2022
Ang Makita ang Mukha ng Diyos sa Ating mga Kaaway
Marso 2022


“Ang Makita ang Mukha ng Diyos sa Ating mga Kaaway,” Liahona, Mar. 2022.

Ang Makita ang Mukha ng Diyos sa Ating mga Kaaway

Ang mga aral na ito sa pagdaig sa hidwaan mula sa aklat ng Genesis ay maaaring magbigay ng isang huwaran para sa sarili nating buhay.

dalawang pares ng mga kamay na humahatak ng lubid sa isang tug-of-war

Mga larawang-guhit ni David Green

Bilang isang tagapamagitan sa hidwaan, nakapulot ako ng maraming karunungan kung paano mawawala ang hidwaan at magkakasundong muli mula sa pagsunod sa halimbawa at mga turo ni Jesucristo sa Bagong Tipan. Gayunman, ang Bagong Tipan ay hindi lamang ang tanging aklat ng banal na kasulatan na nakagabay sa akin sa buong propesyon ko. Ang Lumang Tipan ay may ilang nakakagulat na malalalim na aral na makakatulong sa atin kapag nasadlak tayo sa nakapipinsalang hidwaan.

Ano ang nakapipinsalang hidwaan? Ito ay kapag ang kawalan natin ng kakayahang makipagtulungan sa iba na lutasin ang mga problema ay nagdudulot sa ating saktan ang iba o ang ating sarili.

Kaakibat ng nakapipinsalang hidwaan ang takot na masaktan kapwa sa pag-iisip na magkakaroon ng hidwaan at sa magiging bunga ng hidwaan, takot na hindi mahalin o makita sa paraang nais nating makita tayo, at takot na mabigong makahanap ng mga solusyon sa mga problemang bumabagabag sa atin. Kapag hinayaan nating manaig ang takot na iyon, hindi na natin madarama na malulutas natin ang mga problemang kinakaharap natin at kadalasa’y nakararanas tayo ng kawalang-pag-asa, kahihiyan, o damdaming tila wala na tayong magagawa.

Ang uring iyon ng hidwaan ay mapanganib para sa karamihan ng mga tao, kung kaya sa huli ay gumagamit tayo ng di-makatutulong na mga pamamaraan ng pagtugon sa hidwaan tulad ng pag-iwas, kaluwagan, o kompetisyon bilang paraan ng pagsisikap na mawala ang hidwaan. Sa kasamaang-palad, sa nakapipinsalang hidwaan, wala ni isa sa mga solusyong iyon ang talagang epektibo.

Oo, dapat nating iwasan ang pagtatalo (tingnan sa 3 Nephi 11:29). Ngunit hindi natin kailanman dapat iwasan, talikuran, o salakayin ang mga taong kalaban natin. Sa halip, kailangan nating matutuhang mahalin ang mga taong ito. Kailangan nating gamitan ng pag-ibig sa kapwa, ang dalisay na pag-ibig ni Cristo, ang ating mga kaaway (tingnan sa Moroni 7:47).

Itinuro ni Jesus na madaling mahalin ang mga nagmamahal sa iyo. Sinabi rin Niya, “Ngunit sinasabi ko sa inyo, Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at idalangin ninyo ang umuusig sa inyo” (Mateo 5:44). Inuutusan tayo ng Tagapagligtas na magmahal na tulad Niya at maging perpektong tulad Niya (tingnan sa Juan 13:34; 3 Nephi 12:48). Maaaring nangangahulugan ito na maging handang mahalin ang iba kahit tila peligroso ang magmahal nang gayon. Maaari tayong mag-atubili dahil likas na umiiwas tayo sa panganib. Ngunit tinutulungan tayo ng pagpapasiyang mahalin ang mga taong maaaring makasakit sa atin na daigin ang nadaramang takot at mapuspos ng pag-ibig sa kapwa.

Ang ganitong uri ng pagmamahal ay nangangailangan ng kawalan ng takot sa harap ng hidwaan. Nananawagan ito sa atin na buksan ang ating sarili sa mga taong kalaban natin sa isang paraan na “matiisin at magandang-loob; … Hindi nito ipinipilit ang sariling kagustuhan, hindi mayayamutin, hindi nagtatala ng mga pagkakamali. … Pinapasan nito ang lahat ng bagay, pinaniniwalaan ang lahat ng bagay, inaasahan ang lahat ng bagay, tinitiis ang lahat ng bagay. … Ang pag-ibig ay walang katapusan” (1 Corinto 13:4–5, 7–8). Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay nagpapakita ng ganitong uri ng pagmamahal nang walang garantiya na gayon din ang ipapakita ng mga taong kalaban nila.

Hinahayaan tayo ng pagmamahal na makita nang napakalinaw ang ating mga kapatid na kalaban natin kaya ang kanilang mga pangangailangan at hangarin ay mahalaga sa atin na katulad ng sa sarili natin, anuman ang tingin nila sa atin. Gagawin natin ang anumang kailangan para makahanap ng mga solusyon na tutugon sa kanilang mga pangangailangan at maging sa sarili nating mga pangangailangan.

