2022
Ang Nagpapadalisay na Apoy ng Paghihirap
Marso 2022


“Ang Nagpapadalisay na Apoy ng Paghihirap,” Liahona, Mar. 2022.

Ang Nagpapadalisay na Apoy ng Paghihirap

Dalangin ko na bawat isa sa atin ay mapalapit sa ating Ama sa Langit at sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga pagsubok sa ating buhay.

estatwa ng babaeng nakatingala sa itaas

Mga larawan mula sa Getty Images

Hindi natin dapat ikagulat ang paghihirap sa buhay. Nagmumula man ito sa sarili nating mga kasalanan at pagkakamali o sa iba pa, ang paghihirap ay isang katotohanan ng mortal na buhay. Iniisip ng ilang tao na dapat silang maligtas mula sa anumang paghihirap kung susundin nila ang mga kautusan ng Diyos, ngunit tayo ay pinili “sa hurno ng kapighatian” (Isaias 48:10; 1 Nephi 20:10). Maging ang Tagapagligtas ay hindi malaya rito:

“Bagama’t siya’y isang Anak, siya’y natuto ng pagsunod sa pamamagitan ng mga bagay na kanyang tiniis,

at nang maging sakdal, siya ang naging pinagmulan ng walang hanggang kaligtasan ng lahat ng mga sumusunod sa kanya” (Mga Hebreo 5:8–9).

Para sa atin na may pananagutan, ang paghihirap ay kadalasang mahalagang bahagi ng ating “pagiging perpekto” kalaunan. Ito ang dahilan kaya higit pa sa isang simpleng pagsusulit na may mga pagpipilian ang buhay. Ang Diyos ay hindi lamang interesado sa ating ginagawa o hindi ginagawa kundi sa kung ano ang ating kahihinatnan.1 Kung handa tayo, tuturuan Niya tayong kumilos tulad ng Kanyang ginagawa sa halip na pakilusin lamang tayo ng iba pang mga puwersa (tingnan sa 2 Nephi 2:14–16). Kailangan nating matutunang maging matwid sa lahat ng sitwasyon o, tulad ng sinabi ni Pangulong Brigham Young (1801–77), maging “sa kadiliman.”2

Naniniwala ako na ang hamon ng pagdaig at paglago mula sa mga pagsubok ay naging kalugud-lugod sa atin nang ilahad ng Diyos sa premortal na daigdig ang Kanyang plano ng pagtubos. Dapat nating harapin ang hamong iyan ngayon na nababatid na tutulungan tayo ng ating Ama sa Langit. Ngunit mahalagang bumaling tayo sa Kanya. Kung wala ang Diyos, ang madidilim na karanasang ito ay mauuwi sa pagiging desperado, kawalan ng pag-asa, at maging sa kapaitan.

estatwa na may kapita-pitagang mukha

Sa tulong ng Diyos, sa huli ay mapapalitan ng kapanatagan ang pasakit, hahalili ang kapayapaan sa kaguluhan, at masasalitan ng pag-asa ang kalungkutan. Gagawin Niyang pagpapala ang pagsubok at, sa mga salita ni Isaias, “[bi]bigyan sila ng putong na bulaklak sa halip na mga abo.”3 Ang Kanyang pangako ay hindi upang iligtas tayo sa kaguluhan kundi upang pangalagaan at aluin tayo sa ating mga paghihirap at ilaan ang mga ito para sa ating kapakinabangan (tingnan sa 2 Nephi 2:2; 4:19–26; Jacob 3:1).

Bagama’t hindi ipipilit ng ating Ama sa Langit ang Kanyang tulong at mga pagpapala sa atin, Siya ay kikilos sa pamamagitan ng awa at biyaya ng Kanyang Pinakamamahal na Anak at ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu na tutulong sa atin kapag hinanap natin Siya. Nakakakita tayo ng maraming halimbawa ng suportang iyan sa ating paligid at sa talaan ng mga banal na kasulatan.

