2022
Ano ba Talaga ang Pagpipitagan?
Marso 2022


“Ano ba Talaga ang Pagpipitagan?,” Liahona. Mar. 2022.

Ano ba Talaga ang Pagpipitagan?

Habang pinalalawak natin ang ating pag-unawa tungkol sa pagpipitagan, nadaragdagan ang ating kakayahang maging mapitagan kahit sa mga sitwasyon na hindi natin sukat-akalain.

isang binatilyong nakasuot ng headphone at nagdadala ng sacrament tray

Dahil sa ilang kakaibang karanasan na naranasan ko, napaisip ako sa kahulugan ng pagpipitagan. Narito ang pakahulugan dito ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan:

“Ang pagsamba ay madalas makita sa mga kilos, ngunit ang tunay na pagsamba ay laging makikita sa takbo ng isipan.

“Ang pagsamba ay pumupukaw sa pinakamalalalim na katapatan, pagmamahal, at paggalang. Ang pagsamba ay pinaghalong pagmamahal at pagpipitagan sa isang debosyong naglalapit sa ating espiritu sa Diyos.”1

Ano ang naiisip ninyo kapag iniisip ninyo ang pagpipitagan? Maituturing bang mapitagan o hindi mapitagan ang sumusunod na mga tagpo sa isang sacrament meeting?

  1. Isang batang nagdodrowing sa kanyang coloring book.

  2. Isang binatilyo na nagpapasa ng sakramento habang nakasuot ng headphones.

  3. Isang lalaking tumatalon at magaslaw na ikinakaway ang kanyang mga bisig.

  4. Isang dalagita na naglalaro ng mobile game sa kanyang cell phone.

  5. Isang missionary na bigla-bigla na lamang sumisigaw.

  6. Isang babaeng palaging nakaupo sa foyer, hindi kailanman sa loob ng chapel.

  7. Isang lalaking nakahiga sa isang kutson sa pasilyo ng chapel.

  8. Isang grupo ng mga miyembro na nagkukukumpas at nag-iingay.

  9. Isang tinedyer na babaeng nakaupo sa ilalim ng kanyang upuan.

  10. Isang babaeng pabalik-balik ng lakad sa likod ng chapel.

Sasang-ayon ang karamihan sa atin na ang isang missionary na sumisigaw sa sacrament meeting ay mas hindi mapitagan kaysa mga batang nagdodrowing para manatili silang abala. Ngunit rebyuhin natin sandali ang ating mga palagay tungkol sa pagpipitagan sa pamamagitan ng pagbasa sa 10 tunay na mga tagpong ito—na bawat isa ay personal kong naranasan sa mga miting sa Simbahan.

  1. Isang batang nagdodrowing sa simbahan. Ang gawaing ito ay karaniwan na at tanggap kaagad ng halos lahat ng miyembro. Alam natin na karaniwan ay hindi ito kawalan ng pagpipitagan maliban na lamang kung hahayaan nating magambala tayo nito.

  2. Isang lalaking nagpapasa ng sakramento habang nakikinig sa musika sa kanyang headphones. Lubhang hindi ito angkop sa halos lahat ng sitwasyon. Ngunit hayaan ninyong “tapusin ko ang kuwento.” May kilala akong isang lalaki na may malakas na patotoo at nakapagmisyon at tumanggap ng iba’t ibang calling. Gayunman, nitong mga nakaraang taon, nasuri siya na may schizoaffective disorder. Sa pagsusuot ng headphones, nakakapakinig siya sa mahina at payapang musika at tumutulong itong patahimikin ang mga tinig na lagi niyang naririnig sa kanyang isipan. Nadarama niya ang Espiritu at mapitagang naglilingkod sa iba sa tulong ng kanyang headphones.

  3. Isang lalaking tumatalon at magaslaw na ikinakaway ang kanyang mga bisig. Ang natitirang bahagi ng kuwento: Ang brother na ito na hindi nakapagsasalita at may autism ay natutuwa tuwing makikita niya ang bishop sa pulpito. Ipinararating niya ang kanyang kasigasigan sa pamamagitan ng pagpalakpak sa kanyang mga kamay at pagtalon.

    isang grupo ng mga bata sa Primary; ang isa ay may service dog, at ang isa ay nasa stroller
  4. Isang dalagita na naglalaro ng mobile game sa kanyang cell phone. Ang natitirang bahagi ng kuwento: Nilalabanan ng sister na ito ang kanyang pagkabalisa sa pakikisalamuha sa pamamagitan ng tahimik na paglalaro sa kanyang cell phone. Sa katunayan, mas mapitagan siyang nakakapakinig at nakatatanggap ng mga mensahe ng mga tagapagsalita dahil nakatuon ang kanyang pagkabalisa sa ibang dako.