May dalawang kuwento sa Lumang Tipan na magagandang halimbawa ng pagmamahal na ito.

Esau at Jacob

nagtagpo sina Esau at Jacob

Esau and Jacob Embracing [Sina Esau at Jacob na Magkayakap], ni Robert T. Barrett

Sa Genesis 25, mababasa natin ang isang hidwaan sa pamilya sa pagitan ng dalawang magkapatid, sina Esau at Jacob, na mga anak ni Isaac. Ibinenta ni Esau ang kanyang mana kay Jacob kapalit ng isang mangkok ng nilaga (tingnan sa Genesis 25:30–31). Kalaunan, sa pagsunod sa payo ng kanyang ina, nagpanggap si Jacob na siya si Esau upang matanggap ang huling basbas ni Isaac (tingnan sa Genesis 27:6–29).

Kinamuhian ni Esau si Jacob at sinumpa nitong papatayin niya ang kanyang kapatid. Tumakas si Jacob para makitira sa tiyo niyang si Laban. (Tingnan sa Genesis 27:41–45.) Kalaunan ay nagkaproblema si Jacob sa kanyang tiyo at napilitang umuwi (tingnan sa Genesis 31). Alam ni Jacob na mangangahulugan ito na magkakaharap sila ni Esau, na may mas malaking hukbo. Natakot siya para sa kanyang buhay at sa buhay ng kanyang pamilya (tingnan sa Genesis 32:7–8).

Sa araw na magtatagpo sila, nagpadala si Jacob ng maraming kambing, kamelyo, baka, tupa, at asno bilang handog para sa kapayapaan. Pagkatapos ay yumukod siya nang pitong beses habang papalapit siya sa kanyang kapatid. Tumugon si Esau sa paraang hindi inaasahan ni Jacob. Umiyak si Esau, niyakap ang kanyang kapatid, at sinabi rito na hindi na kailangan ang mga handog para sa kapayapaan.

Naantig si Jacob sa pagmamahal ni Esau at tumugon:

“Hindi, nakikiusap ako sa iyo, na kung ngayo’y nakatagpo ako ng biyaya sa iyong paningin, ay tanggapin mo nga ang aking kaloob mula sa aking kamay; sapagkat nakita ko ang iyong mukha, na gaya ng nakakita ng mukha ng Diyos, at ikaw ay nalugod sa akin.

“Nakikiusap ako sa iyo, tanggapin mo ang kaloob na dala ko sa iyo sapagkat lubos na ang ipinagkaloob sa akin ng Diyos, at mayroon ako ng lahat na kailangan ko. Kaya’t hinimok ni Jacob si Esau at kanyang tinanggap [ito]” (Genesis 33:10–11).

Tatlong Elementong Kailangan para Mamuhay nang Payapa

Sumagisag si Jacob sa huwaran ng pagmamahal dito na natuklasan ko bilang pinakamabisang paraan para makipagbati sa mga taong nagawan natin ng kasalanan o nagkasala sa atin.

Inilalarawan sa Mga Awit 85:10 ang mga kundisyon ng pakikipagbati: “Magsasalubong ang tapat na pag-ibig at katapatan, ang katuwiran at kapayapaan ay maghahalikan.” Natugunan ng pagbabati nina Jacob at Esau ang mga kundisyong matatagpuan sa Mga Awit.

Kinailangan ng tapang nina Jacob at Esau para tanggapin ang katotohanan na hindi sila magkaaway—sila ay magkapatid. Kinailangan ng awa para patawarin nila ang isa’t isa. Kinailangan ng kabutihan—ang uri ng katarungan na itinatama ang nagawa nating mali at ng iba—upang magawang ialok ni Jacob kay Esau ang isang bahagi ng mga natanggap niyang biyaya. Nang lahat ng tatlo sa mga elementong iyon ay naroon, tinulutan sila nitong mamuhay nang payapa.

Masusunod natin ang gayong huwaran sa sarili nating buhay.

Kapag nasadlak tayo sa nakapipinsalang hidwaan, ang takot natin sa hidwaan at takot natin sa iba ay maaaring magparalisa sa atin o maging dahilan para kumilos tayo sa mga paraan na magpapalala sa mga bagay-bagay, hindi magpapabuti. Madalas tayong mangatwiran na hindi magiging epektibo ang anumang maaari nating gawin para mabaligtad ang paulit-ulit na nakapipinsalang sitwasyon. Nawawalan tayo ng tiwala na maaaring magbago ang iba.

