2022
Dalawang Katotohanang Tutulong sa Atin na Harapin ang mga Pagsubok nang may Pananampalataya at Magandang Pananaw
Marso 2022


Digital Lamang

Dalawang Katotohanang Tutulong sa Atin na Harapin ang mga Pagsubok nang may Pananampalataya at Magandang Pananaw

Mula sa isang mensahe sa Brigham Young University Women’s Conference noong Abril 29, 2021. Para sa buong mensahe, bisitahin ang ChurchofJesusChrist.org/study/adults/women/byu-womens-conference.

Ang dalawang katotohanang ito—na ang mga pagsubok ay bahagi ng plano ng Diyos at isinugo ng Diyos ang Kanyang Anak upang tulungan tayo—ay talagang karaniwan sa ating mga paniniwala kaya maaaring madaling maliitin ang kapangyarihan ng mga ito.

pinagagaling ni Jesus ang isang lalaki

Hindi ko alam ang lahat ng pasanin at pagsubok na maaaring nararanasan ninyo, ngunit alam kong hinaharap ninyo ang mga ito! Ang mga ito ay mahahalagang bahagi ng mortal na karanasang ito.

Alam ng mga tao sa ating paligid ang ilan sa ating mga pagsubok. Ang iba naman ay Panginoon lamang ang may alam. Dalangin ko na nawa puspusin Niya ang inyong mga kaluluwa ng kapayapaan, na maglilingkod Siya sa inyo sa paraang Siya lamang ang makagagawa, habang pinag-aaralan natin ang dalawang pangunahing alituntuning ito. Kapag naging mas malalim ang ating pag-unawa at paniniwala sa dalawang pangunahing katotohanang ito, nagiging mas matagumpay tayo sa pagharap sa mga pagsubok sa buhay.

Alituntunin #1: Ang plano ng Ama sa Langit para sa buhay na ito ay kinapapalooban ng mga pagsubok, hamon, karamdaman, at oposisyon. Ang mga ito ay bahagi ng plano para sa espirituwal na pag-unlad ng bawat isa sa atin.

Sa Mahalagang Perlas, nalaman natin ang layunin ng ating karanasan sa mundo: “Susubukin natin sila upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos” (Abraham 3:25; idinagdag ang pagbibigay-diin). Ang katagang “susubukin natin sila” ay nagpapahiwatig ng isang “pagsubok” o “pagpapatunay” ng kung sino talaga tayo. Ang buhay na ito, kung gayon, ay isang pagsubok. Iyan ay isang mahalagang bahagi ng plano.

Hindi ito masyadong magiging isang pagsubok kung walang mga hamon o oposisyon. Sa buhay bago tayo isinilang, tinanggap natin ang plano ng ating Ama para sa mortal na buhay. Naunawaan natin na tayo ay susubukin. Naunawaan natin na magkakaroon ng “pagsalungat sa lahat ng bagay” (2 Nephi 2:11).

Lahat tayo ay kasalukuyang nakararanas ng oposisyong ito. Hindi natin ito dapat ikagulat. Mapapalakas ng ating mga hamon ang ating pasiya na lumakad nang may katapatan sa landas ng tipan. Kay ganda ng plano na nilikha ng ating Ama—isang mortal na karanasan, angkop para sa paglago at pag-unlad ng bawat isa sa Kanyang mga anak.

Alituntunin #2: Sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo para sa atin, nadama at dinaig ni Jesucristo ang bawat pagsubok, bawat hamon, bawat karamdaman, at bawat pighati na mararanasan natin. Dinaig Niya ang sanlibutan. Sasamahan Niya tayo sa paglakad. Hindi tayo nag-iisa.

Alam ng Ama sa Langit ang mga pagsubok at tuksong dumarating sa ating buhay, at hindi Niya tayo iniiwang nag-iisa sa pagharap sa mga ito. Isinugo ng Ama sa Langit ang Kanyang Anak na si Jesucristo upang tulungan tayo (tingnan sa Alma 7:11–13). Ayaw ng Tagapagligtas na harapin natin ang ating mga pagsubok nang mag-isa. “Tinapakan [niya] ang pisaan ng ubas nang mag-isa” (Doktrina at mga Tipan 133:50) upang hindi na natin ito kailangang gawin pa. Anuman ang harapin natin, susuportahan at tutulungan tayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo kapag lumapit tayo sa Kanila. Maaari tayong magtagumpay sa mga hamon at pagsubok at pighati sa mortal na buhay na ito.

