“Aalis Ba Ako?,” Liahona, Mar. 2022.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw: Kababaihang May Pananampalataya
Aalis Ba Ako?
Matapos akong maghinanakit sa isang aktibidad ng Relief Society, kinailangan kong magpasya.
Hindi nagtagal matapos akong sumapi sa Simbahan, nagbiro ang isang lider ng Relief Society tungkol sa mga nakakatawang sitwasyon. Bigla siyang nagbiro tungkol sa akin sa harap ng lahat. Hindi ako naging komportable at naghinanakit ako.
Ang una kong naisip ay huwag nang bumalik sa ward. Binuklat ko ang aking mga banal na kasulatan, sinisikap na makahanap ng kapanatagan. Habang nagbabasa ako, nakita ko ang isang talata kung saan tinanong ni Jesus ang mga taong naghinanakit dahil sa Kanyang mga turo, “Ibig din ba ninyong umalis?” (Juan 6:67).
Agad akong sumagot sa isip ko, “Hindi, hindi ako aalis!”
Tinawagan ko ang Relief Society president, na nagrekomenda na tawagan ko ang sister na nagbiro tungkol sa akin. Tinawagan ko siya at ipinahayag ang nadarama ko. Nagkasundo kami na maganda ang pagpapatawa ngunit hindi kami dapat magbiro tungkol sa isang taong hindi namin kilala sa harap ng isang grupo ng mga tao. Pinag-usapan din namin ang tungkol sa pagiging sensitibo sa mga bagong miyembro ng ward.
Patuloy akong dumalo sa ward na iyon habang nakatira ako sa lungsod na iyon. Nagkaroon ako ng maraming magagandang karanasan matapos akong magbalik-loob sa ebanghelyo.
Sa aking personal na paglalakbay sa pagdaig sa paghihinanakit sa mga pagkakasala ng iba, natuklasan ko ang nakatutulong na mga salitang ito mula sa mga lider ng ating Simbahan:
“Kung sasabihin o gagawin ng isang tao ang isang bagay na ipagdaramdam natin, ang unang obligasyon natin ay tumangging masaktan at pagkatapos ay makipag-usap nang sarilinan, tapat, at tuwiran sa taong iyon.”1
“Ipinapangako ko sa inyo, kapag pinili ninyong huwag maghinanakit … , madarama ninyo ang pagmamahal at pagsang-ayon [ng Tagapagligtas].”2
Nagpapasalamat ako na pinili kong huwag umalis sa Simbahan dahil sa isang hindi magandang komento. At nagpapasalamat ako na maging miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan, kung saan ay nakatatanggap ako ng lakas na maging matapat at magpatuloy sa landas ng pagkadisipulo. Pinasasalamatan ko ang payo ng mga propeta at apostol, na nagtuturo sa atin kung paano makipag-ugnayan sa ating mga kapatid sa ebanghelyo.
Magpapatuloy ako na maging tapat at piliing huwag magdamdam. Maaari akong magtuon sa sarili kong mga pagsisikap na maging katulad ni Cristo at madama ang pagmamahal at pagsang-ayon ng Tagapagligtas.
Aalis ba ako? Hindi. May patotoo ako na ito ang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo sa lupa ngayon at ito ay may “mga salita ng buhay na walang hanggan” (Juan 6:68).