“Bumisita Tayo sa Templo,” Liahona, Mar. 2022.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw: Kababaihang May Pananampalataya
Bumisita Tayo sa Templo
Nang ipinagdasal ko para malaman kung paano ko matutulungan ang aking biyenang babae, naisip ko ang templo.
Sa panahon ng pandemyang COVID-19, nagsara ang Bogotá Colombia Temple. Dahil hindi na ako makadalo, kung minsan ay iniisip ko na naglalakad-lakad ako sa templo, ginugunita ang paglilingkod na nagawa ko roon bilang temple worker.
Nagkasakit nang malubha ang aking biyenang babae matapos magsimula ang COVID-19 quarantine sa Colombia. Nang ipinagdasal kong malaman kung paano ko siya matutulungan, naisip ko ang templo.
Habang iniisip ko ang templo, nadama ko na hinikayat ako ng Espiritu Santo na tanungin ang aking biyenan kung gusto niyang bisitahin sa kanyang isipan, kasama ko, ang “isa sa pinakamagagandang lugar sa lupa”.
Sa isang mahinang tinig, sumagot siya ng, “Oo.”
Inisip namin na nagmula kami kunwari sa bahay niya sa Medellín, nagbiyahe papunta sa bahay ko sa Bogotá, at pagkatapos ay darating sa templo. Inisip namin na kunwari ay pumasok kami at naglingkod sa templo. Inisip namin na kunwari ay magkasama kaming nakaupo sa celestial room, na nagpapasalamat sa Panginoon sa panalangin.
Pagkatapos, nagsumamo kami sa Ama sa Langit na mabawi ng aking biyenan, ayon sa Kanyang kalooban, ang kanyang kalusugan at kalaunan ay mapayagan siyang pisikal na makabalik sa templo. Ito ay isang espesyal at tahimik na karanasan na nagpalakas at nagpasigla sa kanya.
Ang isa sa mga kuwento tungkol sa Tagapagligtas na umaantig nang husto sa akin ay ang nangyari sa lungsod ng Capernaum. Itinuturo sa atin ng kuwentong ito na mapagpapala at mapagagaling ng Panginoon ang iba sa pamamagitan ng tulong mula sa mga kapamilya at kaibigan.
Nang malaman ng mga tao sa Capernaum na nasa isang bahay si Jesus, dinala nila sa kanya ang isang lalaking lumpo.
“Nang hindi nila ito mailapit sa kanya dahil sa karamihan ng tao, kanilang tinanggal ang bubungan sa tapat ng kanyang kinaroroonan. Nang kanilang mabutas iyon, ibinaba nila ang higaang kinahihigan ng lumpo.”
Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi Niya sa lalaki, “Tumayo ka, damputin mo ang iyong higaan, at umuwi ka.” (Tingnan sa Marcos 2:1–11.)
Tulad ng lalaking lumpo, pinagaling ng kapangyarihan ng Tagapagligtas ang aking biyenang babae sa pamamagitan ng basbas ng priesthood at ng kanyang pananampalataya at ng pananampalataya ng pamilya at mga kaibigan.
Sa mga panahong ito ng kawalang-katiyakan, alam ko na maaari tayong makatanggap ng patnubay para palakasin at pasiglahin ang mga nangangailangan. Kung babaling tayo sa Ama sa Langit at lagi natin Siyang aalalahanin at ang Kanyang Anak, magtatamo tayo ng kapayapaan, pag-asa, at paggaling.