Ang Kapangyarihan ng mga Katotohanang Ito

Ang dalawang katotohanang ito—na ang mga pagsubok ay bahagi ng plano ng Diyos at isinugo ng Diyos ang Kanyang Anak upang tulungan tayo—ay talagang karaniwan sa ating mga paniniwala kaya maaaring madaling maliitin ang kapangyarihan ng mga ito. Ngunit isipin kung paano makakaapekto ang mga katotohanang ito sa ating pananaw at nadarama tungkol sa paghihirap. Dahil nauunawaan natin ang layunin ng plano ng Diyos, alam natin na ang ating paghihirap ay hindi tanda na nabibigo tayo o nabibigo ang plano. Ang ibig sabihin nito ay sumusulong tayo. At dahil nauunawaan natin ang saklaw ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, alam natin na hindi natin kailangang harapin ang ating mga pagsubok nang mag-isa. Nauunawaan ng Tagapagligtas maging ang nasa ating kaibuturan at pinakapersonal na mga paghihirap, at alam Niya ang eksaktong paraan kung paano tayo matutulungang malampasan ang mga ito.

Lahat ng Bagay ay Magkakalakip na Gagawa para sa Inyong Ikabubuti

Marahil ay mailalarawan ko kung paano nagpapalakas sa atin ang pag-unawa sa plano ng Ama at sa banal na misyon ng Tagapagligtas na harapin ang mga hamon ng buhay.

Noong tag-init ng 2020, nagsimulang sumakit ang kaliwang balikat ko, at hindi ko malaman kung bakit. Hindi mawala-wala ang sakit, kaya sa huli, sa huling bahagi ng Oktubre, nagpatingin ako sa isang doktor. Tiningnan niya ang isang X-ray at sinabing magpa-CT scan ako. Nang sumunod na gabi, tinawagan ako ng doktor sa bahay—marahil ay hindi magandang palatandaan—at sinabi sa akin na may nakita sa CT scan na metastatic disease sa balikat ko. Sa madaling salita, sinabi niya na may kanser ako. Sinabi rin niya na tila naglakbay ito papunta sa aking balikat mula sa ibang dako sa aking katawan.

Tumayo ako mula sa aking upuan, pumasok sa kabilang silid, at sinabi kay Anne Marie na may kanser ako. Nang gabing iyon, nagbago ang aming buhay. Nagsimulang magbago ang lahat.

Nakipag-ugnayan ako sa aking ama at hiniling sa kanya na bigyan ako ng basbas. Siya’y 95 taong gulang. Nagtipon kami bilang pamilya sa bahay ng mga magulang ko. Sumama sa amin ang lahat ng anak namin. Isang himala na silang lahat ay nasa bayan namin. Maingat kaming nagsuot ng aming mask, maliban sa larawang ito.

larawan ng pamilya Pace

Larawang kuha ng Busath Photography

Umasa ako na, sa pagbabasbas, matutumbok ng aking ama ang problema at uutusan niya ang kanser na mawala. Ngunit hindi iyan ang basbas na ibinigay niya. Binasbasan niya ako na matutukoy ang kanser, na magkakaroon ng proseso ng paggamot dito, na susundin ko ang proseso ng panggagamot dito, at gagaling ako.

Sa sandaling inalis niya at ng aking mga anak ang kanilang mga kamay na nakapatong sa aking ulo, nakadama ako ng kapayapaan. Alam ko na ang payapang damdaming iyon ay dumating sa pamamagitan ng impluwensya ng Espiritu Santo.

Nang sumunod na buwan, kung medikal na aspeto ang pag-uusapan, hindi ko talaga alam kung ano ang kalagayan ko. Alam ko na may kanser ako sa balikat ko at sa isa pang bahagi ng aking katawan. Hindi ko alam kung anong uri ng kanser iyon o kung gaano ito kalala. Wala talaga akong gaanong alam.

Pero ito ang alam ko: ang aking ama, kasama ng apat kong anak na lalaki, ay nagbigay ng basbas sa akin sa pamamagitan ng awtoridad ng Melchizedek Priesthood. Malaki ang pananampalataya ko sa kapangyarihan ng basbas na iyon. Nanampalataya rin ako na ang basbas ay ayon sa kalooban ng Panginoon.

Sa buong buwan ng Nobyembre, nagpatuloy ang mga medikal na pagsusuri. Habang hinihintay namin ang mga resulta, nag-usap kami ni Anne Marie tungkol sa hinaharap at sa pananampalataya namin sa plano ng ating Ama sa Langit. Tinalakay namin ang posibilidad na marahil ay magiging mas maikli ang ilalagi ko sa buhay na ito kaysa inaasahan. Ngunit saanmang panig ng tabing ako mapunta, hindi nito binago ang pagmamahal namin sa isa’t isa o ang aming pagsasama o ang aming pamilya. Hindi nito binago ang aming pasasalamat sa Ama sa Langit dahil sa pagkakaloob Niya ng Kanyang Anak na si Jesucristo, at para sa pagpapalang makibahagi sa napakagandang mortal na karanasang ito.

Sa aming mga panalangin bilang mag-asawa, ipinagdasal namin na mailigtas ang buhay ko. Ngunit kung ang plano ay ang pumanaw ako sa panahong ito, tatanggapin din namin iyon. Ipinagdasal ko rin na malaman ko ang nais ng Panginoon na matutuhan ko mula sa karanasang ito. Naalala ko si Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol na nagsabi sa isang pagkakataon na binigyan siya ng Panginoon ng kanser upang makapagturo siya sa mga tao nang may awtentisidad.1 Patuloy kong pinagninilayan iyan.