  5. Isang missionary na bigla-bigla na lamang sumisigaw. Ang natitirang bahagi ng kuwento: Habang nasa missionary training center ako, isang missionary sa aking zone ang may Tourette’s syndrome. Paminsan-minsan, sumisigaw siya sa klase, sa hapag-kainan, at sa mga miting ng Simbahan. Hindi itinuring na kawalan ng pagpipitagan ang kanyang pagsigaw; agad naming nakita na handa siyang maglingkod, sabik na magbahagi ng ebanghelyo, at puspos ng Espiritu.

  6. Isang babaeng nakaupo sa foyer linggu-linggo at hindi kailanman sa chapel. Ang natitirang bahagi ng kuwento: Habang nagtatrabaho ako para sa Simbahan sa Salt Lake City, sumulat ang isang sister sa aming tanggapan ng Disability Services tungkol sa kanyang karanasan sa post-traumatic stress disorder dahil sa kanyang paglilingkod sa militar. Dahil ang tunog ng cell phone o iba pang biglaang ingay ay maaaring magpagunita ng isang nakakakilabot na bagay, hindi siya naupo sa chapel kailanman para hindi niya masaktan nang hindi sinasadya ang sinuman.

  7. Isang lalaking nakahiga sa isang kutson sa pasilyo. Ang natitirang bahagi ng kuwento: Nang lumipat ako sa isang bagong ward, nagulat akong makita ang isang brother na nakahiga sa isang kamang pang-ospital sa chapel. Maraming kapansanan ang lalaking ito at nakapagsisimba lamang sa ganitong paraan. Agad kong natanto na karaniwan ito sa ward na ito, at agad akong nakaakma. Ang kanyang pagiging naroon ay hindi kawalan ng pagpipitagan kundi, sa katunayan, kabaligtaran nito. Tutal, hindi ba pinagaling ng Tagapagligtas ang isang lalaking nakahiga sa kanyang kama na ibinaba ng kanyang mga kaibigan sa isang bahay na puno ng tao? (tingnan sa Lucas 5:18–20).

  8. Isang grupo ng mga miyembro na nag-iingay at ikinukumpas ang mga kamay. Ang natitirang bahagi ng kuwento: Ang mga kongregasyon ng mga bingi ay maaaring “maingay” para sa mga dumadalo na nakakarinig. Para sa binging komunidad, hindi kawalan ng pagpipitagan ang mag-ingay, tumawa, o umubo nang malakas ang isang tao, ngunit itinuturing itong kawalan ng pagpipitagan kung ang mga miyembro ay mag-uusap gamit ang sign language ukol sa mga makamundong bagay sa oras ng sacrament meeting.

  9. Isang babaeng tinedyer na nakaupo sa ilalim ng mga upuan. Ang natitirang bahagi ng kuwento: Noong tinedyer ako, palaging nakaupo ang isa sa mga babaeng kaedad ko sa ilalim ng kanyang upuan sa klase. Ang dalagitang ito ay lumaki sa maraming bahay-kalinga at nakakaramdam lamang ng kaligtasan sa isang saradong lugar. Mula noon, natanggap ko nang hindi natin maaasahan ang mga estudyante na matuto kapag sila ay tumutugon sa stress sa pamamagitan ng pakikipaglaban, paglikas o pagtalilis. Kailangang madama ng mga estudyante na sila ay ligtas kung matututo sila at, higit sa lahat, madama ang pagmamahal ng Tagapagligtas.

  10. Isang babaeng pabalik-balik ng lakad sa foyer. Ang natitirang bahagi ng kuwento: Sa katunayan, ako ito. Nahirapan ako sa pagkabalisa sa loob ng mahigit isang dekada, na may mga panahon ng matitinding pagkabalisa at iba pang mga problema sa kalusugan. Sa mga panahong ito, ang tanging paraan para makapagsimba ako ay kung nakakagalaw ako. Ang pagparoo’t parito o paglalaro gamit ang isang maliit na bagay sa aking mga kamay kung minsan ang tanging paraan para mabigyang-pansin ko ang mga tagapagsalita at madama ang Espiritu. 

Bumabatay si Satanas sa katotohanan na hindi natin palaging alam ang natitirang bahagi ng kuwento, na hindi natin palaging alam kung anong mga hamon ang kinakaharap ng ating mga kapatid araw-araw. Nais niyang kalimutan natin na karamihan sa mga miyembro ay ginagawa ang lahat ng kanilang makakaya, anuman ang tingin dito ng iba. Maaaring bihira ang mga tagpong inilista ko sa itaas, ngunit kumakatawan ito sa maraming personal na paghihirap na nararanasan ng kapwa natin mga miyembro sa kanilang pagsisimba.

