“Pinipili Kong Pakinggan Siya,” Liahona, Mar. 2022.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw: Kababaihang May Pananampalataya
Pinipili Kong Pakinggan Siya
Nang banggitin ng isang sister ang cake sa kanyang patotoo, tumingala ako at nagsimulang makinig nang mabuti.
Isinilang ako sa mga magulang na miyembro ng Simbahan, kaya dumalo ako sa mga aktibidad ng Primary at kabataan. Nasiyahan ako sa Primary dahil sa mga awitin at lesson.
Gayunman, noong naging tinedyer ako, nagsimulang humina ang pananalig ko nang lumipat ako sa isang bagong ward. Dumalo ako sa mga aktibidad ng mga kabataan halos kada linggo, ngunit hindi ako nakipag-ugnayan at hindi ako gaanong nakisali. Hindi ako masaya sa pagsisimba tuwing Linggo, pero dumalo ako paminsan-minsan. Natanto ko na mahina pa ang aking pananampalataya sa ebanghelyo at sa mga turo nito. Wala akong sariling patotoo.
Tulad ng dati sa isang fast and testimony meeting, nasa malayo ang isip ko. Hindi talaga ako nakikinig habang nagpapatotoo ang mga miyembro ng ward, pero nagsasabi ako ng amen sa katapusan ng bawat isa. Pagkatapos ay isang sister ang umakyat sa pulpito at nagsimulang magpatotoo. Nang banggitin niya ang cake, tumingala ako at nagsimulang makinig nang mabuti.
“Palagi akong nakikipag-usap sa Ama sa Langit, kahit kapag nagbe-bake ako ng cake,” sabi niya. “Nagsasabi ako ng munting panalangin na umalsa ang cake at maging maganda ang kalabasan nito. Alam kong sinasagot Niya ang ating mga panalangin.”
Hindi ko gaanong pinag-isipan ang patotoong iyon hanggang sa ayaw umandar ng kotse namin noong kailangan naming pumunta sa pamilihan para bumili ng pagkain. Sa sandaling iyon naalala ko ang mga salita ng sister. Kaya, bumalik ako sa kuwarto ko para hilingin sa Diyos na tulungan kaming paandarin ang kotse. Lumuhod ako at nanalangin. Nang matapos ako, kinuha ko ang mga susi ng kotse at inilagay ang mga ito sa ignition. At pagkatapos ay dumating ang sagot sa aking panalangin—ang tunog na umaandar na ang kotse.
Dahil sa sagot sa simpleng panalanging iyon, mula sa halos pagtalikod ay napunta ako sa landas na nakatulong sa akin na magkaroon ng personal na patotoo at lubos na manampalataya sa ebanghelyo. Ang mga titik ng paborito kong awitin sa Primary na, “Aking Nadarama ang Pag-ibig ni Cristo,”1 ay naging higit pa sa mga salita ng isang awitin. Naging damdamin ang mga ito na talagang nadarama ako.
Ipinagdarasal ko na ang tungkol sa lahat ng bagay ngayon. At bagama’t ang sagot o tiyempo ay hindi palaging ang nais ko, pinipili ko pa ring pakinggan Siya habang inaalala ang mga salita ni Nephi: “Ngunit masdan, sinasabi ko sa inyo na kinakailangan kayong laging manalangin, at huwag manghina” (2 Nephi 32:9).