Habang hinihintay namin ang resulta ng pagsusuri, patuloy akong nakadama ng kapayapaan. Lubos akong nagpapasalamat sa basbas ng aking ama. Kung espirituwal na aspeto ang pag-uusapan, natumbok niya ang problema at pinagaling niya ako. Espirituwal Niya akong pinagaling.

Habang nagaganap ang lahat ng ito, nadama ko ang pananampalataya at mga panalangin ng mga kaibigan, pamilya, at mga mahal sa buhay. Napakalaking bagay na matanto na ipinagdarasal kayo nang may malaking pananampalataya ng inyong mga anak, ng kanilang mga asawa, at ng inyong mga apo. Ang mga missionary at mga Banal na kasama naming naglingkod sa Spain Barcelona Mission ay sumasampalataya at nananalangin din para sa akin. Ano pa bang mga pagpapala ang mas hihigit pa kaysa roon? Ang mga panalanging ito ng pananampalataya at suporta mula sa napakaraming tao ay naging isang napakalakas na pagmamahal na pumuspos sa akin.

Sa wakas, dumating ang resulta ng pagsusuri. May kanser ako sa aking kanang bato, na kumalat na sa aking kaliwang balikat. Ang kanser ay humigit-kumulang isang taon na sa balikat ko at ibig sabihin nito ay mas matagal pa ito sa bato ko. Sa kung anong dahilan, na hindi ko alam, walang kanser sa aking utak o baga. Napakabait ng Panginoon. May proseso ng paggamot dito, sinusunod ko ito, at nagtitiwala ako na sa loob ng humigit-kumulang isang taon ay gagaling ako. “Ngunit kung sakali mang hindi” (Daniel 3:18), handa akong tanggapin ang kalooban ng Panginoon para sa akin.

Ngayon, hindi lang ako ang may iba’t ibang uri ng mga hamon sa kalusugan o alalahanin o pighati. Tulad ninyo, mayroon akong pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. Tulad ninyo, sumasampalataya ako sa plano ng Ama sa Langit. At tulad ninyo, nananampalataya ako na ang “lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa inyong ikabubuti, kung kayo ay lalakad nang matwid at tandaan ang tipan na inyong ipinakipagtipan sa isa’t isa” (Doktrina at mga Tipan 90:24).

Hindi ito nangangahulugan na aalisin ng ating pananampalataya ang ating mga pagsubok. Ngunit binibigyan tayo nito ng kapangyarihan at pananaw na matagumpay na harapin ang mga pagsubok na iyon.

Ang Halimbawa ng Tagapagligtas: “Huwag ang Kalooban Ko ang Mangyari, Kundi ang Iyo”

Itinuro sa atin ng ating Tagapagligtas, na ating halimbawa sa lahat ng bagay, kung paano matitiis nang may katapatan ang paghihirap. Ang lubos na nakaaantig ay ang Kanyang karanasan sa Getsemani:

“At Siya’y humiwalay sa kanila na may agwat na isang pukol ng bato. Siya’y lumuhod at nanalangin,

“Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang kopang ito; gayunma’y huwag ang kalooban ko ang mangyari, kundi ang sa iyo.

Nagpakita sa kanya ang isang anghel na mula sa langit na nagpalakas sa kanya” (Lucas 22:41–43; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Hindi inalis ng Ama ang kopang ito ng pagdurusa, ngunit hindi rin Niya tinalikuran ang Kanyang Pinakamamahal na Anak. Nagsugo Siya ng anghel para palakasin Siya, at sa pamamagitan ng lakas na iyon ay nagawa ng Tagapagligtas ang walang-hanggang Pagbabayad-sala.

Gayundin, kapag nahaharap tayo sa mga hamon, hindi palaging inaalis ng Ama ang pasanin, pero kapag sinusunod natin ang Kanyang kalooban, makakaasa tayo na bibigyan Niya tayo ng lakas na katumbas ng hamon.

Kapayapaan kay Cristo

Nagpapatotoo ako kay Jesucristo, ang tunay na pinagmumulan ng walang hanggang kapayapaan (tingnan sa Juan 16:33). Dahil nadaig Niya ang sanlibutan, binibigyan Niya tayo ng lakas na maharap ang bawat pagsubok na maibibigay sa atin ng mundo. Naglalaan Siya ng walang-hanggang pananaw sa pamamagitan ng Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo at kapanatagan sa pamamagitan ng impluwensya ng Espiritu Santo. Tunay ngang ang ebanghelyo ni Jesucristo ang sagot sa bawat problemang kinakaharap natin sa buhay.

“Kapayapaan ang aking iniiwan sa inyo,” sabi ng Tagapagligtas, “ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo. Hindi gaya ng ibinibigay ng sanlibutan ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag mabagabag ang inyong puso, o matakot man” (Juan 14:27).

Tala

  1. Tingnan sa Bruce C. Hafen, A Disciple’s Life: The Biography of Neal A. Maxwell (2002), 562.