Naniniwala ako na nais ni Satanas na maniwala tayo na ang ating pagsamba ay napipigilan ng mga paghihirap, pagkakaiba-iba, o mga kahinaan ng iba. Ang totoo, natuklasan ko na sa mga sandaling ito mismo ng pagkagambala ako higit na natuturuan tungkol sa pagmamahal ng aking Tagapagligtas.

Ang Natutuhan Ko tungkol sa Pagpipitagan

babaeng gumagamit ng sign language

1. Ang pagpipitagan ay isang pagpapasiya at isang kasanayan.

Ako ang nagpapasiya kung magpipitagan ako. Kadalasan ay hindi ako mapitagan dahil hinahayaan kong magambala ako. Kapag nagkakaroon ako ng espirituwal na disiplina at sinasanay ko ang aking espiritu na magtuon sa pinakamahalaga, mas nakakaya kong tumanggap ng buong responsibilidad sa relasyon ko sa aking Ama sa Langit.

2. Ang pagpipitagan ay hindi pare-pareho para sa lahat.

Isang kaibigan ng pamilya na nasa bilangguan sa loob ng 17 taon ang malugod na tinanggap ang Espiritu sa kanyang selda sa pamamagitan ng paggawa ng mga kumplikadong modelo ng mga templo gamit ang papel. Ang pagpipitagan ay maaaring naroon sa anumang sitwasyon kung malugod nating tatanggapin ang Espiritu.

3. Ang pagpipitagan ay mahihikayat ngunit ito ay isang personal na pagpapasiya.

Ang pagpipitagan ay dumarating sa pamamagitan ng katapatan ng kalooban na pangalagaan ang “saloobin ng pagsamba.” Maaari lamang tayong magkaroon nito kapag tunay nating nadarama at ipinapakita ang ating pagmamahal sa Panginoon at sa iba pang mga miyembro. Minsan ay sinabi sa akin ng tatay ko na kapag tinatanggap natin ang responsibilidad para sa ating pagpipitagan, nagbabago ang ating pananaw mula sa “Ginugulo mo ang pagsamba ko rito!” at nagiging “OK ka. Tanggap ka rito. Hindi ninyo ginugulo ang aking pagpipitagan dahil ako ang nagpapasiya na magpitagan.” Pagkatapos ay natatanto natin na ang mga kilos ng iba ay hindi kailangang humadlang sa ating personal na ugnayan sa ating Tagapagligtas at sa Ama sa Langit. Mangyari pa, ang pagtanggap ng personal na responsibilidad para sa ating sariling pagpipitagan ay hindi nangangahulugan na dapat nating balewalain kung paano makakaapekto ang ating pag-uugali sa karanasan ng iba. Ang ating mga pagsisikap sa personal na pagpipitagan ay maaaring maging karugtong ng ating pagmamahal sa kanila bilang ating mga kapatid.

Ang Ministeryo ng Tagapagligtas

Sa isang magandang halimbawa ng ministering, nagkaroon ng habag ang Tagapagligtas sa lalaking sinapian ng isang pulutong ng mga espiritu. Bagama’t nagsisisigaw na ang lalaki at naglilibot nang walang damit, hindi tumanggi si Jesus na pagalingin siya. Matapos mapagaling ang lalaking ito, saka lamang siya nakaupo “sa paanan ni Jesus na may damit at matino ang pag-iisip,” na hinihiling na manatili siya sa piling ng Panginoon. (Tingnan sa Lucas 8:27–39; tingnan din sa Marcos 5:1–20.)

Gayundin, hindi sinabi ni Jesus sa batang lalaking may karumal-dumal na espiritu na tumigil sa paglublob, pagbula, at pagngangalit bago Niya ito pagalingin (tingnan sa Marcos 9:17–27). Nakita niya ang mga kalagayang ito bilang mga mortal na karanasan, hindi mga espirituwal na depekto. Ang mga Fariseo lamang ang Kanyang iwinaksi dahil ang kanilang pagmamagaling at kapalaluan ang humadlang sa pagpapagaling.

Kapag pinalawak natin ang ating pakahulugan sa pagpipitagan, mas makakaya nating magturo at maglingkod sa paraan ng Tagapagligtas. Maaalala natin ang kahalagahan ng bawat kaluluwa sa paningin ng Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:10). Magiging mapitagan tayo kahit sa mga sitwasyon na hindi natin sukat-akalain.

Marahil ang pagpipitagan sa paningin ng Panginoon ay hindi gaanong tungkol sa tahimik na pag-upo at pagsasalita nang mahina at mas may kaugnayan sa katahimikan ng ating isipan at sa kalambingan ng ating puso.

Ang awtor ay naninirahan sa Texas, USA.

Tala

  1. Dallin H. Oaks, Pure in Heart (1988), 125.