Digital Lamang: Mga Larawan ng Pananampalataya
Sumandig sa Akin
Nang ibahagi ko ang aking mga tanong at alalahanin sa aking ama, may sinabi siya sa akin na hindi ko malilimutan kailanman.
Noong bata pa ako, palagi akong sumasama sa aking ama sa aming munting bukirin, nagmamakaawang magtrabaho, at nagsisikap na matulungan siya sa marami niyang proyekto. Gustung-gusto kong sumasakay sa kanyang trak at tumutulong sa kanya na magkambyo. Naaalala kong binabasahan niya kaming mga bata ng mga kuwento at isinasama niya kami sa mga sleigh ride, pangingisda, at pagkakamping. Ang pagsakay sa mga kabayo kasama si Itay, lalo na sa mga bundok, ay palaging magiging espesyal na alaala.
Nang pumasok ako sa hayskul, nagsimula akong mag-isip ukol sa mga bagay na itinuro sa akin tungkol sa ebanghelyo. Ang mga bagay na sinabi ng ilan sa aking mga kaibigan ay lumikha ng mga tanong at pag-aalinlangan sa aking isipan.
Isang gabi, ako ay tumayo sa aming sala at tumingin sa mga bituin sa labas ng aming malaking bintana. Gabing-gabi na, at akala ko ay tulog na ang lahat. Ngunit pumunta si Itay sa tabi ko, at nagsimula kaming mag-usap.
Sinabi ko sa kanya ang aking mga tanong at alalahanin. Bilang tugon, nagpatotoo ang aking ama na alam niyang totoo ang ebanghelyo. Pinag-usapan namin ang tungkol sa pagkabahala sa “mga hiwaga” at kung gaano kahangal iyon. Sinabi ni Itay na kailangan kong magkaroon ng mga sarili kong konklusyon at maaaring abutin iyon nang mahabang panahon. Pagkatapos ay may sinabi siya sa akin na hindi ko malilimutan kailanman. Sinabi niya na kapag may mga tanong o alalahanin ako, maaari akong sumandig sa kanyang pananampalataya at patotoo.
Mahal ko ang aking ama at alam kong hindi niya ako sadyang ililigaw o sasabihan ng bagay na hindi totoo. Kung sigurado siya sa kanyang pinaniniwalaan, alam kong mapagkakatiwalaan ko siya.
Kaya sumandig ako.
Noong nagtatrabaho ako, kung kailan nalantad ako sa maraming ideya, teorya, uri ng pamumuhay, at paniniwala na humamon sa akin, ako ay tumingin at sumandig sa aking ama. Noong naging maybahay at ina ako, kung kailan nasubukan ng mga karanasan ang aking pananampalataya, ako ay tumingin at sumandig sa aking ama. Maging ngayon, kung kailan iniisip ko ang mga kasalukuyang nangyayari sa mundo, ako ay tumitingin at sumasandig sa aking ama.
Madalas kong ginugunita ang gabing iyon at ang aking pakikipag-usap kay Itay. Iniisip ko kung gaano maiiba ang aking buhay kung wala ang panatag na katiyakan at matatag na halimbawang ibinigay niya.
Noong bata pa ako, hindi ko inaalala ang mga kailangan sa buhay. Inalagaan ako ng aking mga butihing magulang. Ngunit sa lahat ng bagay na ibinigay sa akin ng aking mga magulang, ang pinakalubos kong ipinagpapasalamat ay ang mahahalagang aral na itinuro nila sa akin, ang matibay na pundasyon sa ebanghelyo na ibinigay nila sa akin, at ang simple at ulirang pamumuhay na ipinakita nila sa akin.
Nagpapasalamat din ako na naroon si Itay na masasandigan ko—hindi lang minsan kundi palagi. Siya ay isang napakagandang halimbawa ng mga bagay na pinakamahalaga. Ang aking ama ang aking idolo.