Mga Halimbawa sa Lumang Tipan

Sa Lumang Tipan ay nakikita natin ang masunuring si Abraham na matiyagang naghihintay sa loob ng maraming taon sa katuparan ng mga pangako ng Diyos sa kanya—mga lupang mana at mabubuting inapo. Sa gitna ng taggutom, mga pagbabanta sa kanyang buhay, kalungkutan, at pagsubok, patuloy na nagtiwala at naglingkod si Abraham sa Diyos at siya ay tinulungan Niya dahil dito. Iginagalang natin ngayon si Abraham bilang “ama ng matatapat.”3

Ang apo ni Abraham na si Jacob ay tumakas mula sa tahanan, nag-iisa at tila halos kanyang mga damit lamang ang dala, upang makatakas sa mga banta ng kamatayan ng kanyang kapatid na si Esau. Nang sumunod na 20 taon, naglingkod si Jacob sa kanyang tiyo na si Laban. Bagama’t ibinigay ni Laban kay Jacob ang ligtas na kanlungan at kalaunan ang dalawa sa kanyang mga anak na babae para maging mga asawa, naging mapanlinlang siya kay Jacob, binabago ang kanyang kabayaran at mga kasunduan nang maraming beses sa tuwing tila nahihigitan siya ni Jacob (tingnan sa Genesis 31:41).

Nang sa wakas ay naghiwalay na sila, dumaing si Jacob sa kanyang biyenan, “Kung ang Diyos ng aking ama … ay wala sa aking panig, tiyak na palalayasin mo ako ngayon na walang dala” (Genesis 31:42). Sa halip, dahil kasama niya ang Diyos, umuwi si Jacob na nagbago mula sa pagiging isang takas na wala ni isang kusing tungo sa pagiging isang asawa at ama ng isang malaking pamilya. Napakarami niyang tagapaglingkod at sagana siyang nabiyayaan ng kayamanan ng panahong iyon—mga kawan ng tupa, baka, at kamelyo (tingnan sa Genesis 32).

Si Jose na anak ni Jacob ay klasikong halimbawa ng isang taong palaging nananaig sa paghihirap sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Diyos kung kailan maaaring nakadama ang iba na sila ay pinabayaan na Niya. Una, ipinagbili siya ng kanyang sariling mga kapatid para maging alipin. Pagkatapos, nang tumaas ang kanyang katungkulan at ang paggalang sa kanya sa bahay ng kanyang among taga-Egipto na si Potiphar, si Jose ay pinaratangan ng asawa ni Potiphar at ibinilanggo sa kabila ng literal na pagtakbo palayo sa kasalanan. Gayunpaman, patuloy na nagtiwala si Jose sa Diyos. Kahit nasa bilangguan, siya ay umunlad ngunit nalimutan kalaunan ng mga taong tinulungan niya sa kabila ng kanilang mga pangako. (Tingnan sa Genesis 37; 39-41.) Sa huli, tulad ng alam natin, si Jose ay ginantimpalaan ng mataas na katungkulan at ng mga paraan upang iligtas ang pamilya ng kanyang ama (at ang buong Egipto) sa panahon ng taggutom.

Matiyagang Pagtitiis

Ipinapakita sa atin ng mga ito at ng iba pang mga halimbawa na ang paghihirap ay karaniwang nadaraig sa paglipas ng panahon. Kailangan ng pagtitiis at pagtitiyaga. Gayunpaman, binabantayan at tinutulungan tayo ng ating Ama sa Langit sa kabuuan ng ating pagtitiis—hindi Siya naghihintay hanggang sa matapos ito.

Minsan ay napansin ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kung sa pamamagitan lamang nito, tiyak na ang paglipas ng panahon ay hindi magdudulot ng awtomatikong pag-unlad. Gayunman, tulad ng alibughang anak, kadalasan ay kailangan natin ang ‘paglipas ng panahon’ para mapalago ang ating espirituwalidad. (Lucas 15:17.) Ang nakaaantig na muling pagkikita nina Jacob at Esau sa disyerto, matapos ng napakaraming taon ng pag-aaway bilang magkapatid, ay isang klasikong halimbawa. Ang pagiging bukas-palad ay maaaring pumalit sa pagkapoot. Ang pagmumuni-muni ay makapagdudulot ng pananaw. Ngunit ang pagmumuni-muni at pagsisiyasat sa sarili ay nangangailangan ng oras. Napakaraming espirituwal na kahihinatnan ang nangangailangan ng pinagsamang nakapagliligtas na mga katotohanan at panahon, na nagbibigay karanasan, na pinakamabisang lunas sa napakaraming bagay.”4

Sinabi ni Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Ang paghihintay sa Panginoon ay hindi pag-aaksaya ng inyong oras. Hindi ninyo dapat maramdaman kahit kailan na para kayong naghihintay sa loob ng isang silid.

