Digital Lamang: Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Tanungin Sila Tungkol sa Iyong Panaginip
Anuman ang paraan ng pakikipag-ugnayan sa atin ng Ama sa Langit, mahalagang tandaan na nais Niyang gawin ito.
Nang magsimulang makipagkita si Cecilia Betancourt sa mga full-time missionary sa Tijuana, Mexico, hindi siya talaga interesado sa kanilang mensahe. Sa halip, gusto niyang patunayan na mali sila.
“Patutunayan ko sana ang pananaw ko—na alam ko ang pinaniniwalaan ko at na anuman ang ituturo nila sa akin ay hindi tama,” sabi ni Cecilia. Layon niyang patunayan na wala siyang gaanong natutuhan sa unang tatlong talakayan.
“Pero ang naaalala ko ay ang ikaapat na lesson,” sabi niya. “Ang ikaapat na lesson ang bumago sa puso ko.”
Ipinakilala kay Cecilia ng talakayang iyon, na nakasentro sa pagsunod sa mga kautusan, ang mga templo at ang doktrina ng walang hanggang kasal at pamilya.1
“Nang ipinapakita nila sa akin ang isang larawan ng Salt Lake Temple, bumulong ang Espiritu at nagsabing, ‘Tanungin mo sila tungkol sa iyong panaginip noong maliit ka pa.’” Naaalala ang isang silid na nakita niya sa kanyang panaginip, tinanong ni Cecilia ang mga missionary, “May mga upuan ba sa loob ng templo na nakaayos sa isang partikular na paraan?”
“Opo,” sagot ng mga sister missionary.
“Mayroon bang kutson o isang bagay roon na ang likod ay tinatayuan ng isang tao?” tanong ni Cecilia.
Ang mga missionary, na nag-iisip kung gaano karaming impormasyon ang dapat nilang ibahagi, ay nagkatinginan sa isa’t isa at nagsabing, “Opo.”
“Nakasuot ba ng puting damit ang mga tao sa templo?” tanong ni Cecilia.
“Opo,” sabi ng mga missionary.
Pagkatapos ay itinanong ni Cecilia, “Sa likod ng taong nakatayo sa gitna ng silid, may maliwanag at puting bagay ba na hindi ko maaaring pasukin?”
“Opo,” muling sagot ng mga missionary.
“Sa sandaling iyon,” sabi ni Cecilia, “isang bagay ang nagsabi sa akin, ‘Ito ang lugar na nakita mo sa panaginip mo.’ Pagkatapos ay nagsimula na akong umiyak. Hindi ko ito mapigilan. Sinabi ng isa sa mga sister, ‘Cecilia, maghahanda ka bang magpabinyag?’ Napakalakas ng presensya ng Espiritu kaya nagsabi ako ng oo.”
Mga Pangitain sa Gabi
Karamihan sa mga panaginip ay malinaw na hindi kasing halaga o nagpapabago ng buhay na gaya ng panaginip ni Sister Betancourt noong bata pa siya. Ngunit ang mga panaginip, tulad ng ipinapakita sa mga banal na kasulatan, ay isang paraan ng paghahanda, babala, at paghahayag ng mga impormasyon ng Ama sa Langit sa Kanyang mga anak.
Halimbawa, noong si Jose ng Egipto ay isang binatilyo, nanaginip siya na ang kanyang mga magulang at mga kapatid ay “yumuko sa [kanya]” (Genesis 37:9). Ang panaginip na iyon ay natupad sa kagila-gilalas na paraan nang ipaliwanag ni Jose, sa pamamagitan ng “Espiritu ng Diyos” (Genesis 41:38), ang panaginip ni Faraon tungkol sa kasaganaan at taggutom (tingnan sa Genesis 41), naging pinuno sa Egipto (tingnan sa Genesis 41:40–43), at iniligtas ang pamilya ng kanyang ama (tingnan sa Genesis 45).
Kabilang sa iba pang mga halimbawa sa banal na kasulatan ang interpretasyon ni Daniel sa panaginip ni Nebukadnezar, na dumating kay Daniel “sa isang pangitain sa gabi” (Daniel 2:19). Sinabi ni Daniel sa hari, “May isang Diyos sa langit na naghahayag ng mga hiwaga, at kanyang ipinaalam sa Haring Nebukadnezar kung ano ang mangyayari sa mga huling araw” (Daniel 2:28).
Sa Bagong Tipan, nagpakita ang anghel ng Panginoon kay Jose sa isang panaginip, na nagsasabi sa kanya, “Huwag kang matakot na tanggapin si Maria na iyong asawa sapagkat ang ipinaglilihi niya ay mula sa Espiritu Santo” (Mateo 1:20). Sa sumunod na panaginip, sinabi ng anghel kay Joseph, “Bumangon ka at dalhin mo ang sanggol at ang kanyang ina, at tumakas kayo patungo sa Ehipto. Manatili kayo roon hanggang sabihin ko sa iyo, sapagkat hahanapin ni Herodes ang sanggol upang siya ay patayin” (Mateo 2:13).
Matapos sambahin ng mga Pantas na Lalake ang batang Cristo, sila rin ay “binalaan sa pamamagitan ng panaginip na huwag na silang babalik kay Herodes” (Mateo 2:12).
Sa Aklat ni Mormon, sinabi ni Lehi sa kanyang pamilya, “Nanaginip ako ng isang panaginip; o, sa ibang salita, nakakita ako ng pangitain” (1 Nephi 8:2; tingnan din sa 1 Nephi 1:16).
Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang mga paghahayag ay inihahatid sa iba’t ibang paraan, pati na, halimbawa, sa mga panaginip, pangitain, pakikipag-usap sa mga sugo ng langit, at inspirasyon.”2
Sinabi ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang mga panaginip na kinabibilangan ng inspiradong komunikasyon ay karaniwang may kaakibat na sagradong damdamin.
“Ginagamit ng Panginoon ang mga taong nirerespeto natin upang turuan tayo ng mga katotohanan sa panaginip dahil nagtitiwala tayo sa kanila at makikinig tayo sa kanilang payo,” dagdag pa ni Elder Scott. “Ang Panginoon ang nagtuturo sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Gayunman, maaaring sa panaginip ay magagawa Niya itong mas madaling maunawaan at mas malamang na maantig ang ating puso sa pagtuturo sa atin sa pamamagitan ng isang taong mahal at nirerespeto natin.”3
Anuman ang paraan ng pakikipag-ugnayan sa atin ng Ama sa Langit, mahalagang tandaan na nais Niyang gawin ito.
Ipinaalala sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson: “Isa sa mga bagay na paulit-ulit na ikinikintal ng Espiritu sa aking isipan mula nang matawag ako sa bagong tungkulin bilang Pangulo ng Simbahan ay ang kahandaan ng Panginoon na ihayag ang Kanyang isipan at kalooban. Ang pribilehiyong makatanggap ng paghahayag ay isa sa mga pinakadakilang kaloob ng Diyos sa Kanyang mga anak.”4