bawat isa sa atin ang ating kalayaang pumili upang magtaguyod ng kapaligiran na nakasentro sa ebanghelyo. Maaari tayong magtala ng mga ideya upang makapagtaguyod ng ganitong kapaligiran, at maaari tayong kumilos ayon sa mga ito ngayon.

Maging Handang Tumanggap ng Inspirasyon at Pagkatapos ay Kumilos

Nang matanggap nina Joseph Smith at Sidney Rigdon ang pangitain tungkol sa tatlong antas ng kaluwalhatian, tatlong beses silang inutusan na magsulat “habang [sila] ay na[pa]sa Espiritu pa” (Doktrina at mga Tipan 76:28, 80, 113). Ang pagtatala ng mga espirituwal na impresyon sa ganitong paraan ay nagpala sa aking buhay. Ang pagsusulat kaagad ng mga impresyon kapag natanggap natin ang mga ito ay nakatutulong na mapanatili ang kalinawan ng mensahe. Pinangangalagaan din nito ang mensahe para sa pagbabahagi sa iba sa hinaharap. Kapag isinusulat natin ang mga impresyong ito, pinatototohanan natin sa Ama sa Langit na pinahahalagahan natin ang mga impresyong natatanggap natin at handa tayong tumanggap ng higit pa. Napatatatag ito kapag kumikilos tayo ayon sa mga impresyong posibleng magawa ngayon.

Ang mga sadyang pagkilos na ito ngayon ay nakatutulong na mapatatag ang aking magiging pamilya sa hinaharap. Napagpala ako sa pagtitipon ng mga impresyon tungkol sa mga paraan na mas makapaghahanda akong mapatatag ang pagsasama namin ng aking magiging asawa at ang pananampalataya ng aking mga magiging anak sa hinaharap. Inaanyayahan kitang mag-isip ng mga paraan na makapaghahanda ka para sa iyong tungkulin bilang asawa at magulang. Habang ginagawa natin ito, alam ko na gagabayan tayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa ating mabubuting pagsisikap.