2022
Relief Society President Toshiko Yanagida
Marso 2022


“Relief Society President Toshiko Yanagida,” Liahona, Mar. 2022.

Mga Kuwento mula sa Mga Banal, Tomo 3

Relief Society President Toshiko Yanagida

larawan ni Toshiko Yanagida

Si Sister Yanagida, na makikita rito sa edad na 18, ang unang Relief Society president sa Japan.

Larawan sa kagandahang-loob ng Kato, Yoshihiro

Ang mga Banal sa Nagoya ay nagdaos ng kanilang unang pulong sa Sunday School noong Enero 1950. Upang makaakit ng mas maraming tao, naglagay si Toshiko at ang mga missionary ng mga flyer sa isang lokal na pahayagan. Nang sumunod na Linggo, 150 katao ang pumunta sa lecture hall. Ang mga pulong ng mga Banal sa mga Huling Araw ay madalas na umakit sa maraming tao sa Japan pagkatapos ng digmaan dahil maraming tao ang naghangad ng pag-asa at kahulugan matapos ang trauma na naranasan nila.1 Ngunit para sa karamihan, ang interes sa Simbahan ay pansamantala lamang, lalo na nang maging mas matatag ang ekonomiya ng bansa. Habang nababawasan ang nadaramang pangangailangan ng mga tao na manampalataya, bumaba ang bilang ng mga dumadalo sa mga pulong.2

Para naman kina Toshiko at sa kanyang asawang si Tokichi, nahirapan sila sa mga aspeto ng pagiging Banal sa mga Huling Araw—lalo na sa pagbabayad ng ikapu. Wala gaanong kinikita si Tokichi, at kung minsa’y napapaisip sila kung may sapat silang pambayad para sa pananghalian ng kanilang anak sa paaralan. Gusto rin sana nilang makabili ng bahay.

gusali sa Japan na may karatula ng Simbahan sa harap nito

Mga larawang-guhit ni Greg Newbold

Pagkatapos ng isang pulong sa Simbahan, nagtanong si Toshiko sa isang missionary tungkol sa ikapu. “Ang mga Hapones ay napakahirap ngayon pagkatapos ng digmaan,” sabi niya. “Napakahirap ng ikapu para sa amin. Dapat ba kaming magbayad?”3

Tumugon ang elder na iniutos ng Diyos sa lahat na magbayad ng ikapu, at binanggit niya ang mga pagpapala ng pagsunod sa alituntunin. Nag-alinlangan si Toshiko—at medyo nagalit. “Ito ay pag-iisip ng mga Amerikano lamang,” sabi niya sa kanyang sarili.

Hinikayat siya ng iba pang mga missionary na manampalataya. Ipinangako ng isang sister missionary kay Toshiko na ang pagbabayad ng ikapu ay makatutulong sa kanyang pamilya na maabot ang kanilang mithiin na magkaroon ng sarili nilang bahay. Dahil gusto nilang maging masunurin, nagpasya sina Toshiko at Tokichi na magbayad ng kanilang ikapu at magtiwala na darating ang mga pagpapala.4

Sa panahong ito, nagsimulang magdaos ang mga sister missionary ng di-pormal na mga pulong ng Relief Society sa kanilang apartment para kay Toshiko at sa iba pang kababaihan sa lugar. Nagbahagi sila ng mga mensahe ng ebanghelyo, tinalakay ang mga praktikal na paraan para mapangalagaan ang kanilang mga tahanan, at natutong magluto ng mga hindi mamahaling pagkain. Tulad ng mga Relief Society sa ibang panig ng mundo, nagkaroon sila ng mga bazaar, kung saan ay nagtinda sila ng tsokolate at iba pang mga paninda upang kumita ng pera para sa kanilang mga aktibidad. Mga isang taon matapos magsimulang magdaos ng mga pulong ang mga Banal na Nagoya, ang Relief Society ay pormal na inorganisa, at si Toshiko ang naging pangulo.5

Nakita rin nila ni Tokichi ang mga pagpapalang nagmumula sa pagbabayad ng ikapu. Bumili sila ng abot-kayang lote sa lungsod at gumawa ng mga blueprint para sa isang bahay. Pagkatapos ay nag-apply sila para sa home loan sa pamamagitan ng isang bagong programa ng pamahalaan, at nang nakatanggap sila ng pahintulot na magtayo, sinimulan nilang gawin ang pundasyon.

Maayos ang takbo ng proseso hanggang sa mapansin ng isang inspektor ng mga gusali na hindi madaling marating ng mga bumbero ang kanilang lote. “Ang lupaing ito ay hindi lupaing angkop sa pagtatayo ng bahay,” sinabi niya sa kanila. “Hindi kayo maaaring magpatuloy sa pagtatayo.”

Hindi sigurado kung ano ang gagawin, nakipag-usap sina Toshiko at Tokichi sa mga missionary. “Kaming anim ay mag-aayuno at mananalangin po para sa inyo,” sabi sa kanila ng isang elder. “Gawin rin po ninyo ito.”

Nang sumunod na dalawang araw, nag-ayuno at nanalangin ang mga Yanagida kasama ang mga missionary. Pagkatapos ay dumating ang isa pang inspektor para muling suriin ang kanilang lote. Kilala siya sa pagiging mahigpit, at noong una ay binigyan niya ang mga Yanagida ng kakaunting pag-asa na ipapasa ang inspeksyon. Ngunit nang tingnan niya ang lote, napansin niya ang isang solusyon. Sa isang emergency, maaaring makarating ang fire department sa ari-arian sa pamamagitan lamang ng pag-aalis ng kalapit na bakod. Sa huli, pinayagang magtayo ng kanilang bahay ang mga Yanagida.

isang inspektor ng mga gusali kasama sina Brother at Sister Yanagida

“Palagay ko ay may nagawa kayong dalawa na pambihirang kabutihan noon,” sabi sa kanila ng inspektor. “Sa buong panahon ko bilang inspektor, hindi ako kailanman naging ganito kamapagparaya.”

Tuwang-tuwa sina Toshiko at Tokichi. Sila ay nag-ayuno at nanalangin at nagbayad ng kanilang ikapu. At tulad ng ipinangako ng sister missionary, nagkaroon sila ng sariling tahanan.6

Mga Tala

  1. Yanagida, Oral History Interview [2001], 6; Yanagida, “Memoirs of the Relief Society in Japan,” 145. Paksa: Japan

  2. Yanagida, “Relief Society President Experiences”; Takagi, Trek East, 332–33.

  3. Yanagida, Oral History Interview [1996], 12–13. Paksa: Ikapu

  4. Yanagida, Oral History Interview [1996], 12–13.

  5. Toshiko, “Memoirs of the Relief Society in Japan,” 145–48; Yanagida, “Relief Society President Experiences”; Derr, Cannon, at Beecher, Women of Covenant, 318; Margaret C. Pickering, “Notes from the Field,” Relief Society Magazine, Enero. 1949, 36:200–208.

  6. Yanagida, Oral History Interview [1996], 12–13; Yanagida, “Ashiato,” 10–14.