Gayunman, ang halimbawa ni Jacob ay nagbibigay din sa atin ng paraan para malagpasan ang gayong uri ng hidwaan. Hinarap ni Jacob ang takot niya sa kanyang kapatid at ang takot sa hidwaan nila. Mas inalala niyang “protektahan ang kanilang relasyon” kaysa “protektahan ang kanyang sariling interes” sa sandaling iyon, kaya hinarap niya ang kanyang kapatid, at inialok dito kapwa ng katotohanan at katarungan para sa anumang maling nagawa niya. Ang puso ni Esau, na minsang naghangad na patayin si Jacob, ay lumambot; napalitan ito ng awa at kapayapaan. Nakahanap si Jacob ng paraan para mahalin ang kanyang kaaway at, sa paggawa nito, nakita niya “ang mukha ng Diyos” na nakatingin sa kanya.

Sa kabila ng pagkabalisang maaari nating madama sa pagharap sa hidwaan sa ganitong paraan, mas epektibo ito sa pagbabago ng gayong hidwaan kaysa anupaman. Ang pag-ibig na tulad ng kay Cristo ay lumilikha ng puwang para tunay nating makita ang mga taong nahihirapan tayong pakisamahan sa paraang nagpapabago kapwa sa atin at sa kanila.

Si Jose at ang Kanyang mga Kapatid

si Jose ng Ehipto na nakikipagbati sa kanyang mga kapatid

Jose ng Egipto, ni Michael T. Malm

Isang henerasyon pagkatapos ni Jacob, makikita natin ang isa pang mabisang halimbawa ng pagmamahal mula sa bunsong anak ni Jacob na si Jose.

Si Jose ay ipinagbili para maging alipin ng kanyang mga kapatid na nainggit sa kanya noong bata pa siya. Tulad ni Esau, nadama ng mga kapatid ni Jose na paborito siya ng kanilang ama at mas napaboran si Jose. Labis na nagdusa si Jose dahil sa masamang hangarin sa kanya ng kanyang mga kapatid. Ilang taon siyang nawalay sa kanyang pamilya, nauwi sa pagiging alipin, at nabilanggo nang ilang panahon. Sa huli, tinulungan siya ng Panginoon na madaig ang kanyang paghihirap, at siya ay naging isang makapangyarihang pinuno sa Ehipto. (Tingnan sa Genesis 37–45.)

Nagdusa rin ang kanyang mga kapatid at, sa isang panahon ng taggutom, nagpunta sila sa Ehipto, nagugutom at nanghihina. Nang makatagpo nila si Jose, hindi nila siya nakilala at humingi sila ng tulong.

May karapatan si Jose na ipabilanggo ang kanyang mga kapatid upang makapaghiganti sa kanila. Iyon ang nararapat sa kanila. Sa halip ay pinili niyang biyayaan sila—na patawarin sila, na mahalin sila.

“Lumapit kayo sa akin,” sabi niya sa kanila. “At sila’y lumapit. [A]t kanyang sinabi, ‘Ako’y si Jose na inyong kapatid, na inyong ipinagbili upang dalhin sa Ehipto.

“Ngayon huwag kayong magdalamhati o magalit sa inyong mga sarili sapagkat ako’y ipinagbili ninyo rito; sapagkat sinugo ako ng Diyos na una sa inyo upang magligtas ng buhay” (Genesis 45:4–5).

Hindi lamang pinatawad ni Jose ang kanyang mga kapatid kundi nakakita rin siya ng isang makabuluhang layunin sa kanilang hidwaan. Natanto niya na ang kamay ng Diyos ay nasa lahat ng bagay at na sa kabila ng pagdurusang tiniis nilang lahat, “Sinugo ako ng Diyos na una sa inyo upang magpanatili para sa inyo ng mga matitira sa daigdig at upang panatilihing buhay para sa inyo ang maraming nakaligtas” (Genesis 45:7).

mga kamay na nakahulagpos sa lubid

Muli, maaaring makontrol ng gayon ding huwaran ang ating buhay kapag kinikilala natin na ang sakit ng hidwaan ay talagang maaaring magdulot sa atin ng mga kahihinatnan na magpapatatag sa ating pamilya at komunidad kung magtutulungan tayong makahanap ng mga solusyon.

Lahat tayo ay daranas ng hidwaan. Masasaktan tayo rito. Kung minsa’y napakatindi. Lagi akong namamangha sa pasakit na nadarama ng iba kapag lubha tayong nasangkot sa hidwaan, lalo na sa mga mahal sa buhay. Gayunman, hindi kailangang magwakas ang kuwento sa sakit at takot na iyon.

Maaari nating piliing tingnan sa ibang paraan ang hidwaan at ang mga taong kalaban natin, tulad ng ginawa ni Jose. Maaari nating piliing kalimutan ang galit, sama-ng-loob, at paninisi at yakapin ang ating mga kaaway.

Maaari nating piliing magmahal sa halip na matakot at matuklasan—tulad ng ginawa nina Jacob, Esau, Jose, at ng kanyang mga kapatid—na ang ating mga kaaway ay ating mga kapatid. Sa pagsisikap na makipagbati sa kanila, makikita rin natin ang mukha ng Diyos.