2022
Pagbaling sa Diyos at sa Ating Pamilya
Marso 2022


“Pagbaling sa Diyos at sa Ating Pamilya,” Liahona, Mar. 2022.

Para sa mga Magulang

Pagbaling sa Diyos at sa Ating Pamilya

pamilya na magkakasamang nagha-hiking

Larawang kuha mula sa Getty Images

Minamahal na mga Magulang,

Makatatanggap tayo ng tulong ng Diyos para matiis ang mga pagsubok at mahihirap na panahon sa ating buhay. Ang isyung ito ay makatutulong sa iyo na ituro sa inyong mga anak kung paano tayo maililigtas ng Panginoon tulad ng ginawa Niya sa mga taong nabuhay sa panahon ng Lumang Tipan. Maaari rin ninyong gamitin ang mga ideya sa ibaba para matulungan kayong magsimula ng mga talakayan tungkol sa mga paraan para malutas ang alitan sa ating pamilya.

Mga Talakayan tungkol sa Ebanghelyo

Mga Paghihirap at Pagdurusa

Basahin ang artikulo ni Elder Christofferson sa pahina 6 tungkol sa paghihirap. Sa tulong ng Ama sa Langit, sa anong mga paraan tayo madadalisay ng mga pagsubok, sa halip na madaig tayo ng mga ito? Paano tayo makapaglilingkod sa mga taong nakararanas ng mga pagsubok sa buhay?

Pagsisikap sa Kabila ng mga Pagsubok

Basahin ang artikulo ni Elder Johnson sa pahina 44 tungkol kay Jose sa Egipto. Anyayahan ang inyong mga anak na isadula ang kuwento gamit ang mga costume at props. Pagkatapos ay talakayin, tulad ng napansin ni Elder Johnson, kung paano sila sinamahan ng Diyos sa mabubuti at masasamang panahon. Paano ninyo nakita ang kamay ng Diyos sa inyong buhay sa panahon ng inyong mga pagsubok?

Paglutas sa mga Kaguluhan

Basahin ang artikulo tungkol sa di-pagkakasundo sa pahina 26. Paano tayo matuturuan ng mga kuwento mula sa mga banal na kasulatan kung paano lulutasin ang alitan sa ating pamilya? Ano ang magagawa natin bilang mga indibiduwal para maging mas mabubuting tagapamayapa?

Suporta sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Para masuportahan ang lingguhang pag-aaral ng inyong pamilya ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin sa buwang ito, tingnan sa pahina 48 ang listahan ng mga pagkakatulad ni Jose ng Egipto at ni Jesucristo.

Katuwaan ng Pamilya sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Mga Kulay ng mga Emosyon

Exodo 3:7

Ipinaliwanag ng Panginoon kay Moises na nakita Niya ang mga paghihirap ng mga anak ni Israel, narinig ang kanilang mga panalangin, at alam ang kanilang mga kalungkutan (tingnan sa Exodo 3:7).

  1. Mag-assign sa bawat tao ng emosyon batay sa kulay na madalas na isinusuot nila:

    • Dilaw = masaya

    • Asul = malungkot

    • Pula = galit

    • Berde = panatag

    • Kahel = takot

    • Iba pa = lito o gulat

  2. Bawat isa ay magbabahagi ng isang partikular na karanasan nang madama nila ang emosyong iyon.

  3. Masasabi ba natin kung ano ang nadarama ng mga tao sa pamamagitan ng kanilang hitsura o sa isinusuot nila?

  4. Sino ang nakakakita ng lahat ng ating damdamin, kabilang na ang ating mga paghihirap at kalungkutan, kahit hindi ito kayang magawa ng iba?

  5. Maghanap ng mga banal na kasulatan na nagpapakita kung paano tayo kilala at nauunawaan ni Jesucristo.

Talakayan: Ano ang ilang pagsubok na naranasan na natin? Paano natin malalaman na alam ng Panginoon ang nangyayari sa atin sa mga panahong iyon?

Paghihintay sa mga Pagpapala

Genesis 6–11; Moises 8

Ang Genesis at Exodo ay naglalaman ng maraming pangako mula sa Panginoon, pati na ng mga kuwento ng mga taong matiyagang naghihintay sa mga pangakong iyon. Naghintay si Jacob na makita ang pagpapala ng pagiging isang dakilang bansa. Hinintay ni Jose na tulungan siya ng Panginoon na makalabas ng bilangguan. Naghintay ang mga anak ni Israel na mapalaya mula sa pananakop ng Egipto.

  1. Pumili ng isang tao na magiging lider at patayuin ang lahat sa dulo ng silid.

  2. Kapag nagtaas ng kamay ang lider, ang lahat ay hahakbang palapit sa kanya. Kapag ibinaba ng lider ang kamay niya, lahat ay titigil. Kung may mahuhuling humahakbang kapag nakababa na ang kamay ng lider, kailangang pumunta ang taong iyon sa dulo ng silid para magsimulang muli.

  3. Ang unang taong makakarating sa lider ang magiging lider sa susunod na laro.

Talakayan: Sama-samang basahin ang Mormon 8:22. Habang binabasa ninyo ang Genesis at ang mga sumusunod na aklat ng Lumang Tipan sa taong ito, pansinin ang lahat ng pangako ng Panginoon at kung kailan natupad ang mga ito. Bakit mahalagang tukuyin ang mga pangako ng Panginoon sa ating sariling buhay at magtiwala sa Panginoon habang naghihintay tayo sa mga pangakong iyon?