“Ang paghihintay sa Panginoon ay nangangailangan ng pagkilos. Natutuhan ko sa pagdaan ng mga taon na lumalakas ang ating pag-asa kay Cristo kapag naglilingkod tayo sa ibang tao. …

“Ang personal na pag-unlad na mararating ng isang tao ngayon habang naghihintay sa Panginoon at sa Kanyang mga pangako ay walang kasinghalaga at sagradong bahagi ng Kanyang plano para sa bawat isa sa atin.”5

Ang matiyagang pagtitiis ay isang uri ng pagbaling at pagtitiwala sa Diyos. Sa mga talata bago ang kanyang payo na magtanong sa Diyos kung nagkukulang tayo ng karunungan, sinabi ito ni Santiago tungkol sa pagtitiyaga:

“Mga kapatid ko, ituring ninyong buong kagalakan kapag kayo’y nahaharap sa sari-saring pagsubok,

yamang inyong nalalaman na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay nagbubunga ng pagtitiis.

“At inyong hayaan na malubos ng pagtitiis ang gawa nito, upang kayo’y maging sakdal at ganap, na walang anumang kakulangan” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Santiago 1:2; Santiago 1:3–4).

Pinadadalisay ng mga Paghihirap

estatwa ni Jesucristo

Larawang kuha ni Rachael Pancic

Kapag natatanggap natin ang tulong ng ating Ama sa Langit, ang ating paghihirap at mga pagdurusa ay magpapadalisay sa atin sa halip na daigin tayo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:7–8). Tayo ay magiging mas masasaya at mas pinagpala na mga nilalang. Sa isang paghahayag sa dating Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol na si Thomas B. Marsh, sinabi ito ng Panginoon tungkol sa Kanyang mga Apostol: “At matapos ang kanilang mga tukso, at maraming pagdurusa, masdan, ako, ang Panginoon, ay maaawa sa kanila, at kung hindi nila patitigasin ang kanilang mga puso, at hindi patitigasin ang kanilang mga leeg laban sa akin, sila ay magbabalik-loob, at akin silang pagagalingin” (Doktrina at mga Tipan 112:13).

Masasabi natin na sa pamamagitan ng paghihirap ay makikilala natin ang “iisang Diyos na tunay, at si Jesu-Cristo na [Kanyang] sinugo” (Juan 17:3). Sa paghihirap, lumalakad tayong kasama Nila sa araw-araw. Dahil tayo ay ginawang mapagpakumbaba, natututo tayong umasa sa Kanila “sa bawat pag-iisip” (Doktrina at mga Tipan 6:36). Maglilingkod sila sa atin sa proseso ng espirituwal na pagsilang na muli. Naniniwala akong wala nang ibang paraan.

Dalangin ko na bawat isa sa atin ay mapalapit sa ating Ama sa Langit at sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga pagsubok sa ating buhay. Kasabay nito, nawa’y matuto tayong maglingkod sa iba sa kanilang mga paghihirap ayon sa huwaran ng Diyos. Sa pamamagitan ng “pagdurusa at hirap at lahat ng uri ng tukso” na “[n]alaman [ng Tagapagligtas] ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan” (Alma 7:11–12). Para sa atin, “kapag, sa sandaling iyon, tayo na rin ay hindi nababanat sa isang partikular na krus, dapat ay nasa paanan tayo ng iba—puno ng pagdamay at pagbibigay ng espirituwal na lakas.”6

Mga Tala

  1. Tingnan sa Dallin H. Oaks, “Ang Hamon na Magkaroon ng Kahihinatnan,” Liahona, Ene. 2001, 40–43.

  2. Brigham Young, sa James E. Faust, “Ang Liwanag sa Kanilang mga Mata,” Liahona, Nob. 2005, 22.

  3. Bible Dictionary, “Abraham.”

  4. Neal A. Maxwell, “Endure It Well,” Ensign, Mayo 1990, 34.

  5. M. Russell Ballard, “Umasa Kay Cristo,” Liahona, Mayo 2021, 55; ang pagbibigay-diin ay nasa orihinal.

  6. Neal A. Maxwell, “Endure It Well,” 34.